‘Ang mga Bagay na Ginawa Niya ay Yumaong Kasama Niya’
‘Ang mga Bagay na Ginawa Niya ay Yumaong Kasama Niya’
NATAPOS ni Theodore Jaracz, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang buhay sa lupa noong Miyerkules ng umaga, Hunyo 9, 2010, sa edad na 84. Naiwan niya si Melita, ang kaniyang asawa sa loob ng 53 taon, gayundin ang kaniyang ate at tatlong pamangkin.
Si Brother Jaracz ay isinilang sa Pike County, Kentucky, E.U.A. noong Setyembre 28, 1925. Nagpabautismo siya bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova sa edad na 15, noong Agosto 10, 1941. Pagkaraan ng dalawang taon, sa edad na 17, nag-regular pioneer siya at dito nagsimula ang halos 67 taon ng kaniyang buong-panahong paglilingkod.
Noong 1946, sa edad na 20, si Brother Jaracz ay nag-aral sa ikapitong klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Pagkagradweyt, inatasan siyang maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa Cleveland, Ohio, sa Estados Unidos. Noong 1951, inatasan siya sa Australia bilang lingkod ng sangay roon. Ayon sa 1983 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, si Brother Jaracz ay “isang malaking pampatibay sa mga kapatid sa buong bansa dahil sa kaniyang sigasig sa mga kaayusang teokratiko at mahusay na pangunguna sa larangan.”
Pagbalik sa Estados Unidos, pinakasalan ni Brother Jaracz si Melita Lasko noong Disyembre 10, 1956. Bilang mag-asawa, masigasig silang naglingkod sa mga sirkito at distrito na sumasaklaw sa malaking bahagi ng Estados Unidos. Noong mga huling buwan ng 1974, inanyayahan si Brother Jaracz na maging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Si Brother Jaracz ay maaalaala bilang isang masigasig at tapat na lingkod ni Jehova, na buong-pusong nagtuon ng pansin sa teokratikong mga gawain. Isa siyang mapagmahal at maalalahaning asawa; isa rin siyang taong makadiyos na inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili. (1 Cor. 13:4, 5) Ang taimtim na interes na ito sa iba ay nakita sa kaniyang pagsisikap na maging makatuwiran at maawain sa lahat. Ang kaniya namang di-nagmamaliw na pag-ibig at pagmamalasakit sa mga tao ay nakita sa kaniyang sigasig sa paglilingkod sa larangan.
Bagaman lungkot na lungkot tayo sa pagkawala ng isang masipag at minamahal na miyembro ng pamilyang Bethel at ng pandaigdig na kapatiran, nagagalak tayo sa tapat na paglilingkod ni Brother Jaracz sa loob ng maraming dekada. Nakatitiyak tayo na ‘napatunayan niyang tapat siya maging hanggang sa kamatayan at tumanggap na ng korona ng buhay.’ (Apoc. 2:10) At tiyak na ‘ang mga bagay na ginawa niya ay yumaong kasama niya.’—Apoc. 14:13.