Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maganda ang Resulta Kapag Alisto Ka

Maganda ang Resulta Kapag Alisto Ka

Maganda ang Resulta Kapag Alisto Ka

ALISTO ka ba sa mga di-inaasahang pagkakataon na makapagpatotoo sa inyong teritoryo? Ganiyan ang mga kapatid natin sa Turku, isang lunsod sa Finland na may mga daungan, at maganda ang naging resulta nito.

Hindi pa natatagalan, napansin ng mga kapatid sa Turku na may mga Asianong dumating para tapusin ang konstruksiyon ng isang malaking barko. Nalaman ng isang kapatid kung saang hotel sila tumutuloy. Nalaman din niya na tuwing umaga, may mga bus na sumusundo sa kanila para ihatid sa pinagtatrabahuhan nilang daungan. Ipinaalam niya agad ito sa English Congregation sa Turku.

Naisip ng mga elder doon na magandang pagkakataon iyon para maipangaral ang mensahe ng Kaharian. Kaya agad silang nagsaayos na mapangaralan ang mga dayuhang ito. Kinalingguhan, alas siyete ng umaga, sampung mamamahayag ang pumunta sa bus stop. Noong una, wala man lang ni isang trabahador. ‘Late na ba tayo?’ ang tanong ng mga brother. ‘Nakaalis na kaya sila?’ Pero mayamaya lang, isa-isang dumating ang mga trabahador, hanggang sa magdatingan na silang lahat. Umaksiyon na ang mga mamamahayag! Nilapitan nila ang mga ito dala ang mga publikasyon sa wikang Ingles. Buti na lang at inabot nang halos isang oras bago makasakay ang lahat ng trabahador, kaya nakausap nila ang karamihan sa mga ito. Nabigyan ang mga trabahador ng 126 na buklet at 329 na magasin!

Sa ganda ng resulta, bumalik ulit doon ang mga kapatid nang sumunod na linggo, sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Alas 6:30 ng umaga, kahit umuulan, pinangunahan ng tagapangasiwa ng sirkito ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Pagkatapos, pumunta na sa bus stop ang 24 na mamamahayag. Sa pagkakataong ito, may dala na rin silang mga literatura sa wikang Tagalog dahil marami pala sa mga trabahador ang galing sa Pilipinas. Nakapamahagi sila ng 7 aklat, 69 na buklet, at 479 na magasin. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na nangaral nang umagang iyon!

Bago umuwi ang mga trabahador sa kani-kanilang bansa, ang ilan sa kanila ay nadalaw-muli ng mga kapatid sa hotel para higit pang maipaliwanag ang mensahe ng Kaharian. Ayon sa ilang trabahador, may nakausap na rin silang mga Saksi noong nasa ibang bansa sila. Pinasalamatan nila ang mga kapatid dahil sinikap ng mga ito na dalawin sila habang nasa Finland.

Ikaw, alisto ka rin ba sa mga di-inaasahang pagkakataong makapagpatotoo sa inyong teritoryo? Sinisikap mo bang makausap ang mga taong may ibang lahi o pinagmulan? Kung oo, madarama mo rin ang kagalakang nadama ng mga kapatid natin sa Turku.

[Mapa/Larawan sa pahina 32]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

FINLAND

HELSINKI

Turku

[Credit Line]

STX Europe