Ang Papel ng Banal na Espiritu sa Pagsasakatuparan ng Layunin ni Jehova
Ang Papel ng Banal na Espiritu sa Pagsasakatuparan ng Layunin ni Jehova
“Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—ISA. 55:11.
1. Ilarawan ang kaibahan ng plano at ng layunin.
GUNIGUNIHIN ang dalawang lalaking magbibiyahe sakay ng kotse. Ang isa ay nag-isip ng isang espesipiko at eksaktong ruta na daraanan niya. Ang isa naman ay maraming alam na daan papunta sa kaniyang destinasyon kaya sakaling magkaroon ng aberya, mayroon pa rin siyang ibang daraanan. Sa paanuman, makikita sa magkaibang paraan ng paglalakbay na ito ang pagkakaiba ng plano at ng layunin. Ang plano ay maihahalintulad sa paggawa ng isang espesipikong ruta, samantalang ang layunin naman ay ang pag-iisip na maabot ang isang tunguhin pero hindi naman kailangang sa isang partikular na paraan lang.
2, 3. (a) Ano ang kalakip sa layunin ni Jehova? Ano ang ginawa ng Diyos nang magkasala sina Adan at Eva? (b) Bakit kailangan nating malaman kung paano tinutupad ni Jehova ang kaniyang layunin at mamuhay kasuwato nito?
2 Sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban, si Jehova ay hindi nagtatakda ng plano, kundi mayroon siyang layunin na matutupad sa paglipas ng panahon. (Efe. 3:11) Kalakip sa layuning ito ang talagang gusto niyang mangyari sa mga tao at sa lupa—na ang lupang ito ay maging paraisong tahanan ng sakdal na mga taong mabubuhay magpakailanman nang payapa at maligaya. (Gen. 1:28) Nang magkasala sina Adan at Eva, gumawa si Jehova ng kaayusan para tiyaking matutupad ang kaniyang layunin. (Basahin ang Genesis 3:15.) Nilayon ni Jehova na ang makasagisag na babae ay magsilang ng “binhi,” o Anak, na sa dakong huli ay pupuksa sa manunulsol, si Satanas, at mag-aalis sa lahat ng pinsalang idinulot nito.—Heb. 2:14; 1 Juan 3:8.
3 Walang anumang kapangyarihan sa langit o sa lupa ang makahahadlang sa layunin ng Diyos. (Isa. 46:9-11) Bakit? Dahil sa banal na espiritu ni Jehova. Ang di-mahahadlangang puwersang iyon ay garantiyang “tiyak na magtatagumpay” ang layunin ng Diyos. (Isa. 55:10, 11) Kailangang alam natin kung paano tinutupad ng Diyos ang kaniyang layunin at mamuhay kasuwato nito. Nakasalalay sa katuparan nito ang ating kinabukasan. Bukod diyan, nakapagpapatibay na makita kung paano ginagamit ni Jehova ang banal na espiritu. Kung gayon, isaalang-alang natin ang papel ng espiritu—noon, ngayon, at sa hinaharap—sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova.
Ang Papel ng Banal na Espiritu Noon
4. Paano unti-unting isiniwalat ni Jehova ang kaniyang layunin?
4 Noong panahon ng Bibliya, unti-unting isiniwalat ni Jehova ang kaniyang layunin. Sa pasimula, “isang sagradong lihim” kung sino ang ipinangakong Binhi. (1 Cor. 2:7) Mga 2,000 taon pa ang lumipas bago muling banggitin ni Jehova ang tungkol dito. (Basahin ang Genesis 12:7; 22:15-18.) Sa pangako ni Jehova kay Abraham, ibinigay ang higit pang detalye tungkol sa binhi at sa mga pagpapalang idudulot nito. Ang pananalitang “sa pamamagitan ng iyong binhi” ay isang malinaw na indikasyon na darating ang Binhi bilang tao, isang inapo ni Abraham. Siguradong inaabangan ni Satanas ang katuparan nito. Tiyak na gustung-gusto ng Kaaway na iyon na puksain o hadlangan ang paglitaw ng binhi mula sa talaangkanan ni Abraham para mabigo ang layunin ng Diyos. Pero imposibleng mangyari iyan dahil kumikilos ang di-nakikitang espiritu ng Diyos. Sa anong mga paraan?
5, 6. Paano ginamit ni Jehova ang kaniyang espiritu para ipagsanggalang ang mga nasa talaangkanan na pagmumulan ng Binhi?
5 Ginamit ni Jehova ang kaniyang espiritu para ipagsanggalang ang mga nasa talaangkanan na pagmumulan ng Binhi. Sinabi ni Jehova kay Abram (Abraham): “Ako ay kalasag para sa iyo.” (Gen. 15:1) Hindi ito basta salita lang. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari noong mga 1919 B.C.E. nang pansamantalang manirahan sa Gerar sina Abraham at Sara. Hindi alam ni Abimelec, hari ng Gerar, na si Sara ay asawa ni Abraham, kaya kinuha niya ito para maging asawa. Minamaniobra kaya ni Satanas ang mga bagay-bagay para hindi mailuwal ni Sara ang binhi ni Abraham? Walang sinasabi ang Bibliya. Binabanggit lang nito na namagitan si Jehova. Sa panaginip, binabalaan niya si Abimelec na huwag galawin si Sara.—Gen. 20:1-18.
6 Hindi lang miminsan silang iniligtas ni Jehova. Marami pang ibang pagkakataon na ginawa ito ni Jehova kay Abraham at sa kaniyang pamilya. (Gen. 12:14-20; 14:13-20; 26:26-29) Kaya tungkol kay Abraham at sa kaniyang mga inapo, masasabi ng salmista: ‘Hindi pinahintulutan ni Jehova na dayain sila ng sinumang tao, kundi dahil sa kanila ay sumaway siya ng mga hari, na sinasabi: “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran, at ang aking mga propeta ay huwag ninyong gawan ng masama.”’—Awit 105:14, 15.
7. Sa anu-anong paraan ipinagsanggalang ni Jehova ang bansang Israel?
7 Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ipinagsanggalang ni Jehova ang sinaunang bansang Israel na pagmumulan ng ipinangakong Binhi. Ginamit ni Jehova ang kaniyang espiritu para maibigay sa Israel ang kaniyang Kautusan, na nagpanatili sa tunay na pagsamba at nagsanggalang sa mga Judio mula sa espirituwal, moral, at pisikal na karumihan. (Ex. 31:18; 2 Cor. 3:3) Noong panahon ng mga Hukom, binigyang-kapangyarihan ng espiritu ni Jehova ang ilang lalaki para iligtas ang Israel mula sa mga kaaway. (Huk. 3:9, 10) Sa loob ng daan-daang taon hanggang sa pagsilang ni Jesus na pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham, tiyak na may papel ang banal na espiritu sa pagsasanggalang sa Jerusalem, sa Betlehem, at sa templo—na pawang may bahagi sa katuparan ng mga hula tungkol kay Jesus.
8. Ano ang nagpapakitang may malaking papel ang banal na espiritu sa buhay at ministeryo ng Anak ng Diyos?
Luc. 1:26-31, 34, 35) Pagkaraan, ipinagsanggalang ng espiritu ang sanggol na si Jesus mula sa di-napapanahong kamatayan. (Mat. 2:7, 8, 12, 13) Nang mga 30 anyos na si Jesus, pinahiran siya ng Diyos ng banal na espiritu, anupat hinirang siyang maging tagapagmana ng trono ni David at inatasang mangaral. (Luc. 1:32, 33; 4:16-21) Sa pamamagitan ng banal na espiritu, si Jesus ay binigyang-kapangyarihan na gumawa ng mga himala, kasali na ang pagpapagaling sa mga maysakit, pagpapakain sa pulutong, at pagbuhay sa mga patay. Ang gayong makapangyarihang mga gawa ay patikim lang sa mga pagpapalang maaasahan natin sa ilalim ng paghahari ni Jesus.
8 Ang banal na espiritu ay may malaking papel sa buhay at ministeryo ni Jesus. Sa pagkilos ng banal na espiritu sa sinapupunan ng birheng si Maria, naisagawa nito ang isang bagay na minsan lang nangyari. Isang di-sakdal na babae ang naglihi at nagsilang ng isang sakdal na Anak, na wala sa ilalim ng parusang kamatayan. (9, 10. (a) Bakit masasabing kitang-kita ang pagkilos ng banal na espiritu sa mga alagad ni Jesus noong unang siglo? (b) Anong pagbabago sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova ang isiniwalat noong unang siglo C.E.?
9 Mula noong Pentecostes 33 C.E., ginamit ni Jehova ang kaniyang espiritu para hirangin ang pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham, na karamihan ay hindi mga inapo ni Abraham. (Roma 8:15-17; Gal. 3:29) Kitang-kita ang pagkilos ng banal na espiritu sa mga alagad ni Jesus noong unang siglo, anupat tinulungan silang mangaral nang may sigasig at makapagsagawa ng makapangyarihang mga gawa. (Gawa 1:8; 2:1-4; 1 Cor. 12:7-11) Sa pamamagitan ng gayong makahimalang mga kaloob, isiniwalat ng banal na espiritu ang isang malaking pagbabago sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova. Hindi na Niya ginagamit ang napakatagal nang kaayusan ng pagsamba na nakasentro sa templo sa Jerusalem. Ang kaniyang pagsang-ayon ay ibinaling na niya sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Mula noon, ang pinahirang kongregasyong iyon ang ginagamit ni Jehova para tuparin ang kaniyang layunin.
10 Pagsasanggalang, pagbibigay-kapangyarihan, paghirang—ilan lamang ito sa mga paraan ng paggamit ni Jehova ng banal na espiritu noong panahon ng Bibliya para tiyaking matutupad ang kaniyang layunin. Kumusta naman sa panahon natin? Paano ginagamit ni Jehova ngayon ang kaniyang espiritu para itaguyod ang kaniyang layunin? Kailangan natin itong malaman dahil gusto nating makipagtulungan sa espiritu. Kaya isaalang-alang natin ang apat na paraan kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu sa ngayon.
Ang Papel ng Banal na Espiritu Ngayon
11. Ano ang nagpapakitang ang banal na espiritu ay isang puwersang tumutulong para maging malinis ang bayan ng Diyos? Paano mo maipakikitang naiimpluwensiyahan ka ng espiritu?
11 Una, ang banal na espiritu ay isang puwersang tumutulong para maging malinis ang bayan ng Diyos. Kailangang malinis sa moral ang mga gumagawa ng kalooban ni Jehova. (Basahin ang 1 Corinto 6:9-11.) Ang ilan na naging tunay na Kristiyano ay dating mapakiapid, mangangalunya, at homoseksuwal. Baka malalim na ang pagkakaugat sa kanila ng mga pagnanasang nagsisilang ng kasalanan. (Sant. 1:14, 15) Pero ‘nahugasan na silang malinis,’ na nagpapahiwatig na gumawa na sila ng mga pagbabagong kailangan para mapalugdan ang Diyos. Ano ang nakakatulong sa isang umiibig sa Diyos para madaig ang mga maling pagnanasa? Ang “espiritu ng ating Diyos,” ayon sa 1 Corinto 6:11. Sa pananatiling malinis sa moral, ipinakikita mong naiimpluwensiyahan ng banal na espiritu ang iyong buhay.
12. (a) Ayon sa pangitain ni Ezekiel, paano inaakay ni Jehova ang kaniyang organisasyon? (b) Paano mo maipakikitang nakikipagtulungan ka sa espiritu?
12 Ikalawa, ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu para akayin ang kaniyang organisasyon sa direksiyong gusto niyang tahakin nito. Sa pangitain ni Ezekiel, ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova ay inilalarawan bilang isang makalangit na karo na patuloy na kumikilos para tuparin ang layunin ni Jehova. Ezek. 1:20, 21) Tandaan na ang organisasyon ni Jehova ay may dalawang bahagi, isa sa langit at isa sa lupa. Kung pinapatnubayan ng banal na espiritu ang makalangit na bahagi, tiyak na pinapatnubayan din nito ang makalupang bahagi. Kung sumusunod ka sa tagubilin ng makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos, ipinakikita mong umaalinsabay ka sa makalangit na karo ni Jehova at nakikipagtulungan sa kaniyang espiritu.—Heb. 13:17.
Ano ang nagdidikta sa direksiyong tatahakin ng karo? Ang banal na espiritu. (13, 14. (a) Sino ang bumubuo sa “salinlahing ito” na binanggit ni Jesus? (b) Magbigay ng isang halimbawa na nagpapakitang tumutulong ang banal na espiritu para maging maliwanag ang mga katotohanan sa Bibliya. (Tingnan ang kahong “Umaalinsabay Ka ba sa Lumiliwanag na Katotohanan?”)
13 Ikatlo, tumutulong ang banal na espiritu para maging maliwanag ang mga katotohanan sa Bibliya. (Kaw. 4:18) Matagal nang ginagamit ng “tapat at maingat na alipin” ang magasing ito bilang pangunahing kasangkapan sa unti-unting pagsisiwalat ng mga katotohanan sa Bibliya. (Mat. 24:45) Halimbawa, isaalang-alang ang pagkaunawa natin tungkol sa kung sino ang bumubuo sa “salinlahing ito” na binanggit ni Jesus. (Basahin ang Mateo 24:32-34.) Aling salinlahi ang tinutukoy ni Jesus? Sa artikulong “Ang Pagkanaririto ni Kristo—Ano ang Pagkaunawa Mo Rito?,” ipinaliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang mga balakyot, kundi ang kaniyang mga alagad na malapit nang pahiran noon ng banal na espiritu. * Ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus, kapuwa noong unang siglo at sa ating panahon, ang siyang makakakita sa tanda at makakaunawa sa kahulugan nito—na si Jesus “ay malapit na at nasa mga pintuan na.”
14 Ano ang ipinahihiwatig ng paliwanag na ito? Bagaman hindi natin eksaktong makakalkula ang panahong saklaw ng “salinlahing ito,” makabubuting tandaan ang ilang bagay tungkol sa salitang ‘salinlahi’: Karaniwan nang tumutukoy ito sa mga taong may iba’t ibang edad na ang buhay ay nagpang-abot sa isang partikular na yugto ng panahon; hindi napakahaba ng yugtong ito; at mayroon itong hangganan. (Ex. 1:6) Kaya paano natin uunawain ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa “salinlahing ito”? Maliwanag, gusto niyang sabihin na magpapang-abot ang buhay ng mga pinahirang nakakita sa tanda nang magsimula itong lumitaw noong 1914 at ang buhay ng iba pang pinahirang makakakita naman sa pasimula ng malaking kapighatian. May pasimula ang salinlahing iyon, at tiyak na mayroon ding wakas. Ang katuparan ng iba’t ibang bahagi ng tanda ay malinaw na nagpapakitang malapit na ang kapighatian. Kung lagi mong isinasaisip ang pagkaapurahan ng panahon at patuloy kang nagbabantay, ipinakikita mong umaalinsabay ka sa sumusulong na liwanag at sumusunod sa pag-akay ng banal na espiritu.—Mar. 13:37.
15. Ano ang nagpapakitang banal na espiritu ang nagpapalakas sa atin para maihayag ang mabuting balita?
15 Ikaapat, binibigyang-kapangyarihan tayo, o pinalalakas, ng banal na espiritu para maihayag ang mabuting balita. (Gawa 1:8) May iba pa kayang dahilan kung bakit naipangangaral sa buong lupa ang mabuting balita? Pag-isipan ito. Baka isa ka sa mga sobrang mahiyain o natatakot kaya naiisip mo noon, ‘Hindi ko talaga kayang magbahay-bahay!’ Pero ngayon, napakasigasig mo na sa gawaing iyon. * Maraming tapat na Saksi ni Jehova ang patuloy na nangangaral kahit na sinasalansang o inuusig. Banal na espiritu lamang ng Diyos ang makapagpapalakas sa atin para madaig ang mga hadlang at magawa ang mga bagay na hindi natin kaya kung sa sariling lakas lang natin. (Mik. 3:8; Mat. 17:20) Kung lubos kang nakikibahagi sa pangangaral, ipinakikita mong nakikipagtulungan ka sa espiritung iyon.
Ang Papel ng Banal na Espiritu sa Hinaharap
16. Bakit tayo makakatiyak na ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa panahon ng malaking kapighatian?
16 Sa hinaharap, gagamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa kamangha-manghang mga paraan para tuparin ang kaniyang layunin. Isaalang-alang muna natin ang tungkol sa pagsasanggalang. Gaya ng nakita na natin, ginamit noon ni Jehova ang kaniyang espiritu para ipagsanggalang ang mga indibiduwal pati na ang buong bansang Israel. Kaya lubos tayong makapagtitiwala na gagamitin niya ang makapangyarihang espiritung iyon para ipagsanggalang ang kaniyang bayan sa nalalapit na malaking kapighatian. Hindi na natin kailangang gumawa ng mga espekulasyon kung paano tayo iingatan ni Jehova sa panahong iyon. Nagtitiwala tayo na sa hinaharap, ang mga umiibig kay Jehova ay hindi kailanman makakaligtaan kundi mapapaabutan ng kaniyang banal na espiritu.—2 Cro. 16:9; Awit 139:7-12.
17. Paano gagamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa bagong sanlibutan?
17 Paano gagamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa dumarating na bagong sanlibutan? Ang espiritung iyon ang gagamitin sa pagsulat ng mga bagong balumbon na bubuksan sa panahong iyon. (Apoc. 20:12) Ano ang nilalaman ng mga balumbon? Lumilitaw na nakasulat dito ang detalyadong mga kahilingan ni Jehova sa atin sa panahon ng sanlibong taon. Sabik ka na bang suriin ang mga balumbon? Inaasam natin ang pagdating ng bagong sanlibutan. Kulang ang mga salita para ilarawan kung gaano kasaya ang buhay sa pinagpalang panahong iyon kapag ginamit na ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para tuparin ang kaniyang layunin sa lupa at sa sangkatauhan.
18. Ano ang iyong determinasyon?
18 Huwag na huwag nating kalilimutan na tiyak na magtatagumpay ang layunin ni Jehova, dahil ginagamit niya sa pagsasakatuparan nito ang kaniyang banal na espiritu—ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso. Kasama ka sa layuning ito. Kaya gawing determinasyon na laging magsumamo ukol sa espiritu ni Jehova at sumunod sa pag-akay nito. (Luc. 11:13) Kung gayon, gaya ng nilayon ni Jehova, magkakaroon ka ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa.
[Mga talababa]
^ par. 15 Para sa halimbawa ng isa na dating sobrang mahiyain pero naging masigasig sa ministeryo, tingnan Ang Bantayan, Setyembre 15, 1993, pahina 19.
Naaalaala Mo Ba?
• Sa anu-anong paraan ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu noong panahon ng Bibliya para tiyaking matutupad ang kaniyang layunin?
• Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu sa ngayon?
• Paano gagamitin ni Jehova ang kaniyang espiritu sa hinaharap para tuparin ang kaniyang layunin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 10]
Umaalinsabay Ka ba sa Lumiliwanag na Katotohanan?
Patuloy na nililiwanag ni Jehova sa kaniyang bayan ang katotohanan. Ano ang ilang paglilinaw na inilathala sa Ang Bantayan?
▪ Anong magandang aral hinggil sa espirituwal na pagsulong ang idiniriin ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lebadura? (Mat. 13:33)—Hulyo 15, 2008, pahina 19-20.
▪ Kailan matatapos ang pagpili sa mga Kristiyanong pagkakalooban ng makalangit na pag-asa?—Mayo 1, 2007, pahina 30-31.
▪ Ano ang ibig sabihin ng pagsamba kay Jehova “sa espiritu”? (Juan 4:24) —Hulyo 15, 2002, pahina 15.
▪ Saang looban naglilingkod ang malaking pulutong? (Apoc. 7:15)—Mayo 1, 2002, pahina 30-31.
▪ Kailan ang pagbubukud-bukod sa mga tupa at kambing? (Mat. 25:31-33)—Oktubre 15, 1995, pahina 18-28.