Gusto ni Jehova na Ikaw ay Maging “Ligtas at Tiwasay”
Gusto ni Jehova na Ikaw ay Maging “Ligtas at Tiwasay”
KAPAG biglang sumapit ang pinakamapanganib na pangyayari sa kasaysayan, titiyakin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na “makaliligtas” ang lahat ng sinasang-ayunan niya. (Joel 2:32) Pero noon pa man, talagang gusto na ni Jehova na proteksiyunan ang mga tao mula sa panganib. Yamang “nasa [kaniya] ang bukal ng buhay,” lahat ng tao ay napakahalaga sa kaniya at karapat-dapat proteksiyunan.—Awit 36:9.
Tinutularan ng tapat na mga lingkod ng Diyos noon ang pangmalas niya sa buhay. Ayon sa Genesis 33:18, “ligtas at tiwasay” na nakarating sa kanilang destinasyon si Jacob at ang kaniyang pamilya matapos ang mapanganib na paglalakbay. Umasa si Jacob sa proteksiyon ni Jehova, pero may ginawa rin siya para maproteksiyunan ang lahat ng kasama niyang naglalakbay. (Gen. 32:7, 8; 33:14, 15) Kung ikakapit mo ang mga simulain ng Bibliya, lalo kang magiging ligtas, pati na ang iba. Tingnan natin kung paano ito kapit sa mga nagtatayo ng Kingdom Hall at iba pang proyektong tulad nito at tumutulong sa mga biktima ng kalamidad.
Kaligtasan Ayon sa Kautusang Mosaiko
Sa Kautusan ni Moises, ang kaligtasan ay ginawang opisyal na patakaran para sa bayan ng Diyos. Halimbawa, ang isang Israelitang nagtatayo ng bahay ay dapat maglagay ng halang sa palibot ng bubong nito. Dahil madalas na nasa patag na bubungan ng bahay ang mga tao, ang halang na ito ay nagsisilbing proteksiyon para hindi sila mahulog. (1 Sam. 9:26; Mat. 24:17) Kung may maaksidente dahil sa hindi pagsunod sa kautusang ito, mananagot kay Jehova ang may-ari ng bahay.—Deut. 22:8.
May kaparusahan din sa pinsalang dulot ng mga alagang hayop. Kapag nanuwag at nakapatay ang isang toro, dapat na itong patayin ng may-ari para sa kaligtasan ng iba. Malaking kalugihan ito dahil hindi na ito puwedeng kainin o ipagbili ng may-ari. Pero paano kung hindi pa rin binantayan ng may-ari ang toro matapos makapanakit? Kapag ang torong ito ay nakapatay, ang toro at ang may-ari nito ay papatayin. Dahil sa kautusang ito, magiging maingat ang sinumang pabaya sa kanilang mga alagang hayop.—Ex. 21:28, 29.
Ipinakikita rin ng Kautusan na mahalagang gamitin nang wasto ang mga kasangkapan. Maraming Israelita ang gumagamit ng palakol sa pagsisibak ng kahoy. Kapag tumalsik ang talim ng palakol, tumama sa isang nagdaraan, at namatay ito, ang nagsisibak ay kailangang tumakas patungo sa kanlungang lunsod. Mananatili siya roon hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote, kaya matagal Bil. 35:25; Deut. 19:4-6.
siyang mapapawalay sa kaniyang pamilya. Nakita sa kaayusang iyon na sagrado kay Jehova ang buhay. Kapag sagrado rin sa isang tao ang buhay, pinananatili niyang maayos ang kaniyang mga kasangkapan at ginagamit ito nang maingat.—Sa gayong mga kautusan, nilinaw ni Jehova na gusto niyang maging maingat ang kaniyang bayan sa loob at labas ng tahanan. Ang mga nakapatay o nakapinsala sa iba, kahit di-sinasadya, ay mananagot sa kaniya. Hindi nagbabago ang pangmalas ni Jehova sa kaligtasan. (Mal. 3:6) Pinag-iingat pa rin niya ang mga tao para hindi sila mapinsala o makapinsala. Lalo nang totoo iyan sa pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling ginagamit sa tunay na pagsamba.
Kaligtasan sa mga Proyekto ng Pagtatayo
Isang malaking pribilehiyo ang pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay. Isa ring malaking pribilehiyo ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Sa lahat ng pagkakataon, gusto nating magawa ito nang mahusay, dahil kung hindi, kahit simpleng trabaho ay maaaring makapinsala sa atin at sa iba. (Ecles. 10:9) Oo, kung lagi tayong maingat sa trabaho, maiiwasan natin ang aksidente.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.” (Kaw. 20:29) Kailangan ang lakas ng kabataan sa mabibigat na trabaho. Pero ang mga manggagawa namang may uban—ang mga batikan sa konstruksiyon—ang bahala sa mga detalye ng trabaho. Noong kanilang kabataan, ginamit din ng mga may-edad na ito ang kanilang lakas sa mabibigat na trabaho. Kung baguhang boluntaryo ka pa lamang, pagmasdan ang pagtatrabaho ng mga makaranasang manggagawa, at sundin ang kanilang mga tagubilin. Kung gusto mong matuto, maraming maituturo sa iyo ang mga ekspertong kapatid na ito. Kasali na rito ang ligtas na paggamit ng mga delikadong materyales at pagbuhat ng mabibigat na bagay. Kung gayon, makapagtatrabaho ka nang maayos, ligtas, at masaya.
Hindi puwedeng tútulúg-tulóg ang mga manggagawa sa konstruksiyon. Mabilis magbago ang kondisyon dito. Baka ang dating patag na lupa ay nahukay na pala. Baka nailipat na ng mga katrabaho mo ang hagdan, tabla, o balde ng pintura. Kung lumilipad ang isip mo, baka maaksidente ka. Karaniwan nang nakasaad sa mga patakaran para sa kaligtasan na dapat magsuot ng pamproteksiyon ang mga manggagawa. Ang safety glasses, hard hat, at angkop na sapatos ay proteksiyon mo. Pero protektado ka lang kung palaging nasa ayos at suot mo ang mga ito.
May mga kasangkapang mukhang madaling gamitin, pero kailangan pa rin itong pag-aralan at pagsanayan para maging ligtas ka sa paggamit nito. Kung ngayon ka pa lang gagamit ng kasangkapang kailangan mo, ipaalam ito sa inyong overseer. Siya ang bahalang magsaayos kung paano ka matuturuan. Ang kahinhinan, o pagkaalam sa iyong mga limitasyon, ay isang magandang katangian. Ang totoo, kailangan ito para hindi ka masaktan o makasakit habang nagtatrabaho.—Kaw. 11:2.
Sa isang konstruksiyon, pagkahulog ang madalas na dahilan ng pinsala. Bago umakyat sa hagdan o tumapak sa scaffolding, tiyaking ligtas ito at nasa ayos. Kung sa bubong o sa scaffolding ka gumagawa, tiyaking may halang ito o may tali ka sa katawan. Kung may mga tanong ka tungkol sa pagtatrabaho sa matataas na lugar, lumapit sa inyong overseer. *
Habang dumarami ang naglilingkod kay Jehova sa buong daigdig, dumarami rin ang kailangang itayong Kingdom Hall at iba pang pasilidad para sa tunay na pagsamba. Pananagutan ng mga nangangasiwa sa pagtatayo ng Kingdom Hall at iba pang proyektong tulad nito na tiyaking ligtas ang mahahalagang tupa ni Jehova na pinangangasiwaan nila. (Isa. 32:1, 2) Kung may pribilehiyo kang mangasiwa sa ganitong proyekto, laging tandaan na mahalaga ang kaligtasan ng iyong mga kapatid. Tiyaking malinis ang lugar ng konstruksiyon at nakaayos ang mga gamit. Maging istrikto pero mabait sa pagbibigay ng paalaala sa mga hindi nag-iingat. Huwag payagang pumasok sa mga delikadong lugar ang mga bata pa o walang gaanong karanasang manggagawa. Alamin ang mga posibleng panganib, at ipaliwanag sa mga manggagawa kung paano mag-iingat. Tandaan, tunguhin natin na matapos ang proyekto nang walang aksidente.
Ang Papel ng Pag-ibig
Sa pagtatayo ng Kingdom Hall at iba pang gusali para sa tunay na pagsamba, laging may kasamang mapanganib na trabaho. Kaya kailangan ang pag-iingat. Kung ikakapit mo ang mga simulain sa Bibliya, susundin ang mga tagubilin sa trabaho, at gagawa ng tamang desisyon, maiiwasan ang disgrasya.
Bakit ba napakaimportante sa atin ng kaligtasan? Ito’y dahil sa pag-ibig. Oo, dahil sa pag-ibig kay Jehova, pinahahalagahan natin ang buhay, gaya ng pagpapahalaga niya rito. At dahil sa pag-ibig sa mga tao, nag-iingat tayo para hindi sila masaktan. (Mat. 22:37-39) Kaya gawin natin ang lahat para maging “ligtas at tiwasay” ang mga nakikibahagi sa ating mga proyekto sa pagtatayo.
[Talababa]
^ par. 14 Tingnan ang kahong “Ligtas na Paggamit ng Hagdan” sa pahina 30.
[Kahon/Larawan sa pahina 30]
Ligtas na Paggamit ng Hagdan
Sa isang nakalipas na taon, mahigit 160,000 manggagawa sa Estados Unidos ang napinsala dahil sa pagkahulog sa hagdan. Mga 150 naman ang namatay. Saan ka man naninirahan o nagtatrabaho, narito ang ilang tagubilin para hindi ka mahulog sa hagdan.
◇ Huwag gumamit ng mabuway o sirang hagdan, at huwag na itong kumpunihin. Itapon na ito.
◇ Ang lahat ng hagdan ay may espesipikong timbang na kayang dalhin. Ang bigat mo pati na ng mga gamit at materyales na dala mo ay hindi dapat lumampas sa limitasyon ng hagdang gagamitin mo.
◇ Ilagay ang hagdan sa matatag at patag na lugar. Huwag itong itayo sa scaffolding o sa ibabaw ng timba o kahon.
◇ Dapat na lagi kang nakaharap sa hagdan kapag umaakyat o bumababa rito.
◇ Huwag kang tatayo o uupo sa dalawang pinakamataas na baytang ng anumang hagdan.
◇ Kung gagamit ng hagdan para umakyat o bumaba sa bubong, dapat na lampas ito nang di-kukulangin sa isang metro mula sa bubong. Talian o kalsuhan ang paanan ng hagdan para hindi ito dumulas. Kung hindi puwede, pahawakan sa iba ang hagdan habang nasa itaas ka nito. Talian ang pinakatuktok ng hagdan para hindi ito matumba.
◇ Huwag magpatong ng tabla sa mga baytang ng hagdan para gawing tuntungan.
◇ Kung titingkayad ka o pilit na aabutin ang isang bagay, baka gumiwang ang hagdan. Mapanganib ito. Ilipat ang hagdan, kahit paulit-ulit kung kailangan, para lagi kang malapit sa ginagawa mo.
◇ Kung kailangan mong itayo ang hagdan sa harap ng nakasarang pinto, maglagay ng babala sa pinto at ikandado ito. Kung hindi ito puwedeng ikandado, maglagay ng bantay para babalaan ang mga daraan.
◇ Isang tao lang ang dapat na nasa hagdan, malibang ito’y pandalawahan. *
[Talababa]
^ par. 33 May mga karagdagang paalaala sa paggamit ng hagdan sa isyu ng Gumising!, Agosto 8, 1999, pahina 22-24.
[Larawan sa pahina 29]
Hinihiling sa Kautusan ni Moises na lagyan ng halang ang palibot ng mga patag na bubong