Mga Kabataan—Patibayin ang Inyong Hangaring Maglingkod kay Jehova
Mga Kabataan—Patibayin ang Inyong Hangaring Maglingkod kay Jehova
“Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.”—ECLES. 12:1.
1. Anong paanyaya ang ipinaabot sa mga bata sa Israel?
MGA 3,500 taon na ang nakalilipas, inutusan ng propeta ni Jehova na si Moises ang mga saserdote at matatandang lalaki ng Israel: “Tipunin [ninyo] ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata . . . , upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deut. 31:12) Pansinin kung sino ang tinagubilinang magtipon para sa pagsamba: mga lalaki, babae, at maliliit na bata. Oo, maging ang mga bata ay inutusan ding makinig, matuto, at sumunod sa tagubilin ni Jehova.
2. Paano ipinakita ni Jehova na nagmamalasakit siya sa mga kabataan sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?
2 Noong unang siglo, patuloy na nagpakita si Jehova ng malasakit sa makadiyos na mga kabataan. Halimbawa, kinasihan Niya si apostol Pablo na ilakip sa ilang liham na ipadadala niya sa mga kongregasyon ang mga tagubilin partikular na para sa mga kabataan. (Basahin ang Efeso 6:1; Colosas 3:20.) Ang mga kabataang Kristiyano na nagkapit ng payo ay nagkaroon ng higit na pagpapahalaga sa kanilang maibiging Ama sa langit, at sila’y pinagpala.
3. Paano ipinakikita ng mga kabataan sa ngayon na hangarin nilang maglingkod sa Diyos?
3 Inaanyayahan din ba ang mga kabataan sa ngayon na magtipon para sumamba kay Jehova? Oo! Kaya naman tuwang-tuwa ang bayan ni Jehova na makitang dinidibdib ng napakaraming kabataang lingkod ng Diyos sa buong daigdig ang payo ni Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Bukod diyan, maraming kabataan ang sumasama sa kanilang mga magulang sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 24:14) At para ipakita ang kanilang marubdob na pag-ibig kay Jehova, libu-libong kabataan taun-taon ang nagpapabautismo at tumatanggap ng mga pagpapala dahil sa pagiging alagad ni Kristo.—Mat. 16:24; Mar. 10:29, 30.
Tanggapin ang Paanyaya—Ngayon Na!
4. Kailan puwedeng tanggapin ng mga kabataan ang paanyaya ng Diyos na maglingkod sa kaniya?
4 Sinasabi sa Eclesiastes 12:1: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.” Ano ba dapat ang edad ninyo bago tanggapin ang magiliw na paanyayang ito na sambahin at paglingkuran si Jehova? Hindi binabanggit ng Kasulatan. Kaya huwag ninyong isiping napakabata pa ninyo para makinig at maglingkod kay Jehova. Anuman ang edad ninyo, hinihimok kayong tanggapin na ngayon ang paanyayang ito.
5. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak para sumulong sa espirituwal?
5 Marami sa inyo ang tinutulungan ng inyong mga magulang para sumulong sa espirituwal. Kung gayon, para kayong si Timoteo na binabanggit sa Bibliya. Sanggol pa lang siya, 2 Tim. 3:14, 15) Malamang na sinasanay rin kayo ng mga magulang ninyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa inyo ng Bibliya, pananalanging kasama ninyo, at pagsasama sa inyo sa mga pulong, asamblea, at paglabas sa larangan. Oo, ang pagtuturo sa inyo tungkol sa daan ng Diyos ay isang napakalaking pananagutang ibinigay mismo ni Jehova sa inyong mga magulang. Pinahahalagahan ba ninyo ang kanilang pag-ibig at pagmamalasakit?—Kaw. 23:22.
itinuturo na sa kaniya ng nanay niyang si Eunice at ng lola niyang si Loida ang banal na mga kasulatan. (6. (a) Anong uri ng pagsamba ang nakalulugod kay Jehova ayon sa Awit 110:3? (b) Ano ang tatalakayin natin ngayon?
6 Habang lumalaki kayo, gusto ni Jehova na ‘patunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos,’ gaya ng ginawa ni Timoteo. (Roma 12:2) Kung gagawin ninyo iyan, makikibahagi kayo sa mga gawain sa kongregasyon, hindi dahil sa iyon ang gusto ng mga magulang ninyo, kundi dahil gusto ninyong gawin ang kalooban ng Diyos. Malulugod si Jehova kung kusang-loob kayong maglilingkod sa kaniya. (Awit 110:3) Kung gayon, paano ninyo maipakikitang gusto ninyong patibayin ang inyong hangaring makinig kay Jehova at sumunod sa kaniyang mga tagubilin? Tatalakayin natin ang tatlong mahahalagang paraan upang magawa ninyo iyan. Ito ay ang pag-aaral, pananalangin, at mabuting paggawi. Isa-isahin natin ang mga ito.
Gawing Totoo sa Inyo si Jehova
7. Paano nagpakita si Jesus ng halimbawa bilang estudyante ng Kasulatan? Ano ang nakatulong sa kaniya?
7 Ang unang paraan para maipakitang gusto ninyong patibayin ang inyong hangaring maglingkod kay Jehova ay sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Sa paggawa nito, masasapatan ang inyong espirituwal na pangangailangan at magkakaroon kayo ng mahalagang kaalaman mula sa Bibliya. (Mat. 5:3) Nagpakita ng halimbawa si Jesus. Minsan, noong 12 anyos siya, natagpuan siya ng kaniyang mga magulang sa templo, “na nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” (Luc. 2:44-46) Bata pa lang si Jesus, may pananabik na siya sa Kasulatan at nauunawaan na niya ito. Ano ang nakatulong sa kaniya? Siguradong malaki ang ginampanang papel ng kaniyang inang si Maria at ng ama-amahang si Jose. Yamang mga lingkod sila ng Diyos, mula sa pagkasanggol ay tinuruan na nila si Jesus tungkol kay Jehova.—Mat. 1:18-20; Luc. 2:41, 51.
8. (a) Kailan dapat simulan ng mga magulang ang pagkikintal ng pag-ibig sa Salita ng Diyos sa kanilang mga anak? (b) Magkuwento ng karanasan na nagpapakitang mahalaga ang pagsasanay sa mga anak mula sa pagkasanggol.
8 Sa katulad na paraan, alam ng may-takot sa Diyos na mga magulang na mula sa pagkasanggol, mahalagang ikintal na sa puso ng kanilang mga anak ang pananabik sa katotohanan mula sa Bibliya. (Deut. 6:6-9) Ganiyan ang ginawa ni Rubi matapos isilang ang kaniyang panganay na si Joseph. Araw-araw, binabasahan niya ito ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Habang lumalaki, tinulungan niya itong magsaulo ng mga teksto. Nakinabang ba si Joseph sa gayong pagsasanay? Bagu-bago pa lang nagsasalita, naisasalaysay na niya ang maraming kuwento sa Bibliya sa sarili niyang pangungusap. At pagtuntong ng limang taon, nagkabahagi na siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.
9. Bakit mahalagang basahin ang Bibliya at bulay-bulayin ang inyong nababasa?
9 Mga kabataan, para patuloy na sumulong sa espirituwal, ugaliin ninyong magbasa ng Bibliya araw-araw hanggang sa inyong pagtanda. (Awit 71:17) Bakit makakatulong sa inyo ang pagbabasa ng Bibliya? Sa panalangin ni Jesus sa kaniyang Ama, sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3) Habang kumukuha kayo ng higit na kaalaman tungkol sa Diyos, lalo ninyong nakikitang totoo si Jehova at lalo siyang napapamahal sa inyo. (Heb. 11:27) Kaya sa tuwing magbabasa kayo ng Bibliya, samantalahin ang pagkakataong iyon na matuto pa tungkol kay Jehova. Tanungin ang sarili: ‘Ano kaya ang itinuturo sa akin ng ulat na ito tungkol kay Jehova? Paano ipinakikita ng tekstong ito na mahal ako ng Diyos at may malasakit siya sa akin?’ Kung bubulay-bulayin ninyo ang gayong mga tanong, malalaman ninyo ang iniisip at nadarama ni Jehova at kung ano ang hinihiling niya sa inyo. (Basahin ang Kawikaan 2:1-5.) Gaya ng kabataang si Timoteo, ‘mahihikayat kayong sampalatayanan’ ang inyong natututuhan sa Kasulatan, at mauudyukan kayong kusang-loob na sambahin si Jehova.—2 Tim. 3:14.
Panalangin—Nagpapasidhi ng Pag-ibig Ninyo kay Jehova
10, 11. Paano mapatitibay ng pananalangin ang hangarin mong maglingkod sa Diyos?
10 Ang ikalawang paraan para mapatibay ang inyong hangaring maglingkod kay Jehova nang buong puso ay sa pamamagitan ng inyong mga panalangin. Mababasa natin sa Awit 65:2: “O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.” Kahit noong katipang bayan pa ng Diyos ang Israel, ang mga banyagang pumapasok sa templo ni Jehova ay puwedeng manalangin sa kaniya. (1 Hari 8:41, 42) Hindi nagtatangi ang Diyos. Ang lahat ng sumusunod sa kaniyang mga utos ay nakatitiyak na pakikinggan sila ng Diyos. (Kaw. 15:8) Tiyak na kayong mga kabataan ay kabilang sa “mga tao mula sa lahat ng laman.”
11 Alam ninyo na ang pundasyon ng anumang tunay na pagkakaibigan ay ang pag-uusap. Malamang na gusto ninyong masabi sa inyong matalik na kaibigan ang inyong iniisip, ikinababahala, at nadarama. Sa katulad na paraan, kapag taimtim kayong nananalangin, nakikipag-usap kayo sa inyong Dakilang Maylalang. (Fil. 4:6, 7) Ibuhos ninyo kay Jehova ang laman ng inyong puso na para bang sinasabi ninyo ito sa inyong maibiging magulang o matalik na kaibigan. Sa katunayan, may malaking kaugnayan ang inyong panalangin sa inyong nadarama tungkol kay Jehova. Mapapansin ninyo na habang tumitibay ang inyong pakikipagkaibigan kay Jehova, lalong nagiging makabuluhan ang inyong mga panalangin sa kaniya.
12. (a) Paano magiging makabuluhan ang inyong panalangin? (b) Bakit ninyo masasabing malapit sa inyo si Jehova?
12 Pero tandaan na hindi sapat ang basta salita lamang para maging makabuluhan ang panalangin. Kailangan itong samahan ng damdamin. Sa inyong pananalangin, ipadama ang inyong masidhing pag-ibig, matinding paggalang, at lubos na pagtitiwala kay Jehova. Habang nakikita ninyo kung paano sinasagot ni Jehova ang inyong mga panalangin, higit kailanman, masasabi ninyong “si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Oo, si Jehova ay magiging malapít sa inyo, anupat pinatitibay kayong salansangin ang Diyablo at gawin ang tamang mga desisyon sa buhay.—Basahin ang Santiago 4:7, 8.
13. (a) Paano nakatulong sa isang sister ang pakikipagkaibigan sa Diyos? (b) Paano nakakatulong sa iyo ang pakikipagkaibigan sa Diyos para maharap ang panggigipit ng mga kasamahan?
13 Tingnan natin kung paano nagkaroon ng lakas si Cherie dahil sa pagiging malapít kay Mat. 6:33.
Jehova. Noong nasa haiskul siya, nabigyan siya ng gantimpala dahil sa husay niya sa klase at sa isports. Pagkagradweyt niya, inalok siya ng scholarship para makapag-aral sa kolehiyo. “Napakaganda ng alok,” ang sabi ni Cherie, “at pinipilit ako ng aking mga coach at kaeskuwela na tanggapin ito.” Pero napag-isip-isip niya na kung tatanggapin niya ang alok, malaking panahon ang uubusin niya sa pag-aaral at paghahanda sa mga palaro—at halos wala nang matitira para sa paglilingkod kay Jehova. Ano kaya ang ginawa ni Cherie? Sinabi niya, “Pagkapanalangin ko kay Jehova, tinanggihan ko ang scholarship at nagsimula akong mag-regular pioneer.” Limang taon na siya ngayong payunir. “Wala akong pinagsisisihan,” ang sabi niya. “Masaya ako dahil alam kong natutuwa si Jehova sa desisyon ko. Talagang kapag inuna natin ang Kaharian ng Diyos, ang lahat ng iba pang bagay ay idaragdag sa atin.”—Mabuting Paggawi—Katibayan na ‘Malinis ang Inyong Puso’
14. Bakit mahalaga kay Jehova ang inyong mabuting paggawi?
14 Ang ikatlong paraan para maipakitang kusang-loob kayong naglilingkod kay Jehova ay sa pamamagitan ng inyong paggawi. Pinagpapala ni Jehova ang mga kabataang nananatiling malinis sa moral. (Basahin ang Awit 24:3-5.) Hindi tinularan ng kabataang si Samuel ang imoral na paggawi ng mga anak ng mataas na saserdoteng si Eli. Napansin ang mabuting paggawi ni Samuel. Sinasabi ng Bibliya: “Samantala, ang batang si Samuel ay lumalaki at nagiging higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.”—1 Sam. 2:26.
15. Bakit ninyo sinisikap na mapanatili ang mabuting paggawi?
15 Nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan ang mga tao’y maibigin sa kanilang sarili, palalo, masuwayin sa magulang, walang utang-na-loob, di-matapat, mabangis, mapagmalaki, maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos—na ilan lamang sa mga paggawing binanggit ni Pablo. (2 Tim. 3:1-5) Kaya talagang napakahirap para sa inyo na mapanatili ang mabuting paggawi sa gitna ng napakasamang kapaligirang ito. Pero sa tuwing gumagawa kayo ng tama at umiiwas na gumawa ng mali, napapatunayan ninyong nasa panig kayo ni Jehova pagdating sa isyu ng pansansinukob na soberanya. (Job 2:3, 4) Napapasaya rin ninyo ang inyong sarili dahil alam ninyong nakakatugon kayo sa magiliw na paanyaya ni Jehova: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kaw. 27:11) Hindi lang iyan, dahil alam ninyong nalulugod sa inyo si Jehova, lalo ninyong mapatitibay ang hangaring maglingkod sa kaniya.
16. Paano napasaya ng isang sister ang puso ni Jehova?
16 Noong nasa haiskul pa si Carol, mahigpit siyang nanghawakan sa mga simulain ng Bibliya at napansin ang kaniyang mabuting paggawi. Ang resulta? Tinuya siya ng kaniyang mga kaklase dahil hindi siya nakikisali sa mga selebrasyon at pambansang seremonya. Kung minsan, nagagamit niya ang ganitong mga pagkakataon para makapagpatotoo sa iba. Makalipas ang maraming taon, nakatanggap si Carol ng kard mula sa dati niyang kaklase na ganito ang sinasabi: “Noon ko pa gustong malaman ang adres mo para pasalamatan ka. Napansin ko noon ang iyong mabuting paggawi at halimbawa bilang isang kabataang Kristiyano, pati na ang iyong matatag na paninindigan tungkol sa mga selebrasyon. Ikaw ang kauna-unahang Saksi ni Jehova na nakilala ko.” Nagkaroon ng malaking epekto sa kaklase ni Carol ang kaniyang
halimbawa anupat nagkainteres itong mag-aral ng Bibliya. Isinulat din niya sa kard na mahigit 40 taon na siyang bautisadong Saksi! Gaya ni Carol, kayong mga kabataan sa ngayon na nanghahawakan sa mga simulain ng Bibliya ay puwede ring maging inspirasyon ng mga tapat-pusong indibiduwal sa pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova.Pumupuri kay Jehova ang mga Kabataan
17, 18. (a) Ano ang nadarama mo sa mga kabataan sa inyong kongregasyon? (b) Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga kabataang may takot sa Diyos?
17 Tayong lahat na kabilang sa pandaigdig na organisasyon ni Jehova ay natutuwa sa libu-libong masisigasig na kabataang nakikibahagi sa tunay na pagsamba. Pinatitibay ng mga kabataang ito ang kanilang hangaring sumamba kay Jehova sa pamamagitan ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, at paggawi ayon sa kalooban ng Diyos. Ang mga ulirang kabataang ito ay kaginhawahan sa kanilang mga magulang at sa buong bayan ni Jehova.—Kaw. 23:24, 25.
18 Sa hinaharap, ang tapat na mga kabataan ay mapapabilang sa mga makaliligtas tungo sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. (Apoc. 7:9, 14) Tatanggap sila roon ng maraming pagpapala habang patuloy na nagpapahalaga kay Jehova, at pumupuri sa kaniya hanggang sa panahong walang takda.—Awit 148:12, 13.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano puwedeng makibahagi sa tunay na pagsamba ang mga kabataan sa ngayon?
• Bakit kailangang magbulay-bulay para makinabang sa pagbabasa ng Bibliya?
• Paano nakakatulong sa inyo ang pananalangin para mápalapít kay Jehova?
• Ano ang nagagawa ng mabuting paggawi ng isang Kristiyano?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 5]
Ugali mo bang magbasa ng Bibliya araw-araw?