Bakit Dapat Panatilihin ang Iyong Katapatan?
Bakit Dapat Panatilihin ang Iyong Katapatan?
‘Hatulan mo ako, O Jehova, ayon sa katapatan ko.’—AWIT 7:8.
1, 2. Ano ang ilang karaniwang situwasyon na maaaring sumubok sa katapatan ng isang Kristiyano?
ISIPIN ang tatlong situwasyong ito: Isang batang lalaki ang tinutuya ng kaniyang mga kaeskuwela. Binubuyo nilang magalit siya, marahil para magmura o makipag-away. Gaganti kaya siya, o magpipigil ng kaniyang sarili at lalayo na lamang? Isang asawang lalaki na nag-iisa lang sa bahay ang nagsasaliksik sa Internet nang biglang lumitaw sa kaniyang computer ang advertisement ng isang mahalay na Web site. Bubuksan kaya niya ang site, o iiwasan ito? Isang babaing Kristiyano ang nakikipagkuwentuhan sa ibang mga sister nang mauwi sa nakapipinsalang tsismis tungkol sa isang sister sa kongregasyon ang kanilang usapan. Makikisali ba siya sa negatibong kuwentuhang iyon, o babaguhin niya ang usapan?
2 Bagaman magkakaiba ang mga situwasyong ito, mayroon silang pagkakatulad. Nasasangkot sa lahat ng ito ang pagsisikap na mapanatili ang katapatan bilang isang Kristiyano. Sa pagharap mo sa iyong mga alalahanin, pangangailangan, at tunguhin sa buhay, naiisip mo ba ang iyong katapatan sa Diyos? Araw-araw, nababahala ang mga tao sa kanilang hitsura, kalusugan, kahirapan sa buhay, pakikipagkaibigan, at maging sa pag-ibig. Malamang na nababahala rin tayo sa mga bagay na ito. Pero ano ba ang mas mahalaga kay Jehova kapag sinisiyasat niya ang ating puso? (Awit 139:23, 24) Iyan ay ang ating katapatan sa kaniya.
3. Sa anong bagay tayo hinayaan ni Jehova na magpasiya, at ano ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
3 Si Jehova, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat sakdal na regalo,” ay nagbigay sa bawat isa sa atin ng sari-saring kaloob. (Sant. 1:17) Pinagkalooban niya tayo ng katawan, isip, mabuting kalusugan, at iba’t ibang kakayahan. (1 Cor. 4:7) Gayunman, hindi tayo pinipilit ni Jehova na maging tapat sa kaniya. Hinahayaan niya tayong magpasiya kung lilinangin natin ang katangiang ito. (Deut. 30:19) Kung gayon, kailangan nating suriin kung ano ang nasasangkot sa katapatan. Isasaalang-alang din natin ang tatlong dahilan kung bakit napakahalaga ng katangiang ito.
Ano ang Katapatan?
4. Ano ang nasasangkot sa katapatan, at ano ang maaari nating matutuhan mula sa utos ni Jehova hinggil sa paghahandog ng mga hayop?
4 Hindi malinaw sa maraming tao kung ano talaga ang katapatan o integridad. Halimbawa, kapag ipinagmamalaki ng mga pulitiko ang kanilang katapatan, kadalasan nang sinasabi nilang hindi sila kailanman nandaya o nagsinungaling. Ang mga iyan ay mahalaga, pero bahagi lamang iyan ng katapatan. Gaya ng pagkagamit sa Bibliya, nasasangkot sa katapatan ang kahusayan sa moral. Ang mga salitang Hebreo na nauugnay sa “katapatan” ay nagmula sa salitang ugat na nangangahulugang buo, walang kapintasan, o kumpleto. Ang isa sa mga salitang ito ay ginamit hinggil sa mga hain na inihahandog kay Jehova. Sinasang-ayunan lamang niya ang ihahandog na hayop kung ito ay walang kapintasan, o buo. (Basahin ang Levitico 22:19, 20.) Sinaway ni Jehova ang mga sadyang nagwawalang-bahala sa kaniyang tagubilin. Hindi siya nalugod sa kanilang paghahandog ng pilay, may-sakit, o bulag na mga hayop bilang hain.—Mal. 1:6-8.
5, 6. (a) Anong mga halimbawa ang nagpapakitang karaniwan nang pinahahalagahan natin ang mga bagay na buo, o kumpleto? (b) Kailangan ba tayong maging sakdal para maging tapat sa Diyos? Ipaliwanag.
5 Likas lamang sa atin na maghanap at magpahalaga sa bagay na buo, o kumpleto. Halimbawa, nakita ng isang nangongolekta ng aklat ang isang napakahalagang aklat na matagal na niyang hinahanap. Pero natuklasan niyang nawawala ang ilang mahahalagang pahina nito. Palibhasa’y nadismaya, ibinalik na lamang niya ito sa istante. O isipin ang isang babaing naglalakad sa dalampasigan at namumulot ng mga shell na tinangay ng alon. Manghang-mangha siya sa pagkakasari-sari at ganda ng kaniyang mga napulot na shell, pero alin kaya sa mga ito ang kaniyang itatago? Siyempre, yaong buo at walang sira. Sa katulad na paraan, hinahanap ng Diyos ang katangiang ito sa mga tao. Sinasabi ng 2 Cronica 16:9: “Ang paningin ng Dios ay abot sa buong daigdig upang patatagin ang lahat ng taong buong pusong nakatalaga sa kanya.”—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
6 Gayunman, baka isipin mo na para maging tapat sa Diyos, kailangan mong maging sakdal. Palibhasa’y makasalanan at di-sakdal, baka isipin nating para tayong isang aklat na may nawawalang mga pahina o isang nasirang shell. Ganiyan ba ang nararamdaman mo kung minsan? Buweno, alam ni Jehova na hindi tayo sakdal. Kaya makatitiyak tayo na hindi siya kailanman hihiling sa atin ng higit sa kaya nating gawin. * (Awit 103:14; Sant. 3:2) Pero inaasahan niyang mananatili tayong tapat sa kaniya. Kung gayon, may pagkakaiba ba ang kasakdalan sa katapatan? Oo. Para ilarawan: Iniibig ng isang binata ang dalagang pakakasalan niya. Sabihin pa, hindi makatuwiran na isipin niyang sakdal ang kaniyang mapapangasawa. Pero makatuwiran lamang na asahan niyang iibigin siya nito nang buong puso, samakatuwid nga, na siya lamang ang iibigin ng kaniyang nobya. Sa katulad na paraan, si Jehova ay “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Ex. 20:5) Hindi niya inaasahan na maging sakdal tayo, pero inaasahan niyang iibigin natin siya ng ating buong puso anupat siya lamang ang ating sasambahin.
7, 8. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus hinggil sa katapatan? (b) Ano ang kahulugan ng katapatan ayon sa Kasulatan?
7 Malamang na matatandaan natin ang naging sagot ni Jesus nang tanungin siya kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng utos. (Basahin ang Marcos 12:28-30.) Hindi lamang ibinigay ni Jesus ang sagot; isinabuhay rin niya ito. Naglaan siya ng sakdal na halimbawa sa pagpapakita ng pag-ibig kay Jehova nang buong pag-iisip, puso, kaluluwa, at lakas. Nagpakita siya ng katapatan hindi lamang sa salita kundi sa gawa na may dalisay na motibo. Ang pananatiling tapat ay humihiling na sundan natin ang mga yapak ni Jesus.—1 Ped. 2:21.
8 Samakatuwid, ayon sa Kasulatan, ang katapatan ay buong-pusong debosyon sa nag-iisang makalangit na Persona, ang Diyos na Jehova, at sa kaniyang kalooban at layunin. Para mapanatili ang ating katapatan, dapat na pangunahin sa ating buhay na mapalugdan ang Diyos na Jehova sa araw-araw. Ang pinakamahalaga sa kaniya ang siya ring dapat na pinakamahalaga sa ating buhay. Isaalang-alang natin ang tatlong dahilan kung bakit napakahalaga na panatilihin natin ang ating katapatan.
1. Ang Ating Katapatan at ang Isyu ng Soberanya
9. Paano nauugnay ang ating katapatan sa isyu ng pansansinukob na soberanya?
9 Hindi nakasalalay sa ating katapatan ang soberanya ni Jehova. Ang kaniyang soberanya ay makatarungan, walang hanggan, at pansansinukob. Mananatili itong gayon anuman ang sabihin o gawin ng sinumang nilalang. Gayunman, ang soberanya ng Diyos ay siniraang-puri sa langit at sa lupa. Dahil dito, kailangang ipagbangong-puri—mapatunayang matuwid, makatarungan, at maibigin—ang kaniyang pamamahala sa harap ng lahat ng matatalinong nilalang. Bilang mga Saksi ni Jehova, gustung-gusto nating sabihin sa sinumang makikinig ang tungkol sa pansansinukob na soberanya ng Diyos. Pero paano natin mismo maipapakita sa pamamagitan ng ating pagpapasiya at pagkilos na pinipili natin si Jehova bilang ating Soberano? Magagawa natin iyan kung pananatilihin natin ang ating katapatan.
10. Ano ang paratang ni Satanas may kinalaman sa katapatan ng mga tao, at ano ang iyong tugon hinggil dito?
10 Isaalang-alang kung paano nasasangkot ang iyong katapatan sa isyu ng soberanya. Sa diwa, inaangkin ni Satanas na walang taong maninindigan para sa soberanya ng Diyos anupat walang taong maglilingkod kay Jehova udyok ng walang pag-iimbot na pag-ibig para sa Kaniya. Sa harap ng napakaraming nagkakatipong espiritung nilalang, sinabi ng Diyablo kay Jehova: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Pansinin na hindi lamang ang matuwid na lalaking si Job ang pinaratangan ni Satanas kundi ang sangkatauhan sa pangkalahatan. Kaya naman, tinutukoy ng Bibliya si Satanas bilang “ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid.” (Apoc. 12:10) Tinutuya niya si Jehova sa pag-aangking ang mga Kristiyano—kasama ka—ay hindi mananatiling tapat. Inaangkin ni Satanas na tatalikuran mo si Jehova para iligtas ang iyong kaluluwa. Ano ang nadarama mo tungkol sa gayong mga paratang laban sa iyo? Gusto mo bang patunayan na sinungaling si Satanas? Kung pananatilihin mo ang iyong katapatan, magagawa mo iyan.
11, 12. (a) Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na nauugnay sa isyu ng katapatan ang ating mga pagpapasiya sa araw-araw? (b) Bakit isang pribilehiyo na panatilihin ang ating katapatan?
11 Kaya dahil sa isyu ng soberanya, napakahalaga ng ating paggawi at desisyon sa araw-araw. Isaalang-alang muli ang tatlong situwasyon na binanggit sa unang parapo. Paano nila mapananatili ang kanilang katapatan? Malamang na gustung-gusto nang gumanti ng batang lalaki na tinutuya ng kaniyang mga kaeskuwela pero naalaala niya ang payong ito: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:19) Kaya lumayo na lamang siya. Puwedeng tingnan ng asawang lalaki na gumagamit ng Internet ang mahalay na site pero naalaala niya ang simulain sa mga salita ni Job: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Sa katulad na paraan, ang lalaking tumatangging tingnan ang mahahalay na larawan ay tumatanggi sa gayong materyal na para itong lason. Nag-atubili ang babaing nakikipagkuwentuhan sa ibang mga sister nang makarinig siya ng tila nakapipinsalang tsismis. Naalaala niya ang tagubiling ito: “Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.” (Roma 15:2) Hindi nakapagpapatibay ang tsismis na maaari niyang maikuwento. Hindi ito magdudulot ng mabuting reputasyon sa kaniyang kapuwa Kristiyano; ni hindi rin nito mapalulugdan ang kaniyang makalangit na Ama. Kaya sa halip na makisali sa negatibong kuwentuhang iyon, binago niya ang usapan.
12 Sa bawat situwasyong ito, gumawa ang Kristiyano ng isang pagpili na sa diwa ay sinasabi niya: ‘Si Jehova ang aking Tagapamahala. Sisikapin kong gawin ang nakalulugod sa kaniya.’ Kapag gumagawa ng mga pagpili at pagpapasiya, sinisikap mo rin bang palugdan si Jehova? Kung oo, talagang namumuhay ka alinsunod sa nakaaantig-damdaming mga salita na nakaulat sa Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Isa ngang pribilehiyo na mapasaya ang puso ng Diyos! Hindi ba’t sulit na sulit na panatilihin natin ang ating katapatan?
2. Ang Saligan sa Paghatol ng Diyos
13. Paano ipinakikita ng mga salita nina Job at David na ang ating katapatan ang saligan ng paghatol sa atin ni Jehova?
13 Kapag pinananatili natin ang ating katapatan, makapaninindigan tayo para sa soberanya ni Jehova, at iyan ang saligan ng Diyos sa paghatol sa atin. Alam na alam iyan ni Job. (Basahin ang Job 31:6.) Alam ni Job na tinitimbang ng Diyos ang sangkatauhan sa “hustong timbangan,” o ang Kaniyang sakdal na pamantayan ng katarungan, upang malaman kung talagang pinananatili natin ang ating katapatan. Sinabi rin ni David: “Si Jehova ang maglalapat ng hatol sa mga bayan. Hatulan mo ako, O Jehova, ayon sa aking katuwiran at ayon sa katapatan kong nasa akin. . . . At ang Diyos bilang matuwid ay sumusubok sa puso at sa mga bato.” (Awit 7:8, 9) Batid natin na kaya ng Diyos na suriin ang atin mismong pagkatao, ang ating makasagisag na ‘puso at mga bato.’ Subalit dapat nating tandaan kung ano ang kaniyang hinahanap. Gaya ng sinabi ni David, hahatulan tayo ni Jehova ayon sa ating katapatan.
14. Bakit maling isipin na hindi tayo makapananatiling tapat dahil sa ating di-kasakdalan o pagiging makasalanan?
14 Gunigunihing sinasaliksik ng Diyos na Jehova ang puso ng bilyun-bilyong tao sa ngayon. (1 Cro. 28:9) Gaano kaya siya kadalas makasumpong ng isang taong nagpapanatili ng kaniyang katapatan bilang Kristiyano? Talagang masasabing bibihira lamang! Gayunman, maling isipin na dahil hindi tayo sakdal hindi na natin mapananatili ang ating katapatan. Sa kabaligtaran, mayroon tayong mabuting dahilan para magtiwala, gaya ng ginawa nina Job at David, na masusumpungan tayo ni Jehova na nananatiling tapat sa Kaniya sa kabila ng ating di-kasakdalan. Tandaan, hindi nangangahulugan na kapag sakdal ang isa ay mananatili na siyang tapat. Tatlong sakdal na tao lamang ang nabuhay sa lupa, at ang dalawa sa mga ito, sina Adan at Eva, ay hindi nanatiling tapat sa Diyos. Gayunman, milyun-milyong di-sakdal na mga tao ang nagtagumpay na panatilihin ang kanilang katapatan. Magagawa mo rin ito.
3. Mahalaga sa Ating Pag-asa
15. Paano ipinakita ni David na mahalaga ang katapatan sa ating pag-asa sa hinaharap?
15 Dahil ang katapatan ay saligan ng paghatol ni Jehova sa atin, mahalaga ito sa ating kaligtasan sa hinaharap. Alam ni David ang katotohanang ito. (Basahin ang Awit 41:12.) Hinangad ni David na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos nang walang hanggan. Tulad ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon, umasa si David na mabuhay magpakailanman at patuloy na maging malapít sa Diyos na Jehova habang naglilingkod sa kaniya. Batid ni David na kailangan niyang panatilihin ang kaniyang katapatan kung gusto niyang makita ang katuparan ng pag-asang ito. Gayundin, tinutulungan, tinuturuan, pinapatnubayan, at pinagpapala tayo ni Jehova habang pinananatili natin ang ating katapatan.
16, 17. (a) Bakit determinado kang mapanatili ang iyong katapatan? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
16 Mahalaga rin ang pag-asa para maging maligaya tayo sa ngayon. Makapagdudulot ito ng kagalakang kailangan natin para makayanan ang ating mga problema. Mapoprotektahan din ng pag-asa ang ating pag-iisip. Tandaan, itinulad ng Bibliya ang pag-asa sa isang helmet. (1 Tes. 5:8) Gaya ng isang helmet na nag-iingat sa ulo ng sundalo sa labanan, maiingatan ng pag-asa ang ating pag-iisip mula sa negatibo at nakasasamang kaisipan na itinataguyod ni Satanas sa sanlibutang ito na malapit nang magwakas. Wala ngang saysay ang buhay kung walang pag-asa. Kailangan nating suriing mabuti ang ating sarili anupat maingat na isinasaalang-alang ang ating katapatan at ang pag-asang nauugnay rito. Huwag nating kalilimutan na sa pamamagitan ng pananatiling tapat, itinataguyod natin ang soberanya ni Jehova at iniingatan ang ating napakahalagang pag-asa sa hinaharap. Mapanatili nawa natin lagi ang ating katapatan!
17 Yamang napakahalaga ng katapatan, kailangan nating isaalang-alang ang ilan pang mas mahahalagang tanong. Paano natin maipapakita ang ating katapatan sa Diyos? Paano natin mapananatili ang katapatan? At ano ang kailangang gawin ng isa kung hindi niya napanatili ang kaniyang katapatan? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
^ Sinabi ni Jesus: “Kaya nga dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” (Mat. 5:48) Malinaw na nauunawaan niyang maging ang mga di-sakdal na mga tao ay maaaring maging sakdal sa relatibong paraan. Maaari nating tuparin ang utos na ibigin ang ating kapuwa nang walang pag-iimbot at sa gayon ay mapalugdan ang Diyos. Sa kabilang panig, si Jehova ay sakdal sa lahat ng bagay. Kapag ikinakapit sa kaniya ang salitang “katapatan,” nagsasangkot din ito ng kasakdalan.—Awit 18:30.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang katapatan?
• Paano nauugnay ang katapatan sa pansansinukob na soberanya?
• Paano nagsisilbing saligan sa ating pag-asa ang ating katapatan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 5]
Araw-araw nasusubok ang ating katapatan