May Dahilan Kayo Para Magsaya
May Dahilan Kayo Para Magsaya
MULA sa kaliit-liitang selulang buháy hanggang sa napakalalaking kumpol ng mga galaksi, mapapansin ang kaayusan sa mga nilalang. Hindi ito kataka-taka dahil ang Maylalang ay ‘hindi Diyos ng kaguluhan.’ (1 Cor. 14:33) Kahanga-hanga rin ang kaayusan ng Diyos para sa pagsamba. Isipin ang ginawa ni Jehova. Binuklod niya sa isang pansansinukob na organisasyon ang milyun-milyong matatalinong nilalang—tao at anghel—na may kalayaang magpasiya at nagkakaisa sa dalisay na pagsamba. Kahanga-hanga talaga!
Sa sinaunang Israel, ang makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova ay isinagisag ng Jerusalem, na kinaroroonan ng templo ni Jehova at ng kaniyang pinahirang hari. Isang Israelitang bihag sa Babilonya ang nagsabi ng nadama niya tungkol sa lunsod na iyon: “Dumikit na sana sa ngalangala ko ang aking dila, kung hindi kita aalalahanin, kung hindi ko itataas ang Jerusalem nang higit pa sa aking pangunahing dahilan ng pagsasaya.”—Awit 137:6.
Ganiyan ba ang nadarama mo sa organisasyon ng Diyos sa ngayon? Ito ba ang nagpapagalak sa iyo nang higit kaysa sa ibang bagay? Naiintindihan ba ng iyong mga anak ang kasaysayan at gawain ng makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos? Naiintindihan din ba nila na bahagi sila ng pandaigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova? (1 Ped. 2:17) Baka gusto mong subukan ang sumusunod na mga mungkahi sa inyong Pampamilyang Pagsamba para mas mapahalagahan ng iyong pamilya ang organisasyon ni Jehova.
Alalahanin ang “mga Araw ng Sinaunang Panahon”
Nagtitipon ang mga pamilyang Israelita taun-taon para ipagdiwang ang Paskuwa. Nang una itong ipagdiwang, itinagubilin ni Moises: “Sakaling sa kalaunan ay magtanong sa iyo ang iyong anak, na sinasabi, ‘Ano ang kahulugan nito?’ kung magkagayon ay sasabihin mo sa kaniya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kami ni Jehova mula sa Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin.’” (Ex. 13:14) Ang pakikitungo ni Jehova sa kanila ay hindi dapat na maging limót na kasaysayan. Tiyak na maraming ama ang sumunod sa utos ni Moises. Pagkaraan ng ilang salinlahi, isang Israelita ang nanalangin: “O Diyos, narinig namin ng aming pandinig, isinalaysay sa amin ng aming mga ninuno ang gawang isinagawa mo noong kanilang mga araw, noong mga araw ng sinaunang panahon.”—Awit 44:1.
Para sa mga kabataan ngayon, ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na mga 100 taon ay para ding “mga araw ng sinaunang panahon.” Paano mo ito gagawing buháy sa iyong mga anak? Ginagamit ng ilang magulang ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, ang Taunang Aklat, mga talambuhay sa ating mga magasin, at iba pang ulat ng teokratikong kasaysayan, pati na ang ating bagong DVD tungkol sa bayan ng Diyos sa ngayon. Ang mga video tungkol sa pag-uusig sa mga kapatid sa dating Unyong Sobyet at Alemanya sa ilalim ng mga Nazi ay nagtuturo sa mga pamilya na manalig kay Jehova kapag may pagsubok. Gamitin ang mga ito sa inyong Pampamilyang Pagsamba. Mapatitibay nito ang iyong mga anak kapag napaharap sila sa mga pagsubok.
Gayunman, madaling mainip ang mga bata sa isang lektyur tungkol sa kasaysayan. Kaya atasan ang iyong mga anak. Halimbawa, hilingan ang iyong anak na pumili ng bansang gusto niya, ipa-research ang teokratikong kasaysayan ng bansang iyon, at ipalahad ang natutuhan
niya. Baka may mga kakongregasyon kayo na matagal nang tapat na naglilingkod na puwedeng anyayahan minsan sa inyong pampamilyang pagsamba. Marahil ay puwede silang interbyuhin ng iyong anak at hilingang magkuwento ng mga karanasan nila. O kaya’y ipadrowing sa iyong anak ang ilang mahahalagang pangyayari, gaya ng pagtatayo ng sangay, internasyonal na kombensiyon, o paggamit ng ponograpo sa bahay-bahay.Alamin Kung Paanong “ang Bawat Bahagi ay Gumaganap ng Kanyang Gawain”
Inihambing ni apostol Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa “buong katawan na pinagsasama-sama at pinag-ugnay ng bawat kasu-kasuan, [na] lumalaki at tumitibay sa pag-ibig, habang ang bawat bahagi ay gumaganap ng kanyang gawain.” (Efe. 4:16, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino) Kapag natutuhan natin kung paano gumagana ang katawan ng tao, lalo nating pahahalagahan at igagalang ang ating Maylalang. Sa katulad na paraan, kapag sinuri natin kung paano kumikilos ang pambuong-daigdig na kongregasyon, mamamangha tayo sa “malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.”—Efe. 3:10.
Inilalarawan ni Jehova kung paano kumikilos ang kaniyang organisasyon, kasama ang makalangit na bahagi nito. Halimbawa, sinabi niya na una niyang ibinigay ang isang pagsisiwalat kay Jesu-Kristo, na ‘nagsugo naman ng kaniyang anghel at nagharap nito sa mga tanda sa pamamagitan niya sa kaniyang aliping si Juan, na nagpatotoo.’ (Apoc. 1:1, 2) Kung isinisiwalat ng Diyos ang pagkilos ng di-nakikitang bahagi ng kaniyang organisasyon, tiyak na nais din niyang maunawaan natin kung paano ‘ginagampanan ng bawat bahagi ang kaniyang gawain’ sa lupa.
Halimbawa, kapag malapit na ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, maaari kayang pag-usapan ng inyong pamilya ang tungkulin at pribilehiyo ng mga naglalakbay na tagapangasiwa? Paano nila tinutulungan ang bawat isa sa atin? Puwede rin ninyong pag-usapan ito: Bakit mahalagang iulat ang paglilingkod sa larangan? Paano tinutustusan ang organisasyon ng Diyos? Paano inorganisa ang Lupong Tagapamahala, at paano ito naglalaan ng espirituwal na pagkain?
Kapag naintindihan natin kung paano inoorganisa ang bayan ni Jehova, makikinabang tayo sa tatlong paraan: Mas pahahalagahan natin ang mga nagpapagal para sa atin. (1 Tes. 5:12, 13) Mauudyukan tayong suportahan ang teokratikong kaayusan. (Gawa 16:4, 5) At titibay ang tiwala natin sa mga nangunguna dahil alam natin ang saligan sa Kasulatan ng ginagawang mga pasiya at kaayusan.—Heb. 13:7.
‘Suriin ang Kaniyang mga Tirahang Tore’
“Libutin ninyo ang Sion, at ligirin ninyo ito, bilangin ninyo ang mga tore nito. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa muralya nito. Suriin ninyo ang kaniyang mga tirahang tore, upang maisalaysay ninyo ito sa darating na salinlahi.” (Awit 48:12, 13) Dito, hinimok ng salmista ang mga Israelita na pumunta sa Jerusalem para aktuwal na makita ito. Isipin ang magagandang alaala ng mga pamilyang naglakbay patungo sa banal na lunsod para sa mga taunang kapistahan at nakakita sa maringal na templo. Tiyak na naantig silang ‘isalaysay ito sa darating na salinlahi.’
Kuning halimbawa ang reyna ng Sheba, na noong una’y hindi makapaniwala sa mga balita tungkol sa kamangha-manghang pamamahala at karunungan ni Solomon. Ano ang nakakumbinsi sa kaniya na totoo nga ang mga narinig niya? “Hindi ako nanampalataya sa kanilang mga salita,” ang sabi niya, “hanggang sa pumarito ako upang makita ng aking sariling mga mata.” (2 Cro. 9:6) Oo, may malaking epekto sa atin ang nakikita ng ating “sariling mga mata.”
Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na makita ng kanilang “sariling mga mata” ang kahanga-hangang mga bagay sa organisasyon ni Jehova? Kung may malapit na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, sikaping makadalaw roon. Halimbawa, sina Mandy at Bethany ay lumaki sa isang lugar na mga 1,500 kilometro mula sa Bethel sa kanilang bansa. Gayunman, isinaayos ng kanilang mga magulang na laging makapasyal doon ang pamilya nila, lalo na noong lumalaki na sila. “Noong hindi pa kami nakakapunta sa Bethel, akala
namin ay napakapormal ng lugar na iyon at para lang sa matatanda,” ang paliwanag nila. “Pero ang mga kabataang nakilala namin doon ay nagtatrabaho nang husto para kay Jehova at nag-e-enjoy! Nakita namin na ang organisasyon ni Jehova ay hindi lang pala sa maliit na bayan namin, at tuwing dadalaw kami sa Bethel, napapatibay kami.” Dahil aktuwal na nakita kung paano kumikilos ang organisasyon ni Jehova, sina Mandy at Bethany ay nagpayunir at naanyayahan pa ngang maglingkod sa Bethel bilang mga temporary volunteer.May isa pang paraan para “makita” ang organisasyon ni Jehova, isang paraan na wala sa sinaunang Israel. Nitong nakalipas na mga taon, tumanggap tayo ng mga video at DVD tungkol sa iba’t ibang pitak ng organisasyon ng Diyos, gaya ng: Jehovah’s Witnesses—Organized to Share the Good News, Our Whole Association of Brothers, To the Ends of the Earth, at United by Divine Teaching. Kapag nakita ninyo ang kasipagan ng mga Bethelite, relief worker, misyonero, at mga kapatid na naghahanda at nag-oorganisa ng mga kombensiyon, tiyak na lalo ninyong pahahalagahan ang pambuong-daigdig na kapatiran.
Bawat kongregasyon ay may mahalagang papel sa pangangaral ng mabuting balita at pagsuporta sa mga tunay na mananamba sa kanilang lugar. Gayunman, maglaan ng panahon kasama ng iyong pamilya para alalahanin ang “buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” Makatutulong ito sa inyo na manatiling “matatag sa pananampalataya,” yamang alam ninyong may dahilan kayo para magsaya.—1 Ped. 5:9.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Ang Organisasyon ng Diyos—Mahalagang Pag-aralan
Marami tayong magagamit na pantulong para maging mas pamilyar sa kasaysayan at gawain ng organisasyon ni Jehova. Makatutulong sa pag-aaral ang sumusunod na mga tanong:
☞ Paano nagsimula ang gawain ng mga naglalakbay na tagapangasiwa sa ating panahon?—Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 222-228.
☞ Anong mahalagang pangyayari ang naganap sa “Araw ng mga Kabataan” sa Teokratikong Asamblea noong 1941?—Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 86, 88.
☞ Paano gumagawa ng desisyon ang Lupong Tagapamahala?—‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos,’ pahina 108-114.