‘Pinasinag ni Jehova ang Kaniyang Mukha sa Kanila’
‘Pinasinag ni Jehova ang Kaniyang Mukha sa Kanila’
MAY mahigit 30 kalamnan sa mukha ng tao. Kailangan ang 14 sa mga ito upang makangiti ka. Naiisip mo ba ang mangyayari kung wala ang mga kalamnang ito? Tiyak na magiging walang kabuhay-buhay ang mga kuwentuhan. Pero para sa mga bingi, hindi lamang ito ang gamit ng mga kalamnan sa mukha. Kapag sinamahan ng mga kumpas, nagagamit ang mga ito upang magpahayag ng mga ideya. Marami ang namamangha kung paano naipahahayag ng wikang pasenyas maging ang maliliit na detalye.
Kamakailan, nakita ng mga bingi sa buong daigdig ang ekspresyon ng mukha na mas madamdamin kaysa kaninumang tao. Sa makasagisag na paraan, nakita nila ang “mukha ni Jehova.” (Panag. 2:19) Hindi ito nagkataon lamang. Mahal na mahal ni Jehova ang mga bingi. Ipinakita niya ito noon pa mang panahon ng sinaunang Israel. (Lev. 19:14) Sa ngayon, makikita rin ang pagmamahal niya sa mga bingi. “Ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Nang matutuhan ng maraming bingi ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, sa diwa ay nakita nila ang Kaniyang mukha. Paano ito nangyari gayong hindi naman sila makarinig? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, isaalang-alang muna natin kung bakit mahalaga sa mga bingi ang wikang pasenyas.
Nakaririnig sa Pamamagitan ng Kanilang mga Mata
Maraming maling palagay tungkol sa mga bingi at sa wikang pasenyas. Linawin natin ang ilan sa mga ito. Hindi totoo na hindi kayang magmaneho ng mga bingi. Hindi rin totoo na madali sa kanila na basahin ang buka ng bibig ng kanilang kausap. Walang kaugnayan ang wikang pasenyas sa Braille, at hindi ito basta pagkumpas lang ng mga kamay. Iba-iba ang uri ng wikang pasenyas sa buong daigdig. Bukod diyan, medyo nagkakaiba rin ang paraan ng pagsenyas ng mga bingi depende sa kanilang lugar.
Nakababasa ba ang mga bingi? Bagaman nakababasa ang ilan, marami talaga ang nahihirapang gawin ito. Bakit? Kasi ang karaniwang binabasa ng mga tao ay nagmula sa wikang sinasalita. Isaalang-alang kung paano natututuhan ng nakaririnig na bata ang isang wika. Mula nang siya’y isilang, lagi na niyang naririnig ang wikang iyon. Di-nagtatagal, natututuhan na niyang pagsamahin ang mga salita at makabuo ng mga pangungusap. Likas itong nangyayari sa pakikinig lamang niya sa wikang sinasalita. Kaya kapag nagsimulang magbasa ang bata, madali na niyang naitutugma ang naririnig niyang salita sa mga salitang nababasa niya.
Gunigunihin na ikaw ay nasa ibang bansa at nakakulong sa isang silid na gawa sa salamin kung saan wala kang naririnig na kahit ano. Hindi ka pamilyar sa wika ng bansang iyon.
Araw-araw, kinakausap ka ng mga taong tagaroon. Hindi mo naririnig ang kanilang sinasabi dahil sa salamin. Nakikita mo lamang na bumubuka ang kanilang bibig. Palibhasa’y batid nila na hindi mo sila naiintindihan, isinusulat nila sa papel ang gusto nilang sabihin at ipinakikita nila ito sa iyo. Inaakala nila na maiintindihan mo ang isinulat nila. Gayon nga kaya? Malamang na hindi. Bakit? Dahil ang mga salitang isinulat nila ay hindi mo pa kailanman narinig. Ganiyang-ganiyan ang kalagayan ng maraming bingi.Tamang-tama ang wikang pasenyas para sa mga bingi. Ang isang tao ay gumagamit ng mga senyas upang ilarawan ang mga konsepto. Ang kaniyang mga kumpas at ekspresyon ng mukha ay may sinusunod ding balarila. Sa gayon, nagiging posible na makita ng iba ang gusto niyang sabihin.
Sa katunayan, may kahulugan ang bawat senyas na ginagawa ng isang bingi gamit ang kaniyang kamay, katawan, at mukha. Ang mga ekspresyon ng mukha ay hindi lamang para pahangain ang iba. Mahalagang bahagi ito ng balarila ng wikang pasenyas. Halimbawa, kapag nagtanong ang isa habang nakataas ang kilay, ipinahihiwatig nito na ang tanong ay retorikal o sinasagot ng oo o hindi. Kung nakababa naman ang kilay, maaaring mangahulugan ito ng sino, ano, saan, kailan, bakit, o paano. Ang paggalaw ng bibig ay maaaring magpahiwatig ng laki ng isang bagay o tindi ng damdamin. May kahulugan din ang paggalaw ng ulo, pag-angat ng balikat, paggalaw ng pisngi, at pagkurap ng mata.
Kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito, nagiging buhay na buhay ang pag-uusap. Sa pamamagitan ng wikang pasenyas, naipapahayag ng mga bingi ang anumang ideya—madamdamin man ito o teknikal, romantiko man ito o nakakatawa, maging ang mga bagay na nakikita o di-nakikita.
Malaking Tulong ang mga Publikasyon sa Wikang Pasenyas
Kapag ipinahayag ang kaalaman tungkol kay Jehova gamit ang wikang pasenyas, sa diwa ay naririnig ng bingi ang mensahe at ‘nananampalataya’ sa Pinagmulan nito. Kaya puspusang nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na mangaral sa mga bingi sa buong daigdig at maglaan ng publikasyon para sa kanila. (Roma 10:14) Sa kasalukuyan, may 58 pangkat ng pagsasalin sa wikang pasenyas sa buong daigdig. Ang mga publikasyon sa wikang pasenyas sa DVD ay makukuha na sa 40 wika. Sulit ba ang lahat ng pagsisikap na ito?
Ganito ang sinabi ni Jeremy, na may mga magulang na bingi: “Naalaala ko noong pinag-aaralang mabuti ng aking ama ang ilang parapo ng isang artikulo sa Bantayan sa kaniyang kuwarto. Maraming oras ang ginugol niya para lang maunawaan ang mga ito. Bigla siyang lumabas sa kuwarto at tuwang-tuwang isinenyas sa akin: ‘Naintindihan ko na!’ Pagkatapos ay ipinaliwanag niya sa akin ang naintindihan niya.
Dose anyos lang ako noon. Kaagad kong binasa ang mga parapo at isinenyas sa kaniya: ‘Pa, parang mali po kayo. Ganito po iyon . . .’ Pinahinto niya ako at bumalik sa kaniyang kuwarto para alamin kung ano talaga ang kahulugan ng binasa niya. Hinding-hindi ko malilimutan ang pagkadismaya niya at ang paghanga ko sa kaniya nang bumalik siya sa kuwarto. Subalit ngayon, dahil sa mga publikasyon sa DVD sa wikang pasenyas, mas nauunawaan na niya ang mga publikasyon. Lagi akong nagpapasalamat kapag nakikita ko ang saya sa kaniyang mukha habang ipinahahayag niya ang kaniyang nadarama kay Jehova.”Isaalang-alang din ang karanasan ng mag-asawang Saksi na nakipag-usap kay Jessenia, isang kabataang bingi sa Chile. Pumayag ang nanay ni Jessenia na ipakita ng mag-asawa kay Jessenia ang DVD na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa Chilean Sign Language. Ganito ang iniulat ng mag-asawa: “Habang nanonood si Jessenia, tumawa siya at pagkatapos ay napaiyak. Nang tanungin siya ng nanay niya kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Jessenia na gustung-gusto niya kasi ang kaniyang pinanonood. Natanto ng kaniyang nanay na naiintindihan ni Jessenia ang lahat ng napanood niya sa DVD.”
Isang babaing bingi na nakatira sa isang probinsiya sa Venezuela ang may isang anak. Ipinagbubuntis niya ang kaniyang pangalawang anak. Dahil sa hirap ng buhay, naisip niya at ng kaniyang asawa na ipalaglag ang sanggol. Dinalaw sila ng mga Saksi ni Jehova. Walang kaalam-alam ang mga Saksi sa kanilang balak. Ipinakita ng mga kapatid ang araling 12 ng video na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa Venezuelan Sign Language. Ipinaliliwanag ng aralin kung ano ang pananaw ng Diyos sa aborsiyon at pagpatay. Nang maglaon, sinabi ng babae sa mga Saksi na nagpapasalamat siya na napag-aralan niya ang araling ito. Sinabi niya na nagpasiya silang mag-asawa na hindi na ituloy ang pagpapalaglag. Nailigtas ang isang sanggol sa tulong ng publikasyon sa DVD sa wikang pasenyas!
Ganito ang sinabi ni Lorraine, isang Saksi na bingi: “Ang pag-aaral ng Bibliya ay gaya ng pagbuo ng isang malaking puzzle. May mga nawawalang bahagi o mga bagay na hindi ko maintindihan. Pero nang unti-unting inihaharap na ang mga katotohanan sa Bibliya sa wikang pasenyas, mas naiintindihan ko na ang mga ito.” Si George, isang bingi at 38 taon nang Saksi, ay nagsabi: “Walang alinlangan na kapag naunawaan mo ang isang bagay, nagkakaroon ka ng paggalang at kumpiyansa sa sarili. Para sa akin, napakalaki ng naitulong sa aking espirituwalidad ng mga publikasyon sa DVD sa wikang pasenyas.”
“Sa Wakas, Isang Pulong sa Aking Wika!”
Bukod sa mga publikasyon, nag-organisa ang mga Saksi ni Jehova ng mga kongregasyong nagdaraos ng mga pulong sa wikang pasenyas.
Sa kasalukuyan, may mahigit 1,100 kongregasyon sa wikang pasenyas sa buong daigdig. Ang mga katotohanan sa Bibliya ay inihaharap sa wikang nauunawaan ng mga bingi at sa paraang nagpapakita ng paggalang sa kanilang kultura at karanasan sa buhay.Nakatulong ba ang pagbuo ng mga kongregasyon sa wikang pasenyas? Isaalang-alang ang karanasan ni Cyril, na binautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1955. Sa loob ng maraming taon, pinag-aralan niya ang mga publikasyon sa abot ng kaniyang makakaya at regular siyang dumadalo sa mga pulong. Hindi laging may interprete sa pulong. Kapag wala, umaasa siya sa maibiging mga Saksi na nagsusulat ng mga sinasabi ng mga may bahagi sa plataporma. Pero noong 1989, nang mga 34 na taon na siyang Saksi, nabuo ang unang kongregasyon sa wikang pasenyas sa Estados Unidos sa New York City. Ano ang nadama ni Cyril bilang miyembro ng kongregasyong iyon? “Para akong lumabas sa kagubatan, mula sa kadiliman tungo sa liwanag. Sa wakas, isang pulong sa aking wika!”
Sa mga kongregasyon sa wikang pasenyas ng mga Saksi ni Jehova, regular na nagtitipon ang mga bingi upang matuto tungkol sa Diyos at sambahin siya. Sa daigdig na ito, karaniwan nang nabubukod ang mga bingi dahil sa kanilang kapansanan. Pero sa mga kongregasyong ito, nagkakaroon sila ng mga kaibigan at napapatibay sila bilang miyembro ng bayan ng Diyos. Dito, ang mga bingi ay natututo, sumusulong, at nagsisikap sa kanilang paglilingkod kay Jehova. Maraming Saksi na bingi ang nakapaglingkod nang buong panahon. Ang ilan ay nangibang bansa upang matulungan ang mga bingi roon na matuto tungkol kay Jehova. Ang mga Kristiyanong lalaki na bingi ay natututong maging mahuhusay na guro, tagapag-organisa, at pastol. Sa gayon, marami sa kanila ang naging kuwalipikadong bumalikat ng mga pananagutan sa kongregasyon.
Sa Estados Unidos, may mahigit 100 kongregasyon at mga 80 grupo sa wikang pasenyas. Sa Brazil naman, may humigit-kumulang 300 kongregasyon at mahigit 400 grupo. Halos 300 na ang kongregasyon sa Mexico. Mayroon namang mahigit 30 kongregasyon at 113 grupo sa Russia. Ilan lamang ito sa halimbawa ng pagsulong sa wikang pasenyas sa buong daigdig. *
May mga asamblea rin ang mga Saksi ni Jehova sa wikang pasenyas. Nitong nakaraang taon, mahigit 120 kombensiyon ang idinaos sa buong daigdig sa iba’t ibang wikang pasenyas. Sa mga pagtitipong ito, nadama ng mga Saksi na bingi na sila’y bahagi ng isang pandaigdig na Kristiyanong kapatiran na nakikinabang sa napapanahong espirituwal na pagkain.
Si Leonard ay isang bingi at mahigit 25 taon nang Saksi ni Jehova. Sinabi niya: “Noon pa ma’y alam kong si Jehova ang tunay na Diyos. Pero ang hindi ko talaga maintindihan ay kung bakit niya pinahihintulutan ang pagdurusa. Dahil dito, nagagalit ako sa kaniya kung minsan. Pero dahil sa isang pahayag sa isang pandistritong kombensiyon sa wikang pasenyas, naunawaan ko na sa wakas ang mga isyung nasasangkot. Nang matapos ang pahayag, siniko ako ng misis ko at sinabi, ‘Nasagot ba ang mga tanong mo?’ Talagang masasabi ko na oo! Pagkalipas ng 25 taon, nagpapasalamat ako na hindi ko iniwan si Jehova. Noon pa man, mahal ko na siya kahit nahihirapan akong maintindihan siya. Sa ngayon, naiintindihan ko na siya!”
Taos-Puso Silang Nagpapasalamat
Anong mga “ekspresyon” ang nakikita ng mga bingi sa mukha ni Jehova nang matuto sila tungkol sa kaniya? Pag-ibig, pagkamahabagin, katarungan, katapatan, maibiging-kabaitan, at marami pang iba.
Nakikita ng internasyonal na kapatiran ng mga Saksi na bingi ang mukha ni Jehova, na patuloy na nagliliwanag sa kanila. Dahil mahal niya ang mga bingi, ‘pinasinag ni Jehova ang kaniyang mukha sa kanila.’ (Bil. 6:25) Taos-puso ngang nagpapasalamat ang mga bingi na nakilala nila si Jehova!
[Talababa]
^ par. 21 Sa Pilipinas, may 10 kongregasyon at 60 grupo sa wikang pasenyas.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
May mahigit 1,100 kongregasyon sa wikang pasenyas sa buong daigdig
[Mga larawan sa pahina 26]
Sumisinag ang mukha ni Jehova sa mga bingi