Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pamilyang Kristiyano—“Manatiling Handa”

Mga Pamilyang Kristiyano—“Manatiling Handa”

Mga Pamilyang Kristiyano​—“Manatiling Handa”

“Manatiling handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo sukat akalain ang Anak ng tao ay darating.”​—LUC. 12:40.

1, 2. Bakit dapat nating dibdibin ang payo ni Jesus na “manatiling handa”?

“KAPAG ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian” at pinagbukud-bukod “ang mga tao sa isa’t isa,” ano kaya ang mangyayari sa iyo at sa iyong pamilya? (Mat. 25:31, 32) Yamang magaganap ito sa oras na hindi natin sukat akalain, napakahalaga ngang dibdibin ang payo ni Jesus na “manatiling handa”!​—Luc. 12:40.

2 Ipinakita sa sinundang artikulo na kung seryosong gagampanan ng bawat miyembro ng pamilya ang kani-kaniyang pananagutan, makatutulong ito para makapanatiling gising sa espirituwal ang buong pamilya. Talakayin natin ang iba pang paraan kung paano tayo makatutulong sa espirituwalidad ng ating pamilya.

Panatilihing “Simple” ang Iyong Mata

3, 4. (a) Sa ano dapat mag-ingat ang mga pamilyang Kristiyano? (b) Ano ang ibig sabihin ng pagpapanatiling “simple” ng ating mata?

3 Para maging handa sa pagdating ni Kristo, dapat tiyakin ng mga pamilya na palagi silang nakapokus sa tunay na pagsamba. Dapat silang mag-ingat na huwag magambala ng ibang mga bagay. Yamang marami nang pamilya ang nasilo ng materyalismo, pag-isipan ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagpapanatiling “simple” ng ating mata. (Basahin ang Mateo 6:22, 23.) Kung paanong tinatanglawan ng lampara ang ating landas para makalakad tayo nang hindi nadadapa, ang tinitingnan ng ating makasagisag na ‘mga mata ng puso’ ay nagbibigay-liwanag sa atin, anupat tinutulungan tayong gumawi nang hindi natatalisod.​—Efe. 1:18.

4 Para malinaw na makakita ang literal na mata, dapat na gumagana ito nang maayos at naipopokus sa isang bagay na tinitingnan nito. Ganiyan din ang mga mata ng puso. Ang pagkakaroon ng simpleng makasagisag na mata ay nangangahulugang nakapokus tayo sa iisang layunin. Sa halip na isentro ang buhay sa materyal na mga bagay at labis na magpakaabala sa paglalaan ng pisikal na pangangailangan ng pamilya, ipinopokus natin ang ating mata sa espirituwal na mga bagay. (Mat. 6:33) Nangangahulugan ito na kontento na tayo sa tinatanggap nating materyal na paglalaan at inuuna natin sa buhay ang paglilingkod sa Diyos.​—Heb. 13:5.

5. Paano ipinakita ng isang kabataan na nakapokus ang kaniyang “mata” sa paglilingkod sa Diyos?

5 Napakagaganda ng resulta kapag sinanay ang mga anak na magkaroon ng simpleng mata! Tingnan ang halimbawa ng isang tin-edyer na babae na taga-Etiopia. Napakahusay niyang estudyante kaya pagkagradweyt ng haiskul, inalok siya ng scholarship para ipagpatuloy niya ang pag-aaral. Pero dahil nakapokus siya sa paglilingkod kay Jehova, tinanggihan niya iyon. May nag-alok din sa kaniya ng trabaho na ang suweldo ay 3,000 euro bawat buwan​—mas mataas sa karaniwang pasuweldo sa bansang iyon. Pero nakapokus na ang kaniyang “mata” sa pagpapayunir. Tinanggihan niya ang alok at hindi na niya kinailangang magtanong pa sa kaniyang mga magulang. Ano ang nadama ng kaniyang mga magulang nang malaman nila iyon? Aba, natuwa sila at sinabing ipinagmamalaki nila siya!

6, 7. Sa anong panganib tayo dapat “maging mapagmasid”?

6 Mahihiwatigan sa pananalita ni Jesus sa Mateo 6:22, 23 ang isang babala laban sa kasakiman. Hindi niya ginamit ang “masalimuot” bilang kabaligtaran ng “simple,” kundi “balakyot.” Ang ‘balakyot na mata’ ay “masama; mainggitin,” samakatuwid nga, mapag-imbot o sakim. (Mat. 6:23; tlb. sa Reference Bible) Ano ang pangmalas ni Jehova sa kaimbutan o kasakiman? “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman [o, “kaimbutan”] ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo,” ang sabi ng Bibliya.​—Efe. 5:3; tlb. sa Reference Bible.

7 Ang kasakiman ay maaaring madaling makita sa ibang tao, pero hindi natin ito madaling makita sa ating sarili. Kaya naman makabubuting sundin ang payo ni Jesus: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan.” (Luc. 12:15) Kailangan dito ang pagsusuri sa sarili para makita kung saan nakapokus ang ating puso. Dapat na seryosong pag-isipan ng mga pamilyang Kristiyano kung gaano kalaking panahon at pera ang ginugugol nila sa paglilibang, pamamasyal, at pagbili ng materyal na mga bagay.

8. Sa pagbili ng mga bagay-bagay, paano tayo makapananatiling “mapagmasid”?

8 Sa pagbili ng isang bagay, hindi mo lang iisipin kung kaya mo itong bilhin o hindi. Isaalang-alang mo rin ang iba pang mga bagay gaya ng sumusunod: ‘May panahon ba ako para gamitin ito palagi at mantinihin? Gaano katagal ko ito pag-aaralan bago ko matutuhang gamitin?’ Kayong mga kabataan, huwag kayong basta maniniwala sa mga advertisement ng sanlibutan tungkol sa iba’t ibang produkto para hindi kayo maengganyong pilit na magpabili ng mamahaling brand ng damit o iba pang bagay. Matutong magkontrol ng sarili. Isipin din kung ang pagbili ng bagay na iyon ay makatutulong sa inyong pamilya na maging handa sa pagdating ng Anak ng tao. Manampalataya sa pangako ni Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”​—Heb. 13:5.

Umabót ng Espirituwal na mga Tunguhin

9. Paano makatutulong sa pamilya ang pag-abót sa espirituwal na mga tunguhin?

9 Ang isa pang paraan para mapatibay ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang pananampalataya at makatulong sa espirituwalidad ng buong pamilya ay ang pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin at pag-abót sa mga ito. Makatutulong ito para makita ng pamilya ang kanilang pagsulong sa tunguhing paluguran si Jehova at makapagpasiya kung anong mga gawain ang dapat nilang unahin sa kanilang buhay.​—Basahin ang Filipos 1:10.

10, 11. Anong espirituwal na mga tunguhin ang sinisikap ninyong abutin bilang pamilya, at ano pang mga tunguhin ang binabalak ninyong abutin?

10 Kahit ang mga simpleng tunguhin na kayang abutin ng bawat isa sa pamilya ay nagdudulot din ng malaking kapakinabangan. Kuning halimbawa ang pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto. Sa komento ng mga miyembro ng pamilya, makikita ng ulo ng sambahayan kung gaano na sila katatag sa espirituwal. Kung regular at magkakasamang magbabasa ng Bibliya ang pamilya, susulong ang kakayahan ng mga bata sa pagbabasa at mas mauunawaan nila ang mensahe ng Bibliya. (Awit 1:1, 2) At hindi ba’t dapat nating gawing tunguhin na pasulungin ang kalidad ng ating panalangin? Isang napakagandang tunguhin din na pagsikapang higit na linangin ang mga bunga ng espiritu. (Gal. 5:22, 23) Bakit hindi mag-isip ng paraan kung paano makapagpapakita ng malasakit sa mga taong pinangangaralan natin? Kung sisikapin itong gawin ng pamilya, matututo ang mga bata na maging mahabagin, at malamang na magkaroon sila ng tunguhing maging regular pioneer o misyonero.

11 Bakit hindi pag-isipan ang iba pang tunguhin na puwedeng abutin ng inyong pamilya? Puwede ba kayong gumugol ng mas maraming oras sa ministeryo? Maaari ba ninyong pagsikapang maalis ang inyong takot na magpatotoo sa telepono, sa lansangan, o sa mga lugar ng negosyo? Maaari ba kayong maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan? Posible kayang mag-aral ng ibang wika ang isang miyembro ng pamilya para makapangaral sa mga banyaga?

12. Ano ang maaaring gawin ng mga ulo ng pamilya para sumulong sa espirituwal ang kanilang pamilya?

12 Bilang ulo ng pamilya, pag-isipan kung saan pa puwedeng sumulong ang inyong pamilya. Pagkatapos, magtakda ng espesipikong mga tunguhin para maabot iyon. Ang mga tunguhin ninyo ay dapat na makatotohanan at kaya ninyong abutin. (Kaw. 13:12) Siyempre pa, kailangan ang panahon para maabot ang makabuluhang tunguhin. Kaya bumili ng panahon mula sa panonood ng TV at gamitin iyon sa espirituwal na mga gawain. (Efe. 5:15, 16) Pagsikapang maabot ang mga tunguhing itinakda mo para sa iyong pamilya. (Gal. 6:9) Ang pagsulong ng pamilyang umaabót ng espirituwal na mga tunguhin ay ‘nahahayag sa lahat ng mga tao.’​—1 Tim. 4:15.

Magkaroon ng Regular na Pampamilyang Pagsamba

13. Anong pagbabago ang ginawa sa iskedyul ng lingguhang pagpupulong, at anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan?

13 Ang bagong iskedyul ng lingguhang pagpupulong na nagsimula noong Enero 1, 2009 ay isang malaking tulong sa mga pamilya para ‘makapanatiling handa’ sa pagdating ng Anak ng tao. Ang dating Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay isinama sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod kung kaya nabawasan tayo ng isang araw ng pulong. Dahil dito, nabigyan ng pagkakataon ang mga pamilyang Kristiyano na patibayin ang kanilang espirituwalidad sa pamamagitan ng pagdaraos ng pampamilyang pagsamba isang gabi bawat linggo. Yamang mahabang panahon na rin ang lumipas mula nang simulan iyan, maitatanong natin sa ating sarili: ‘Ginagamit ko ba ang inilaang panahon para sa Pampamilyang Pagsamba o personal na pag-aaral? Naaabot ko ba ang layunin ng kaayusang iyon?’

14. (a) Ano ang pangunahing layunin ng regular na Pampamilyang Pagsamba o personal na pag-aaral? (b) Bakit napakahalagang magtakda ng isang gabi para sa pag-aaral?

14 Ang pangunahing layunin ng regular na Pampamilyang Pagsamba o personal na pag-aaral ay para higit tayong mápalapít sa Diyos. (Sant. 4:8) Kapag regular tayong nag-aaral ng Bibliya at sumusulong ang kaalaman natin tungkol sa Maylalang, tumitibay ang ating kaugnayan sa kaniya. Habang nápapalapít tayo kay Jehova, lalo tayong nauudyukang ibigin siya ‘nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas.’ (Mar. 12:30) Tiyak na nasasabik tayong sundin ang Diyos at maging mga tagatulad niya. (Efe. 5:1) Kaya napakahalagang magkaroon ng regular na Pampamilyang Pagsamba para matulungan ang lahat ng miyembro ng pamilya na ‘manatiling handa’ habang naghihintay sa inihulang “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Kailangan ito para sa kaligtasan.

15. Ano ang maaaring maging epekto ng Pampamilyang Pagsamba sa pagsasamahan ng pamilya?

15 May isa pang layunin ang Pampamilyang Pagsamba​—ito’y para maging mas malapít ang pagsasamahan ng pamilya. Kapag sama-sama silang nag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay linggu-linggo, lalo silang nápapalapít sa isa’t isa. Lalong nagkakaisa ang mag-asawa kapag sinasabi nila sa isa’t isa na masaya sila sa natututuhan nilang mga bagong kaalaman. (Basahin ang Eclesiastes 4:12.) Ang mga magulang at mga anak na magkakasamang sumasamba ay malamang na magkaisa sa pag-ibig, ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Col. 3:14.

16. Ilahad kung paano nakikinabang ang tatlong sister sa paglalaan ng isang gabi para sa pag-aaral ng Bibliya.

16 Tingnan natin kung paano nakinabang ang tatlong sister sa kaayusan na maglaan ng isang gabi para sa pag-aaral ng Bibliya. Bagaman hindi magkakamag-anak, ang tatlong may-edad na balong ito ay nakatira sa iisang lunsod at matagal nang magkakaibigan. Gusto nilang magkita-kita nang mas madalas at makapagpatibayan, kaya ipinasiya nilang maglaan ng isang gabi para sama-samang pag-aralan ang Bibliya. Una nilang ginamit ang aklat na ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos.’ “Enjoy na enjoy kami sa pag-aaral kaya madalas na lumalampas kami sa isang oras,” ang sabi ng isa sa kanila. “Inilalarawan namin sa isip ang naging sitwasyon ng ating mga kapatid noong unang siglo at pinag-uusapan kung ano kaya ang gagawin namin sa gayong mga kalagayan. Pagkatapos, ikinakapit namin sa ministeryo ang mga puntong natutuhan namin. Nakakatulong ito para maging mas masaya at mabunga ang aming pangangaral at paggawa ng alagad.” Napatibay sila nito at lalong nápalapít sa isa’t isa. “Gustung-gusto namin ang kaayusang ito,” ang sabi nila.

17. Paano gagawing matagumpay ang Pampamilyang Pagsamba?

17 Kumusta ka naman? Paano ka nakikinabang sa kaayusan ng pampamilyang pagsamba o sa personal na pag-aaral? Kung hindi ito regular, hindi maaabot ang layunin ng kaayusang ito. Ang bawat miyembro ng pamilya ay dapat na maging handa sa itinakdang oras ng pag-aaral. Hindi dapat ipagpaliban ang pag-aaral dahil lang sa maliliit na bagay. Bukod diyan, dapat ding pumili ng materyal na may praktikal na pakinabang sa iyong pamilya. Ano ang maaari mong gawin para maging kasiya-siya ang pag-aaral? Gumamit ng mabibisang paraan ng pagtuturo, at gawing marangal at payapa ang pag-aaral.​—Sant. 3:18. *

‘Manatiling Gising’ at “Manatiling Handa”

18, 19. Paano dapat makaapekto sa iyo at sa iyong pamilya ang pagkaalam na malapit nang dumating ang Anak ng tao?

18 Malinaw na ipinakikita ng lumulubhang kalagayan sa daigdig na ang balakyot na sanlibutan ni Satanas ay nasa mga huling araw na nito magmula noong 1914. Nagbabanta na ang bagyo ng Armagedon. Malapit nang dumating ang Anak ng tao para ilapat ang hatol ni Jehova sa mga taong di-makadiyos. (Awit 37:10; Kaw. 2:21, 22) Hindi ba’t dapat lang na makaapekto iyan sa iyo at sa iyong pamilya?

19 Sinusunod mo ba ang payo ni Jesus na panatilihing “simple” ang iyong mata? Habang ang mga tao sa sanlibutang ito ay nagsusumakit sa kayamanan, katanyagan, o kapangyarihan, ang inyo bang pamilya ay umaabót naman sa espirituwal na mga tunguhin? Nakikinabang ba kayo sa kaayusan para sa Pampamilyang Pagsamba o personal na pag-aaral? Naaabot ba ninyo ang layunin nito? Gaya ng tinalakay sa sinundang artikulo, binabalikat mo ba ang iyong pananagutan bilang asawang lalaki, asawang babae, o anak, sa gayo’y tinutulungan ang buong pamilya na ‘makapanatiling gising’? (1 Tes. 5:6) Kung oo, kayo ay ‘makapananatiling handa’ sa pagdating ng Anak ng tao.

[Talababa]

^ par. 17 Para sa mga mungkahi kung paano gagawing praktikal at kasiya-siya ang Pampamilyang Pagsamba, tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 2009, pahina 29-31.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Ipaliwanag kung paano ‘makapananatiling handa’ ang mga pamilyang Kristiyano sa pamamagitan ng . . .

pagkakaroon ng ‘simpleng’ mata.

pagtatakda at pag-abot ng espirituwal na mga tunguhin.

pagkakaroon ng regular na Pampamilyang Pagsamba.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Kung “simple” ang ating mata, tatanggihan natin ang mga alok ng sanlibutan