Tularan si Jesus—Mangaral Nang May Katapangan
Tularan si Jesus—Mangaral Nang May Katapangan
“Nag-ipon kami ng katapangan . . . upang salitain sa inyo ang mabuting balita.”—1 TES. 2:2.
1. Bakit nakatutuwang marinig ang mabuting balita ng Kaharian?
NAPAKASARAP makarinig ng magandang balita! At ang pinakamagandang balita sa lahat ay ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng mabuting balitang ito na mawawala ang pagdurusa, sakit, kirot, pighati, at kamatayan. Iniaalok nito ang pag-asang buhay na walang hanggan, isinisiwalat ang layunin ng Diyos, at ipinakikita kung paano tayo maaaring maging malapít sa kaniya. Maaaring isipin natin na matutuwa ang lahat na marinig ang balitang ito na ipinangaral ni Jesus. Subalit nakalulungkot, hindi gayon ang nangyayari.
2. Ipaliwanag ang sinabi ni Jesus: “Pumarito ako upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi.”
2 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang maglagay ng kapayapaan sa lupa; pumarito ako upang maglagay, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak. Sapagkat pumarito ako upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang babae. Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mat. 10:34-36) Sa halip na tanggapin ang mabuting balita, tinatanggihan ito ng maraming tao. Itinuturing pa nga ng ilan na kaaway ang mga naghahayag nito, kahit pa nga malalapít nila silang kamag-anak.
3. Upang matupad natin ang ating atas na mangaral, ano ang kailangan natin?
3 Inihahayag din natin ang mga katotohanang ipinahayag ni Jesus. Ang reaksiyon ng mga tao sa ngayon sa mensaheng ito ay kagaya rin ng reaksiyon ng marami noon. Inaasahan ito yamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Sa maraming lupain, hindi naman tayo tuwirang pinag-uusig, pero napapaharap tayo sa panunuya at kawalan ng interes ng mga tao. Dahil dito, kailangan natin ng pananampalataya at katapangan upang maipagpatuloy natin ang pangangaral ng mabuting balita.—Basahin ang 2 Pedro 1:5-8.
4. Bakit kinailangan ni Pablo na ‘mag-ipon ng katapangan’ upang makapangaral?
4 Nahihirapan ka ba kung minsan na makibahagi sa ministeryo o sa isang pitak nito? Kung ganiyan ang nadarama mo, hindi ka nag-iisa. Maraming alam sa katotohanan si apostol Pablo at isa siyang matapang na mangangaral, pero may mga panahon ding nahihirapan siyang mangaral. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Pagkatapos na maghirap muna kami at mapakitunguhan nang walang pakundangan (gaya ng alam ninyo) sa Filipos, nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tes. 2:2) Sa Filipos, pinagpapalo, ibinilanggo, at inilagay sa mga pangawan sina Pablo at Silas ng mga awtoridad. (Gawa 16:16-24) Gayunpaman, ‘nag-ipon sila ng katapangan’ upang patuloy na makapangaral. Paano natin sila matutularan? Upang masagot ito, isaalang-alang natin kung ano ang nakatulong sa mga lingkod ng Diyos noon na magsalita nang may katapangan tungkol kay Jehova. Talakayin din natin kung paano natin sila matutularan.
Kailangan ng Katapangan Upang Maharap ang Alitan
5. Bakit noon pa ma’y kailangan na ng mga tapat kay Jehova na maging matapang?
5 Siyempre, ang pinakamagandang halimbawa ng katapangan ay si Jesu-Kristo. Gayunpaman, mula pa noong magsimula ang kasaysayan ng tao, kailangan na ng mga tapat kay Jehova na maging matapang. Bakit? Pagkatapos maganap ang paghihimagsik sa Eden, inihula ni Jehova na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng mga lingkod niya at ng mga alipores ni Satanas. (Gen. 3:15) Agad na nakita ang alitang ito nang patayin ng kaniyang kapatid ang matuwid na si Abel. Nang maglaon, bago ang Baha, ang matuwid na si Enoc ay naging puntirya ng alitang ito. Inihula niya na darating ang Diyos kasama ang Kaniyang laksa-laksang banal upang maglapat ng hatol sa mga di-makadiyos. (Jud. 14, 15) Tiyak na hindi nagustuhan ng marami ang mensaheng ito. Kinapootan ng mga tao si Enoc at malamang na pinatay nila siya kung hindi siya kinuha ni Jehova. Napakatapang nga ni Enoc!—Gen. 5:21-24.
6. Bakit kinailangan ni Moises ng katapangan sa pagharap kay Paraon?
6 Isipin din ang ipinakitang katapangan ni Moises nang humarap siya kay Paraon. Ang haring ito ay itinuturing hindi lamang basta kinatawan ng mga diyos, kundi isang diyos mismo, ang anak ng diyos ng araw na si Ra. Maaari pa nga, na tulad ng ibang Paraon, gumawa siya ng imahen ng kaniyang sarili at sinamba ito. Batas ang salita ng Paraon. Siya ay makapangyarihan, mayabang, at matigas ang ulo. Iyan ang uri ng tao na paulit-ulit na hinarap ni Moises, isang maamong pastol na kinamumuhian ng mga Ehipsiyo. At ano ang inihula ni Moises? Mga salot. At ano ang kaniyang hiniling? Payaunin ang milyun-milyong alipin ni Paraon! Tiyak na kinailangan ni Moises ng katapangan.—Bil. 12:3; Heb. 11:27.
7, 8. (a) Anong mga pagsubok ang naranasan ng mga tapat na lingkod ng Diyos noon? (b) Ano ang nakatulong sa kanila na maging matapang para sa dalisay na pagsamba?
7 Nang sumunod na mga siglo, patuloy na nanindigan Heb. 11:37) Ano ang nakatulong sa tapat na mga lingkod na iyon na manatiling matatag? Sa naunang talata, sinabi ng apostol kung ano ang nagpalakas kina Abel, Abraham, Sara, at sa iba pa upang makapagbata. Sinabi niya: “Hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit [sa pananampalataya] nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon.” (Heb. 11:13) Siguradong ang mga propetang gaya nina Elias, Jeremias, at iba pa na matapang na nanindigan para sa tunay na pagsamba ay nakapagbata rin dahil itinuon nila ang kanilang pansin sa mga pangako ni Jehova.—Tito 1:2.
sa dalisay na pagsamba ang mga propeta at ibang tapat na lingkod ng Diyos. Malupit sa kanila ang sanlibutan ni Satanas. Sinabi ni Pablo: “Sila ay binato, sila ay sinubok, sila ay nilagari, sila ay namatay sa pagpaslang sa pamamagitan ng tabak, sila ay nagpagala-gala na nakabalat-tupa, na nakabalat-kambing, samantalang sila ay nasa kakapusan, nasa kapighatian, pinagmamalupitan.” (8 Ang mga tapat na ito bago ang panahong Kristiyano ay umaasa sa isang magandang kinabukasan. Kapag sila’y binuhay-muli, unti-unti silang magiging sakdal at “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan” sa pamamagitan ni Kristo Jesus bilang saserdote at ng 144,000 katulong na saserdote. (Roma 8:21) Bukod diyan, nagpakita ng katapangan si Jeremias at ang iba pang lingkod ng Diyos noon dahil ipinangako ni Jehova kay Jeremias: “Tiyak na makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ” (Jer. 1:19) Sa ngayon, napapatibay rin tayo kapag binulay-bulay natin ang mga pangako ng Diyos tungkol sa hinaharap at ang katiyakan na iingatan niya tayo sa espirituwal na paraan.—Kaw. 2:7; basahin ang 2 Corinto 4:17, 18.
Nangaral si Jesus Nang May Katapangan Dahil sa Pag-ibig
9, 10. Paano nagpakita ng katapangan si Jesus sa harap (a) ng mga lider ng relihiyon, (b) ng pangkat ng mga sundalo, (c) ng mataas na saserdote, (d) ni Pilato?
9 Ipinakita ni Jesus, ang ating Huwaran, ang katapangan sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, bagaman kinapootan siya ng makapangyarihan mga tao, hindi pinagaan ni Jesus ang mensahe ng Diyos. Hindi siya natakot na ibunyag ang pagpapaimbabaw at huwad na mga turo ng maimpluwensiyang mga lider ng relihiyon. Tuwiran silang hinatulan ni Jesus. Sa isang pagkakataon, sinabi niya: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat nakakahalintulad kayo ng mga pinaputing libingan, na sa labas nga ay nagtitinging maganda ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga taong patay at ng bawat uri ng karumihan. Sa gayong paraan kayo rin, sa labas nga, ay nagtitinging matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.”—Mat. 23:27, 28.
10 Nang harapin ang pangkat ng mga sundalo sa hardin ng Getsemani, lakas-loob na ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili. (Juan 18:3-8) Pagkatapos, dinala siya sa Sanedrin at pinagtatanong ng mataas na saserdote. Bagaman alam niyang naghahanap ang mataas na saserdote ng dahilan para maipapatay siya, walang-takot na sinabi ni Jesus na Siya ang Kristo at Anak ng Diyos. Sinabi niya na makikita nila siyang “nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.” (Mar. 14:53, 57-65) Pagkatapos nito, humarap si Jesus kay Pilato, na maaari sanang magpalaya sa kaniya. Pero nanatiling tahimik si Jesus sa kabila ng mga paratang sa kaniya. (Mar. 15:1-5) Talagang kailangan ng katapangan upang maharap ang lahat ng ito.
11. Paano nauugnay ang katapangan sa pag-ibig?
11 Sinabi ni Jesus kay Pilato: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Inatasan ni Jehova si Jesus na ipangaral ang mabuting balita. Nalugod si Jesus na gawin ito dahil mahal niya ang kaniyang Ama sa langit. (Luc. 4:18, 19) Mahal din ni Jesus ang mga tao. Nauunawaan niya ang pagdurusang nararanasan nila. Sa katulad na paraan, nauudyukan din tayo ng ating masidhing pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa na mangaral nang may katapangan.—Mat. 22:36-40.
Pinalalakas ng Banal na Espiritu na Mangaral Nang May Katapangan
12. Bakit nagsaya ang mga alagad noon?
12 Makalipas ang ilang linggo pagkamatay ni Jesus, nagsaya ang mga alagad dahil dumami sila sa tulong ni Jehova. Aba, sa loob lamang ng isang araw, mga 3,000 ang nabautismuhan! Sila ay mga Judio at proselita mula sa iba’t ibang lupain na nagpunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Pentecostes. Tiyak na pinag-usapan ito sa buong Jerusalem! Sinasabi ng Bibliya: “Ang takot ay sumapit sa bawat kaluluwa, at maraming mga palatandaan at mga tanda ang nagsimulang maganap sa pamamagitan ng mga apostol.”—Gawa 2:41, 43.
13. Bakit ipinanalangin ng mga kapatid na pagkalooban sila ng katapangan? Ano ang resulta?
13 Nagalit ang mga lider ng relihiyon. Ipinaaresto nila sina Pedro at Juan, ibinilanggo nang magdamag, at inutusang huwag nang magsalita tungkol kay Jesus. Nang makalaya ang dalawa, iniulat nila sa mga kapatid ang nangyari. Sama-sama nilang ipinanalangin ang tungkol sa pag-uusig na nararanasan nila. Hiniling nila: “Jehova, . . . ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” Ano ang resulta? “Ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan.”—Gawa 4:24-31.
14. Paano tayo matutulungan ng banal na espiritu sa ating pangangaral?
14 Pansinin na ang makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova ang tumulong sa mga alagad na ipangaral ang salita ng Diyos nang may katapangan. Hindi natin magagawang ipangaral nang may katapangan ang katotohanan sa iba, maging sa mga sumasalansang sa atin, nang walang tulong ng Diyos. Bibigyan tayo ni Jehova ng kaniyang banal na espiritu kung hihingin natin ito sa kaniya. Pagkakalooban din niya tayo ng katapangan upang maharap ang anumang pagsalansang.—Basahin ang Awit 138:3.
Pangangaral Nang May Katapangan sa Ngayon
15. Paano nababahagi ang mga tao sa ngayon dahil sa katotohanan?
15 Gaya noon, patuloy na nababahagi ang mga tao sa ngayon dahil sa katotohanan. Ang ilan ay positibong tumutugon, samantalang hindi naiintindihan ni pinahahalagahan ng iba ang ating paraan ng pagsamba. Binabatikos, tinutuya, o kinapopootan tayo ng iba, gaya ng inihula ni Jesus. (Mat. 10:22) Kung minsan, biktima tayo ng maling impormasyon at paninirang ikinakalat sa media. (Awit 109:1-3) Pero sa buong lupa, matapang na ipinahahayag ng bayan ni Jehova ang mabuting balita.
16. Anong karanasan ang nagpapakitang maaaring magbago ang pananaw ng mga tao dahil sa ating katapangan?
16 Maaaring mabago ang pananaw ng mga tao sa mensahe ng Kaharian dahil sa ating katapangan. Inilahad ng isang sister mula sa Kyrgyzstan: “Sa aking pangangaral, sinabi sa akin ng isang may-bahay: ‘Naniniwala ako sa Diyos pero hindi sa Diyos ng mga Kristiyano. Kapag bumalik ka pa rito, ipapahabol kita sa aso ko!’ Nasa likod niya ang isang malaking asong nakakadena. Noong panahon ng kampanya ng Kingdom News Blg. 37, ‘Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!,’ ipinasiya ko na balikan
ang bahay na iyon sa pag-asang ibang miyembro ng kaniyang pamilya ang makakausap ko. Pero ang lalaki ring iyon ang nagbukas ng pinto. Agad akong nanalangin kay Jehova. Sinabi ko sa lalaki: ‘Magandang araw po, natatandaan ko po ang sinabi n’yo sa akin tatlong araw pa lang ang nakalilipas, at hindi ko rin nalilimutan ang aso n’yo. Pero hindi ko kayang lampasan ang inyong bahay dahil gaya n’yo, naniniwala rin po ako sa iisang tunay na Diyos. Malapit nang parusahan ng Diyos ang mga relihiyong hindi nagpaparangal sa kaniya. Marami pa po kayong matututuhan kung babasahin n’yo ito.’ Nagulat ako na tinanggap niya ang Kingdom News. Pagkatapos ay nagpunta ako sa susunod na bahay. Pagkalipas ng ilang minuto, hinabol ako ng lalaki hawak-hawak ang Kingdom News. ‘Nabasa ko na,’ ang sabi niya. ‘Ano ang kailangan kong gawin para hindi ako madamay sa galit ng Diyos?’ ” Nag-aral ng Bibliya ang lalaki, at dumadalo na sa mga Kristiyanong pagpupulong.17. Paano napatibay ng katapangan ng isang sister ang isang Bible study na may takot sa tao?
17 Maaari din nating mapatibay ang iba na maging matapang dahil sa ating halimbawa. Sa Russia, isang sister na nakasakay sa bus ang nag-alok ng magasin sa isang pasahero. Biglang tumayo ang isang lalaki, hinablot ang magasin, nilukot ito, at ibinato sa sahig. Minura niya ang sister at pilit na hiningi ang adres nito. Binabalaan niya ito na huwag mangangaral sa nayon. Nanalangin ang sister kay Jehova at natandaan niya ang mga salita ni Jesus: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan.” (Mat. 10:28) Tumayo siya at mahinahong sinabi sa lalaki, “Hindi ko ibibigay sa iyo ang adres ko, at patuloy pa rin akong mangangaral sa nayon.” Pagkatapos ay bumaba na ang sister sa bus. Hindi niya alam na nakasakay rin pala sa bus ang Bible study niyang hindi nakadadalo sa mga pulong dahil sa takot sa tao. Pero nang makita ng babaing ito ang katapangan ng sister, nagpasiya siya na dumalo na sa mga pulong.
18. Ano ang makatutulong sa iyo na mangaral nang may katapangan gaya ni Jesus?
18 Sa sanlibutang ito na hiwalay sa Diyos, kailangan ng katapangan upang makapangaral gaya ni Jesus. Ano ang makatutulong sa iyo na gawin ito? Ituon ang iyong pansin sa hinaharap. Patuloy na patibayin ang iyong pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Manalangin kay Jehova para sa lakas ng loob. Palaging tandaan na hindi ka nag-iisa dahil kasama mo si Jesus. (Mat. 28:20) Patitibayin ka ng banal na espiritu. Pagpapalain at aalalayan ka ni Jehova. Kaya magkaroon nawa tayo ng lakas ng loob at sabihin: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”—Heb. 13:6.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit kailangan ng mga lingkod ng Diyos na maging matapang?
• Ano ang matututuhan natin sa katapangan . . .
ng mga tapat na lingkod na nabuhay bago ni Kristo?
ni Jesu-Kristo?
ng mga Kristiyano noon?
ng mga Kristiyano sa ngayon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 21]
Hindi natakot si Jesus na ibunyag ang kasamaan ng mga lider ng relihiyon
[Larawan sa pahina 23]
Binibigyan tayo ni Jehova ng katapangan upang makapangaral