Ipakita ang Iyong Pagsulong
Ipakita ang Iyong Pagsulong
“Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 TIM. 4:15.
1, 2. Ano ang alam natin tungkol kay Timoteo noong kabataan niya? Anong pagbabago ang naganap noong mga 20 anyos na siya?
SA Romanong lalawigan ng Galacia, ngayo’y Turkey, nakatira ang kabataang si Timoteo. Nakapagtatag doon ng mga kongregasyong Kristiyano ilang dekada pagkamatay ni Jesus. Si Timoteo at ang kaniyang nanay at lola ay naging Kristiyano at naging aktibo sa isa sa mga kongregasyon doon. (2 Tim. 1:5; 3:14, 15) Tiyak na masaya si Timoteo sa buhay niya bilang kabataang Kristiyano sa lugar na iyon. Pero biglang nagkaroon ng pagbabago.
2 Nagsimula ang lahat noong ikalawang pagdalaw ni apostol Pablo sa lugar nila. Malamang na mga 20 anyos noon si Timoteo. Sa pagdalaw ni Pablo, marahil sa Listra, napansin niyang si Timoteo ay “may mabuting ulat mula sa mga kapatid” sa mga kongregasyon doon. (Gawa 16:2) Nakita kay Timoteo ang pagkamaygulang kahit kabataan pa lang siya. Kaya sa patnubay ng banal na espiritu, ipinatong ni Pablo at ng lupon ng matatanda roon ang kanilang kamay kay Timoteo—binigyan nila siya ng pantanging pribilehiyo sa kongregasyon.—1 Tim. 4:14; 2 Tim. 1:6.
3. Anong pambihirang pribilehiyo ang natanggap ni Timoteo?
3 Nakatanggap si Timoteo ng pambihirang paanyaya. Makakasama siya ni apostol Pablo sa paglalakbay! (Gawa 16:3) Tiyak na tuwang-tuwa si Timoteo! Hindi niya ito inaasahan. Magiging kasama siya ni Pablo at ng iba pa paminsan-minsan, sa pagsasagawa ng iba’t ibang misyong iniatas sa kaniya ng mga apostol at matatandang lalaki. Sa pagdalaw nina Pablo at Timoteo sa mga kongregasyon, napatibay nila nang husto ang mga kapatid. (Basahin ang Gawa 16:4, 5.) Kaya naman nakilala si Timoteo ng maraming Kristiyano dahil sa pagsulong niya sa espirituwal. Pagkalipas ng mga sampung taóng kasama si Timoteo, sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Filipos: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng [kay Timoteo] na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. . . . Alam ninyo ang katunayan na ipinakita niya tungkol sa kaniyang sarili, na tulad ng isang anak sa ama ay nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.”—Fil. 2:20-22.
4. (a) Anong mabigat na pananagutan ang ipinagkatiwala kay Timoteo? (b) Anu-ano ang puwedeng itanong tungkol sa sinabi ni Pablo sa 1 Timoteo 4:15?
4 Nang panahong sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos, ipinagkatiwala niya kay Timoteo ang isang mabigat na pananagutan—ang paghirang ng matatanda at mga ministeryal na lingkod. (1 Tim. 3:1; 5:22) Talagang isa nang maaasahan at mapagkakatiwalaang tagapangasiwa si Timoteo. Pero sa liham ding iyon, pinayuhan siya ni Pablo na ‘ihayag ang kaniyang pagsulong sa lahat ng tao.’ (1 Tim. 4:15) Hindi ba’t kitang-kita na nga ang pagsulong ni Timoteo? Ano kaya ang ibig sabihin ni Pablo, at paano tayo makikinabang sa kaniyang payo?
Magpakita ng mga Katangiang Kristiyano
5, 6. Bakit nanganib ang espirituwal na kalinisan ng kongregasyon sa Efeso? Paano mapoprotektahan ni Timoteo ang kongregasyon?
5 Suriin natin ang konteksto ng 1 Timoteo 4:15. (Basahin ang 1 Timoteo 4:11-16.) Nang isulat ang mga salitang ito, nasa Macedonia na si Pablo pero iniwan niya si Timoteo sa Efeso. Bakit? May ilan kasi sa lunsod na iyon na nagpapalaganap ng huwad na mga turo na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng mga kapatid. Kaya dapat protektahan ni Timoteo ang espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. Paano niya ito magagawa? Ang isang paraan ay ang pagpapakita ng magandang halimbawa.
6 Sumulat si Pablo kay Timoteo: “Sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” Idinagdag pa ni Pablo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Tim. 4:12, 15) Ang pagsulong na ito ay tumutukoy sa mga katangiang Kristiyano ni Timoteo at hindi sa kaniyang mga pribilehiyo. Ito ang pagsulong na dapat ipakita ng bawat Kristiyano.
7. Ano ang inaasahan sa lahat ng miyembro ng kongregasyon?
7 Gaya noong panahon ni Timoteo, may iba’t iba ring pribilehiyo, o pananagutan, ngayon sa kongregasyon. May naglilingkod bilang mga elder o ministeryal na lingkod. May mga nagpapayunir. At mayroon din namang mga naglalakbay na tagapangasiwa, Bethelite, o misyonero. Ang mga elder ay nagkakaroon ng bahagi sa mga programa ng pagtuturo, halimbawa, sa mga asamblea at kombensiyon. Gayunman, ang lahat ng Kristiyano—mga lalaki, babae, at kabataan—ay puwedeng magpakita ng pagsulong sa espirituwal. (Mat. 5:16) Sa katunayan, gaya ni Timoteo, maging ang mga may pantanging pananagutan sa kongregasyon ay inaasahan pa ring magpakita ng mga katangiang Kristiyano.
Maging Huwaran sa Pagsasalita
8. Paano nakakaapekto sa ating pagsamba ang ating pagsasalita?
8 Si Timoteo ay dapat na maging huwaran sa pagsasalita. Paano natin maipakikita ang pagsulong sa bagay na ito? Makikita sa ating pagsasalita kung sino talaga tayo. Tama ang sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Alam din ng kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago na may malaking epekto sa pagsamba natin ang ating pagsasalita. Isinulat niya: “Kung inaakala ng isang tao na siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.”—Sant. 1:26.
9. Paano tayo magiging huwaran sa pagsasalita?
9 Sa ating pagsasalita, nakikita ng ating mga kakongregasyon kung gaano tayo kasulong sa espirituwal. Kaya sa halip na magsalita sa paraang di-kagalang-galang, negatibo, mapamintas, o nakasasakit, ang maygulang na mga Kristiyano ay nagsisikap na makapagpatibay, makaaliw, at makapagpasigla. (Kaw. 12:18; Efe. 4:29; 1 Tim. 6:3-5, 20) Makikita ang lalim ng ating debosyon sa Diyos kung handa nating ipagtanggol ang kaniyang matataas na pamantayan at sabihin sa iba ang ating paninindigan. (Roma 1:15, 16) Tiyak na mapapansin ng mga may pusong matuwid ang paraan ng ating pagsasalita at posibleng tularan nila ang ating halimbawa.—Fil. 4:8, 9.
Huwaran sa Paggawi at Kalinisan
10. Bakit kailangan ang pananampalatayang walang pagpapaimbabaw para sumulong sa espirituwal?
10 Hindi sapat ang nakapagpapatibay na salita para maging huwaran ang isang Kristiyano. Ang taong puro salita pero kulang sa gawa ay mapagpaimbabaw. Alam na alam ni Pablo ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo at ang masamang 1 Tim. 1:5; 4:1, 2) Pero hindi ganoon si Timoteo. Sa ikalawang liham niya kay Timoteo, isinulat ni Pablo: “Ginugunita ko ang pananampalatayang nasa iyo na walang anumang pagpapaimbabaw.” (2 Tim. 1:5) Pero kailangan pa ring ipakita ni Timoteo na siya’y tunay na Kristiyano. Dapat siyang maging huwaran sa paggawi.
bunga nito. Hindi lang minsan siyang nagbabala kay Timoteo tungkol sa gayong pagkukunwari. (11. Ano ang isinulat ni Pablo kay Timoteo tungkol sa kayamanan?
11 Sa dalawang liham niya kay Timoteo, may mga payo si Pablo tungkol sa paggawi. Halimbawa, dapat iwasan ni Timoteo na magpayaman. Sumulat si Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Tim. 6:10) Ang pag-ibig sa kayamanan ay sintomas ng mahinang espirituwalidad. Pero ang mga Kristiyanong kontento na sa simpleng buhay, ang “pagkakaroon ng pagkain at pananamit,” ay nagpapakita ng masulong na espirituwalidad.—1 Tim. 6:6-8; Fil. 4:11-13.
12. Paano makikita sa ating buhay ang pagsulong natin?
12 Binanggit ni Pablo kay Timoteo na napakahalagang “gayakan ng mga [Kristiyanong] babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” (1 Tim. 2:9) Ang mga babaing mahinhin at matino ang pag-iisip pagdating sa pananamit at pag-aayos, pati na sa iba pang pitak ng kanilang buhay, ay nagpapakita ng mahusay na halimbawa. (1 Tim. 3:11) Kapit din ito sa mga Kristiyanong lalaki. Pinayuhan ni Pablo ang mga tagapangasiwa na maging “katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos.” (1 Tim. 3:2) Kapag nakikita sa ating buhay ang mga katangiang ito, mahahayag sa lahat ang ating pagsulong.
13. Gaya ni Timoteo, paano tayo magiging huwaran sa kalinisan?
1 Tim. 4:12; 5:2) Hindi natin maililihim sa Diyos ang imoral na mga paggawi at tiyak na malalaman din ito ng ibang tao. Ganiyan din ang maiinam na gawa ng isang Kristiyano—hindi ito maitatago. (1 Tim. 5:24, 25) Maipakikita ng bawat isa sa kongregasyon ang kanilang pagsulong sa paggawi at kalinisan.
13 Dapat ding maging huwaran sa kalinisan si Timoteo. Ang terminong ginamit ni Pablo ay partikular nang tumutukoy sa kalinisang-asal sa sekso. Dapat na walang maipipintas sa paggawi ni Timoteo, lalo na sa pakikitungo sa mga babae. Dapat niyang ituring ang ‘matatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.’ (Napakahalaga ng Pag-ibig at Pananampalataya
14. Paano idiniriin ng Kasulatan na kailangan nating magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa?
14 Pag-ibig ang pangunahing katangian ng mga tunay na Kristiyano. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Paano natin maipakikita ang gayong pag-ibig? Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na pagtiisan ang “isa’t isa sa pag-ibig,” ‘maging mabait sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa,’ at maging mapagpatuloy. (Efe. 4:2, 32; Heb. 13:1, 2) Isinulat ni apostol Pablo: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.”—Roma 12:10.
15. Bakit napakahalagang magpakita ng pag-ibig ang lahat, lalo na ang mga tagapangasiwa?
15 Kung naging mabagsik si Timoteo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano, mababale-wala ang kaniyang mga nagawa bilang isang guro at tagapangasiwa. (Basahin ang 1 Corinto 13:1-3.) Pero dahil nagpakita siya ng tunay na pagmamahal, kabaitan, at pagkamapagpatuloy, lalong napansin ang pagsulong ni Timoteo sa espirituwal. Kaya naman angkop lang na sa liham ni apostol Pablo kay Timoteo, partikular niyang binanggit ang pag-ibig bilang isa sa mga katangiang dapat ipakita ni Timoteo bilang huwaran.
16. Bakit kailangang maging matibay ang pananampalataya ni Timoteo?
16 Noong nasa Efeso si Timoteo, nasubok ang kaniyang pananampalataya. May mga nagtuturo doon ng mga doktrinang salungat sa katotohanan. Ang iba naman ay nagkakalat ng “mga kuwentong di-totoo” o nagsasaliksik ng mga ideyang wala namang naitutulong sa espirituwalidad ng kongregasyon. (Basahin ang 1 Timoteo 1:3, 4.) Sinabi ni Pablo na ang mga taong ito ay “nagmamalaki, na walang anumang nauunawaan, kundi may sakit sa isip may kinalaman sa mga pagtatanong at mga debate tungkol sa mga salita.” (1 Tim. 6:3, 4) Uusisain kaya ni Timoteo ang mapanganib na mga ideyang ito na nakakapasok sa kongregasyon? Hindi, dahil hinimok ni Pablo si Timoteo na ‘ipakipaglaban ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya’ at talikdan ang “walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’” (1 Tim. 6:12, 20, 21) Tiyak na sinunod ni Timoteo ang matalinong payo ni Pablo.—1 Cor. 10:12.
17. Paano posibleng masubok sa ngayon ang ating pananampalataya?
17 Kapansin-pansin, sinabi kay Timoteo na “sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” 1 Tim. 4:1) Ang lahat sa kongregasyon, pati na ang mga humahawak ng pananagutan, ay kailangang magpakita ng matibay na pananampalataya gaya ni Timoteo. Kung matatag tayong maninindigan laban sa apostasya, maipakikita natin ang ating pagsulong at magiging halimbawa ang ating pananampalataya.
(Sikaping Maipakita ang Iyong Pagsulong
18, 19. (a) Paano mo maipakikita sa lahat ang iyong pagsulong? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Maliwanag na ang pagsulong ng isang tunay na Kristiyano ay hindi makikita sa kaniyang hitsura, kakayahan, o katanyagan, ni sa tagal man ng paglilingkod niya sa kongregasyon. Sa halip, naipakikita ito sa pagiging masunurin kay Jehova sa isip, sa salita, at sa gawa. (Roma 16:19) Dapat nating sundin ang utos na mag-ibigan sa isa’t isa at magkaroon ng matibay na pananampalataya. Oo, pag-isipan nating mabuti ang payo ni Pablo kay Timoteo at ikapit ito upang maipakita sa lahat ang ating pagsulong.
19 Ang isa pang katangian na nagpapakitang masulong tayo at maygulang sa espirituwal ay ang kagalakan, isa sa mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22, 23) Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin matatamo at mapananatili ang kagalakan sa mahihirap na panahon.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang isinisiwalat tungkol sa atin ng ating pagsasalita?
• Paano nakikita sa ating paggawi at kalinisan ang ating pagsulong?
• Bakit dapat na maging huwaran sa pag-ibig at pananampalataya ang mga Kristiyano?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 11]
Nakita kay Timoteo ang pagkamaygulang kahit kabataan pa lang siya
[Mga larawan sa pahina 13]
Nakikita ba ng iba ang iyong pagsulong?