Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
• Anong kayamanan ang maibibigay sa iyo ng Diyos?
Pinagpala ni Jehova ng materyal na kayamanan ang ilang tao noon, gaya nina Abraham at Solomon. Pero ang kayamanang kailangang-kailangan ng mga Kristiyano ay pananampalataya, kapayapaan, kasiyahan, at kaligayahan, at matutulungan tayo ng Diyos na masumpungan ang mga ito.—9/1, pahina 3-7.
• Anong aral ang matututuhan natin sa pagliligtas ni Jesus kay Pedro nang magsimula itong lumubog sa dagat? (Mat. 14:28-31)
Kapag napansin nating nagkukulang sa pananampalataya ang isang kapatid, maaari nating iunat ang ating kamay, wika nga, at tulungan siyang patibayin ang kaniyang pananampalataya.—9/15, pahina 8.
• Anong pagsasakripisyo ang ginawa ni Jehova para matubos tayo?
Tiniis ni Jehova ang pagpapahirap at panunuya sa kaniyang Anak. At gaya ng kusang-loob na paghahandog ni Abraham sa kaniyang anak, tiniis ni Jehova ang pagpatay sa kaniyang Anak na parang isang kriminal.—9/15, pahina 28-29.
• Bakit isang kayamanan ang Vatican Codex?
Isa itong manuskritong Griego na isinulat wala pang 300 taon matapos makumpleto ang Bibliya. Makikita rito ang halos buong Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ginagamit ito ng mga iskolar upang malaman kung ano ang orihinal na nilalaman ng Bibliya.—10/1, pahina 18-20.
• Ano ang itinuturo sa atin ng Kawikaan 24:27 tungkol sa ‘pagpapatibay ng sambahayan’?
Ang isang lalaking gusto nang mag-asawa ay dapat na maging handa sa responsibilidad na iyan. Dapat na may kakayahan na siyang bumuhay ng pamilya at manguna sa espirituwal na paraan.—10/15, pahina 12.
• Bakit maling sabihin na Protestante ang mga Saksi ni Jehova?
Nagsimula ang Protestantismo sa Europa noong ika-16 na siglo upang baguhin ang Simbahang Romano Katoliko. Ang “Protestantismo” ay kumakapit sa mga nagtataguyod sa mga layunin ng Repormasyon. Tulad ng mga Protestante, hindi kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang awtoridad ng papa at sila’y taos-pusong naniniwalang napakahalaga ng Bibliya, pero tinatanggihan nila ang maraming di-makakasulatang turo at gawaing karaniwan sa mga Protestante.—11/1, pahina 19.
• Kailangan bang matuto muna ng Hebreo at Griego bago maunawaan ang Bibliya?
Hindi. Hindi komo marunong ang isa ng gayong mga wika ay madali na niyang mauunawaan ang mensahe ng Bibliya. Ang mga nag-aral ng gayong mga wika ay kailangan pa ring gumamit ng mga diksyunaryo at mga aklat sa balarila. Yamang iningatan ng Diyos ang mga salita ng kaniyang dakilang Lingkod hindi sa orihinal na wika, kundi sa isang salin, ipinakikita lang na ang isang tao ay maaaring matuto ng katotohanan mula sa mga salin ng Bibliya sa kasalukuyang mga wika.—11/1, pahina 20-23.
• Paano naging huwaran sa kagandahang-asal si Jehova at si Jesus?
Sa kabila ng mataas na posisyon ni Jehova, nagpapakita siya ng kabaitan at paggalang sa mga tao. Sa pakikipag-usap kina Abraham at Moises, ginamit ni Jehova ang Hebreong termino na madalas isaling “pakisuyo.” (Gen. 13:14; Ex. 4:6) Nakikinig din ang Diyos sa mga tao. (Gen. 18:23-32) Ginawa rin iyan ni Jesus. Handa siyang tumulong sa mga tao at madalas pa nga niya silang tawagin sa kanilang pangalan.—11/15, pahina 25.
• Bakit hindi ipinagdiriwang ng mga tunay na Kristiyano ang Chinese New Year?
Ang Chinese New Year ay isang mahalagang kapistahan sa kalendaryo ng mga taga-Asia. Ipinagdiriwang ito para diumano’y suwertihin at magpakita ng paggalang sa mga espiritu. Iginagalang ng mga Kristiyano ang kanilang mga magulang, pero hindi sila sumasali sa mga salu-salong idinaraos para makipag-ugnayan at humingi ng proteksiyon sa namatay na nilang mga ninuno o para makuha ang pagsang-ayon ng mga diyos ng sambahayan.—12/1, pahina 20-23.