Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Binabanggit sa Kasulatan ang “aklat ni Jasar” at “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova.” (Jos. 10:13; Bil. 21:14) Ang dalawang aklat na iyan ay hindi bahagi ng kanon ng Bibliya. Ito kaya ay mga kinasihang akda na nawala?
Walang dahilan para isipin na kinasihan ang pagsulat ng dalawang aklat na iyan na nang maglaon ay nawala. Maraming iba pang akda ang binanggit ng mga kinasihang manunulat ng Bibliya. Maaaring ang ilan sa mga ito ay bahagi ng Bibliya na inilalarawan sa mga salitang hindi pamilyar sa mga mambabasa ngayon. Halimbawa, binabanggit sa 1 Cronica 29:29 ang “mga salita ni Samuel na tagakita,” “mga salita ni Natan na propeta,” at “mga salita ni Gad na tagapangitain.” Ang tatlong iyan ay maaaring tumukoy sa mga aklat na kilala natin bilang 1 at 2 Samuel, o marahil ay ang aklat ng Mga Hukom.
Sa kabilang banda, maaaring ang tawag sa ilang reperensiyang akda ay katulad lamang ng sa mga aklat ng Bibliya pero hindi naman talaga bahagi ng Bibliya. Maaari nating ipaghalimbawa ito sa apat na sinaunang aklat: “aklat ng mga pangyayari nang mga panahon ng mga hari sa Juda,” “Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel,” “Aklat ng mga Hari ng Israel,” at “Aklat ng mga Hari ng Israel at ng Juda.” Bagaman ang pangalan ng mga aklat na iyan ay katulad ng mga aklat ng Bibliya na kilala natin bilang 1 Hari at 2 Hari, ang apat na aklat na iyan ay hindi kinasihan ng Diyos ni bahagi man ng kanon ng Bibliya. (1 Hari 14:29; 2 Cro. 16:11; 20:34; 27:7) Malamang na mga akda lamang ito hinggil sa kasaysayan na mababasa noong panahong isinusulat nina propeta Jeremias at Ezra ang kanilang mga aklat sa Bibliya.
Oo, sumipi at sumangguni ang ilang manunulat ng Bibliya sa umiiral pero di-kinasihang nasusulat na mga kasaysayan o dokumento. Binabanggit ng Esther 10:2 ang “Aklat ng mga pangyayari sa mga panahon ng mga hari ng Media at Persia.” Sa katulad na paraan, nang ihanda ni Lucas ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo, “tinalunton [niya] ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.” Malamang na ang ibig niyang sabihin ay sumangguni siya sa nakasulat na mga reperensiya noong panahon niya habang binubuo ang talaangkanan ni Jesus na mababasa sa kaniyang Ebanghelyo. (Luc. 1:3; 3:23-38) Bagaman hindi kinasihan ang mga reperensiya na sinangguni ni Lucas, ang isinulat niyang Ebanghelyo ay tiyak na kinasihan. At nananatili itong mahalaga para sa atin.
May kinalaman sa dalawang aklat na binanggit sa tanong—ang “aklat ni Jasar” at ang “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova”—malamang na ang mga ito ay mga dokumentong hindi kinasihan. Dahil diyan, hindi iningatan ni Jehova ang mga dokumentong iyan. Ang mga pagtukoy ng Bibliya sa dalawang aklat na ito ang umakay sa mga iskolar na isiping ang mga iyan ay mga koleksiyon ng tula at awit tungkol sa alitan ng Israel at mga kaaway nito. (2 Sam. 1:17-27) Ipinahihiwatig ng isang ensayklopidiya sa Bibliya na ang nilalaman ng mga aklat na iyan ay maaaring “karaniwang koleksiyon ng mga tula at awit na iningatan ng mga bihasang mang-aawit sa sinaunang Israel.” Maging ang ilang lalaki na ginamit ng Diyos bilang mga propeta o tagapangitain ay may mga isinulat na akda na hindi kinasihan ni Jehova o pinili mang maging bahagi ng Kasulatan na “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay” sa ating panahon.—2 Tim. 3:16; 2 Cro. 9:29; 12:15; 13:22.
Hindi natin dapat isipin na dahil binanggit sa Bibliya ang ilang aklat at dahil naging kapaki-pakinabang na reperensiya ang mga ito ay masasabi nang kinasihan ang mga ito. Gayunman, iningatan ng Diyos na Jehova ang mga akda na naglalaman ng “salita ng ating Diyos,” at ang mga ito ay “mananatili hanggang sa panahong walang takda.” (Isa. 40:8) Oo, pinili ni Jehova na maging bahagi ng 66 na aklat ng Bibliya kung ano lamang ang kailangan natin para “maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Tim. 3:16, 17.