Haran—Dating Sentro ng Kalakalan
Haran—Dating Sentro ng Kalakalan
PARA sa mga pamilyar sa Kasulatan, mabanggit lang ang salitang Haran, ang tapat na patriyarkang si Abraham agad ang naaalaala nila. Sa kaniyang paglalakbay mula Ur patungong Canaan, si Abraham, kasama ang kaniyang asawang si Sara, ang amang si Tera, at pinsang si Lot, ay huminto sa Haran. Yumaman dito nang husto si Abraham. Pagkamatay ng kaniyang ama, ipinagpatuloy ni Abraham ang paglalakbay patungo sa lupaing ipinangako ng tunay na Diyos. (Gen. 11:31, 32; 12:4, 5; Gawa 7:2-4) Nang maglaon, pinapunta ni Abraham sa Haran o sa isa nitong karatig na lugar ang kaniyang pinakamatandang lingkod para ihanap ng asawa si Isaac. Matagal-tagal ding nanirahan doon ang apo ni Abraham na si Jacob.—Gen. 24:1-4, 10; 27:42-45; 28:1, 2, 10.
Sa ultimatum na ibinigay ni Haring Senakerib ng Asirya kay Haring Hezekias ng Juda, binanggit niyang kasama ang Haran sa “mga bansa” na natalo ng mga hari ng Asirya. Ang termino ritong “Haran” ay tumutukoy hindi lang sa lunsod kundi maging sa distrito na nakapalibot dito. (2 Hari 19:11, 12) Binanggit sa hula ni Ezekiel na ang Haran ay isa sa mga pangunahing kanegosyo ng Tiro, na nagpapakitang isang mahalagang sentro ng kalakalan ang Haran.—Ezek. 27:1, 2, 23.
Sa ngayon, ang Haran ay isa na lamang maliit na bayan malapit sa Şanlıurfa, sa silangan ng Turkey. Pero noon, isa itong napakaabalang lunsod. Ang Haran ay isa sa mangilan-ngilang sinaunang pamayanan na tinatawag pa rin sa pangalang ginamit ng Bibliya. Sa wikang Asiryano, tinatawag itong Harranu, na puwedeng mangahulugang “Daan” o “Daan ng mga Manlalakbay.” Ipinakikita nito na ang Haran ay laging nadaraanan ng mga mangangalakal mula sa malalaking lunsod. Ayon sa mga inskripsiyong nahukay rito, ang ina ni Haring Nabonido ng Babilonya ang siyang punong saserdote sa templo ni Sin, ang diyos ng buwan sa Haran. Sinasabi ng ilan na muling itinayo ni Nabonido ang templong ito. Mula noon, ilang imperyo na ang bumangon at bumagsak, pero nananatili pa rin ang Haran.
Ibang-iba na ngayon ang Haran. Noon, isa itong napakaunlad at mahalagang lunsod. Pero ngayon, isa na lang itong bahayán na may mga pabilog na bubong. Nakapalibot dito ang mga guho ng sinaunang sibilisasyon. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, marami sa mga dating naninirahan sa Haran—kasama na sina Abraham, Sara, at Lot—ang bubuhaying muli. Malamang na marami pa silang maikukuwento sa atin tungkol sa Haran, isang dating sentro ng kalakalan.
[Larawan sa pahina 20]
Mga guho ng Haran
[Larawan sa pahina 20]
Mga bahay na may pabilog na bubong
[Larawan sa pahina 20]
Ang Haran sa ngayon