Matatas Ka ba sa Pagsasalita ng “Dalisay na Wika”?
Matatas Ka ba sa Pagsasalita ng “Dalisay na Wika”?
“Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova.”—ZEF. 3:9.
1. Anong napakagandang kaloob ang ibinigay ni Jehova sa atin?
ANG kaloob na wika ay hindi nagmula sa mga tao kundi sa Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova. (Ex. 4:11, 12) Binigyan niya ang unang taong si Adan hindi lamang ng kakayahang magsalita kundi pati na ng kakayahang bumuo ng mga bagong salita kung kaya lumawak ang kaniyang bokabularyo. (Gen. 2:19, 20, 23) Napakaganda ngang kaloob ito! Pinangyari pa nga nito na makausap ng mga tao ang kanilang makalangit na Ama at purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan.
2. Bakit iba-iba na ang wika ng mga tao?
2 Sa unang 17 siglo ng pag-iral ng tao, iisa lamang ang wika, na may ‘iisang kalipunan ng mga salita.’ (Gen. 11:1) Pagkatapos ay nagkaroon ng paghihimagsik noong panahon ni Nimrod. Sinalungat ng masuwaying mga tao ang mga tagubilin ni Jehova at nagsama-sama sila sa isang lugar na nang maglaon ay tinawag na Babel, anupat desidido silang manatili roon. Nagsimula silang magtayo ng isang napakalaking tore, hindi para luwalhatiin si Jehova, kundi para ‘gumawa ng bantog na pangalan’ sa kanilang sarili. Kaya ginulo ni Jehova ang orihinal na wika ng mga rebeldeng iyon at pinangyari niyang magsalita sila ng iba’t ibang wika. Dahil dito, nangalat sila sa buong lupa.—Basahin ang Genesis 11:4-8.
3. Ano ang nangyari nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga rebelde sa Babel?
3 Sa ngayon, literal na libu-libong wika—mahigit 6,800 ayon sa ilan—ang ginagamit sa buong daigdig. Ang bawat isa sa mga wikang ito ay may kani-kaniyang paraan ng paghahanay ng mga ideya. Kung gayon, lumilitaw na nang guluhin ng Diyos na Jehova ang wika ng mga rebeldeng iyon, binura niyang lahat sa kanilang isip ang dati nilang wika. Hindi lamang siya naglagay ng mga bagong bokabularyo sa kanilang isip kundi binago rin niya ang paraan nila ng paghahanay ng mga ideya at gumawa siya ng mga bagong balarila. Hindi nga kataka-taka na ang kinatatayuan ng toreng iyon ay tawaging Babel na nangangahulugang kaguluhan! (Gen. 11:9) Kapansin-pansin na tanging ang Bibliya lamang ang nakapagbigay ng sapat na paliwanag kung bakit nagkaroon ng iba’t ibang wika sa ngayon.
Isang Bago at Dalisay na Wika
4. Ano ang inihula ni Jehova na mangyayari sa ating panahon?
4 Kung kawili-wili man ang ulat ng Bibliya tungkol sa ginawa ng Diyos sa Babel, mas kawili-wili at mas mahalaga ang nagaganap sa ating panahon. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, inihula ni Jehova: “Kung magkagayon ay ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zef. 3:9) Ano ba ang ‘dalisay na wikang’ iyon, at paano tayo matututong magsalita nito nang matatas?
5. Ano ang dalisay na wika, at ano ang ibinunga ng pagbabagong ito ng wika?
5 Ang dalisay na wika ay ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin na mababasa sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Kalakip sa ‘wikang’ iyan ang wastong pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung paano nito mapababanal ang pangalan ni Jehova, maipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya, at maidudulot ang walang-hanggang pagpapala sa tapat na mga tao. Ano ang ibubunga ng pagbabagong ito ng wika? Sinabi sa atin na ang mga tao ay ‘tatawag sa pangalan ni Jehova’ at ‘maglilingkod sa kaniya nang balikatan.’ Di-gaya ng nangyari sa Babel, ang pagbabagong ito tungo sa dalisay na wika ay nagbunga ng papuri sa pangalan ni Jehova at pagkakaisa para sa kaniyang bayan.
Ang Pag-aaral ng Dalisay na Wika
6, 7. (a) Ano ang kailangan sa pag-aaral ng bagong wika, at paano ito kumakapit sa pag-aaral ng dalisay na wika? (b) Ano ang isasaalang-alang natin ngayon?
6 Kapag gusto ng isang tao na matuto ng ibang wika, hindi lamang siya basta magsasaulo ng mga bagong salita. Sa pag-aaral ng bagong wika, kailangang matuto ng bagong paraan ng pag-iisip o bagong paraan ng paghahanay ng mga ideya. Maaaring iba ang paraan ng pangangatuwiran at pagpapatawa sa ibang wika. Ang pagbigkas ng mga bagong salita ay mangangailangan ng ibang paraan ng paggamit sa dila. Ganiyan din sa pag-aaral ng dalisay na wika ng katotohanan sa Bibliya. Higit pa ang kailangan kaysa sa basta matuto lamang ng ilang saligang turo ng Bibliya. Upang maging bihasa sa bagong wikang ito, kailangan nating baguhin ang paraan ng ating pag-iisip.—Basahin ang Roma 12:2; Efeso 4:23.
7 Ano ang tutulong sa atin para matatas tayong makapagsalita ng dalisay na wika sa halip na basta maunawaan lamang ito? Gaya ng pag-aaral ng anumang wika, may ilang pangunahing paraan na makatutulong sa atin upang maging bihasa sa pagsasalita ng wika ng katotohanan sa Bibliya. Isaalang-alang natin ang ilang pangunahing paraan na ginagamit ng mga tao para matuto ng ibang wika at tingnan natin kung paano tayo matutulungan nito na matutuhan ang bagong makasagisag na wikang ito.
Matatas na Pagsasalita ng Dalisay na Wika
8, 9. Ano ang dapat nating gawin kung gusto nating matuto ng dalisay na wika, at bakit napakahalaga nito?
8 Makinig na mabuti. Sa umpisa, maaaring ibang-iba sa pandinig ang isang bagong wika. (Isa. 33:19) Pero kapag pinakikinggan nang mabuti ng isa ang kaniyang naririnig, unti-unti na niyang masusundan ang bawat salita at ang paraan ng pagsasabi nito. Sa katulad na paraan, pinapayuhan tayo: “Kailangang magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.” (Heb. 2:1) Paulit-ulit na pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Siya na may mga tainga ay makinig.” (Mat. 11:15; 13:43; Mar. 4:23; Luc. 14:35) Oo, kailangan nating ‘pakinggan at kunin ang diwa’ ng ating naririnig upang mas maunawaan natin ang dalisay na wika.—Mat. 15:10; Mar. 7:14.
9 Kailangan magtuon ng pansin kapag nakikinig, pero talagang sulit naman ito. (Luc. 8:18) Kapag nasa Kristiyanong mga pagpupulong, nagtutuon ba tayo ng pansin sa mga ipinaliliwanag doon, o gumagala-gala ang ating isip? Napakahalagang pagsikapan natin na magtuon ng pansin sa programa. Kung hindi, aktuwal na magiging mapurol tayo sa ating pakikinig.—Heb. 5:11.
10, 11. (a) Bukod sa pakikinig na mabuti, ano pa ang dapat nating gawin? (b) Ano pa ang kailangan sa pagsasalita ng dalisay na wika?
10 Tularan ang mga matatas magsalita. Hinihimok ang mga nag-aaral ng isang bagong wika na hindi lamang makinig na mabuti kundi magsikap ding tularan, o gayahin, ang paraan ng pagsasalita at pagbigkas ng mga matatas magsalita. Tutulong ito upang ang mga nag-aaral ay huwag magkaroon ng puntó na baka maging dahilan para hindi sila maintindihan ng iba. Sa katulad na paraan, dapat tayong matuto mula sa mga bihasa na sa “sining ng pagtuturo” ng bagong wika. (2 Tim. 4:2) Magpatulong ka. Maging handang tumanggap ng pagtutuwid kapag nagkakamali ka.—Basahin ang Hebreo 12:5, 6, 11.
11 Ang pagsasalita ng dalisay na wika ay hindi lamang basta paniniwala sa katotohanan at pagtuturo nito sa iba kundi kailangan din nating iayon ang ating paggawi sa mga kautusan at simulain ng Diyos. Para magawa ito, kailangan nating tularan ang iba. Kasama na rito ang pagtulad sa kanilang pananampalataya at sigasig. Kasama rin dito ang pagtulad sa paraan ng pamumuhay ni Jesus. (1 Cor. 11:1; Heb. 12:2; 13:7) Kung pagsisikapan nating magawa ito, magbubunga ito ng pagkakaisa sa gitna ng bayan ng Diyos, anupat makapagsasalita sila, wika nga, nang may magkakatulad na puntó.—1 Cor. 4:16, 17.
12. Ano ang kaugnayan ng pagsasaulo sa pag-aaral ng isang bagong wika?
12 Magsaulo. Ang mga nag-aaral ng wika ay kailangang magsaulo ng maraming bagong bagay. Kasama na rito ang mga bagong salita at ekspresyon. Para sa mga Kristiyano, ang pagsasaulo ay napakalaking tulong para maging mahusay sa dalisay na wika. Tiyak na makabubuti sa atin na sauluhin ang sunud-sunod na mga aklat ng Bibliya. Naging tunguhin ng ilan na magsaulo ng mga teksto sa Bibliya. Naging kapaki-pakinabang naman sa iba na sauluhin ang mga awiting pang-Kaharian, pangalan ng mga tribo ng Israel at ng 12 apostol, at mga katangiang bumubuo ng bunga ng espiritu. Noong sinaunang panahon, saulado ng maraming Israelita ang mga awit. Sa panahon natin ngayon, may isang batang lalaki na nakapagsaulo ng mahigit 80 teksto sa Bibliya nang salita por salita noong siya’y anim na taóng gulang pa lamang. Magagamit ba natin sa mas mahusay na paraan ang napakahalagang kakayahang ito?
13. Bakit napakahalaga ng pag-uulit?
13 Ang pag-uulit ay tumutulong sa memorya, at isang mahalagang bahagi ng ating edukasyong Kristiyano ang paulit-ulit na paalaala. Sinabi ni apostol Pedro: “Lagi akong handa na ipaalaala sa inyo ang tungkol sa mga bagay na ito, bagaman alam ninyo ang mga ito at matibay kayong nakatatag sa katotohanan na naririyan sa inyo.” (2 Ped. 1:12) Bakit natin kailangan ang mga paalaala? Dahil ito’y nagpapalalim ng ating kaunawaan, nagpapalawak ng ating pangmalas, at nagpapatibay ng ating determinasyong sundin si Jehova. (Awit 119:129) Sa patuloy na pagrerepaso ng mga pamantayan at simulain ng Diyos, masusuri natin ang ating sarili at mapaglalabanan ang tendensiya na maging “isang tagapakinig na malilimutin.” (Sant. 1:22-25) Kung hindi natin palaging paaalalahanan ang ating sarili tungkol sa katotohanan, maiimpluwensiyahan ng ibang mga bagay ang ating puso at baka mawala na ang ating tatas sa pagsasalita ng dalisay na wika.
14. Ano ang tutulong sa atin sa pag-aaral ng dalisay na wika?
14 Magbasa nang malakas. (Apoc. 1:3) Sinusubok ng ilang estudyante na pag-aralan nang tahimik ang bagong wika. Hindi gaanong maganda ang resulta nito. Kapag nag-aaral ng dalisay na wika, baka kailangan nating magbasa “nang pabulong” para makapagtuon tayo ng pansin. (Basahin ang Awit 1:1, 2.) Kung gagawin natin ito, mas matatandaan natin ang ating binabasa. Sa wikang Hebreo, ang ekspresyong “magbasa nang pabulong” ay may malapit na kaugnayan sa pagbubulay-bulay. Kung paanong kailangan ang panunaw para lubusan nating pakinabangan ang ating kinakain, kailangan din ang pagbubulay-bulay para maunawaan natin ang ating binabasa. Naglalaan ba tayo ng sapat na panahon para mabulay-bulay ang ating pinag-aaralan? Matapos basahin ang Bibliya, pag-isipang mabuti ang ating binasa.
15. Paano natin mapag-aaralan ang “balarila” ng dalisay na wika?
15 Suriin ang balarila. Kung minsan, kapaki-pakinabang din kung susuriin natin ang balarila, o hanay ng mga salita at mga alituntunin, ng isang bagong wika na pinag-aaralan natin. Kung gagawin natin ito, maiintindihan natin kung paano binubuo ang mga pangungusap, na tutulong naman sa atin para masabi ito nang tama. Kung paanong may balarila ang isang wika, ang dalisay na wika ng katotohanan sa Kasulatan ay mayroon ding sariling balarila o “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita.” (2 Tim. 1:13) Kailangan nating tularan ang “parisan” na iyan.
16. Anong tendensiya ang dapat nating iwasan, at paano natin ito magagawa?
16 Patuloy na sumulong. Ang isang tao ay maaaring matuto ng isang wika anupat nagagamit na niya ito sa mga simpleng pakikipag-usap pero hanggang doon na lamang. Posible ring magkaroon ng ganitong problema sa mga nagsasalita ng dalisay na wika. (Basahin ang Hebreo 5:11-14.) Ano ang tutulong sa atin para maiwasan ang ganitong tendensiya? Sikaping mapalawak ang iyong bokabularyo, wika nga. “Ngayong iniwan na natin ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang, na hindi na muling naglalatag ng pundasyon, samakatuwid nga, ang pagsisisi mula sa patay na mga gawa, at pananampalataya sa Diyos, ang turo tungkol sa mga bautismo at ang pagpapatong ng mga kamay, ang pagkabuhay-muli sa mga patay at ang walang-hanggang hatol.”—Heb. 6:1, 2.
17. Bakit mahalagang ugaliin ang regular na pag-aaral? Ilarawan.
17 Magtakda ng tiyak na panahon ng pag-aaral. Mas mabuti ang maiikling pag-aaral pero regular, kaysa sa mahahabang pag-aaral pero bihira naman. Mag-aral sa panahong handa ang isip at hindi madaling magambala. Ang pag-aaral ng bagong wika ay para ding paggawa ng landas sa isang kagubatan. Habang madalas itong daanan, lalong nagiging madaling dumaan doon. Kapag matagal na hindi nadaanan ang landas na ito, unti-unti itong maggugubat ulit. Kaya napakahalaga ng pagtitiyaga at pagiging palagian! (Dan. 6:16, 20, Ang Biblia) “Maging handa kayo at laging” manalangin kapag nagsasalita ng dalisay na wika ng katotohanan sa Bibliya.—Efe. 6:18, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
18. Bakit dapat tayong magsalita ng dalisay na wika sa bawat pagkakataon?
18 Magsalita! Magsalita! Magsalita! May ilang nag-aaral ng bagong wika na atubiling gamitin ito sa pagsasalita dahil nahihiya sila o natatakot magkamali. Kung gayon, hindi sila susulong. Kapag nag-aaral ng bagong wika, magsanay nang magsanay. Habang patuloy na ginagamit ng estudyante ang bagong wika, lalo siyang nagiging komportable sa pagsasalita nito. Sa katulad na paraan, kailangan din tayong magsalita ng dalisay na wika sa bawat pagkakataon. “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Hindi lamang sa panahon ng ating bautismo tayo gumagawa ng “pangmadlang pagpapahayag” kundi ginagawa rin natin ito kapag ipinakikipag-usap natin ang tungkol kay Jehova sa bawat pagkakataon, pati na sa ating pakikibahagi sa ministeryo. (Mat. 28:19, 20; Heb. 13:15) Ang ating Kristiyanong mga pagpupulong ay nagbibigay rin sa atin ng pagkakataon na magbigay ng maikli at di-paliguy-ligoy na mga ekspresyon gamit ang dalisay na wika.—Basahin ang Hebreo 10:23-25.
May-Pagkakaisang Gamitin ang Dalisay na Wika sa Pagpuri kay Jehova
19, 20. (a) Anong kahanga-hangang bagay ang isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon? (b) Ano ang pasiya mo?
19 Tiyak na mananabik ka kung ikaw ay nasa Jerusalem noong Linggo ng umaga, Sivan 6, taóng 33 C.E.! Nang umagang iyon, bago mag-alas nuwebe, ang lahat ng nagkakatipon sa silid sa itaas ay “nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika” sa makahimalang paraan. (Gawa 2:4) Sa ngayon, wala nang kaloob na mga wika para sa mga lingkod ng Diyos. (1 Cor. 13:8) Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa mahigit 430 wika.
20 Tuwang-tuwa tayo na anuman ang wika natin, may-pagkakaisa tayong nagsasalita ng dalisay na wika ng katotohanan sa Bibliya! Sa paanuman, ito’y kabaligtaran ng nangyari sa Babel. Para bang pinupuri ng bayan ni Jehova ang kaniyang pangalan gamit ang iisang wika. (1 Cor. 1:10) Sana’y ipasiya nating patuloy na maglingkod “nang balikatan” kasama ng ating mga kapatid sa buong lupa habang lalo tayong nagiging matatas sa pagsasalita ng nag-iisang wikang iyan, sa ikaluluwalhati ng ating makalangit na Ama, si Jehova.—Basahin ang Awit 150:1-6.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang dalisay na wika?
• Ano ang kailangan sa ating pagsasalita ng dalisay na wika?
• Ano ang tutulong upang matatas tayong makapagsalita ng dalisay na wika?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 23]
Maging Mas Matatas sa Pagsasalita ng Dalisay na Wika sa Pamamagitan ng
◆ pakikinig na mabuti.
◆ pagtulad sa mga matatas magsalita.
◆ pagsasaulo at pag-uulit.
◆ pagbabasa nang malakas.
◆ pagsusuri sa “balarila.”
◆ pagsisikap na sumulong nang patuluyan.
◆ pagtatakda ng tiyak na panahon ng pag-aaral.
◆ pagsasalita nito.
[Mga larawan sa pahina 24]
Ang bayan ni Jehova ay may-pagkakaisang nagsasalita ng dalisay na wika