Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
Ayon sa salaysay ni Ruth Danner
Pabirong sinasabi ni Inay na malagim na taon daw ang 1933 nang isilang ako. Kasi iyon ang taon nang maluklok sa kapangyarihan si Hitler at idineklara ito ng papa na Banal na Taon.
NAKATIRA ang aking mga magulang sa bayan ng Yutz sa Lorraine, isang makasaysayang rehiyon sa Pransiya malapit sa hangganan ng Alemanya. Noong 1921, ikinasal si Inay, isang saradong Katoliko, kay Itay na isa namang Protestante. Ipinanganak si Ate Helen noong 1922 at bininyagan sa Simbahang Katoliko.
Isang araw noong 1925, nakatanggap si Itay ng aklat na The Harp of God sa wikang Aleman. Matapos niya itong basahin, nakumbinsi si Itay na nasumpungan na niya ang katotohanan. Sumulat siya sa mga tagapaglathala nito, kaya dinalaw siya ng Bibelforscher, ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Kaagad namang ipinangaral ni Itay ang kaniyang natutuhan. Hindi ito nagustuhan ni Inay. “Gawin mo ang lahat ng gusto mo,” ang wika ni Inay, “pero huwag kang sasama sa mga Bibelforscher!” Gayunman, desidido na si Itay at nagpabautismo siya noong 1927.
Dahil diyan, kinumbinsi ni lola si Inay na diborsiyuhin si Itay. Isang araw, sinabihan ng pari ang mga nakinig sa kaniyang Misa na “layuan ang huwad na propetang si Danner.” Nang makauwi si lola galing sa Misa, binato niya ng paso mula sa itaas ng aming bahay si Itay. Mabuti na lamang hindi sa ulo tinamaan si Itay kundi sa kaniyang balikat. Naisip tuloy ni Inay, ‘Hindi tama sa isang relihiyon na udyukan ang kanilang miyembro na pumatay.’ Mula noon, nagbasa na si Inay ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, nakumbinsi siya na ito ang katotohanan at nabautismuhan siya noong 1929.
Sinikap ng aming mga magulang na maging totoo si Jehova sa aming magkapatid. Binabasahan nila kami ng mga kuwento sa Bibliya at pagkatapos ay tinatanong kami kung bakit gayon ang ginawa ng mga tauhan sa kuwento. Noong panahong iyon, tumanggi si Itay na magtrabaho sa gabi kahit pa malaki ang mawala sa kaniyang suweldo. Gusto niyang magkaroon ng sapat na panahon para sa Kristiyanong pagpupulong, ministeryo, at pampamilyang pag-aaral.
Panahon ng Pag-uusig
Laging pinatutuloy ng mga magulang ko sa aming bahay ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at Bethelite mula sa Switzerland at Pransiya. Ikinukuwento nila sa amin ang pag-uusig na dinaranas ng mga kapatid natin sa
Alemanya, mga ilang kilometro lamang mula sa aming lugar. Ipinapatapon ng pamahalaang Nazi ang mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan at inilalayo ang mga anak sa kanilang magulang.Inihanda kami ng aming magulang para sa nalalapit na pag-uusig. Tinulungan nila kaming kabisaduhin ang mga teksto sa Bibliya. Sinabi nila: “Kung hindi n’yo alam ang gagawin n’yo, tandaan n’yo ang Kawikaan 3:5, 6. Kung natatakot kayo sa pagsalansang sa paaralan, isipin n’yo ang 1 Corinto 10:13. Kung sakaling kunin at ilayo kayo sa amin, huwag ninyong kalimutan ang Kawikaan 18:10.” Naisapuso ko rin ang Awit 23 at 91 kaya lubos ang tiwala ko na lagi akong tutulungan ni Jehova.
Noong 1940, nasakop ng Nazi ang Alsace-Lorraine. Iniutos ng bagong rehimen na sumali ang lahat ng adulto sa partidong Nazi. Tumanggi si Itay kaya tinakot siya ng mga Gestapo na aarestuhin siya. Tinakot din nila si Inay nang tumanggi siyang manahi ng mga uniporme ng militar.
Takot na akong pumasok sa eskuwela. Araw-araw kasing sinisimulan ang klase sa pagsasabi ng “Heil Hitler” at pagkanta ng pambansang awit habang nakaunat ang kanang kamay. Sa halip na sabihin sa akin na huwag gawin iyon, sinanay ako ng aking mga magulang na magpasiya ayon sa aking budhi. Kaya ako mismo ang nagpasiya na huwag magsabi ng “Heil Hitler.” Dahil dito, sinampal ako ng aking guro at tinakot na patatalsikin ako sa paaralan. Noong ako ay pitong taóng gulang, humarap ako sa lahat ng 12 guro sa aming paaralan. Pinilit nila akong magsabi ng “Heil Hitler.” Pero sa tulong ni Jehova, nakapanindigan ako.
Isang guro ang nagkunwaring mabait sa akin. Sinabi niya na manghihinayang siya kung mapapatalsik ako sa paaralan dahil mahusay akong estudyante. Sinabi niya: “Hindi mo naman kailangang iunat ang iyong kamay. Itaas mo lang nang kaunti. Hindi mo rin kailangang magsabi ng ‘Heil Hitler!’ Magkunwari ka lang na ibinubuka mo ang bibig mo.”
Nang ikuwento ko ito kay Inay, ipinaalaala niya sa akin ang tungkol sa tatlong Hebreo na nakatayo sa harap ng imahen na ipinagawa ng hari ng Babilonya. “Ano ang iniutos sa kanila?” ang tanong niya. “Yumukod,” ang sagot ko. “Kung nagkunwari kaya silang nagsisintas ng kanilang sandalyas nang pinayuyukod na sila sa imahen, tama kaya iyon? Ikaw ang magpasiya. Gawin mo ang alam mong tama.” Tulad nina Sadrac, Mesac, at Abednego, nanatili akong tapat kay Jehova.—Dan. 3:1, 13-18.
Maraming beses akong pinatalsik ng aking mga guro sa paaralan at sinabing ilalayo ako sa aking mga magulang. Takot na takot ako pero lagi akong pinalalakas ng aking mga magulang. Kapag papasok ako sa paaralan, nananalangin kami ni Inay at hinihiling niya na ingatan ako ni Jehova. Alam ko na tutulungan ako ng Diyos na makapanindigan sa katotohanan. (2 Cor. 4:7) Sinabi sa akin ni Itay na kapag hindi ko na kaya ang panggigipit sa paaralan, huwag akong matakot na umuwi ng bahay. “Anak ka namin at mahal ka namin,” ang sabi niya. “Ang mahalaga ay ang kaugnayan mo kay Jehova.” Ang mga salitang iyon ang nagpalakas sa akin na manatiling tapat.—Job 27:5.
Madalas pumunta sa bahay namin ang Gestapo para maghalughog ng mga publikasyon ng Saksi at para pagtatanungin ang aking mga magulang. Ilang oras din nilang ikinukulong si Inay. Pinupuntahan din nila sina Itay at Ate sa kanilang trabaho. Hindi ko alam kung daratnan ko pa si Inay sa bahay kapag umuwi ako galing sa paaralan. Minsan ay sinabi ng isang kapitbahay: “Dinala nila ang nanay mo.” Pagkatapos ay nagtago ako sa loob ng bahay at tinanong ko ang aking sarili: ‘Binubugbog kaya nila si Inay? Makikita ko pa kaya siya?’
Ipinatapon Kami
Noong Enero 28, 1943, ginising kami ng mga Gestapo nang alas tres y medya ng umaga. Sinabi nila na kung sasali kami sa partido ng Nazi, hindi kami ipapatapon. Binigyan kami ng tatlong oras para mag-impake. Matagal nang naihanda Roma 8:35-39.
ni Inay ang aming mga bag na may Bibliya at ilang damit. Kaya nagamit namin ang ibinigay na oras para manalangin at palakasin ang isa’t isa. Ipinaalaala ni Itay sa amin na ‘walang makapaghihiwalay sa amin sa pag-ibig ng Diyos.’—Bumalik ang mga Gestapo. Hindi ko malilimutan ang may-edad nang si Sister Anglade habang ikinakaway ang kaniyang kamay at lumuluha nang paalis na kami. Inihatid kami ng Gestapo sa istasyon ng tren sa Metz. Naglakbay kami nang tatlong araw at nakarating sa Kochlowice, isang kampo sa Auschwitz, Poland. Pagkalipas ng dalawang buwan, inilipat kami sa Gliwice, isang kumbento na ginawang kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Sinabi sa amin ng mga Nazi na kung pipirma kami sa isang dokumento na nagsasabing tinatalikuran na namin ang aming pananampalataya, palalayain nila kami at ibabalik ang aming mga pag-aari. Tumanggi sina Itay at Inay kaya sinabi ng mga sundalo, “Hinding-hindi na kayo makababalik sa inyong bahay.”
Noong Hunyo, inilipat kami sa Swietochlowice kung saan ako nagsimulang makaranas ng pananakit ng ulo na hanggang ngayon ay nararanasan ko pa rin. Naimpeksiyon ang aking mga daliri. Tinanggal ng doktor ang ilan sa aking kuko nang walang anestisya. Sa kabila nito, naging utusan ako ng mga guwardiya at madalas nila akong papuntahin sa panaderya. Isang babae roon ang nagbibigay sa akin ng pagkain.
Nanatili kaming magkakasama ng aking pamilya at hiwalay sa ibang mga bilanggo hanggang noong Oktubre 1943, nang dalhin kami sa kampo sa Ząbkowice. Sa attic kami natutulog kasama ng mga 60 ibang mga lalaki, babae, at bata. Tiniyak ng SS na panis ang pagkaing inirarasyon sa amin.
Sa kabila ng hirap, hindi kami nawalan ng pag-asa. Nabasa namin sa Bantayan na marami pa ang pangangaralan pagkatapos ng digmaan. Kaya alam namin kung bakit kami nagdurusa sa ngayon at na malapit na itong matapos.
Nabalitaan namin na natatalo na ng mga hukbo ng Alyado ang mga Nazi. Sa pagsisimula ng 1945, nagpasiya ang SS na iwan ang kampo. Noong Pebrero 19, puwersahan kaming pinagmartsa nang halos 240 kilometro. Pagkalipas ng apat na linggo, nakarating kami sa Steinfels, Alemanya kung saan tinipon ng mga guwardiya ang mga bilanggo sa isang minahan. Marami ang nag-isip na papatayin na kami. Pero dumating ang mga sundalong Alyado nang araw na
iyon at tumakas ang SS. Tapos na rin ang aming paghihirap.Pag-abot sa Tunguhin
Pagkatapos ng dalawa at kalahating taon, noong Mayo 5, 1945, nakabalik kami sa Yutz nang gusgusin at napakaraming kuto. Mula pa kasi noong Pebrero, hindi kami nakapagpalit ng damit kaya sinunog namin ang aming pinagbihisan. Naalaala ko na sinabi ni Inay sa amin: “Ituring n’yo ito na pinakamagandang araw sa inyong buhay. Walang-wala tayo at kahit ang mga suot natin ay hindi sa atin. Gayunpaman, kumpleto pa rin ang ating pamilya. Nanatili tayong tapat at hindi nakipagkompromiso.”
Pagkatapos kong magpagaling sa loob ng tatlong buwan sa Switzerland, nag-aral akong muli. Ngayon, hindi na ako natatakot na mapatalsik sa paaralan. Maaari na kaming magpulong at mangaral nang malaya. Matagal ko nang inialay ang aking sarili kay Jehova at noong Agosto 28, 1947, sa edad na 13, binautismuhan ako ni Itay sa Ilog Moselle. Gustong ko nang magpayunir agad pero iginiit ni Itay na matuto muna ako ng isang kasanayan. Naging mananahi ako. Noong 1951, sa edad na 17, inatasan akong maglingkod bilang payunir sa karatig lugar na Thionville.
Noong taon ding iyon, dumalo ako ng asamblea sa Paris at nag-aplay bilang misyonero. Pero bata pa ako noon kaya sinabi ni Brother Nathan Knorr na itatabi muna niya ang aking aplikasyon. Noong Hunyo 1952, nakatanggap ako ng imbitasyong mag-aral sa ika-21 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York, E.U.A.
Pag-aaral sa Gilead at Pagkatapos Nito
Isa ngang pambihirang karanasan ang makapag-aral sa Gilead! Nahihirapan akong makipag-usap sa iba kahit sa sarili kong wika. Ngayon, kailangan kong magsalita ng Ingles. Pero tinulungan ako ng mga instruktor. Isang brother ang nagbigay sa akin ng palayaw na Kingdom Smile dahil daw sa aking ngiti tuwing ako’y nahihiya.
Noong Hulyo 19, 1953, ginanap ang aming gradwasyon sa Yankee Stadium sa New York. Inatasan ako sa Paris kasama si Ida Candusso (nang maglaon ay naging Seignobos). Nakakatakot mangaral sa mayayaman sa Paris. Gayunman, naturuan ko sa Bibliya ang mga pangkaraniwang tao. Ikinasal si Ida at lumipat sa Aprika noong 1956. Nanatili ako sa Paris.
Noong 1960, nagpakasal ako sa isang Bethelite. Naglingkod kami bilang special pioneer sa Chaumont at Vichy. Pagkalipas ng limang taon, nagkasakit ako ng tuberkulosis at kinailangang tumigil sa pagpapayunir. Lungkot na lungkot ako kasi mula pa pagkabata ay tunguhin ko na ang maglingkod nang buong panahon habang buhay. Di-nagtagal, iniwan ako ng aking asawa dahil sa isang babae. Noong panahong iyon, tinulungan ako ng aking espirituwal na mga kapatid, at patuloy akong inalalayan ni Jehova.—Awit 68:19.
Nakatira ako ngayon sa Louviers, Normandy, malapit sa tanggapang pansangay sa Pransiya. Sa kabila ng mahinang kalusugan, hindi ako pinabayaan ni Jehova. Malaking tulong ang pagsasanay sa akin ng aking mga magulang para manatiling matatag hanggang ngayon. Itinuro nila sa akin na totoong Persona si Jehova. Maaari ko siyang mahalin, kausapin, at sinasagot niya ang aking mga panalangin. Oo, “ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?”—Awit 116:12.
[Blurb sa pahina 6]
“Hindi ako pinabayaan ni Jehova”
[Larawan sa pahina 5]
Dala ang aking gas mask noong ako’y anim na taóng gulang
[Larawan sa pahina 5]
Kasama ang mga misyonero at payunir sa Luxembourg para sa pantanging kampanya ng pangangaral noong ako’y 16 anyos
[Larawan sa pahina 5]
Kasama si Itay at Inay sa isang kombensiyon noong 1953