Nakikita Mo ba ang Katibayan ng Patnubay ng Diyos?
Nakikita Mo ba ang Katibayan ng Patnubay ng Diyos?
NGAYON lang nakakita ng ganito ang mga Israelita at mga Ehipsiyo. Habang naglalakbay ang mga Israelita mula sa Ehipto, isang haliging ulap ang maghapon at magdamag na nasa unahan nila. Sa gabi, ito ay nagiging haliging apoy. Talagang nakapangingilabot! Pero saan kaya ito nanggaling? Ano ang layunin nito? At bagaman mga 3,500 taon na ang nakalilipas, ano ang matututuhan natin sa naging pananaw ng mga Israelita sa “haliging apoy at ulap”?—Ex. 14:24.
Sinasabi ng Bibliya ang pinagmulan at layunin ng haligi: “Si Jehova ay humahayo sa unahan nila sa araw sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan, at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang magbigay sa kanila ng liwanag sa pagyaon sa araw at sa gabi.” (Ex. 13:21, 22) Ginamit ng Diyos na Jehova ang haliging apoy at ulap upang patnubayan ang kaniyang bayan sa paglabas sa Ehipto at sa paglalakbay sa ilang. Kailangang lagi silang nakahanda para makasunod dito. Noong sasalakayin na sila ng tumutugis na mga Ehipsiyo, ang haligi ay lumagay sa pagitan ng dalawang pangkat para protektahan ang mga Israelita. (Ex. 14:19, 20) Bagaman hindi sila inakay ng haligi sa pinakamaikling ruta, kailangan nila itong sundan dahil ito lang ang paraan para makarating sa Lupang Pangako.
Naroon ang haligi para tiyakin sa bayan ng Diyos na kasama nila si Jehova. Kumakatawan ito kay Jehova, at kung minsan ay nagsasalita siya mula rito. (Bil. 14:14; Awit 99:7) Sa pamamagitan din ng ulap, ipinakita na si Moises ang inatasan ni Jehova na manguna sa bansa. (Ex. 33:9) At sa huling ulat ng paglitaw ng ulap, pinagtibay na si Josue ang inatasan ni Jehova bilang kapalit ni Moises. (Deut. 31:14, 15) Oo, magtatagumpay ang mga Israelita sa pag-alis sa Ehipto kung makikita nila ang katibayan ng patnubay ng Diyos at susundin ito.
Binale-wala Nila ang Katibayan
Malamang na manghang-mangha ang mga Israelita nang una nilang makita ang haligi. Pero nakalulungkot, kahit lagi nilang nakikita ang himalang iyon, hindi pa rin sapat iyon para patuloy silang magtiwala kay Jehova. Ilang beses nilang kinuwestiyon ang patnubay ng Diyos. Nang tugisin sila ng hukbong Ehipsiyo, hindi sila nagtiwala sa kakayahan ni Jehova na magligtas. Sa halip, inakusahan nila si Moises, ang lingkod ng Diyos, na inaakay sila nito sa kamatayan. (Ex. 14:10-12) Matapos ang pagliligtas sa kanila sa Dagat na Pula, nagbulung-bulungan sila laban kina Moises, Aaron, at kay Jehova dahil wala raw silang pagkain at tubig. (Ex. 15:22-24; 16:1-3; 17:1-3, 7) At pagkaraan ng ilang linggo, pinilit nila si Aaron na igawa sila ng ginintuang guya. Isip-isipin na lang! Sa isang bahagi ng kampo, nakikita ng mga Israelita ang haligi ng apoy at ulap—ang kamangha-manghang katibayan ng presensiya ng Isa na naglabas sa kanila mula sa Ehipto—at sa di-kalayuan, nagsimula silang sumamba sa isang walang-buhay na idolo, na sinasabi: “Ito ang iyong Diyos, O Israel, na nag-ahon sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.” Talagang “matitinding gawang kawalang-galang”!—Ex. 32:4; Neh. 9:18.
Ipinakikita ng mapaghimagsik na mga gawa ng Israel na talagang binale-wala nila ang patnubay ni Jehova. Wala sa literal na paningin ang problema kundi nasa kanilang espirituwal na pananaw. Nakikita nila ang haligi, pero hindi na nila pinahahalagahan ang kahulugan nito. Bagaman “pinasakitan nila maging ang Awit 78:40-42, 52-54; Neh. 9:19.
Banal ng Israel” dahil sa kanilang mga gawa, nahabag pa rin sa kanila si Jehova at patuloy silang pinatnubayan sa pamamagitan ng haligi hanggang sa makarating sila sa Lupang Pangako.—Pahalagahan ang Katibayan ng Patnubay ng Diyos sa Ngayon
Sa ngayon, pinaglalaanan din ni Jehova ng malinaw na patnubay ang kaniyang bayan. Kung paanong hindi niya inasahang hahanap ng sariling ruta ang mga Israelita, hindi rin tayo sinasabihang humanap ng sariling daan patungo sa ipinangakong bagong sanlibutan. Si Jesu-Kristo ang inatasang Lider ng kongregasyon. (Mat. 23:10; Efe. 5:23) Binigyan niya ng awtoridad ang uring tapat na alipin na binubuo ng tapat na mga pinahirang Kristiyano. Ang uring alipin naman ay nag-aatas ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano.—Mat. 24:45-47; Tito 1:5-9.
Paano natin matitiyak kung sino ang uring tapat na alipin, o katiwala? Pansinin kung paano iyon inilarawan ni Jesus: “Sino ba talaga ang tapat na katiwala, yaong maingat, na aatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod upang patuloy na magbigay sa kanila ng kanilang takdang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon, kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa!”—Luc. 12:42, 43.
Samakatuwid, ang uring katiwala ay “tapat,” anupat hindi nito kailanman itinatakwil o tinatalikuran si Jehova, si Jesus, ang mga katotohanan sa Bibliya, o ang bayan ng Diyos. Palibhasa’y “maingat,” ang uring katiwala ay nagpapakita ng mahusay na pagpapasiya sa pangangasiwa sa pinakamahalagang gawain—ang pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian’ at paggawa ng “mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14; 28:19, 20) “Sa tamang panahon,” ang uring katiwala ay namamahagi ng espirituwal na pagkaing nakapagpapalusog at kapaki-pakinabang. Bilang katibayan ng pagsang-ayon ni Jehova, pinagkakalooban niya sila ng higit na pagsulong, patnubay sa mahahalagang desisyon, mas mahusay na pagkaunawa sa mga katotohanan sa Bibliya, proteksiyon laban sa mga kaaway, at kapayapaan ng isip at puso.—Isa. 54:17; Fil. 4:7.
Sundin ang Patnubay ng Diyos
Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang patnubay ng Diyos? Sinabi ni apostol Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.” (Heb. 13:17) Hindi laging madaling gawin iyan. Bilang ilustrasyon: Kunwari’y isa kang Israelita noong panahon ni Moises. Pagkatapos mong maglakad nang matagal-tagal, huminto ang haligi. Hanggang kailan kaya iyon mananatiling nakahinto? Isang araw? Isang linggo? Mga ilang buwan? Baka maisip mo, ‘Dapat ko na kayang ilabas sa balutan ang lahat ng gamit ko?’ Sa simula, baka ilabas mo lang ang mga gamit na kailangang-kailangan mo. Pero pagkaraan ng ilang araw, dahil mahirap maghalungkat, sinimulan mo nang ilabas ang lahat ng mga ito. Pero nang matatapos ka na, pumaitaas na naman ang haligi—at kailangan mo na uling mag-impake! Hindi madaling gawin iyon. Gayunman, ang mga Israelita ay kailangang ‘lumisan kaagad pagkatapos niyaon.’—Bil. 9:17-22.
Kaya ano ang reaksiyon natin sa mga tagubilin ng Diyos? Sinisikap ba nating sundin iyon “kaagad”? O patuloy nating ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa nakaugalian natin? Pamilyar ba tayo sa mga bagong tagubilin tungkol sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, pangangaral sa mga nagsasalita ng ibang wika, pagkakaroon ng regular na pampamilyang pagsamba, pakikipagtulungan sa Hospital Liaison Committee, o paggawi nang wasto sa mga kombensiyon? Ipinakikita rin natin ang pagpapahalaga sa patnubay ng Diyos kapag handa tayong tumanggap ng payo. Kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon, hindi tayo nagtitiwala sa sariling karunungan kundi umaasa sa patnubay ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. At kung paanong ang isang bata ay tumatakbo
sa kaniyang mga magulang kapag bumabagyo, tumatakbo rin tayo sa organisasyon ni Jehova kapag binabagyo tayo ng mga problema.Totoo na ang mga nangunguna sa makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos ay hindi sakdal—gaya rin ni Moises. Gayunman, patuloy na ipinaaalaala ng haligi na si Moises ang inatasan ng Diyos at may pagsang-ayon niya. Pansinin din na hindi ang indibiduwal na mga Israelita ang nagpapasiya kung kailan dapat lumisan. Sa halip, kumikilos ang bayan “sa utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.” (Bil. 9:23) Kaya malamang na si Moises, na tagapagsalita ni Jehova, ang naghuhudyat kung kailan sila lilisan.
Sa ngayon, malinaw na inihuhudyat ng uring katiwala ni Jehova kung panahon na para gawin ang isang bagay. Paano? Sa pamamagitan ng mga artikulo sa Ang Bantayan at Ating Ministeryo sa Kaharian, mga bagong publikasyon, at mga pahayag sa mga asamblea at kombensiyon. Ang mga tagubilin ay inihahatid din sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, mga liham, o mga pagsasanay para sa mga brother na may pananagutan sa kongregasyon.
Malinaw mo bang nakikita ang katibayan ng patnubay ng Diyos? Ginagamit ni Jehova ang kaniyang organisasyon para patnubayan ang kaniyang bayan sa pagtawid sa “ilang” sa mga huling araw na ito ng sanlibutan ni Satanas. Bilang resulta, tayo’y nagkakaisa, nagmamahalan, at panatag.
Nang makarating sa Lupang Pangako ang Israel, sinabi ni Josue: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.” (Jos. 23:14) Sa katulad na paraan, ang bayan ng Diyos sa ngayon ay tiyak na makararating sa ipinangakong bagong sanlibutan. Pero bilang indibiduwal, makararating tayo roon kung mapagpakumbaba tayong susunod sa mga tagubilin ng Diyos. Kaya lagi sana nating makita ang katibayan ng patnubay ni Jehova!
[Mga larawan sa pahina 5]
Pinapatnubayan tayo ng organisasyon ni Jehova sa ngayon
Mga release sa kombensiyon
Pag-aaral sa mga teokratikong paaralan
Pagsasanay sa mga pagtitipon para sa paglilingkod