Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
• Bakit tayo makapaniniwala na totoong lugar ang hardin ng Eden?
Tinutukoy ito ng Bibliya bilang totoong lugar, anupat nagbigay ng mga detalye tungkol sa lokasyon nito. Ang dalawa sa mga ilog na binabanggit ng ulat ay umiiral pa. Hindi ganiyan mag-ulat ang mga alamat o fairy tale. Tinukoy ni Jesus, ang pinakatapat na Saksi, sina Adan at Eva bilang tunay na mga tao.—1/1, pahina 5-6, 9.
• Alam ba ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eva?
Hindi. Pinagkalooban sila ni Jehova ng talino at kalayaang magpasiya anupat makapamimili kung sila’y susunod o hindi. Bagaman may kakayahang patiunang alamin ang mga bagay-bagay, ginagamit lang iyon ng Diyos kung kailan niya gusto.—1/1, pahina 13-15.
• Ginagamit ba ng mga tunay na Kristiyano ang pangalan ng Diyos bilang agimat?
Itinuturing ng ilan ang isang bagay o simbolo bilang agimat na may kapangyarihang magsanggalang, pero hindi ganiyan ang turing ng bayan ng Diyos sa kaniyang pangalan. Nananampalataya sila kay Jehova at nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban, sa gayo’y nanganganlong sa kaniyang pangalan. (Zef. 3:12, 13)—1/15, pahina 5-6.
• Sino sa bansang Israel ang nakinabang sa kaayusan sa paghihimalay?
Lahat ng Israelita. Napakilos nito ang mga dukha na maging masipag dahil kailangan nilang maghimalay. Ang iba naman ay natutong maging bukas-palad at umasa sa pagpapala ng Diyos.—2/1, pahina 15.
• Bakit itinakwil ni Jehova si Haring Saul?
Dapat sana’y hinintay ni Saul na ang propeta ng Diyos ang maghandog ng hain, pero sumuway siya, anupat siya na mismo ang naghandog. Nang maglaon, hindi niya sinunod ang utos na lipulin ang mga kaaway.—2/15, pahina 22-23.
• Paano natin maipakikita na kinapopootan natin ang katampalasanan?
Dapat tayong magkaroon ng tamang pangmalas sa alak, umiwas sa okultismo, at sumunod sa babala ni Jesus tungkol sa imoralidad. Halimbawa, iiwasan natin ang pornograpya at ang pagpapantasyang maaaring ibunga nito. (Mat. 5:27, 28) Hindi rin tayo makikisama sa mga tiwalag.—2/15, pahina 29-32.
• Ano ang ipinakikita ng sinaunang kolonya ng mga bahay-pukyutan na natagpuan ng mga arkeologo sa makabagong Israel?
Mahigit 30 bahay-pukyutan ang natagpuan doon ng mga arkeologo. Tinataya ng mga iskolar na napagkukunan ito noon ng halos kalahating tonelada ng pulot-pukyutan taun-taon. Ipinakikita nito na nag-aalaga sila noon ng pukyutan sa lupaing sinabi ng Diyos na ‘aagusan ng gatas at pulot-pukyutan.’ (Ex. 3:8)—3/1, pahina 15.
• Paanong si Jeremias ay tulad ng punungkahoy na “nakatanim sa tabi ng tubig, na nagpapayaon ng mga ugat nito”? (Jer. 17:7, 8)
Hindi siya tumigil sa pagluluwal ng bunga, ni nagpaimpluwensiya man sa mga manunuya. Sa halip, nangunyapit siya sa Bukal ng tubig na nagpapanatili ng buhay at isinapuso ang mga sinabi ng Diyos sa kaniya.—3/15, pahina 14.
• Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya kay Marta na iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang? (Luc. 10:41, 42)
Hindi niya sinasabing materyalistiko si Marta dahil naghahanda ito ng maraming pagkain, ni binabale-wala man niya ang pagpapagod nito. Sa halip, idiniriin niya kung ano ang dapat bigyan ng priyoridad. Hindi sinamantala ni Marta ang pambihirang pagkakataon na mapatibay ang kaniyang pananampalataya.—4/1, pahina 12-13.
• Ano ang ilang iregularidad sa paglilitis kay Jesus?
Walang dininig na argumentong magpapawalang-sala kay Jesus. Mga bulaang saksi ang iniharap. Sa gabi dininig ang kaso. Sinimulan at tinapos ang paglilitis sa loob ng isang araw.—4/1, pahina 20.