Magsalita ng Katotohanan sa Iyong Kapuwa
Magsalita ng Katotohanan sa Iyong Kapuwa
“Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.”—EFE. 4:25.
1, 2. Ano ang pangmalas ng maraming tao sa katotohanan?
MATAGAL nang kontrobersiyal na paksa ang tungkol sa pagsasabi ng totoo. Noong ika-anim na siglo B.C.E., sinabi ng Griegong makata na si Alcaeus: “Nagsasabi ng totoo ang taong lasing.” Tunay nga na kapag nalalasing ang isang tao, lumalakas ang loob niyang sabihin ang kaniyang tunay na niloloob. Pilipit din ang pangmalas sa katotohanan ng Romanong gobernador noong unang siglo na si Poncio Pilato. May pagdududa niyang tinanong si Jesus: “Ano ang katotohanan?”—Juan 18:38.
2 Iba-iba ang pangmalas ng mga tao sa ngayon tungkol sa pagsasabi ng totoo. Sinasabi ng marami na ang salitang “katotohanan” ay may iba’t ibang kahulugan o na ito ay nakadepende sa kung sino ang nagsasalita. Nagsasabi lang ng totoo ang iba kapag pabor ito sa kanila. Sinabi ng aklat na The Importance of Lying: “Maaaring marangal ang pagiging tapat, pero wala itong masyadong halaga sa buhay ng mga tao. Walang pagpipilian ang tao—kailangan niyang magsinungaling para mabuhay.”
3. Bakit katangi-tanging halimbawa si Jesus sa pagsasalita ng katotohanan?
3 Ibang-iba nga ang pangmalas ng mga alagad ni Kristo! Ang pangmalas ni Jesus sa katotohanan ay malayung-malayo sa pangmalas ng mga tao. Lagi siyang nagsasabi ng totoo. Maging ang mga kaaway niya ay umamin: “Guro, alam naming ikaw ay tapat at nagtuturo ng daan ng Diyos sa katotohanan.” (Mat. 22:16) Tinutularan din ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon si Jesus. Lagi rin silang nagsasabi ng totoo. Buong-puso silang sumasang-ayon sa payo ni apostol Pablo sa mga kapananampalataya niya: “Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efe. 4:25) Isaalang-alang natin ang tatlong aspekto ng mga salita ni Pablo. Una, sino ang ating kapuwa? Pangalawa, ano ang ibig sabihin ng pagsasalita ng katotohanan? At pangatlo, paano natin ito maikakapit sa ating pang-araw-araw na buhay?
Sino ang Ating Kapuwa?
4. Di-tulad ng mga unang-siglong lider na Judio, paano ipinakita ni Jesus kung sino ang gusto ni Jehova na ituring nating kapuwa?
4 Noong unang siglo C.E., itinuro ng ilang lider na Judio na mga Judio lamang o mga kaibigan nila ang dapat ituring na “kapuwa.” Pero tinularang mabuti ni Jesus ang personalidad at kaisipan ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Kapansin-pansin, ipinakita niya sa kaniyang mga alagad na hindi nagtatangi ng lahi ang Diyos. (Juan 4:5-26) Bukod diyan, isiniwalat ng banal na espiritu kay apostol Pedro na ang “Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:28, 34, 35) Kaya dapat nating ituring na kapuwa ang lahat ng tao anupat iniibig kahit ang mga kaaway.—Mat. 5:43-45.
5. Ano ang ibig sabihin ng pagsasalita ng katotohanan sa ating kapuwa?
5 Pero ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na dapat tayong magsalita ng katotohanan sa ating kapuwa? Kasama sa pagsasalita ng katotohanan ang pagbibigay ng tunay na impormasyon nang walang anumang panlilinlang. Hindi pinipilipit ng tunay na mga Kristiyano ang katotohanan para dayain ang iba. Roma 12:9) Dapat tayong magsikap na tularan ang “Diyos ng katotohanan,” at maging tapat sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa. (Awit 15:1, 2; 31:5) Kung pag-iisipan nating mabuti ang ating binibitiwang mga salita, hindi tayo malalagay sa alanganing situwasyon na karaniwan nang magtutulak sa atin na magsinungaling.—Basahin ang Colosas 3:9, 10.
‘Kinamumuhian nila ang balakyot at kumakapit sila sa mabuti.’ (6, 7. (a) Ang pagsasabi ba ng katotohanan ay nangangahulugan na dapat nating sabihin maging ang personal na detalye sa sinumang nagtatanong sa atin? Ipaliwanag. (b) Kanino tayo dapat magsabi ng totoo?
6 Ang pagsasalita ba ng katotohanan sa iba ay nangangahulugan na dapat nating sabihin ang lahat ng detalye sa sinumang nagtatanong sa atin? Hindi naman. Ipinakita ni Jesus na may ilang tao na hindi karapat-dapat sa tuwirang sagot o bigyan ng espesipikong impormasyon. Nang tanungin siya ng mga mapagpaimbabaw na relihiyosong lider kung kaninong kapangyarihan o awtoridad siya gumawa ng mga tanda at himala, sinabi ni Jesus: “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako, at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.” Nang ayaw nilang sumagot, sinabi ni Jesus: “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.” (Mar. 11:27-33) Hindi siya obligadong sagutin ang kanilang tanong dahil sa kanilang masasamang gawain at kawalan ng pananampalataya. (Mat. 12:10-13; 23:27, 28) Gayundin sa ngayon, kailangang maging maingat ang bayan ni Jehova laban sa mga apostata at iba pang masasamang tao na gumagamit ng pandaraya o katusuhan dahil sa kanilang kasakiman.—Mat. 10:16; Efe. 4:14.
7 Ipinakita rin ni Pablo na may ilang tao na hindi nararapat bigyan ng kumpletong sagot. Sinabi niya na ang “mga tsismosa rin naman at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao” ay “nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” (1 Tim. 5:13) Oo, atubili ang ibang tao na magsabi ng personal na bagay sa mga taong nakikialam sa buhay ng iba o hindi mapagkakatiwalaan. Makabubuti nga kung susundin natin ang kinasihang payo ni Pablo: “Gawing inyong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang inyong sariling gawain.” (1 Tes. 4:11) Gayunman, kung minsan, maaaring kailangang malaman ng mga elder sa kongregasyon ang ilang personal na bagay tungkol sa atin para maisakatuparan nila ang kanilang atas. Sa ganitong kalagayan, napakahalaga at napakalaking tulong sa kanila kung magsasabi tayo ng totoo.—1 Ped. 5:2.
Magsalita ng Katotohanan sa Loob ng Pamilya
8. Paanong ang pagsasabi ng totoo sa loob ng pamilya ay tutulong para maging malapít sila sa isa’t isa?
8 Karaniwan na, ang pinakamalapít sa atin ay ang ating pamilya. Para mapatibay ang buklod ng pamilya, napakahalaga na magsabi tayo ng totoo sa isa’t isa. Maiiwasan ang mga problema at di-pagkakaunawaan kung mabait at tapatan tayong makikipag-usap sa kanila. Halimbawa, kapag nakagawa tayo ng mali, atubili ba tayong aminin ito sa ating asawa, mga anak, o sa iba pang malapit na kamag-anak? Ang taimtim na 1 Pedro 3:8-10.
pagsasabi ng “sorry” ay tutulong para magkaisa at maging payapa ang pamilya.—Basahin ang9. Bakit hindi tayo dapat magsalita nang walang pakundangan kahit totoo pa ang ating sasabihin?
9 Nawawalan ng halaga ang sinasabi ng isang tao kahit na ito ay totoo, kung sasabihin niya ito nang walang pakundangan. Sinabi ni Pablo: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efe. 4:31, 32) Kapag nagsasalita tayo sa mabait at magalang na paraan, mas napapahalagahan ang ating sinasabi at nabibigyan natin ng dangal ang ating kausap.—Mat. 23:12.
Magsalita ng Katotohanan sa Loob ng Kongregasyon
10. Ano ang matututuhan ng mga elder sa mahusay na halimbawa ni Jesus sa pagsasabi ng totoo?
10 Tapatan kung makipag-usap si Jesus sa kaniyang mga alagad. Laging maibigin ang kaniyang mga payo pero hindi niya binabantuan ang katotohanan para lamang mapalugdan ang kaniyang mga tagapakinig. (Juan 15:9-12) Halimbawa, nang paulit-ulit na nagtalo ang kaniyang mga apostol kung sino ang mas dakila, matatag ngunit matiisin silang tinulungan ni Jesus na maunawaan ang kahalagahan ng kapakumbabaan. (Mar. 9:33-37; Luc. 9:46-48; 22:24-27; Juan 13:14) Sa katulad na paraan, bagaman kailangan ng mga elder sa ngayon na maging matatag sa pagsasabi ng totoo, hindi naman sila namamanginoon sa kawan ng Diyos. (Mar. 10:42-44) Tinutularan nila si Jesus sa pagiging ‘mabait sa isa’t isa’ at “mahabagin na may paggiliw” sa pakikitungo nila sa iba.
11. Ang pag-ibig sa ating mga kapatid ay magpapakilos sa atin na gamitin ang ating dila sa anong paraan?
11 Masasabi natin sa ating kapatid ang gusto nating sabihin nang hindi siya nasasaktan kung hindi tayo masyadong prangka. Oo, ayaw nating maging “pinatalas na gaya ng labaha” ang ating dila, anupat nakasusugat ng damdamin ang mapang-abusong pananalitang lumalabas dito. (Awit 52:2; Kaw. 12:18) Mapapakilos tayo ng pag-ibig sa ating kapatid na “ingatan [natin] ang [ating] dila laban sa kasamaan, at ang [ating] mga labi laban sa pagsasalita ng panlilinlang.” (Awit 34:13) Sa ganitong paraan, mapararangalan natin ang Diyos at maitataguyod natin ang kapayapaan sa kongregasyon.
12. Kailan nangangailangan ng hudisyal na aksiyon ang pagsisinungaling? Ipaliwanag.
12 Nagsisikap ang mga elder na proteksiyunan ang kongregasyon sa mga nagkakalat ng mapanirang kasinungalingan. (Basahin ang Santiago 3:14-16.) Layunin ng nagsasabi ng mapanirang kasinungalingan na saktan ang damdamin o pighatiin ang iba. Hindi lamang ito simpleng pagsisinungaling o pagpapalabis sa katotohanan. Sabihin pa, lahat ng pagsisinungaling ay masama pero hindi naman lahat ng ito ay nangangailangan ng hudisyal na aksiyon. Kaya kailangan ng mga elder na maging timbang, makatuwiran, at mahusay sa pagpapasiya para matukoy nila kung naging kaugalian na ng isa ang sinasadya at mapanirang pagsisinungaling anupat kailangan na itong aksiyunan ng hudisyal na komite. O maaari din namang sapat na ang tuwiran pero maibiging pagpapayo mula sa Kasulatan.
Magsalita ng Katotohanan sa Trabaho o Negosyo
13, 14. (a) Paano nagiging hindi tapat ang ilang tao sa kanilang amo? (b) Ano ang mabuting resulta ng pagiging tapat at pagsasabi ng totoo sa trabaho?
13 Palasak sa ngayon ang kawalang-katapatan. Kaya maaaring isang hamon ang maging tapat sa amo. Kapag nag-aaplay ng trabaho, marami ang tahasang nagsisinungaling. Halimbawa, dinadaya nila ang isinusulat nila sa résumé tungkol sa kanilang karanasan sa trabaho o naabot na edukasyon para makakuha ng mas magandang trabaho na mataas ang suweldo. Sa kabilang banda, maraming empleado ang nagkukunwang nagtatrabaho pero pansarili naman ang pinagkakaabalahan, na ipinagbabawal sa mga tuntunin ng kompanya. Maaaring nagbabasa sila, tumatawag sa telepono, nag-e-email, o gumagamit ng Internet, mga bagay na wala namang kaugnayan sa kanilang trabaho.
14 Para sa mga tunay na Kristiyano, dapat na lagi silang maging tapat at magsabi ng totoo. (Basahin ang Kawikaan 6:16-19.) Sinabi ni Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Heb. 13:18) Kaya tinitiyak ng mga Kristiyano na pinagtatrabahuhan nila nang husto ang isang-araw na suweldong tinatanggap nila sa kanilang amo. (Efe. 6:5-8) Ang pagiging tapat ng isang empleado ay nagbibigay rin ng kapurihan sa ating makalangit na Ama. (1 Ped. 2:12) Halimbawa, pinuri si Roberto ng kaniyang amo sa Espanya dahil sa kaniyang pagiging responsable at tapat. Dahil dito, tumanggap pa ng mga empleadong Saksi ang kompanya. Naging mahuhusay rin silang empleado. Sa paglipas ng mga taon, nakatulong si Roberto sa 23 bautisadong Saksi at 8 inaaralan sa Bibliya na magkatrabaho!
15. Paano maipapakita ng isang Kristiyanong negosyante na nagsasabi siya ng totoo?
15 Kung ikaw ay negosyante, tapat ka ba sa lahat ng iyong transaksiyon, o kung minsan ay hindi ka nagsasabi ng totoo sa iyong kapuwa? Hindi dapat magsinungaling hinggil sa kaniyang produkto o serbisyo ang isang Kristiyanong negosyante para lamang kumita agad. Hindi rin siya dapat manuhol o tumanggap ng suhol. Dapat nating pakitunguhan ang iba sa paraang gusto nating pakitunguhan tayo.—Kaw. 11:1; Luc. 6:31.
Magsalita ng Katotohanan sa Pamahalaan
16. Ano ang ibinibigay ng mga Kristiyano (a) sa pamahalaan? (b) kay Jehova?
16 Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mat. 22:21) Anong mga “bagay” ang dapat nating ibigay kay Cesar, samakatuwid nga, sa pamahalaan? Nang sabihin ito ni Jesus, tungkol sa buwis ang pinag-uusapan. Kaya para magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng tao, sumusunod ang mga Kristiyano sa batas ng pamahalaan, kasama na ang pagbabayad ng buwis. (Roma 13:5, 6) Gayunman, si Jehova pa rin ang kinikilala natin bilang Kataas-taasang Soberano, ang tanging tunay na Diyos, na iniibig natin nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Mar. 12:30; Apoc. 4:11) Kung gayon, nagpapasakop tayo sa Diyos na Jehova nang walang pasubali.—Basahin ang Awit 86:11, 12.
17. Ano ang pangmalas ng bayan ni Jehova sa pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan?
17 Sa maraming bansa, may mga proyekto o serbisyo na nag-aalok ng pinansiyal na tulong sa mga nangangailangan. Wala namang masama na tumanggap ng gayong tulong ang isang Kristiyano basta kuwalipikado siya. Kung nagsasabi tayo ng totoo sa ating kapuwa, hindi tayo magbibigay ng maling impormasyon para lamang tumanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Mga Pagpapala sa Pagsasabi ng Totoo
18-20. Ano ang mga pagpapala sa pagsasabi ng totoo sa ating kapuwa?
18 Maraming pagpapala sa pagsasabi ng totoo. Mananatiling malinis ang ating budhi kaya magiging payapa ang ating kalooban at isip. (Kaw. 14:30; Fil. 4:6, 7) Mahalaga rin sa Diyos ang malinis na budhi. Kapag nagsasabi tayo ng totoo sa lahat ng pagkakataon, wala tayong dapat ikatakot o itago sa mga tao.—1 Tim. 5:24.
19 Isaalang-alang din ang sinabi ni Pablo: “Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, . . . sa tapat na pananalita.” (2 Cor. 6:4, 7) Ganito mismo ang nangyari sa isang Saksi sa Britanya. Nang ialok niya ang kaniyang kotse sa isang lalaki, sinabi niya ang lahat ng maganda at pangit sa kotse, pati na ang hindi nakikita. Pagkatapos itong subukang imaneho ng lalaki, tinanong siya nito kung isa ba siyang Saksi ni Jehova. Bakit niya ito naitanong? Napansin ng lalaki ang katapatan ng kapatid at ang maayos niyang pananamit. Dahil dito, nakapagpatotoo ang kapatid.
20 Ang atin bang katapatan at laging pagsasabi ng totoo ay nakapagbibigay rin ng kapurihan sa ating Maylalang? Sinabi ni Pablo: “Tinalikuran na namin ang mga bagay na ginagawa nang pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan.” (2 Cor. 4:2) Kaya sikapin natin laging magsalita ng katotohanan sa ating kapuwa. Sa paggawa nito, maluluwalhati natin ang ating makalangit na Ama at ang kaniyang bayan.
Paano Mo Sasagutin?
• Sino ang ating kapuwa?
• Ano ang ibig sabihin ng pagsasalita ng katotohanan sa ating kapuwa?
• Paano magdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos ang pagsasabi ng totoo?
• Ano ang mga pagpapala sa pagsasabi ng totoo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Handa mo bang aminin ang iyong maliliit na pagkakamali?
[Larawan sa pahina 18]
Nagsasabi ka ba ng totoo kapag nag-aaplay ng trabaho?