Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang Iyong mga Anak na Magkahilig sa Pagbabasa at Pag-aaral

Tulungan ang Iyong mga Anak na Magkahilig sa Pagbabasa at Pag-aaral

Tulungan ang Iyong mga Anak na Magkahilig sa Pagbabasa at Pag-aaral

PARA sa magandang kinabukasan ng iyong mga anak, napakahalaga ng pagbabasa at pag-aaral. At malaking kasiyahan ang dulot nito! Ang pinakamasayang alaala ng ilan ay kapag binabasahan sila ng kanilang mga magulang noong maliliit pa sila. Ang pagbabasa mismo ay kasiya-siya na, at ganoon din ang mga pakinabang nito. Lalo na nga sa mga lingkod ng Diyos, yamang ang espirituwal na pagsulong ay nakadepende nang malaki sa pag-aaral ng Bibliya. Sinabi ng isang magulang na Kristiyano: “Ang pinakamahahalagang bagay sa ating buhay ay may kaugnayan sa pagbabasa at pag-aaral.”

Makakatulong sa iyong mga anak ang tamang paraan ng pag-aaral para lalo silang mápalapít sa Diyos. (Awit 1:1-3, 6) Bagaman ang pagbabasa ay hindi kahilingan para maligtas, ipinakikita ng Bibliya na may malaki itong espirituwal na pakinabang. Halimbawa, sinasabi sa Apocalipsis 1:3: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito.” Bukod diyan, mahalaga sa pag-aaral ang konsentrasyon. Malinaw itong ipinahihiwatig sa payo ni apostol Pablo kay Timoteo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon.” Bakit? “Upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”​—1 Tim. 4:15.

Siyempre pa, hindi komo marunong bumasa at mag-aral ang isa ay makikinabang na siya. May marurunong bumasa’t mag-aral, pero hindi naman ito ginagawa. Sa halip, nauubos ang panahon nila sa di-mahahalagang bagay. Paano kaya maeengganyo ng mga magulang ang kanilang mga anak na manabik sa kapaki-pakinabang na kaalaman?

Pagmamahal at Halimbawa

Ganadong mag-aral ang mga bata kapag nakadarama sila ng pagmamahal. Sinabi ng mag-asawang Saksi na sina Owen at Claudia tungkol sa kanilang mga anak: “Pinananabikan nila ang panahon ng pag-aaral dahil espesyal iyon sa kanila​—relaks sila at panatag. Nadarama nila rito ang pagmamahal namin sa kanila.” Kahit tin-edyer na ang mga anak at napapaharap sa mga hamon, pahahalagahan pa rin nila ang pag-aaral ng pamilya dahil sa pagmamahal na ipinadarama sa kanila. Ang mga anak nina Owen at Claudia ay mga payunir na ngayon at patuloy na nakikinabang sa itinuro sa kanila, ang pagkahilig sa pagbabasa at pag-aaral.

Malaking tulong din ang halimbawa ng mga magulang. Kapag madalas na nakikita ng mga bata na nagbabasa at nag-aaral ang kanilang mga magulang, malamang na tularan nila iyon at maging bahagi na rin ng kanilang buhay. Pero paano ka makakapagpakita ng halimbawa bilang magulang kung wala kang hilig magbasa? Baka kailangan mong baguhin ang iyong mga priyoridad o saloobin sa pagbabasa. (Roma 2:21) Malaki ang magiging epekto sa iyong mga anak kapag nakikita ka nilang nagbabasa araw-araw. Kung masikap ka​—lalo na sa pagbabasa ng Bibliya, paghahanda sa pulong, at pampamilyang pag-aaral​—makikita nila na talagang mahalaga ang ganitong mga gawain.

Kung gayon, napakahalaga ng iyong pagmamahal at halimbawa para matulungan ang iyong mga anak na magkahilig sa pagbabasa. Pero anu-ano ang praktikal na mga hakbang para maengganyo sila?

Kung Paano Makakahiligan ang Pagbabasa

Ano ang ilang mahahalagang hakbang para magkahilig sa pagbabasa ang iyong mga anak? Bata pa lang, sanayin na sila sa mga aklat. Sinabi ng isang elder na natulungan ng kaniyang mga magulang na magkahilig sa pagbabasa: “Sanayin sa mga aklat ang iyong mga anak. Kapag nasanay sila rito, magiging bahagi na ito ng kanilang buhay.” Kaya maraming bata, bagaman hindi pa marunong bumasa, ang palagi nang may dalang mga aklat, gaya ng Matuto Mula sa Dakilang Guro at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Kapag binabasa mo sa iyong mga anak ang mga publikasyong ito, nagiging pamilyar sila hindi lang sa wika kundi pati na sa “espirituwal na mga bagay” at “espirituwal na mga salita.”​—1 Cor. 2:13.

Palaging magbasa nang malakas. Basahan ang iyong mga anak araw-araw. Sa paggawa nito, matuturuan mo sila ng tamang bigkas ng mga salita at masasanay sila na laging magbasa. Mahalaga rin ang paraan mo ng pagbabasa. Maging masigla, at tutularan ka nila. Ang totoo, baka paulit-ulit pa nga nilang ipabasa sa iyo ang isang kuwento. Pagbigyan mo sila! Darating ang panahon, ibang kuwento naman ang ipababasa nila. Pero huwag mong ipilit sa kanila ang pagbabasa. Nagpakita si Jesus ng halimbawa nang turuan niya ang kaniyang mga tagapakinig “hanggang sa kaya [lang] nilang pakinggan.” (Mar. 4:33) Kung hindi mo ipipilit sa iyong mga anak ang pagbabasa, pananabikan nila ito at matutulungan silang magkahilig dito.

Pagkomentuhin sila, at ipaliwanag ang iyong binasa. Baka magulat ka kapag natandaan, nabigkas, at naunawaan ng iyong maliliit na anak ang kahulugan ng maraming salita. Kapag ipinaliliwanag mo ang iyong binasa, madali silang natututo. Tumutulong ang pag-uusap para “matutuhan [ng mga bata] ang mga salitang kailangan nilang malaman at maunawaan kapag nagbabasa,” ang sabi ng isang aklat tungkol sa pagtulong sa mga bata na maging mahusay na tagabasa. “Para sa maliliit na batang gustong matuto,” ang sabi pa ng aklat, “mahalaga ang pag-uusap​—mas makabuluhan . . . mas mainam.”

Pabasahin mo ang iyong mga anak, at himukin silang magtanong. Puwede ring ikaw mismo ang magtanong at magbigay ng posibleng sagot. Sa gayon, matututuhan ng mga bata na ang mga aklat ay mapagkukunan ng mga impormasyon at na ang mga salitang binabasa nila ay may kahulugan. Mas makakatulong ang paraang ito kapag ang binabasa ninyo ay salig sa Salita ng Diyos, ang pinakamahalaga sa lahat ng aklat.​—Heb. 4:12.

Pero tandaan na hindi madaling matutuhan ang pagbabasa. Kailangan ang panahon at pagsasanay para maging bihasa rito. * Kaya busugin sa papuri ang mga kabataang nagkakahilig sa pagbabasa. Ang komendasyon ay magpapasigla sa iyong mga anak na patuloy itong makahiligan.

Kapaki-pakinabang at Kasiya-siya

Kapag tinuturuan mo ang iyong mga anak kung paano mag-aral, nakikita nila na talagang mahalaga ang pagbabasa. Sa pag-aaral, nakakakuha ng mga impormasyon ang isa at napag-uugnay-ugnay niya ang mga ito. Kailangan dito ang kakayahan na maorganisa, matandaan, at magamit ang mga impormasyon. Kapag natutong mag-aral ang isang bata at nakita niyang mahalaga pala ito, nagiging kapaki-pakinabang at kasiya-siya ang pag-aaral.​—Ecles. 10:10.

Ituro ang mga kailangang gawin sa pag-aaral. Ang Pampamilyang Pagsamba, pagtalakay ng pang-araw-araw na teksto, at mga tulad nito ay magagandang pagkakataon para maituro sa iyong mga anak kung paano mag-aral. Sa ilang sandaling nakaupo sila habang nakatuon ang pansin sa isang partikular na paksa, natututo silang mag-concentrate, na napakahalaga para matuto. Puwede mo ring pasiglahin ang iyong anak na sabihin kung ano ang kaugnayan ng natutuhan niya ngayon sa dati na niyang alam. Sa gayon, natututo siyang maghambing. Ano kaya kung hilingan mo naman ang isa mo pang anak na magsumaryo ng kaniyang binasa, gamit ang sariling salita? Matutulungan siya nitong maunawaan at matandaan ang binasa niya. Puwede mo rin silang turuang magrepaso, ibig sabihin, ulitin ang mahahalagang punto pagkabasa ng isang artikulo. Kahit ang maliliit na bata ay matuturuang magsulat ng maiikling nota sa panahon ng pag-aaral o pulong sa kongregasyon. Napakalaking tulong nito para makapag-concentrate sila! Sa mga simpleng paraang ito, magiging masigla at kapaki-pakinabang ang inyong pag-aaral.

Ihanda ang kapaligiran para sa komportableng pag-aaral. Mas madaling mag-concentrate kapag ang kapaligiran ay presko, maliwanag, tahimik, at komportable. Sabihin pa, mahalaga rin ang saloobin ng mga magulang sa pag-aaral. “Napakahalaga ng pagsunod sa iskedyul mo ng pagbabasa at pag-aaral,” ang sabi ng isang ina. “Natutulungan nito ang iyong mga anak na maging organisado. Natututuhan nilang dapat palang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa iskedyul.” Pinagbabawalan ng maraming magulang ang kanilang mga anak na gumawa ng ibang bagay sa panahon ng pag-aaral. Ayon sa isang manunulat, malaking impluwensiya ito para matuto ang mga bata ng magagandang kaugalian sa pag-aaral.

Idiin ang kahalagahan ng pag-aaral. Pinakahuli, tulungan ang iyong mga anak na makita ang praktikal na mga kapakinabangan ng pag-aaral. Naidiriin ang kahalagahan ng pag-aaral kapag nagagamit ang mga impormasyong natututuhan. Inamin ng isang kabataang brother: “Kapag wala akong nakikitang praktikal na pakinabang sa pinag-aaralan ko, tinatamad ako. Pero kung magagamit ko ito, ganado ako.” Kapag nakikita ng mga kabataan na nakikinabang sila sa pag-aaral, natutuwa silang gawin ito. Pananabikan nila ang pag-aaral, kung paanong pinananabikan nila ang pagbabasa.

Ang Pinakamagandang Gantimpala

Napakaraming pakinabang ang makukuha ng iyong mga anak kung matutulungan mo silang makahiligan ang pagbabasa. Ang tagumpay sa paaralan at trabaho, mahusay na pakikipagsamahan sa iba, malapít na kaugnayan sa pamilya, at pagkaunawa sa kahulugan ng mga kaganapan sa daigdig ay ilan lang sa mga ito, bukod pa sa kasiyahang dulot ng pagbabasa at pag-aaral.

Higit sa lahat, matutulungan din nitong maging palaisip sa espirituwal ang iyong mga anak. Kung mahilig silang mag-aral, mabubuksan ang kanilang isip at puso para maunawaan “ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan sa Bibliya. (Efe. 3:18) Siyempre pa, maraming maituturo ang mga magulang na Kristiyano sa kanilang mga anak. Gusto nilang lumaki ang mga ito bilang mga mananamba ni Jehova. Kaya naman naglalaan sila ng panahon at atensiyon, at ginagawa ang lahat para mabigyan ng magandang pasimula ang buhay ng kanilang mga anak. Kapag tinuturuan mo ang iyong mga anak ng tamang paraan ng pag-aaral, napapangalagaan ang kanilang espirituwalidad at nagiging malapít sila sa Diyos. Kung gayon, manalangin kay Jehova at hingin ang kaniyang pagpapala habang sinisikap mong tulungan ang iyong mga anak na magkahilig sa pagbabasa at pag-aaral.​—Kaw. 22:6.

[Talababa]

^ par. 14 Nagiging hamon ang pagbabasa at pag-aaral kapag mabagal matuto ang mga bata. Para malaman kung ano ang magagawa ng mga magulang, tingnan ang Gumising!, Pebrero 22, 1997, pahina 3-10.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26]

Pagbabasa . . .

• Sanayin sa aklat ang mga bata

• Magbasa nang malakas

• Pagkomentuhin sila

• Ipaliwanag ang iyong binasa

• Pabasahin sila

• Himukin silang magtanong

Pag-aaral . . .

• Magpakita ng mabuting halimbawa

• Turuan ang iyong mga anak na . . .

○ mag-concentrate

○ maghambing

○ magsumaryo

○ magrepaso

○ magsulat ng maiikling nota

• Ihanda ang kapaligiran para sa komportableng pag-aaral

• Idiin ang kahalagahan ng pag-aaral