Haring Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos—Para sa Iyong Kapakinabangan!
Haring Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos—Para sa Iyong Kapakinabangan!
“Sasakaniya ang espiritu ni Jehova.”—ISA. 11:2.
1. Ano ang ikinababahala ng ilan tungkol sa mga problema sa daigdig?
“SA ISANG daigdig na napakagulo pagdating sa pulitika, lipunan at kapaligiran, makaliligtas pa kaya ang tao sa susunod na 100 taon?” Iyan ang tanong ng astropisikong si Stephen Hawking noong 2006. Sinabi naman sa magasing New Statesman: “Hindi natin naalis ang kahirapan ni nakapagdulot man tayo ng kapayapaan sa daigdig. Sa katunayan, waring kabaligtaran nito ang ating nagawa. Hindi naman sa wala tayong ginawa. Sinubukan na natin ang lahat mula sa komunismo hanggang sa kapitalismo; mula sa pagtatatag sa Liga ng mga Bansa hanggang sa pag-iipon ng nuklear na mga sandata. Napakarami na nating ipinakipaglabang ‘digmaang tatapos sa lahat ng digmaan’ anupat inaakalang alam na natin kung paano wawakasan ang mga digmaan.”
2. Paano gagamitin ni Jehova ang kaniyang awtoridad sa lupa sa malapit na hinaharap?
2 Hindi na iyan ikinagugulat ng mga lingkod ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na ang mga tao ay hindi nilalang para pamahalaan ang kanilang sarili. (Jer. 10:23) Si Jehova lang ang nararapat mamahala sa atin. Kaya naman siya ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan para sa atin, magsabi kung ano ang dapat na maging layunin natin sa buhay, at pumatnubay sa atin para maabot iyon. Bukod diyan, malapit na niyang gamitin ang kaniyang awtoridad para tapusin ang bigong pagsisikap ng mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili. Kasabay nito, pupuksain niya ang lahat ng hindi kumikilala sa kaniyang soberanya anupat dahil sa kanila, ang mga tao ay nananatiling alipin ng kasalanan, di-kasakdalan, at ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo.—2 Cor. 4:4.
3. Ano ang inihula ni Isaias tungkol sa Mesiyas?
3 Sa Paraiso, maibiging pamamahalaan ni Jehova ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. (Dan. 7:13, 14) Tungkol sa Hari nito, inihula ni Isaias: “Lalabas ang isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse; at mula sa kaniyang mga ugat ay magiging mabunga ang isang sibol. At sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isa. 11:1, 2) Sa anu-anong paraan ginamit ng Diyos ang banal na espiritu para gawing kuwalipikadong mamahala ang “maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse,” si Jesu-Kristo? Anu-anong pagpapala ang ibubunga ng kaniyang pamamahala? Ano ang dapat nating gawin para makamit ang mga pagpapalang iyon?
Ginawang Kuwalipikado Para Mamahala
4-6. Anong mahalagang kaalaman ang tutulong kay Jesus para maging marunong at mahabaging Hari, Mataas na Saserdote, at Hukom?
4 Nais ni Jehova na sumapit sa kasakdalan ang mga tao sa patnubay ng isang tunay na marunong at mahabaging Hari, Mataas na Saserdote, at Hukom. Kaya naman pinili ng Diyos si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan ng banal na espiritu ay ginawa niyang kuwalipikado para sa napakahahalagang pananagutang iyon. Tingnan natin ang ilang dahilan kung bakit lubusang magagampanan ni Jesus ang papel na ibinigay sa kaniya ng Diyos.
5 Si Jesus ang lubos na nakakakilala sa Diyos. Ang bugtong na Anak ang pinakamatagal na nakasama Col. 1:15) Sinabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.
ng Ama, malamang na sa loob ng bilyun-bilyong taon. Dahil dito, lubos niyang nakilala si Jehova anupat masasabing siya ang mismong “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (6 Pangalawa kay Jehova, si Jesus ang may pinakamalawak na kaalaman tungkol sa mga nilalang, kasama na ang mga tao. Ayon sa Colosas 1:16, 17: “Sa pamamagitan niya [Anak ng Diyos] ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita . . . Gayundin, siya ay una pa sa lahat ng iba pang bagay at sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay pinairal.” Isip-isipin na lang iyan! Bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos, si Jesus ay nagkaroon ng bahagi sa lahat ng iba pang pitak ng paglalang. Kaya naman nauunawaan niya ang bawat detalye ng buong uniberso, mula sa pagkaliliit na bahagi ng atomo hanggang sa kamangha-manghang utak ng tao. Oo, si Kristo ang personipikasyon ng karunungan!—Kaw. 8:12, 22, 30, 31.
7, 8. Paano tinulungan ng espiritu ng Diyos si Jesus sa kaniyang ministeryo?
7 Si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos. “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, isinugo niya ako upang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag, upang payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya, upang ipangaral ang kaayaayang taon ni Jehova.” (Luc. 4:18, 19) Nang bautismuhan si Jesus, lumilitaw na ipinaalaala sa kaniya ng banal na espiritu ang mga bagay na natutuhan niya sa langit, pati na ang gustong ipagawa sa kaniya ng Diyos sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa bilang Mesiyas.—Basahin ang Isaias 42:1; Lucas 3:21, 22; Juan 12:50.
8 Dahil sa tulong ng banal na espiritu at sa sakdal niyang katawan at isip, si Jesus ay hindi lang naging ang pinakadakilang taong nabuhay kailanman kundi siya rin ang pinakadakilang Guro. Aba, ang kaniyang mga tagapakinig ay ‘lubhang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo.’ (Mat. 7:28) Natukoy niya ang ugat ng mga problema ng tao—kasalanan, di-kasakdalan, at kawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos. Nakikita rin niya ang nasa puso ng mga tao at pinakikitunguhan niya sila ayon dito.—Mat. 9:4; Juan 1:47.
9. Bakit lalo kang nagtitiwala kay Jesus bilang Tagapamahala kapag iniisip mo ang mga naranasan niya bilang tao?
9 Si Jesus ay nabuhay bilang tao. Ang kaniyang mga naranasan bilang tao at ang pakikisalamuha sa di-sakdal na mga tao ay malaking tulong para maging kuwalipikado siya bilang Hari. Sumulat si Pablo: “Kinailangan [ni Jesus na] maging tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay, upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang maghandog ng pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan ng mga tao. Sapagkat yamang siya mismo ay nagdusa nang inilalagay sa pagsubok, magagawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.” (Heb. 2:17, 18) Dahil ‘inilagay sa pagsubok,’ nauunawaan ni Jesus ang nadarama ng mga dumaranas nito. Kitang-kita ang pagkamahabagin ni Jesus noong nasa lupa siya. Ang mga maysakit, may kapansanan, naaapi—kahit ang mga bata—ay malayang nakalalapit sa kaniya. (Mar. 5:22-24, 38-42; 10:14-16) Malapít din sa kaniya ang maaamo at gutóm sa espirituwal. Pero siya’y itinakwil, kinapootan, at sinalansang ng mga mapagmapuri, arogante, at walang pag-ibig sa Diyos.—Juan 5:40-42; 11:47-53.
10. Ano ang napakalaking katibayan ng pag-ibig ni Jesus sa atin?
10 Ibinigay ni Jesus ang buhay niya para sa atin. Marahil ang pinakamalaking katibayan na talagang karapat-dapat maging Tagapamahala si Jesus ay ang pagiging handa niyang mamatay para sa atin. (Basahin ang Awit 40:6-10.) “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito,” ang sabi ni Kristo, “na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Oo, di-gaya ng di-sakdal na mga tagapamahala, na kadalasa’y nagpapasarap sa buhay habang naghihirap naman ang kanilang mga sakop, ibinigay ni Jesus ang mismong buhay niya para sa mga tao.—Mat. 20:28.
Binigyang-Kapangyarihan Para Ikapit ang Pantubos
11. Bakit tayo lubos na makapagtitiwala kay Jesus bilang ating Manunubos?
11 Angkop na angkop nga na si Jesus bilang Mataas na Saserdote ang manguna sa pagkakapit sa atin ng mga pakinabang ng haing pantubos! Sa katunayan, noong narito siya sa lupa, ipinakita ni Jesus ang mga gagawin niya bilang Manunubos sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, na tatamasahin natin kung magiging tapat tayo. Nagpagaling siya ng mga maysakit at may kapansanan, bumuhay ng patay, nagpakain ng maraming tao, at sinaway pa nga niya ang kalikasan. (Mat. 8:26; 14:14-21; Luc. 7:14, 15) Gayunman, ginawa niya ang mga ito hindi para ipagyabang ang kaniyang awtoridad at kapangyarihan, kundi para ipakita ang kaniyang habag at pag-ibig. “Ibig ko,” ang sabi niya sa isang ketongin na nakiusap na pagalingin siya. (Mar. 1:40, 41) Ganiyan din ang pagkahabag na ipakikita ni Jesus sa kaniyang Milenyong Paghahari—pero pambuong daigdig.
12. Paano matutupad ang Isaias 11:9?
12 Ipagpapatuloy ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang tagapamahala ang espirituwal na pagtuturong sinimulan niya mga 2,000 taon na ang nakalipas. Sa gayon, matutupad ang Isaias 11:9: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” Tiyak na kasama sa pagtuturong iyon ang mga tagubilin kung paano pangangalagaan ang lupa at ang napakaraming nilalang na naroroon, gaya ng iniatas noon kay Adan. Sa katapusan ng 1,000 taon, natupad na ang orihinal na layunin ng Diyos sa Genesis 1:28, at lubusan nang naikapit ang haing pantubos.
Binigyang-Kapangyarihan Para Humatol
13. Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa katuwiran?
13 Si Kristo ang “Isa na itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.” (Gawa 10:42) Nakatutuwa ngang malaman na si Jesus ay hindi gagawa ng katiwalian, na ang katuwiran at katapatan ay parang sinturong mahigpit na nakabigkis sa kaniyang mga balakang! (Isa. 11:5) Ipinakita niyang napopoot siya sa kasakiman, pagpapaimbabaw, at iba pang kasamaan, at tinuligsa niya ang mga manhid sa pagdurusa ng iba. (Mat. 23:1-8, 25-28; Mar. 3:5) Bukod diyan, ipinakita ni Jesus na hindi siya nadadaya ng panlabas na anyo, “sapagkat alam niya kung ano ang nasa tao.”—Juan 2:25.
14. Paano ipinakikita ni Jesus ngayon ang kaniyang pag-ibig sa katuwiran at katarungan? Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
14 Patuloy na ipinakikita ni Jesus ang pag-ibig sa katuwiran at katarungan sa pamamagitan ng pangangasiwa sa pinakamalawak na kampanya ng pangangaral at pagtuturo kailanman. Walang sinumang tao, gobyerno ng tao, o masamang espiritu ang makahahadlang sa pagsasakatuparan ng gawaing ito ayon sa nais ng Diyos. Kaya naman lubos tayong makapagtitiwala na kapag tapos na ang Armagedon, nanaig na ang katarungan ng Diyos. (Basahin ang Isaias 11:4; Mateo 16:27.) Tanungin ang sarili: ‘Ipinakikita ko ba ang saloobin ni Jesus sa mga tao na aking pinangangaralan? Ibinibigay ko ba kay Jehova ang aking buong makakaya kahit nalilimitahan ito ng mahinang kalusugan o ng aking kalagayan sa buhay?’
15. Ano ang dapat nating isaisip para maibigay sa Diyos ang ating buong makakaya?
15 Mauudyukan tayong maglingkod sa Diyos nang buong kaluluwa kung isasaisip natin na ang pangangaral ay gawain ni Jehova. Iniutos niya ito; pinapatnubayan niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Anak; at pinalalakas niya ang mga nakikibahagi rito sa pamamagitan ng banal na espiritu. Pinahahalagahan mo ba ang pribilehiyong maging kamanggagawa ng Diyos kasama ng kaniyang Anak na ginagabayan ng espiritu? Tanging si Jehova lang ang makapagpapakilos sa mahigit pitong milyon katao, karamiha’y itinuturing na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” na ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa mga tao sa 236 na lupain.—Gawa 4:13.
Pagpalain ang Iyong Sarili sa Pamamagitan ni Kristo!
16. Ano ang ipinahihiwatig ng Genesis 22:18 tungkol sa pagpapala ng Diyos?
16 Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.” (Gen. 22:18) Ipinahihiwatig nito na ang mga taong mapagpahalaga ay talagang makaaasa sa mga pagpapalang ilalaan ng Mesiyanikong Binhi. At aktibo silang naglilingkod ngayon taglay sa isipan ang mga pagpapalang iyon.
17, 18. Anong pangako ni Jehova ang mababasa sa Deuteronomio 28:2? Ano ang kahulugan nito para sa atin?
17 Minsan ay sinabi ng Diyos sa literal na binhi ni Abraham, ang bansang Israel: “Ang lahat ng mga pagpapalang ito [na binanggit sa tipang Kautusan] ay darating sa iyo at aabot sa iyo, sapagkat patuloy kang nakikinig sa tinig ni Jehova na iyong Diyos.” (Deut. 28:2) Masasabi rin iyan sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Kung gusto mong pagpalain ka ni Jehova, ‘patuloy kang makinig’ sa kaniyang tinig. Sa gayon, ang mga pagpapala niya ay “darating sa iyo at aabot sa iyo.” Pero ano ba ang nasasangkot sa ‘pakikinig’?
18 Siyempre pa, kasama sa pakikinig ang pagsasapuso sa sinasabi ng Salita ng Diyos at sa espirituwal na pagkaing inilalaan niya. (Mat. 24:45) Nangangahulugan din ito ng pagsunod sa Diyos at sa kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 7:21) At ang pakikinig sa Diyos ay nangangahulugan ng kusang-loob na pagpapasakop sa kaniyang kaayusan, ang kongregasyong Kristiyano na may hinirang na mga elder, ang “kaloob na mga tao.”—Efe. 4:8.
19. Paano tayo makatatanggap ng pagpapala?
19 Kabilang sa “kaloob na mga tao” ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, na kumakatawan sa buong kongregasyong Kristiyano. (Gawa 15:2, 6) Sa katunayan, ang pakikitungo natin sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo ay isang mahalagang basehan ng paghatol sa atin pagdating ng malaking kapighatian. (Mat. 25:34-40) Kaya ang isang paraan para makatanggap ng pagpapala ay ang tapat na pagsuporta sa mga pinahiran ng Diyos.
20. (a) Ano ang pangunahing pananagutan ng “kaloob na mga tao”? (b) Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang mga kapatid na ito?
20 Kasama rin sa “kaloob na mga tao” ang mga miyembro ng mga Komite ng Sangay, mga naglalakbay na tagapangasiwa, at mga elder ng kongregasyon—na lahat ay hinirang ng banal na espiritu. (Gawa 20:28) Ang pangunahing pananagutan nila ay ang patibayin ang bayan ng Diyos “hanggang sa makamtan [ng] lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.” (Efe. 4:13) Totoo, sila’y di-sakdal tulad natin. Pero pinagpapala natin ang ating sarili kapag nagpapasakop tayo sa kanilang maibiging pagpapastol.—Heb. 13:7, 17.
21. Bakit napakahalagang sumunod sa Anak ng Diyos?
21 Malapit nang kumilos si Kristo laban sa masamang sistema ni Satanas. Kapag nangyari iyan, nakasalalay na sa mga kamay ni Jesus ang ating buhay, yamang ibinigay na ng Diyos sa kaniya ang awtoridad na akayin ang “malaking pulutong” sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay.” (Apoc. 7:9, 16, 17) Kaya gawin na ngayon ang ating buong makakaya na magpasakop nang kusang-loob at may pagpapahalaga sa Haring ginagabayan ng espiritu ni Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo sa . . .
• Gawa 10:42?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Kitang-kita ang pagkamahabagin ni Jesus nang buhayin niyang muli ang anak ni Jairo
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinangangasiwaan ni Jesu-Kristo ang pinakamalawak na kampanya ng pangangaral kailanman