Tulungan Silang Bumalik sa Kongregasyon sa Lalong Madaling Panahon!
Tulungan Silang Bumalik sa Kongregasyon sa Lalong Madaling Panahon!
“Kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”—JUAN 6:68.
1. Ano ang sinabi ni Pedro nang iwan si Jesus ng maraming alagad?
SA ISANG pagkakataon, iniwan si Jesu-Kristo ng maraming alagad dahil hindi nila matanggap ang isa sa kaniyang mga turo. “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” ang tanong niya sa kaniyang mga apostol. Sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:51-69) Wala na silang iba pang mapupuntahan. Wala sa Judaismo ang “mga pananalita ng buhay na walang hanggan,” at tiyak na hindi masusumpungan sa ngayon ang gayong mga pananalita sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Para sa mga napawalay sa kawan ng Diyos subalit nagnanais na paluguran si Jehova, “oras na upang gumising” at bumalik sa kongregasyong Kristiyano.—Roma 13:11.
2. Ano ang dapat tandaan may kaugnayan sa kompidensiyal o hudisyal na mga bagay?
2 Nagpakita si Jehova ng pagmamalasakit sa nawawalang mga tupa ng Israel. (Basahin ang Ezekiel 34:15, 16.) Sa katulad na paraan, ang Kristiyanong matatanda ay may pagnanais at pananagutan na tulungan ang isang tulad-tupang indibiduwal na napawalay sa kawan. Kapag nag-atas sila ng isang mamamahayag upang magdaos ng pag-aaral sa isang di-aktibong gustong magpatulong, ano ang dapat gawin ng mamamahayag kung malaman niyang nakagawa ng malubhang kasalanan ang di-aktibo? Sa halip na magbigay ng payo hinggil sa hudisyal o kompidensiyal na mga bagay, dapat niyang imungkahi sa di-aktibo na makipag-usap sa matatanda. Kapag hindi ito ginawa ng di-aktibo, dapat ipaalam ng mamamahayag sa matatanda ang situwasyon.—Lev. 5:1; Gal. 6:1.
3. Ano ang naging reaksiyon ng lalaking may 100 tupa nang makita niya ang nawawalang tupa?
3 Sa naunang artikulo, binanggit ang ilustrasyon ni Jesus hinggil sa isang lalaking may 100 tupa. Nang mawala ang isang tupa, iniwan niya ang 99 at hinanap ang nawawala. Tuwang-tuwa ang lalaki nang makita niya ang tupa! (Luc. 15:4-7) Gayundin ang kagalakang nadarama natin kapag bumalik sa kongregasyon ang isang di-aktibo. Dahil sa pag-ibig, malamang na dinalaw na ng matatanda at iba pang miyembro ng kongregasyon ang di-aktibo. Gusto rin nilang makita ang kapananampalatayang ito na bumalik sa kongregasyon at tamasahin ang pag-alalay, proteksiyon, at pagpapala ng Diyos. (Deut. 33:27; Awit 91:14; Kaw. 10:22) Kung may pagkakataon silang makatulong sa di-aktibo, ano ang maaari nilang gawin?
4. Anong punto ang mauunawaan natin sa Galacia 6:2, 5?
4 Marahil ay mapasisigla nila ang di-aktibo na bumalik sa kongregasyon sa pamamagitan ng may-kabaitang pagtulong sa kaniya na maunawaang iniibig ni Jehova ang Kaniyang mga tupa at hinihiling lamang Niya ang mga bagay na kaya nating gawin. Kasama rito ang pag-aaral ng Kasulatan, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Baka angkop na basahin sa kaniya ang Galacia 6:2, 5 at banggitin na maaaring magtulungan ang mga Kristiyano sa pagdadala ng kani-kanilang pasanin, pero ‘ang bawat isa ang magdadala ng kaniyang sariling pasan’ sa harap ni Jehova. Walang sinuman ang puwedeng maglingkod sa Diyos para sa atin.
Naging Di-aktibo ba Sila Dahil sa mga “Kabalisahan sa Buhay”?
5, 6. (a) Bakit mahalaga na makinig tayong mabuti kapag ipinahahayag ng di-aktibong mga kapananampalataya ang kanilang niloloob? (b) Paano mo matutulungan ang mga di-aktibo na makitang walang mabuting ibinunga ang hindi pakikisama sa bayan ng Diyos?
5 Para malaman ng matatanda at iba pang may-gulang na mamamahayag kung paano matutulungan ang di-aktibong mga kapananampalataya, dapat silang makinig na mabuti kapag ipinahahayag ng mga di-aktibo ang kanilang niloloob. Kung ikaw ay isang matanda na dumadalaw sa isang mag-asawa na naging di-aktibo dahil sa mga “kabalisahan sa buhay,” ano ang maaari mong gawin? (Luc. 21:34) Maaaring nanlamig sila sa espirituwal dahil sa mga pinansiyal na problema o pagdami ng pananagutan sa pamilya. Baka sabihin nilang kailangan nilang bawasan ang kanilang mga pananagutan para guminhawa ang kanilang buhay, pero maaari mong banggitin na hindi solusyon ang pagbukod o paghiwalay mula sa kongregasyon. (Basahin ang Kawikaan 18:1.) Maaari mo silang tanungin sa mataktikang paraan: “Mas maligaya ba kayo nang hindi na kayo dumadalo sa mga pagpupulong? Mas maganda ba ang buhay ng pamilya ninyo ngayon? Nadarama pa rin ba ninyo ang kagalakang naidudulot ng pagtitiwala kay Jehova?”—Neh. 8:10.
6 Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga tanong ay maaaring makatulong sa mga di-aktibo na makitang ang kanilang hindi pakikisama sa kongregasyon ang siyang dahilan kung bakit nanghina sila sa espirituwal at kung bakit hindi na sila maligaya di-tulad ng dati. (Mat. 5:3; Heb. 10:24, 25) Baka matulungan natin silang maunawaan na hindi na rin nila natatamasa ang kagalakang nagmumula sa pangangaral ng mabuting balita. (Mat. 28:19, 20) Kaya ano ang matalinong gawin ng isang di-aktibo?
7. Ano ang mapasisigla nating gawin ng mga napawalay sa kawan?
7 Sinabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay . . . Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.” (Luc. 21:34-36) Ang mga napawalay sa kawan na nagnanais na muling matamasa ang kaligayahang taglay nila noong una ay maaaring pasiglahin na manalangin ukol sa banal na espiritu at tulong ng Diyos at kumilos kasuwato ng kanilang mga panalangin.—Luc. 11:13.
Natisod Kaya Sila?
8, 9. Paano maaaring mangatuwiran sa isang natisod ang isang matanda?
8 Dahil di-sakdal ang mga tao, nagkakaroon ng mga di-pagkakasunduan, at maaaring ito ang ikatisod ng isa. Natitisod ang ilan kapag gumawi nang salungat sa mga simulain ng Bibliya ang isang iginagalang na miyembro ng kongregasyon. Kung ito ang dahilan ng pagiging di-aktibo ng isa, maaaring banggitin sa kaniya ng dumadalaw na matanda na hindi gumagawa si Jehova ng anumang bagay para matisod ang sinuman. Kaya bakit puputulin ng isang Kristiyano ang kaniyang kaugnayan sa Diyos at sa Kaniyang bayan? Sa halip, hindi ba dapat na patuloy siyang maglingkod sa Diyos, anupat nagtitiwala na alam ng “Hukom ng buong lupa” ang nangyari at aasikasuhin Niya ang mga bagay-bagay sa tamang paraan? (Gen. 18:25; Col. 3:23-25) Kung ang isang tao ay literal na matisod at madapa, tiyak na hindi niya sasadyaing manatiling nakadapa anupat hindi na magsisikap na tumayo.
9 Sa pagsisikap na matulungang makabalik ang mga di-aktibo, maaaring banggitin ng isang matanda na sa paglipas ng panahon, napansin ng ilan na hindi na ngayon importante sa kanila ang dahilan ng kanilang pagkatisod. Sa katunayan, baka wala na ang dahilan ng kanilang pagkatisod. Kung ang isa ay natisod dahil nadisiplina siya, maaaring makatulong sa kaniya ang pananalangin at pagbubulay-bulay para matanto niya na sa paanuman ay mayroon din siyang pagkakamali at na hindi niya sana dapat hinayaang makatisod sa kaniya ang disiplina.—Awit 119:165; Heb. 12:5-13.
Dahil Kaya Ito sa Isang Turo?
10, 11. Anong pangangatuwiran ang maaaring maging mabisa sa pagsisikap na tulungan ang isa na may ibang pagkaunawa sa isang turo ng Bibliya?
10 Maaaring iniwan ng ilan ang kawan ng Diyos dahil hindi sila sang-ayon sa isang maka-Kasulatang turo. Ang mga Israelitang napalaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay ‘nakalimot sa mga ginawa ng Diyos’ alang-alang sa kanila, at “hindi nila hinintay ang kaniyang payo.” (Awit 106:13) Baka makatutulong kung ipaaalaala sa di-aktibo na ang “tapat at maingat na alipin” ay nagbibigay ng mainam na espirituwal na pagkain. (Mat. 24:45) Sa pamamagitan nito unang natutuhan ng isa ang katotohanan. Kung gayon, bakit siya mag-aatubili na muling lumakad sa katotohanan?—2 Juan 4.
11 Kapag tinutulungan ng isang matanda ang mga napawalay sa kawan ng Diyos, maaari niyang banggitin na may mga alagad na tumalikod kay Jesus dahil hindi nila matanggap ang isa sa kaniyang mga turo. (Juan 6:53, 66) Dahil inihinto ng mga alagad na ito ang kanilang pakikisama kay Kristo at sa kaniyang mga tagasunod, naiwala nila ang kanilang espirituwalidad at kagalakan. Ang mga huminto ba sa pakikisama sa kongregasyong Kristiyano ay nakakita ng iba pang pinagmumulan ng saganang espirituwal na pagkain? Tunay ngang wala!
Nakagawa ba Sila ng Malubhang Kasalanan?
12, 13. Kung ipagtapat ng sinumang napawalay sa kawan na siya’y nakagawa ng malubhang pagkakasala, paano siya matutulungan?
12 Ang ilang indibiduwal ay huminto sa pangangaral at pagdalo sa mga pagpupulong dahil nakagawa sila ng malubhang kasalanan. Baka iniisip nila na kung ipagtatapat nila sa matatanda ang kanilang pagkakasala, matitiwalag sila. Pero hindi naman sila matitiwalag kung inihinto na nila ang di-makakasulatang gawain at kung tunay ang kanilang pagsisisi. (2 Cor. 7:10, 11) Sa halip, malugod silang tatanggaping muli ng kongregasyon at tutulungan ng matatanda upang maibalik ang kanilang espirituwalidad.
13 Kung ikaw ay isang may-gulang na mamamahayag na inatasang tumulong sa isang di-aktibo, ano ang dapat mong gawin kung sinabi niya sa iyo na nakagawa siya ng malubhang pagkakasala? Gaya ng binanggit sa pasimula, sa halip na isangkot ang iyong sarili, imungkahi sa kaniya na lapitan ang matatanda. Kung hindi niya ito gustong gawin, maipapakita mo ang iyong malasakit sa pangalan ni Jehova at sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyon sa pamamagitan ng pagkilos kasuwato ng tagubilin ng Diyos sa gayong mga bagay. (Basahin ang Levitico 5:1.) Sa ganitong paraan, malalaman ng matatanda kung paano matutulungan ang sinumang nagnanais na bumalik sa kongregasyon at nagnanais na mamuhay kasuwato ng kalooban ng Diyos. Baka kailangan ng paglalapat ng maibiging disiplina. (Heb. 12:7-11) Kung aminin ng indibiduwal na nagkasala siya sa Diyos, inihinto na ang paggawa ng kasalanan, at tunay na nagsisisi, tutulungan siya ng matatanda, at patatawarin siya ni Jehova.—Isa. 1:18; 55:7; Sant. 5:13-16.
Nagdulot ng Kagalakan ang Pagbabalik ng Isang Anak
14. Sa iyong sariling pananalita, ilahad ang ilustrasyon ni Jesus hinggil sa alibughang anak.
14 Kapag ang isang mamamahayag ay inatasan na tulungan ang isang naligaw na tupa, maaari niyang banggitin ang ilustrasyon ni Jesus na nakaulat sa Lucas 15:11-24. Sa talinghagang iyon, namuhay nang imoral ang lalaki at nilustay ang kaniyang mana. Sa dakong huli, kinamuhian niya ang kaniyang masamang pamumuhay. Wala siyang makain at hinahanap-hanap niya ang kaniyang pamilya. Sa wakas ay nakapagdesisyon siya—babalik na siya sa kanila! Nang siya’y malayo pa, nakita na siya ng kaniyang ama. Tumakbo ang ama, sumubsob sa leeg ng kaniyang anak, at magiliw itong hinalikan. Tuwang-tuwa ang ama sa pagbabalik ng anak. Ang pagbubulay-bulay sa ilustrasyong iyon ay maaaring magpakilos sa tupang napawalay sa kawan na bumalik sa kongregasyon. Yamang malapit nang mawasak ang sistemang ito ng mga bagay, dapat siyang bumalik kay Jehova sa lalong madaling panahon.
15. Bakit ang ilan ay naaanod palayo sa kongregasyon?
15 Marami sa mga naanod palayo sa kongregasyon ang hindi naman kagayang-kagaya ng alibughang anak. Ang ilan ay unti-unting napapalayo, gaya ng isang bangka na unti-unting naaanod palayo sa pampang. Ang iba ay lubhang napabibigatan ng mga kabalisahan sa buhay anupat napapabayaan na nila ang kanilang espirituwalidad. Natitisod naman ang iba sa isang kapatid sa kongregasyon, o kaya’y iniiwan ang kongregasyon dahil hindi sila sang-ayon sa isang partikular na turo ng Bibliya. Ang ilan ay nasangkot sa di-makakasulatang paggawi. Gayunman, ang mga puntong iniharap ay maaaring makatulong sa iyo na pasiglahing bumalik sa kongregasyon ang mga naging di-aktibo dahil sa mga kalagayang ito o iba pang dahilan bago pa mahuli ang lahat.
“Maligayang Pagbabalik, Anak!”
16-18. (a) Paano natulungan ng isang elder ang isang kapatid na matagal nang di-aktibo? (b) Bakit naging di-aktibo ang kapatid na ito, at paano siya natulungan? (c) Paano tinanggap sa kongregasyon ang di-aktibong kapatid na ito?
16 Ganito ang sinabi ng isang Kristiyanong matanda: “Interesadung-interesado ang aming lupon ng matatanda na dalawin ang mga di-aktibo. Naaalaala ko ang isang kapatid na natulungan kong mag-aral ng Bibliya at malaman ang katotohanan. Siya ay naging di-aktibo sa loob ng mga 25 taon at marami siyang problema, kaya ipinaliwanag ko kung paano makatutulong sa kaniya ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Pagkalipas ng ilang panahon, nagsimula siyang dumalo sa Kingdom Hall at tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya upang mapatibay ang kaniyang determinasyon na bumalik sa kawan.”
17 Bakit naging di-aktibo ang kapatid na ito? Inamin niya: “Nagsimula akong magbigay ng higit na pansin sa mga bagay sa sanlibutan kaysa sa espirituwal na mga bagay. Pagkatapos ay huminto ako sa pag-aaral, sa pangangaral, at sa pagdalo sa mga pulong. Hindi ko namalayan na hindi na pala ako nakikisama sa kongregasyong Kristiyano. Pero nakabalik ako sa tulong ng isang elder na nagpakita ng personal at taimtim na interes sa aking kapakanan.” Nagsimulang mabawasan ang mga problema ng kapatid na ito nang tanggapin niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi niya, “Napag-isip-isip ko na ang kulang pala sa buhay ko ay ang pag-ibig at patnubay ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.”
18 Paano tinanggap sa kongregasyon ang kapatid na ito? Sinabi niya: “Parang ako ang alibughang anak sa talinghaga ni Jesu-Kristo. Sa katunayan, isa sa mga may-edad na sister na 30 taon nang bahagi ng aming kongregasyon at tapat pa rin kay Jehova hanggang sa ngayon ang nagsabi sa akin, ‘Maligayang pagbabalik, Anak!’ Talagang naantig ang puso ko. Nadama ko na talagang bahagi ako ng kongregasyon. Nais kong ipahayag ang aking taimtim na pagpapasalamat sa pag-ibig, kabaitan, pagtitiis, at interes na ipinakita sa akin ng elder na iyon at ng buong kongregasyon. Ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa ay talagang nakatulong sa akin na bumalik sa kongregasyon.”
Himukin Silang Kumilos Na Ngayon!
19, 20. (a) Paano mo mapasisigla ang mga di-aktibo na bumalik sa kawan sa lalong madaling panahon? (b) Paano mo ipaliliwanag sa kanila na ang inaasahan sa atin ng Diyos ay ang mga bagay na kaya lamang nating gawin?
19 Nabubuhay tayo ngayon sa mga huling araw, at malapit nang dumating ang wakas ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Kaya pasiglahin ang mga di-aktibo na dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Himukin sila na gawin ito agad. Ipaalaala sa kanila na sinisikap ni Satanas na sirain ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Sabihin sa kanila na gusto ng Diyablo na isipin nilang giginhawa ang kanilang buhay kung iiwan nila ang tunay na pagsamba. Maaari mong tiyakin sa kanila na ang tunay na kaginhawahan ay natatamo lamang ng mga tapat na tagasunod ni Jesus.—Basahin ang Mateo 11:28-30.
20 Ipaalaala sa mga di-aktibo na ang inaasahan sa atin ng Diyos ay ang kaya lamang nating gawin. Nang punahin si Maria, na kapatid ni Lazaro, dahil sa pagbuhos nito sa ulo ni Jesus ng mamahalin at mabangong langis mga ilang panahon bago Siya mamatay, sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo siya. . . . Ginawa niya ang magagawa niya.” (Mar. 14:6-8) Sa ibang pagkakataon naman, pinuri ni Jesus ang nagdarahop na babaing balo na nagbigay ng napakaliit na kontribusyon sa templo. Ginawa rin ng babaing ito ang magagawa niya. (Luc. 21:1-4) Magagawa rin ng marami sa atin ang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Sa tulong ni Jehova, marami sa mga di-aktibo sa ngayon ang makagagawa rin ng gayon.
21, 22. Anong bagay ang maaari mong tiyakin sa mga nanunumbalik kay Jehova?
21 Kung ang isang tulad-tupang indibiduwal na napawalay sa kawan ay nahihiyang humarap sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano, maaari mong ipaalaala sa kaniya ang naging masayang pagtanggap sa alibughang anak. Ang pagbabalik ng mga di-aktibo sa kongregasyon ay nagdudulot din ng gayong kagalakan. Pasiglahin sila na salansangin na ngayon ang Diyablo at maging malapít sa Diyos.—Sant. 4:7, 8.
22 Isang maligayang pagtanggap ang naghihintay sa mga nanunumbalik kay Jehova. (Panag. 3:40) Ang kanilang paglilingkod sa Diyos noong aktibo pa sila ay tiyak na nagdulot sa kanila ng malaking kagalakan. Maraming pagpapala sa hinaharap ang nakalaan para sa mga bumabalik sa kawan sa lalong madaling panahon!
Paano Mo Sasagutin?
• Paano mo matutulungan ang isang Kristiyano na natisod at naging di-aktibo?
• Anong pangangatuwiran ang maaaring makatulong sa isang umalis sa kawan ng Diyos dahil sa nagkaroon siya ng sariling pananaw hinggil sa isang turo ng Bibliya?
• Paano natin matutulungan ang isang nag-aatubiling bumalik sa kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Makinig na mabuti kapag ipinahahayag ng isang di-aktibong kapananampalataya ang kaniyang niloloob
[Larawan sa pahina 15]
Ang pagbubulay-bulay sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak ay maaaring magpakilos sa ilan na bumalik sa kawan