“Ang Anghel ni Jehova ay Nagkakampo sa Buong Palibot”
“Ang Anghel ni Jehova ay Nagkakampo sa Buong Palibot”
Ayon sa salaysay ni Christabel Connell
Abalang-abala kami sa pagsagot sa mga tanong ni Christopher tungkol sa Bibliya anupat hindi ko napansin at ng aking kasama na malalim na pala ang gabi; hindi rin namin napansin na tingin ng tingin si Christopher sa bintana. Sa wakas ay sinabi niya sa amin, “Ligtas na kayong makaaalis.” Sinamahan niya kami hanggang sa kinaroroonan ng aming mga bisikleta at nagpaalam. Ano kayang panganib ang nakita niya?
ISINILANG ako sa Sheffield, Inglatera, noong 1927. Earl ang apelyido ko noong ako’y dalaga. Ang aming bahay ay winasak ng isang bomba noong Digmaang Pandaigdig II, kaya nanirahan ako sa bahay ng aking lola habang ako’y nag-aaral. Nang ako’y mag-aral sa isang paaralang Katoliko, palagi kong tinatanong ang mga madre doon kung bakit napakalaganap ng kasamaan at karahasan. Hindi nakapagbigay sa akin ng kasiya-siyang sagot ang sinuman sa kanila o ang iba pang relihiyosong mga tao na tinanong ko.
Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, nag-aral ako para maging nars. Lumipat ako sa London upang magtrabaho sa Paddington General Hospital, pero sa lunsod na iyon, nakakita ako ng mas marami pang karahasan. Nang umalis ang kuya ko para sumabak sa labanan sa Korean War, nakasaksi ako ng isang bugbugan sa mismong tapat ng ospital. Wala man lamang tumulong sa biktima na nabulag dahil sa pambubugbog. Sa mga panahong ito, sinasamahan ako ng aking ina sa mga pagtitipon ng mga taong gustong makipag-usap sa mga patay, pero hindi pa rin nito masagot ang tanong ko kung bakit napakalaganap ng kasamaan.
Pinasigla Akong Mag-aral ng Bibliya
Isang araw, dinalaw ako ng aking kuya, si John, na naging Saksi ni Jehova. “Alam mo ba kung bakit nangyayari ang lahat ng kasamaang ito?” ang tanong niya. “Hindi,” ang sabi ko. Binuksan niya ang kaniyang Bibliya at binasa ang Apocalipsis 12:7-12. Alam ko na ngayon na si Satanas pala at ang kaniyang mga demonyo ang pangunahing dahilan ng kasamaan sa daigdig. Iminungkahi niya na mag-aral ako ng Bibliya, at di-nagtagal ay pumayag ako. Subalit noong panahong iyon, hindi ako nagpapabautismo dahil sa takot sa tao.—Kaw. 29:25.
Naging Saksi rin ang ate ko, si Dorothy. Nang bumalik siya galing sa isang internasyonal na kombensiyon sa New York (1953) kasama ang kaniyang mapapangasawa, si Bill Roberts, sinabi ko sa kanila na nag-aral ako ng Bibliya. Tinanong ako ni Bill: “Binasa mo ba ang lahat ng teksto? Sinalungguhitan mo ba ang mga sagot sa aklat?” Nang sumagot ako ng hindi, sinabi niya: “Hindi ka pa nag-aral! Hanapin mo ang sister na nakipag-aral sa iyo at magsimula kayo uli!” Nang panahong iyon, sinimulan akong ligaligin ng mga demonyo. Natatandaan ko pa noong humihingi
ako ng tulong kay Jehova upang protektahan niya ako at palayain sa impluwensiya ng mga demonyo.Pagpapayunir sa Scotland at Ireland
Nagpabautismo ako noong Enero 16, 1954, tinapos ko ang aking kontrata bilang nars noong Mayo, at nagsimulang magpayunir noong Hunyo. Pagkalipas ng walong buwan, inatasan ako bilang special pioneer sa Grangemouth, Scotland. Nadama ko roon na ang mga anghel ni Jehova ay “nagkakampo sa buong palibot” habang nangangaral ako sa liblib na teritoryong iyon.—Awit 34:7.
Noong 1956, inanyayahan akong maglingkod sa Ireland. Inatasan ako at ang dalawang iba pang sister sa lunsod ng Galway. Noong unang araw namin doon, kinatok ko ang isang bahay na tinutuluyan pala ng isang pari. Pagkaraan ng ilang minuto, may dumating na pulis. Ako at ang aking kasama ay dinala sa istasyon ng pulis. Pagkatapos makuha ang mga pangalan at adres namin, kaagad na tumawag sa telepono ang pulis. Narinig naming sinabi niya, “Opo, Padre, alam ko na kung saan sila nakatira.” Ang pari pala ang nagpahuli sa amin! Napilitan ang may-ari ng tinitirhan namin na paalisin kami, kaya inirekomenda ng tanggapang pansangay na umalis kami sa lugar na iyon. Bagaman nahulí kami nang sampung minuto nang makarating kami sa istasyon ng tren, hindi kami iniwanan ng tren, at isang lalaki ang naghihintay roon upang tiyakin na nakasakay kami rito. Lahat ng iyan ay nangyari sa loob lamang ng tatlong linggo naming pamamalagi sa Galway!
Inatasan kami sa Limerick, isa pang lunsod kung saan napakalakas ng impluwensiya ng Simbahang Katoliko. Palagi kaming sinisigawan ng mga mang-uumog. Maraming tao ang natatakot na pagbuksan kami ng pinto. Isang taon pa lamang ang nakalilipas bago kami dumating, isang brother ang binugbog sa Cloonlara, isang maliit at kalapit na bayan. Kaya natutuwa kaming makausap si Christopher, na binanggit sa simula. Hiniling niya na bumalik kami upang pag-usapan ang kaniyang mga tanong tungkol sa Bibliya. Sa aming pagbalik, biglang pumasok ang isang pari sa kaniyang bahay at inutusan si Christopher na paalisin kami. Subalit sa halip na sumunod sa pari, sinabi niya: “Inanyayahan ko ang mga babaing ito sa aking bahay at kumatok pa nga sila bago sila pumasok, samantalang ikaw, bigla ka na lang pumasok nang hindi man lang kumakatok.” Galit na galit na umalis ang pari.
Hindi namin alam na nagtipon pala ang pari ng isang malaking grupo ng mga lalaki sa labas ng bahay ni Christopher. Palibhasa’y alam niyang galit ang mga taong ito sa amin, kumilos si Christopher gaya ng inilarawan sa pasimula. Hinayaan niya kaming manatili sa kaniyang bahay hanggang sa umalis ang mga tao. Nang maglaon, nalaman namin na siya at ang kaniyang pamilya ay napilitang umalis sa lugar na iyon at nandayuhan sa Inglatera.
Inanyayahan sa Gilead
Nagbabalak na akong dumalo sa Banal na Kalooban na Pang-Internasyonal na Asamblea noong 1958 sa New York nang anyayahan akong mag-aral sa ika-33 klase ng Gilead. Sa halip na umuwi pagkatapos ng asamblea, naglingkod muna ako sa Collingwood, Ontario, Canada, hanggang bago magsimula ang Paaralang Gilead noong 1959. Pero noong panahon ng asamblea, nakilala ko si Eric Connell. Nalaman niya ang katotohanan noong 1957 at nagsimulang magpayunir noong 1958. Pagkatapos ng asamblea, araw-araw na niya akong pinadadalhan ng sulat habang ako ay nasa Canada at maging noong nag-aaral na ako sa Gilead. Hindi ko alam kung saan patutungo ang aming ugnayan pagkatapos kong mag-aral sa Gilead.
Isang napakahalagang bahagi ng buhay ko ang pag-aaral sa Gilead. Kaklase ko si Ate Dorothy at ang kaniyang asawa. Inatasan silang mag-asawa sa Portugal. Nagulat ako nang atasan ako sa Ireland. Talagang nadismaya ako na hindi ko makakasama ang ate ko! Tinanong ko ang isa sa mga instruktor kung may nagawa ba akong mali. “Wala naman,” ang sabi niya. “Ikaw at ang kasama mo, si Eileen Mahoney, ay pumayag maglingkod saanman sa daigdig,” at tiyak na kasama riyan ang Ireland.
Pagbalik sa Ireland
Bumalik ako sa Ireland noong Agosto 1959 at inatasan ako sa Kongregasyon ng Dun Laoghaire. Samantala, bumalik naman si Eric sa Inglatera at tuwang-tuwa siya na malapit lang ako sa kaniya. Gusto rin niyang maging misyonero. Ikinatuwiran niya na yamang nagpapadala ng mga misyonero sa Ireland, dito na rin siya magpapayunir.
Lumipat siya sa Dun Laoghaire, at ikinasal kami noong 1961.Pagkalipas ng anim na buwan, muntik nang mamatay si Eric dahil sa isang aksidente sa motor. Nagkalamat ang kaniyang bungo, at hindi matiyak ng mga doktor kung mabubuhay pa siya. Pagkatapos ng tatlong linggong pamamalagi sa ospital, inalagaan ko siya sa bahay sa loob ng limang buwan hanggang sa gumaling siya. Ipinagpatuloy ko ang aking ministeryo sa abot ng aking makakaya.
Noong 1965, inatasan kami sa isang kongregasyon na binubuo ng walong mamamahayag sa Sligo, isang daungan sa hilagang-kanlurang baybayin. Pagkatapos ng tatlong taon, nagpunta kami sa isa pang maliit na kongregasyon sa Londonberry, sa may dulong hilaga. Isang araw, nang papauwi na kami galing sa paglilingkod, nakakita kami ng isang bakod na may mga alambreng tinik sa kabilang panig ng kalye kung saan kami nakatira. Nagsimula na ang tinatawag na Kaguluhan sa Hilagang Ireland. Sinunog ng mga gang ng kabataan ang mga kotse. Nabahagi ang lunsod sa lugar ng mga Protestante at lugar ng mga Katoliko. Mapanganib na magpalipat-lipat sa mga lugar na ito sa lunsod.
Pamumuhay at Pagpapatotoo sa Panahon ng Kaguluhan
Sa kabila ng lahat ng ito, nangaral pa rin kami sa lahat ng dako. Muli, nadama namin na para bang nagkakampo sa palibot namin ang mga anghel. Kapag napunta kami sa isang lugar kung saan biglang magkakagulo, kaagad kaming umaalis dito at pagkatapos ay bumabalik kapag humupa na ang kalagayan. Minsan ay nagkagulo malapit sa tinitirhan naming apartment at may bumagsak na nagbabagang mga bagay sa pasimano namin. Ang mga ito ay nanggaling sa isang nasusunog na tindahan ng pintura malapit sa amin. Hindi kami nakatulog sa takot na maabot ng sunog ang apartment namin. Nang lumipat kami sa Belfast noong 1970, nabalitaan namin na hinagisan ng sinindihang bote na may gas ang tindahan na iyon at kasamang natupok ng apoy ang apartment na tinirhan namin.
Minsan naman, nasa larangan kami ng isang sister nang makakita kami ng isang kaduda-dudang tubo sa isang pasimano. Nagpatuloy kami sa paglakad. Pagkatapos ng ilang minuto, sumabog ito. Inakala ng mga taong lumabas sa kanilang bahay na kami ang naglagay ng bomba! Sa sandaling iyon, isang sister na nakatira sa lugar na iyon ang nagpatuloy sa amin sa kaniyang bahay. Dahil dito, natanto ng kaniyang mga kapitbahay na hindi kami ang nagpasabog ng bomba.
Noong 1971, bumalik kami sa Londonberry upang dalawin ang isang sister. Nang sabihin namin kung saan kami dumaan at ang checkpoint na dinaanan namin, sinabi niya, “Wala bang tao sa checkpoint?” Nagulat siya nang sabihin namin, “Meron, pero hindi nila kami pinansin.” Bakit siya nagulat? Dahil noong nakalipas na mga araw, isang doktor at isang pulis ang hinarang, kinuha ang kanilang kotse, at sinunog ang mga ito.
Noong 1972, lumipat kami sa Cork. Nang maglaon ay naglingkod kami sa Naas, at pagkatapos ay sa Arklow. Sa wakas, noong 1987, inatasan kami sa Castlebar, kung saan kami ngayon naninirahan. Dito ay nagkaroon kami ng napakalaking pribilehiyo na tumulong sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Nagkasakit nang malubha si Eric noong 1999. Pero sa tulong ni Jehova at maibiging suporta ng kongregasyon, muli kong naharap ang hamong ito at inalagaan ko siya hanggang sa siya’y lumakas.
Kami ni Eric ay dalawang beses nang nakadalo sa Pioneer Service School. Naglilingkod pa rin siya bilang elder. Mayroon akong malubhang artritis at naoperahan na ang aking balakang at mga tuhod. Bagaman naharap ko ang matinding relihiyosong pagsalansang at kaguluhan sa pulitika at lipunan, ang isa sa pinakamahirap na hamon sa akin ay ang tanggapin ang katotohanan na hindi na ako puwedeng magmaneho. Hamon ito sa akin dahil hindi ko na mapuntahan ang mga lugar na gusto kong puntahan kailanma’t gusto ko. Malaking tulong ang kongregasyon. Sa ngayon, naglalakad ako nang may tungkod, at gumagamit ako ng isang de-batiryang sasakyan na may tatlong gulong kapag nagpupunta sa mas malalayong lugar.
Kung pagsasamahin ang taon ng paglilingkod namin ni Eric bilang special pioneer, aabot ito ng mahigit 100 taon—98 sa mga ito ay sa Ireland. Wala kaming balak na huminto sa paglilingkod. Hindi naman kami umaasa sa mga himala, pero naniniwala kami na ang makapangyarihang mga anghel ni Jehova ay “nagkakampo sa buong palibot” ng mga natatakot at tapat na naglilingkod sa kaniya.