Buhay na Walang Hanggan sa Lupa—Pag-asa ba ng mga Kristiyano?
Buhay na Walang Hanggan sa Lupa—Pag-asa ba ng mga Kristiyano?
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—APOC. 21:4.
1, 2. Paano natin nalaman na maraming Judio noong unang-siglo ang umaasang mabuhay nang walang hanggan sa lupa?
ISANG mayaman at prominenteng lalaki ang lumapit kay Jesus, lumuhod sa kaniya, at nagtanong: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” (Mar. 10:17) Buhay na walang hanggan—saan? Gaya ng tinalakay natin sa nakaraang artikulo, maraming siglo na ang nakalilipas nang bigyan ng Diyos ang mga Judio ng pag-asang pagkabuhay-muli at buhay na walang hanggan sa lupa. Ganiyan din ang pag-asa ng mga unang-siglong Judio.
2 Malamang na pagkabuhay-muli sa lupa ang nasa isip ng kaibigan ni Jesus na si Marta nang sabihin niya tungkol sa kaniyang namatay na kapatid: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Totoo, hindi naniniwala ang mga Saduceo sa pagkabuhay-muli noong panahong iyon. (Mar. 12:18) Gayunman, sa kaniyang aklat na Judaism in the First Centuries of the Christian Era, sinabi ni George Foot Moore: “Ang mga akda . . . noong ikalawa o unang siglo bago ang ating panahon ay nagpapatunay na marami ang naniniwala na darating ang panahon na ang mga patay ay bubuhaying muli sa lupa.” Gusto ng mayamang lalaking lumapit kay Jesus na makamit ang buhay na walang hanggan sa lupa.
3. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sa ngayon, maraming relihiyon at mga iskolar sa Bibliya ang nagsasabing hindi itinuro ni Jesus ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na kapag sila ay namatay, patuloy silang mabubuhay sa daigdig ng mga espiritu. Kaya kapag nabasa ng mga tao sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pananalitang “buhay na walang hanggan,” marami ang nag-iisip na lagi itong tumutukoy sa buhay sa langit. Totoo ba ito? Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang tukuyin niya ang buhay na walang hanggan? Ano ang paniniwala ng kaniyang mga alagad? Itinuturo ba ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pag-asang buhay na walang hanggan?
Buhay na Walang Hanggan sa “Muling-Paglalang”
4. Ano ang magaganap sa “muling-paglalang”?
4 Itinuturo ng Bibliya na bubuhaying muli sa langit ang mga pinahirang Kristiyano para mamahala sa lupa. (Luc. 12:32; Apoc. 5:9, 10; 14:1-3) Pero nang tukuyin ni Jesus ang tungkol sa buhay na walang hanggan, hindi naman lagi ang grupong iyon ang nasa isip niya. Pansinin ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang umalis na napipighati ang mayamang lalaki dahil sinabi ni Jesus sa kaniya na iwan niya ang lahat ng kaniyang pag-aari at maging tagasunod niya. (Basahin ang Mateo 19:28, 29.) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na kasama sila sa mamamahala bilang mga hari at hukom sa “labindalawang tribo ng Israel,” samakatuwid nga, sa sangkatauhan. (1 Cor. 6:2) Binanggit din niya ang gantimpala para sa “bawat isa” na sumusunod sa kaniya. Sila rin ay “magmamana ng buhay na walang hanggan.” Lahat ng ito ay magaganap sa “muling-paglalang.”
5. Ano ang ibig sabihin ng “muling-paglalang”?
5 Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa “muling-paglalang”? Ang pananalitang ito ay isinaling “bagong daigdig” sa Magandang Balita Biblia. Isinalin naman ito na “Araw ng Pagbabago” sa Biblia ng Sambayanang Pilipino at “pagbabagong lahi” sa Ang Biblia. Yamang gumamit si Jesus ng pananalitang hindi niya ipinaliwanag, lumilitaw na tinutukoy niya ang malaon nang inaasahan ng mga Judio. Magkakaroon ng muling-paglalang sa lupa upang maibalik ang kalagayan nito gaya ng sa hardin ng Eden bago magkasala sina Adan at Eva. Matutupad sa muling-paglalang ang pangako ng Diyos na “mga bagong langit at ng isang bagong lupa.”—Isa. 65:17.
6. Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon hinggil sa mga tupa at kambing tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan?
6 Binanggit uli ni Jesus ang buhay na walang hanggan nang sabihin niya ang tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mat. 24:1-3) Sinabi niya: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.” Ang mga hahatulan ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.” Ang “mga matuwid” na tatanggap ng buhay na walang hanggan ay yaong mga tapat na sumusuporta sa pinahiran-ng-espiritung “mga kapatid” ni Kristo. (Mat. 25:31-34, 40, 41, 45, 46) Yamang ang mga pinahiran ang piniling mamahala sa Kaharian sa langit, ang “mga matuwid” naman ang magiging sakop nito sa lupa. Inihula sa Bibliya: “Magkakaroon [ang Hari ni Jehova] ng mga sakop sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Awit 72:8) Ang mga sakop na ito ay mabubuhay nang walang hanggan sa lupa.
Ano ang Sinasabi sa Ebanghelyo ni Juan?
7, 8. Anong dalawang magkaibang pag-asa ang sinabi ni Jesus kay Nicodemo?
7 Sa ulat ng mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas tungkol sa mga nabanggit nang pangyayari, ginamit ni Jesus ang pananalitang “buhay na walang hanggan.” Sa Ebanghelyo ni Juan, mga 17 beses itong tinukoy ni Jesus. Talakayin natin ang ilan sa mga ito para malaman kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-asang ito.
8 Ayon kay Juan, unang sinabi ni Jesus ang tungkol sa buhay na walang hanggan sa Pariseong si Nicodemo. Sinabi niya kay Nicodemo: “Malibang maipanganak ang isa mula sa tubig at espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.” Ang mga papasok sa Kaharian sa langit ay kailangang “maipanganak muli.” (Juan 3:3-5) Hindi lang iyan ang sinabi ni Jesus. Binanggit din niya ang pag-asa para sa buong sanlibutan. (Basahin ang Juan 3:16.) Tinukoy ni Jesus ang pag-asang buhay na walang hanggan sa langit para sa kaniyang mga pinahirang tagasunod at buhay na walang hanggan sa lupa para sa iba.
9. Anong pag-asa ang tinukoy ni Jesus sa Samaritana?
9 Pagkatapos makipag-usap kay Nicodemo sa Jerusalem, naglakbay si Jesus patungong Galilea. Sa kaniyang paglalakbay, nakausap niya ang isang babae sa bukal ni Jacob malapit sa lunsod ng Sicar sa Samaria. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:5, 6, 14) Ang tubig na ito ay lumalarawan sa mga paglalaan ng Diyos para maisauli ang buhay na walang hanggan sa lahat ng tao pati na sa mga mabubuhay sa lupa. Sa aklat na Apocalipsis, sinabi ng Diyos: “Sa sinumang nauuhaw ay magbibigay ako mula sa bukal ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 21:5, 6; 22:17) Kaya nang sabihin ni Jesus sa Samaritana ang tungkol sa buhay na walang hanggan, tinukoy niya hindi lamang ang pag-asa ng mga pinahiran kundi maging ng mga mabubuhay sa lupa.
10. Pagkatapos pagalingin ni Jesus ang lalaking nasa tipunang-tubig ng Betzata, ano ang sinabi niya sa mga sumasalansang tungkol sa buhay na walang hanggan?
10 Nang sumunod na taon, pumunta uli sa Jerusalem si Jesus. Pinagaling niya roon ang isang lalaking nasa tipunang-tubig ng Betzata. Sinabi ni Jesus sa mga Judiong tumuligsa sa kaniyang ginawa: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” Pagkatapos sabihin ni Jesus na “ipinagkatiwala [ng Ama] ang lahat ng paghatol sa Anak,” sinabi niya: “Siya na nakikinig sa aking salita at naniniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan.” Sinabi pa niya: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ng Anak ng tao] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:1-9, 19, 22, 24-29) Sinabi ni Jesus sa mga umuusig na Judio na siya ang inatasan ng Diyos para matupad ang pag-asa ng mga Judio na buhay na walang hanggan sa lupa. Gagawin niya iyon sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.
11. Paano natin nalaman na tinukoy rin ni Jesus ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa sa sinabi niya sa Juan 6:48-51?
11 Sa Galilea, libu-libong tao na nagnanais ng tinapay na makahimalang inilaan ni Jesus ang nagsimulang sumunod sa kaniya. Binanggit sa kanila ni Jesus ang ibang uri ng tinapay—ang “tinapay ng buhay.” (Basahin ang Juan 6:40, 48-51.) Sinabi niya: “Ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman.” Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay hindi lamang alang-alang sa mga makakasama niya sa Kaharian sa langit kundi ‘alang-alang din sa buhay ng sanlibutan,’ ang sangkatauhan. “Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito,” samakatuwid nga, manampalataya sa haing pantubos ni Jesus, may pag-asa siyang mabuhay magpakailanman. Oo, ang pag-asang ‘mabuhay magpakailanman’ ay tumutukoy rin sa matagal nang inaasam ng mga Judio na mabuhay nang walang hanggan sa lupa sa panahon ng pamamahala ng Mesiyas.
12. Anong pag-asa ang tinukoy ni Jesus nang sabihin niya sa mga sumasalansang sa kaniya na ‘bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang kaniyang mga tupa’?
12 Nang maglaon, sa Kapistahan ng Pag-aalay sa Jerusalem, sinabi ni Jesus sa mga sumasalansang sa kaniya: “Hindi kayo naniniwala, sapagkat hindi ko kayo mga tupa. Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. At binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan.” (Juan 10:26-28) Ang tinutukoy lamang ba ni Jesus ay ang buhay sa langit, o nasa isip din niya ang buhay sa paraisong lupa? Bago nito, inaliw niya ang kaniyang mga tagasunod sa pagsasabi: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Luc. 12:32) Pero sa panahon ding ito ng Kapistahan ng Pag-aalay, sinabi ni Jesus: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin.” (Juan 10:16) Kaya nang banggitin ni Jesus sa mga mananalansang na iyon ang tungkol sa buhay na walang hanggan, ang nasa isip niya ay ang pag-asa ng “munting kawan” sa langit at ang pag-asa ng milyun-milyong “ibang mga tupa” sa lupa.
Isang Pag-asang Hindi Na Kailangang Ipaliwanag
13. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Makakasama kita sa Paraiso”?
13 Noong siya’y nasa pahirapang tulos, tiniyak ni Jesus ang pag-asa ng sangkatauhan. Sinabi ng katabi niyang nakabayubay sa tulos: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Nangako sa kaniya si Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama Luc. 23:42, 43) Dahil malamang na isang Judio ang taong ito, hindi na kailangang ipaliwanag sa kaniya kung ano ang Paraiso. Alam niya ang tungkol sa darating na buhay na walang hanggan sa lupa.
kita sa Paraiso.” (14. (a) Ano ang nagpapakita na nahirapan ang mga apostol na maunawaan ang pag-asa sa langit? (b) Kailan malinaw na naunawaan ng mga tagasunod ni Jesus ang pag-asang ito?
14 Pero ang kailangang ipaliwanag ay ang pagtukoy ni Jesus sa pag-asa sa langit. Nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad ang pag-akyat niya sa langit upang maghanda ng lugar para sa kanila, hindi nila ito naunawaan. (Basahin ang Juan 14:2-5.) Nang maglaon ay sinabi niya sa kanila: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan. Gayunman, kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan, aakayin niya kayo sa lahat ng katotohanan.” (Juan 16:12, 13) Naunawaan lamang ng mga tagasunod ni Jesus ang pag-asa nila sa langit pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. nang pahiran sila ng espiritu ng Diyos upang maging mga hari sa hinaharap. (1 Cor. 15:49; Col. 1:5; 1 Ped. 1:3, 4) Ang pag-asa sa langit ay isang pagsisiwalat na itinampok sa kinasihang mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pero binabanggit din ba ng mga liham na ito ang pag-asa ng tao sa lupa?
Ano ang Sinasabi ng mga Kinasihang Liham?
15, 16. Ano ang sinasabi ng liham sa mga Hebreo at ng liham ni Pedro tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa?
15 Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, tinawag ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na “mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagtawag.” Pero sinabi rin niya na ipinasakop ng Diyos kay Jesus ang “darating na tinatahanang lupa.” (Heb. 2:3, 5; 3:1) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang orihinal na salita para sa “tinatahanang lupa” ay laging tumutukoy sa lupa na tinitirhan ng mga tao. Kaya ang “darating na tinatahanang lupa” ay ang sistema ng mga bagay sa lupa sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo. Sa gayon ay tutuparin ni Jesus ang pangako ng Diyos: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
16 Kinasihan din si apostol Pedro na sumulat tungkol sa pag-asa ng sangkatauhan. Isinulat niya: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Ped. 3:7) Ano ang papalit sa mga pamahalaan at sa masamang sangkatauhan sa ngayon? (Basahin ang 2 Pedro 3:13.) Papalitan ito ng “mga bagong langit”—ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos—at “isang bagong lupa”—ang matuwid na lipunan ng mga tunay na mananamba.
17. Paano inilarawan ang pag-asa ng sangkatauhan sa Apocalipsis 21:1-4?
17 Talagang kapana-panabik ang pangitain ng pagpapasakdal sa mga tao sa huling aklat ng Bibliya. (Basahin ang Apocalipsis 21:1-4.) Ito na ang inaasam ng nananampalatayang mga tao mula pa noong maiwala ang kasakdalan sa hardin ng Eden. Ang mga matuwid ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa at hindi na sila tatanda. Matibay na nakasalig ang pag-asang ito sa Hebreong Kasulatan at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Patuloy rin itong nakapagpapatibay sa mga tapat na lingkod ni Jehova hanggang sa ngayon.—Apoc. 22:1, 2.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa “muling-paglalang”?
• Ano ang sinabi ni Jesus kay Nicodemo?
• Ano ang ipinangako ni Jesus sa katabi niyang nakabayubay sa tulos?
• Paano tinitiyak ng liham sa mga Hebreo at liham ni Pedro ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 8]
Mabubuhay nang walang hanggan sa lupa ang mga tulad-tupa
[Mga larawan sa pahina 10]
Sinabi ni Jesus sa iba ang tungkol sa buhay na walang hanggan