Maging Handa!
Maging Handa!
“Maging handa . . . kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”—MAT. 24:44.
1, 2. (a) Anong mga hula sa Bibliya ang maihahambing sa pag-atake ng isang tigre? (b) Paano nakaaapekto sa iyo ang magaganap na pag-atake?
MARAMING taon nang inaaliw ng isang sikat na trainer ang mga mánonoód sa pamamagitan ng pagpapasunod sa kaniyang mga turuáng tigreng Bengal. Sinabi niya: “Kapag nakuha mo ang tiwala ng isang hayop, maituturing mong iyon na ang pinakamagandang regalong natanggap mo.” Pero noong Oktubre 3, 2003, naglaho ang tiwalang iyon. Sa di-malamang dahilan, inatake siya ng isa sa kaniyang mga turuáng hayop, isang puting tigre na tumitimbang nang 172 kilo. Biglang-bigla ang pag-atakeng iyon at hindi handa ang trainer.
2 Kapansin-pansin na inihula sa Bibliya ang pag-atake ng isang “mabangis na hayop,” at dapat tayong maging handa. (Basahin ang Apocalipsis 17:15-18.) Sino ang aatakihin ng hayop? Sa di-inaasahang pangyayari, mababahagi ang sanlibutan ng Diyablo. Ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop ay kumakatawan sa United Nations, at ang “sampung sungay” naman ay sa lahat ng makapulitikang kapangyarihan. Babalingan ng mga ito ang tulad-patutot na Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at buong-kabangisan siyang lulurayin. Kailan ito mangyayari? Hindi natin alam ang araw at oras. (Mat. 24:36) Pero alam natin na ito’y mangyayari sa oras na hindi natin inaasahan at maikli na ang natitirang panahon. (Mat. 24:44; 1 Cor. 7:29) Dahil dito, mahalagang manatiling handa sa espirituwal na paraan para kapag nangyari na ang pag-atakeng iyon at dumating na si Kristo bilang Tagapuksa, siya rin ang magiging Manunubos natin! (Luc. 21:28) Makatutulong sa atin ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos na naging handa at sa gayo’y nakasaksi sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Isasapuso ba natin ang mga totoong karanasang ito?
Maging Handa—Gaya ni Noe
3. Bakit hindi naging madali kay Noe na maglingkod sa Diyos nang may katapatan?
3 Sa kabila ng napakasamang kalagayan sa lupa noong kapanahunan niya, naging handa si Noe na masaksihan ang katuparan ng pangako ng Diyos. Isip-isipin ang mga dinanas ni Noe nang magkatawang-tao ang mga rebeldeng anghel para sumiping sa magagandang babae! Ang di-likas na pagsasamang ito ay nagbunga ng mga supling na nakahihigit sa tao, “mga makapangyarihan” na naging abusado sa iba. (Gen. 6:4) Gunigunihin ang karahasang inihahasik ng mga higanteng ito saanman sila pumunta. Dahil dito, lumaganap ang kabalakyutan at tumindi ang kasamaan ng pag-iisip at paggawi ng tao. Kaya naman itinakda ng Soberanong Panginoong Jehova ang pagpuksa sa di-makadiyos na sanlibutang iyon.—Basahin ang Genesis 6:3, 5, 11, 12. *
4, 5. Paano nagkakatulad ang kalagayan sa ngayon at noong panahon ni Noe?
4 Inihula ni Jesus na ang kalagayan sa ngayon ay magiging katulad din noong panahon ni Noe. (Mat. 24:37) Halimbawa, nakikialam pa rin sa mga tao ang masasamang espiritu. (Apoc. 12:7-9, 12) Ang mga demonyong ito ay nagkatawang-tao noon. Bagaman hindi na sila puwedeng magkatawang-tao ngayon, pilit pa rin nilang kinokontrol ang mga tao, bata man o matanda. Lingid sa kaalaman ng mga tao, tuwang-tuwa ang mga demonyong ito kapag gumagawa ng kasamaan at kahalayan ang mga naiimpluwensiyahan nila.—Efe. 6:11, 12.
5 Sinasabi ng Bibliya na ang Diyablo ay “mamamatay-tao” at “may kakayahang magpangyari ng kamatayan.” (Juan 8:44; Heb. 2:14) Pero hindi siya maaaring pumatay nang tuwiran. Gayunman, sinusulsulan ng ubod-samang espiritung ito ang mga tao na gumawa ng masama. Nilalason niya ang kanilang isip at puso para pumatay. Halimbawa, 1 sa bawat 142 sanggol na isinisilang sa Estados Unidos ang magiging biktima ng pagpaslang. Yamang mas laganap ngayon ang walang-katuturang karahasan kaysa noong panahon ni Noe, hindi ba’t mas mapapansin ito ni Jehova? Hindi ba siya kikilos?
6, 7. Paano nagpakita si Noe at ang kaniyang pamilya ng pananampalataya at makadiyos na takot?
6 Nang maglaon, ipinaalam kay Noe ang pasiya ng Diyos na magpasapit ng delubyo ng tubig na lilipol sa lahat ng laman. (Gen. 6:13, 17) Inutusan ni Jehova si Noe na gumawa ng isang napakalaking arka na korteng baul, at nagsimula na si Noe at ang kaniyang pamilya sa paggawa nito. Ano ang nakatulong sa kanila na sumunod at maging handa sa pagdating ng kahatulan ng Diyos?
7 Lubos na pananampalataya at makadiyos na takot ang nag-udyok kay Noe at sa kaniyang pamilya na sundin ang utos ng Diyos. (Gen. 6:22; Heb. 11:7) Bilang ulo ng pamilya, si Noe ay nanatiling gising sa espirituwal at umiwas na makisangkot sa paggawa ng masama. (Gen. 6:9) Alam niya na hindi dapat tularan ng kaniyang pamilya ang mararahas na paggawi at palabang saloobin ng mga tao. Hindi sila dapat magambala ng pang-araw-araw na mga gawain. May ipinagagawa sa kanila ang Diyos, at mahalagang doon isentro ng buong pamilya ang kanilang buhay.—Basahin ang Genesis 6:14, 18.
Naging Handa si Noe at ang Kaniyang Pamilya
8. Bakit masasabing makadiyos ang pamilya ni Noe?
8 Nakatuon kay Noe na ulo ng pamilya ang ulat ng Bibliya, pero ang kaniyang asawa, mga anak, at mga manugang ay mga mananamba rin ni Jehova. Pinatotohanan ito ni propeta Ezekiel. Sinabi niya na kung nabubuhay si Noe noong panahon ni Ezekiel, hindi maliligtas ang mga anak nito dahil lang sa pagiging matuwid ng kanilang ama. Nasa hustong gulang na sila para sumunod o sumuway. Kaya pinatunayan nila mismo na iniibig nila ang Diyos at ang kaniyang mga daan. (Ezek. 14:19, 20) Sinunod ng pamilya ni Noe ang kaniyang tagubilin, nanampalataya rin, at hindi sila nagpaimpluwensiya sa iba anupat tumigil sa gawaing iniatas ng Diyos.
9. Sino sa ngayon ang may pananampalatayang gaya ng kay Noe?
9 Nakapagpapatibay ngang makita ang mga ulo ng pamilya sa ating pandaigdig na kapatiran na puspusang nagsisikap na tumulad kay Noe! Alam nilang hindi sapat na maglaan lang ng pagkain, pananamit, tirahan, at edukasyon para sa kanilang pamilya. Kailangan din nilang asikasuhin ang kanilang espirituwalidad. Sa paggawa nito, pinatutunayan nilang handa
sila sa gagawin ni Jehova sa malapit na hinaharap.10, 11. (a) Ano ang tiyak na nadama ni Noe at ng kaniyang pamilya habang nasa loob ng arka? (b) Ano ang makabubuting itanong natin sa ating sarili?
10 Si Noe, ang kaniyang asawa, mga anak, at mga manugang ay gumugol nang mga 50 taon sa paggawa ng arka. Habang ginagawa ito, malamang na napakaraming beses nilang naglabas-masok sa arka. Tiniyak nilang hindi ito matatagos ng tubig, nag-imbak sila ng mga pagkain sa loob at ipinasok dito ang mga hayop. Gunigunihin ang eksena. Dumating na ang pinakahihintay na araw. Noon ay ika-17 araw ng ikalawang buwan ng taóng 2370 B.C.E., at pumasok na sila sa arka. Isinara ni Jehova ang pinto, at nagsimula nang umulan. Hindi ito ordinaryong baha. Nabuksan ang kulandong ng tubig, o makalangit na karagatan, at binayo ng napakalakas na buhos ng ulan ang arka. (Gen. 7:11, 16) Namatay ang mga taong nasa labas ng arka at nakaligtas naman ang mga nasa loob. Ano kaya ang nadama ng pamilya ni Noe? Tiyak na abut-abot ang pasasalamat nila sa Diyos. Pero tiyak din na naisip nila, ‘Mabuti na lang at lumakad tayong kasama ng tunay na Diyos at naging handa!’ (Gen. 6:9) Nakikita mo ba ang iyong sarili na nakaligtas sa Armagedon at labis-labis ding nagpapasalamat?
11 Walang makapipigil sa Makapangyarihan-sa-lahat sa pagtupad sa pangakong wawakasan niya ang sistemang ito ni Satanas. Itanong sa sarili, ‘Buong-buo ba ang tiwala ko na matutupad ang mga pangako ng Diyos hanggang sa kaliit-liitang detalye at na magaganap ito sa kaniyang itinakdang panahon?’ Kung oo, maging handa at ingatang malapit sa isipan ang mabilis na dumarating na “araw ni Jehova.”—2 Ped. 3:12.
Nanatiling Mapagbantay si Moises
12. Ano ang posible sanang nagpalabo sa espirituwal na paningin ni Moises?
12 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Sa materyalistikong pangmalas, napakaganda ng kalagayan ni Moises sa Ehipto. Bilang ampon ng anak na babae ni Paraon, malamang na tinitingala siya at nagpapakasasa sa masasarap na pagkain, magagarang kasuutan, at napakagandang tirahan. Tumanggap siya ng mataas na edukasyon. (Basahin ang Gawa 7:20-22.) Malamang na napakalaki ng mamanahin niya.
13. Ano ang nakatulong kay Moises para manatiling nakapokus sa mga pangako ng Diyos?
13 Lumilitaw na dahil sa maagang pagsasanay kay Moises ng kaniyang mga magulang, nakita niyang isang kahibangan ang pagsamba ng mga Ehipsiyo sa idolo. (Ex. 32:8) Ang tunay na pagsamba ay hindi ipinagpalit ni Moises sa edukasyon sa Ehipto at sa marangyang buhay sa palasyo. Tiyak na binulay-bulay niya ang mga pangako ng Diyos sa kaniyang mga ninuno at gustung-gusto niyang maging handa sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sa katunayan, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Isinugo ako sa inyo ni Jehova . . . na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.”—Basahin ang Exodo 3:15-17.
14. Paano nasubok ang pananampalataya at lakas ng loob ni Moises?
14 Di-gaya ng mga idolong kumakatawan sa walang-buhay na mga diyos ng Ehipto, ang tunay na Diyos na si Jehova ay totoong-totoo kay Moises. Namuhay siya na parang nakikita ang “Isa na di-nakikita.” Nagtitiwala siyang palalayain ang bayan ng Diyos, pero hindi niya alam kung kailan. (Heb. 11:24, 25, 27) Ang pananabik niyang makalaya ang mga Hebreo ay nakita nang ipagtanggol niya ang isang aliping Israelita na pinagmamalupitan. (Ex. 2:11, 12) Pero hindi pa iyon ang panahon ni Jehova, kaya kinailangang tumakas si Moises at manirahan sa isang malayong lugar. Tiyak na mahirap sa kaniya na manirahan sa iláng dahil nasanay siya sa komportableng kalagayan sa Ehipto. Gayunman, naging handa siya, anupat nanatiling gising sa lahat ng iniutos ni Jehova. Kaya pagkatapos ng 40 taon sa Midian, magagamit na siya ng Diyos para palayain ang kaniyang mga kapatid. Sa utos ng Diyos, bumalik si Moises sa Ehipto. Panahon na para isagawa niya ang atas ng Diyos at gawin ito ayon sa Kaniyang paraan. (Ex. 3:2, 7, 8, 10) Pagbalik sa Ehipto, si Moises, ang ‘pinakamaamo sa lahat ng tao,’ ay nangailangan ng pananampalataya at lakas ng loob na humarap kay Paraon. (Bil. 12:3) Ginawa niya iyon, hindi lang minsan kundi paulit-ulit habang nagpapatuloy ang mga salot, anupat hindi niya alam kung ilang beses pa siyang haharap kay Paraon.
15. Sa kabila ng mga hadlang, bakit nanatiling mapagbantay si Moises sa mga oportunidad na parangalan ang kaniyang makalangit na Ama?
15 Sa sumunod na 40 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang 1473 B.C.E., dumanas si Moises ng mga kabiguan. Gayunman, naging mapagbantay siya sa mga oportunidad na parangalan si Jehova at buong-sigasig na pinatibay ang kaniyang mga kapuwa Israelita na gawin iyon. (Deut. 31:1-8) Bakit? Dahil iniibig niya ang pangalan at soberanya ni Jehova nang higit sa sarili niyang pangalan. (Ex. 32:10-13; Bil. 14:11-16) Dapat din nating suportahan ang pamamahala ng Diyos kahit may mga kabiguan o hadlang, anupat nagtitiwalang ang kaniyang paraan ang pinakamatalino, pinakamatuwid, at pinakamabuti. (Isa. 55:8-11; Jer. 10:23) Ganiyan ba ang palagay mo?
Manatiling Gising!
16, 17. Bakit may pantanging kahulugan sa iyo ang Marcos 13:35-37?
16 “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.” (Mar. 13:33) Ibinigay ni Jesus ang babalang iyan nang sabihin niya ang tanda ng katapusan ng masamang sistemang ito ng mga bagay. Pansinin ang konklusyon ng mahalagang hula ni Jesus ayon sa ulat ni Marcos: “Patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa pagabi na o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan; upang kapag bigla siyang dumating, hindi niya kayo masumpungang natutulog. Ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.”—Mar. 13:35-37.
17 Pinag-iisip tayo ng sinabi ni Jesus. Binanggit niya ang apat na yugto ng pagbabantay sa gabi. Mahirap manatiling gising sa huling pagbabantay, dahil ito’y mula alas tres ng
umaga hanggang sa pagsikat ng araw. Sinasabi ng mga eksperto sa digmaan na ito ang pinakamagandang oras para sumalakay dahil malamang na “natutulog” ang mga kaaway. Gayundin sa ngayon, sa panahong napakahimbing ng tulog ng sanlibutan, wika nga, baka napakahirap sa atin na manatiling gising. Pinagdududahan ba natin ang pangangailangang “manatiling gising” at ‘manatiling mapagmasid’ sa pagdating ng inihulang kawakasan at ng ating kaligtasan?18. Bilang mga Saksi ni Jehova, ano ang ating napakalaking pribilehiyo?
18 Ang trainer na inatake ng tigreng Bengal ay nakaligtas. Pero malinaw na inihula ng Bibliya na ang huwad na relihiyon at ang iba pang bahagi ng masamang sistemang ito ay hindi makaliligtas sa dumarating na kawakasan. (Apoc. 18:4-8) Maunawaan sana ng lahat ng lingkod ng Diyos, matanda at bata, na napakahalagang gawin ang kanilang buong makakaya para makapanatiling handa sa araw ni Jehova gaya ni Noe at ng kaniyang pamilya. Nabubuhay tayo sa isang sanlibutang lumalapastangan sa Diyos, anupat ang Maylalang ay tinutuya ng mga guro ng huwad na relihiyon, pati ng mga agnostiko at ateista. Pero hindi natin dapat hayaang makaapekto ito sa atin. Kaya isapuso natin ang mga halimbawang tinalakay natin at manatiling mapagbantay sa mga oportunidad na ipagtanggol at parangalan si Jehova bilang “ang Diyos ng mga diyos,” oo, “ang Diyos na dakila, makapangyarihan at kakila-kilabot.”—Deut. 10:17.
[Talababa]
^ par. 3 Tungkol sa “isang daan at dalawampung taon” na binanggit sa Genesis 6:3, tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 2010, pahina 30.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit kailangang unahin ni Noe ang espirituwalidad ng kaniyang pamilya?
• Paano nagkakatulad ang panahon natin at ang panahon ni Noe?
• Sa kabila ng mga kabiguan, bakit nanatiling nakapokus si Moises sa mga pangako ni Jehova?
• Anong mga hula sa Bibliya ang nakatutulong sa iyo na manatiling gising sa espirituwal?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 25]
Si Noe at ang kaniyang pamilya ay nanatiling nakapokus sa gawain ni Jehova
[Larawan sa pahina 26]
Ang mapananaligang mga pangako ng Diyos ay nakatulong kay Moises na manatiling mapagbantay