Ang Lingkod ni Jehova—‘Inulos Dahil sa Ating Pagsalansang’
Ang Lingkod ni Jehova—‘Inulos Dahil sa Ating Pagsalansang’
‘Siya ay inuulos dahil sa ating pagsalansang; siya ay sinisiil dahil sa ating mga kamalian. Dahil sa kaniyang mga sugat ay nagkaroon ng pagpapagaling para sa atin.’—ISA. 53:5.
1. Ano ang dapat nating isaisip kapag ipinagdiriwang natin ang Memoryal, at anong hula ang tutulong sa atin na gawin ito?
IPINAGDIRIWANG natin ang Memoryal upang gunitain ang kamatayan ni Kristo at alalahanin ang lahat ng naisakatuparan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Ipinaaalaala sa atin ng Memoryal ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova, ang pagpapabanal sa kaniyang pangalan, at ang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin, pati na ang pagliligtas sa sangkatauhan. Marahil, ang hula ng Bibliya sa Isaias 53:3-12 ang may pinakamalinaw na paglalarawan sa hain ni Kristo at sa naisakatuparan nito. Inihula ni Isaias ang pagdurusa ng Lingkod at naglaan siya ng espesipikong mga detalye tungkol sa kamatayan ni Kristo at sa mga pagpapalang idudulot ng kaniyang kamatayan sa kaniyang mga pinahirang kapatid at sa kaniyang “ibang mga tupa.”—Juan 10:16.
2. Katunayan ng ano ang hula ni Isaias, at ano ang magiging epekto nito sa atin?
2 Mga 700 taon bago isilang si Jesus sa lupa, kinasihan ni Jehova si Isaias na ihulang magiging tapat ang Kaniyang piniling Lingkod kahit sa harap ng pinakamatinding pagsubok. Pinatutunayan
mismo ng hulang ito na buong-buo ang tiwala ni Jehova sa katapatan ng kaniyang Anak. Habang sinusuri natin ang hulang ito, maaantig ang ating puso at titibay ang ating pananampalataya.“Hinamak” at Itinuring “Bilang Walang Halaga”
3. Bakit dapat sana’y tinanggap ng mga Judio si Jesus, pero ano sa halip ang ginawa nila?
3 Basahin ang Isaias 53:3. Isip-isipin na lamang ang laki ng sakripisyong ginawa ng bugtong na Anak ng Diyos nang iwan niya ang masayang paglilingkod sa piling ng kaniyang Ama para bumaba sa lupa at ihandog ang kaniyang buhay, at sa gayo’y mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan! (Fil. 2:5-8) Ang paghahandog niya ng kaniyang buhay bilang hain ay maglalaan ng ganap na kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan na hindi mailalaan ng basta paghahandog lamang ng mga haing hayop sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Heb. 10:1-4) Dapat sana’y tinanggap siya at pinarangalan kahit man lamang ng mga Judiong naghihintay noon sa ipinangakong Mesiyas, hindi ba? (Juan 6:14) Sa halip, si Kristo ay “hinamak” ng mga Judio, at “itinuring [nila] siya bilang walang halaga,” gaya ng inihula ni Isaias. Sumulat si apostol Juan: “Dumating siya sa sarili niyang tahanan, ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang bayan.” (Juan 1:11) Sinabi ni apostol Pedro sa mga Judio: “Niluwalhati ng . . . Diyos ng ating mga ninuno . . . ang kaniyang Lingkod, si Jesus, na sa ganang inyo ay ibinigay ninyo at itinatwa sa harap ni Pilato, nang ipasiya na nitong palayain siya. Oo, itinatwa ninyo ang isang iyon na banal at matuwid.”—Gawa 3:13, 14.
4. Paano nagkaroon si Jesus ng “kabatiran sa sakit”?
4 Inihula rin ni Isaias na si Jesus ay magkakaroon ng “kabatiran sa sakit.” Noong panahon ng kaniyang ministeryo, may mga pagkakataong napagod din si Jesus, pero walang indikasyon na nagkasakit siya. (Juan 4:6) Gayunman, nagkaroon siya ng “kabatiran sa sakit” ng mga taong pinangaralan niya ng mabuting balita. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang marami. (Mar. 1:32-34) Sa ganitong paraan, tinupad ni Jesus ang hulang nagsasabi: “Tunay na ang aming mga sakit ang siyang dinala niya; at kung tungkol sa aming mga kirot, pinasan niya ang mga iyon.”—Isa. 53:4a; Mat. 8:16, 17.
Waring “Sinaktan ng Diyos”
5. Ano ang pangmalas ng maraming Judio sa kamatayan ni Jesus, at bakit lalo siyang nagdusa dahil dito?
5 Basahin ang Isaias 53:4b. Marami sa mga kapanahon ni Jesus ang hindi nakaunawa sa dahilan ng kaniyang pagdurusa at kamatayan. Naniniwala silang pinarurusahan siya ng Diyos, na para bang sinasalot siya ng nakapandidiring sakit. (Mat. 27:38-44) Pinaratangan ng mga Judio si Jesus ng pamumusong. (Mar. 14:61-64; Juan 10:33) Mangyari pa, si Jesus ay hindi makasalanan, ni isa man siyang mamumusong. Pero dahil sa dakilang pag-ibig niya sa kaniyang Ama, tiyak na lalong nagdusa ang Lingkod ni Jehova sa pagkaalam na mamamatay siya sa salang pamumusong. Sa kabila nito, handa pa rin siyang magpasakop sa kalooban ni Jehova.—Mat. 26:39.
6, 7. Sa anong diwa ‘siniil’ ni Jehova ang kaniyang tapat na Lingkod, at bakit “nalugod” dito ang Diyos?
6 Hindi nakapagtatakang mabasa natin sa hula ni Isaias na si Kristo ay ituturing ng iba bilang “sinaktan ng Diyos,” pero ang malamang na makagulat sa atin ay ito: “Si Jehova ay nalugod na siilin siya.” (Isa. 53:10) Yamang sinabi rin ni Jehova: “Narito! Ang aking lingkod, . . . ang aking pinili, na sinang-ayunan ng aking kaluluwa,” paano maaatim ni Jehova na ‘malugod sa pagsiil’ sa Lingkod? (Isa. 42:1) Sa anong diwa masasabing nagdulot ito ng kaluguran kay Jehova?
7 Upang maunawaan natin ang bahaging ito ng hula, dapat nating tandaan na nang hamunin ni Job 1:9-11; 2:3-5) Sa pamamagitan ng pananatiling tapat hanggang kamatayan, nakapaglaan si Jesus ng mariing sagot sa hamon ni Satanas. Kaya bagaman pinahintulutan ni Jehova na mamatay si Kristo sa kamay ng kaniyang mga kaaway, walang-pagsalang nagdusa si Jehova nang makita niyang pinapatay ang kaniyang piniling Lingkod. Subalit masidhing kaluguran naman ang nadama ni Jehova nang makita niya ang ganap na katapatan ng kaniyang Anak. (Kaw. 27:11) Bukod diyan, dahil alam ni Jehova na may mga kapakinabangang ilalaan ang kamatayan ng kaniyang Anak sa nagsisising mga tao, nagdulot ito sa kaniya ng malaking kagalakan.—Luc. 15:7.
Satanas ang soberanya ni Jehova, kinuwestiyon niya ang katapatan ng lahat ng lingkod ng Diyos sa langit man o sa lupa. (‘Inulos Dahil sa Ating Pagsalansang’
8, 9. (a) Paano ‘inulos si Jesus dahil sa ating pagsalansang’? (b) Paano ito pinatunayan ni Pedro?
8 Basahin ang Isaias 53:6. Gaya ng nawawalang tupa, ang makasalanang mga tao ay naliligaw, anupat naghahanap ng kaligtasan mula sa sakit at kamatayan na minana nila kay Adan. (1 Ped. 2:25) Palibhasa’y mga di-sakdal, walang sinuman sa mga inapo ni Adan ang makatutubos o makapagsasauli sa naiwala ni Adan. (Awit 49:7) Pero dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig, “pinangyari ni Jehova na ang kamalian [nating] lahat ay makatagpo ng isang iyon,” ang kaniyang minamahal na Anak at piniling Lingkod. Nang pumayag si Kristo na ‘ulusin dahil sa ating pagsalansang’ at ‘siilin dahil sa ating mga kamalian,’ dinala niya sa tulos ang ating mga kasalanan at inako ang parusang kamatayan na ukol sana sa atin.
9 Isinulat ni apostol Pedro: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak. Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran.” Pagkatapos, sumipi si Pedro mula sa hula ni Isaias: “At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’” (1 Ped. 2:21, 24; Isa. 53:5) Nagbukas ito ng daan para sa mga makasalanan na makipagkasundo sa Diyos, gaya ng sinabi pa ni Pedro: “Si Kristo man ay namatay nang minsanan may kinalaman sa mga kasalanan, isang taong matuwid ukol sa mga di-matuwid, upang maakay niya kayo sa Diyos.”—1 Ped. 3:18.
“Dinalang Tulad ng Isang Tupa Patungo sa Patayan”
10. (a) Paano inilarawan ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus? (b) Bakit masasabing angkop ang pananalita ni Juan?
10 Basahin ang Isaias 53:7, 8. Nang makita ni Juan na Tagapagbautismo ang papalapit na si Jesus, bumulalas siya: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Nang tukuyin niya si Jesus bilang Kordero, malamang na naaalaala ni Juan ang pananalita ni Isaias: “Siya ay dinalang tulad ng isang tupa [“kordero,” tlb. sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References] patungo sa patayan.” (Isa. 53:7) “Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan,” ang inihula ni Isaias. (Isa. 53:12) Kapansin-pansin na noong gabing pasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, isang kopa ng alak ang ipinasa niya sa 11 tapat na apostol at sinabi: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.”—Mat. 26:28.
11, 12. (a) May kinalaman sa hain ni Kristo, ano ang ipinakikita ng kusang-loob na pagsang-ayon ni Isaac na ihandog siya? (b) Ano ang dapat nating isaisip tungkol sa Lalong Dakilang Abraham, si Jehova, kapag ipinagdiriwang natin ang Memoryal?
11 Tulad ni Isaac, bukal sa loob ni Jesus na ihandog siya bilang hain. (Gen. 22:1, 2, 9-13; Heb. 10:5-10) Bagaman kusang-loob na pumayag si Isaac na ihandog siya bilang hain, si Abraham naman ang aktuwal na naghanda para ihandog siya. (Heb. 11:17) Sa katulad na paraan, kusang-loob na tinanggap ni Jesus na siya ay mamamatay, pero si Jehova ang siyang nagsaayos ng pantubos. Ang paghahain sa kaniyang Anak ay kapahayagan ng masidhing pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
12 Sinabi mismo ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Isinulat ni apostol Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Kaya habang pinararangalan natin si Kristo sa pamamagitan ng paggunita sa kaniyang kamatayan, hindi natin dapat kalimutan na ang isa na nagsaayos ng pantubos ay ang Lalong Dakilang Abraham, si Jehova. Ipinagdiriwang natin ang Memoryal para purihin siya.
Ang Lingkod ay Nagdala ng ‘Matuwid na Katayuan sa Marami’
13, 14. Paano nagdala ng ‘matuwid na katayuan sa marami’ ang Lingkod ni Jehova?
13 Basahin ang Isaias 53:11, 12. Hinggil sa kaniyang piniling Lingkod, sinabi ni Jehova: “Ang matuwid, ang aking lingkod, ay magdadala ng matuwid na katayuan sa maraming tao.” Paano? Tutulungan tayo ng huling bahagi ng talata 12 upang malaman ang sagot. “At para sa mga mananalansang ay namagitan siya [ang Lingkod].” Ang lahat ng inapo ni Adan ay isinilang na mga makasalanan, o “mga mananalansang,” kung kaya tumatanggap sila ng “kabayaran na ibinabayad ng kasalanan,” samakatuwid nga, ang kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Kaya mahalagang maipagkasundo ang makasalanang tao kay Jehova. Nakaaantig ang paglalarawan sa Isa kabanata 53 ng hula ni Isaias tungkol sa kung paano “namagitan” si Jesus alang-alang sa makasalanang sangkatauhan. Sinasabi nito: “Ang kaparusahang ukol sa [ating] kapayapaan ay sumasakaniya, at dahil sa kaniyang mga sugat ay nagkaroon ng pagpapagaling para sa [atin].”—Isa. 53:5.
14 Nang akuin ni Kristo ang ating mga kasalanan at ang parusang kamatayan na ukol sana sa atin, nagdala siya ng “matuwid na katayuan sa maraming tao.” Isinulat ni Pablo: “Minabuti ng Diyos na ang buong kalubusan ay manahan sa kaniya [kay Kristo], at sa pamamagitan niya ay ipagkasundong muli sa kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay sa paggawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na kaniyang itinigis sa pahirapang tulos, maging ang mga iyon man ay mga bagay sa ibabaw ng lupa o mga bagay sa langit.”—Col. 1:19, 20.
15. (a) Sino ang “mga bagay sa langit” na binanggit ni Pablo? (b) Sino lamang ang may karapatang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal, at bakit?
15 Ang “mga bagay sa langit” na naipagkasundo kay Jehova sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Kristo ay ang mga pinahirang Kristiyano, na tinawag upang mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Ang mga Kristiyanong “kabahagi sa makalangit na pagtawag” ay inihayag na “matuwid para sa buhay.” (Heb. 3:1; Roma 5:1, 18) Pagkatapos, tinanggap sila ni Jehova bilang kaniyang espirituwal na mga anak. Ang banal na espiritu ang nagpapatotoo sa kanila na sila ay “mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” na tinawag upang maging mga hari at saserdote sa kaniyang Kaharian sa langit. (Roma 8:15-17; Apoc. 5:9, 10) Nagiging bahagi sila ng espirituwal na Israel, ang “Israel ng Diyos,” at ng “bagong tipan.” (Jer. 31:31-34; Gal. 6:16) Bilang bahagi ng bagong tipan, sila ay may karapatang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal, kasama na ang kopa ng pulang alak na tungkol dito’y sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Luc. 22:20.
16. Sino ang “mga bagay sa ibabaw ng lupa,” at paano sila nagkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova?
16 Ang “mga bagay sa ibabaw ng lupa” ay ang ibang mga tupa ni Kristo, na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Sa pamamagitan ng Lingkod na pinili ni Jehova, nagkakaroon din sila ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. Dahil nananampalataya sila sa haing pantubos ni Apoc. 7:9, 10, 14; Sant. 2:23) Palibhasa’y hindi bahagi ng bagong tipan at sa gayo’y walang pag-asang mabuhay sa langit, ang ibang mga tupang ito ay hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal. Sa halip, sila ay dumadalo bilang magagalang na tagapagmasid lamang.
Kristo at sa gayo’y ‘nilalabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinapuputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,’ inihayag sila ni Jehova na matuwid, hindi bilang espirituwal na mga anak, kundi bilang kaniyang mga kaibigan, anupat binibigyan sila ng kamangha-manghang pag-asa na maligtas sa “malaking kapighatian.” (Kaylaking Pasasalamat Natin kay Jehova at sa Kaniyang Sinang-ayunang Lingkod!
17. Paano nakatulong sa atin ang pag-aaral sa mga hula ni Isaias tungkol sa Lingkod upang maihanda ang ating isip para sa Memoryal?
17 Ang pagsusuri sa mga hula ni Isaias tungkol sa Lingkod ay isang mainam na paraan upang maihanda ang ating isip para sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Tinulungan tayo nito na ‘tuminging mabuti sa Punong Ahente at Tagapagsakdal ng ating pananampalataya.’ (Heb. 12:2) Natutuhan natin na hindi mapaghimagsik ang Anak ng Diyos. Di-gaya ni Satanas, siya ay nalulugod na maturuan ni Jehova, at kinikilala niya Siya bilang ang Soberanong Panginoon. Nakita natin na noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nahabag siya sa mga taong pinangaralan niya ng mabuting balita, anupat pinagaling ang marami sa kanila sa pisikal at espirituwal. Sa ganitong paraan, ipinakita niya kung ano ang kaniyang gagawin bilang Mesiyanikong Hari sa bagong sistema ng mga bagay kapag ‘naitatag na niya sa lupa ang katarungan.’ (Isa. 42:4) Ang sigasig na ipinakita niya sa pangangaral tungkol sa Kaharian, bilang “liwanag ng mga bansa,” ay isang paalaala sa kaniyang mga tagasunod na ipangaral nang may kasigasigan ang mabuting balita sa buong lupa.—Isa. 42:6.
18. Bakit tayo nauudyukan ng hula ni Isaias na lubos na magpasalamat kay Jehova at sa kaniyang tapat na Lingkod?
18 Dahil sa hula ni Isaias, lumalim din ang ating pagkaunawa sa napakalaking sakripisyong ginawa ni Jehova nang isugo niya sa lupa ang kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin. Nalugod si Jehova, hindi sa pagdurusa ng kaniyang Anak, kundi sa ganap na katapatang ipinakita ni Jesus hanggang kamatayan. Dapat din tayong malugod gaya ni Jehova, anupat inaalaala ang lahat ng ginawa ni Jesus upang mapatunayang sinungaling si Satanas at mapabanal ang pangalan ni Jehova, at dahil dito’y maipagbangong-puri ang Kaniyang pagkasoberano. Karagdagan pa, dinala ni Kristo ang ating mga kasalanan at inako ang parusang kamatayan na ukol sana sa atin. Sa ganitong paraan, naging posible para sa munting kawan ng kaniyang mga pinahirang kapatid at sa ibang mga tupa na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. Habang nagtitipon tayong magkakasama sa Memoryal, maudyukan nawa tayong lubos na magpasalamat kay Jehova at sa kaniyang tapat na Lingkod.
Bilang Repaso
• Sa anong diwa ‘nalugod’ si Jehova sa ‘pagsiil’ sa kaniyang Anak?
• Paano ‘inulos si Jesus dahil sa ating pagsalansang’?
• Paano ‘nagdala ng matuwid na katayuan sa marami’ ang Lingkod?
• Paano nakatulong sa iyo ang pag-aaral sa mga hula tungkol sa Lingkod upang maihanda ang iyong puso’t isip para sa Memoryal?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
‘Siya ay hinamak, at itinuring bilang walang halaga’
[Larawan sa pahina 28]
“Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan”
[Larawan sa pahina 29]
Ang “ibang mga tupa” ay dumadalo sa Memoryal bilang magagalang na tagapagmasid