Sundan si Kristo, ang Sakdal na Lider
Sundan si Kristo, ang Sakdal na Lider
KARANIWAN nang bigo ang mga sumusunod sa mga tagapamahalang tao. Pero ibang-iba naman ang nadarama ng mga nagpapasakop sa pangunguna ni Kristo. Sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mat. 11:28, 29) Ang pangunguna ni Jesus ay nakagiginhawa. Interesadung-interesado siya sa mga dukha at naaapi, anupat inaanyayahan niya silang magpasakop sa kaniyang may-kabaitang pamatok. Pero ano ba ang nasasangkot sa pagsunod sa pangunguna ni Jesus?
“Si Kristo ay nagdusa para sa inyo,” ang sabi ni apostol Pedro, “na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Ped. 2:21) Gaano ba kahalaga ang pagsunod sa mga yapak ni Jesus? Ipagpalagay nang kasama ka sa isang grupong tatawid sa isang lugar na may nakatanim na mga bomba at isa lang sa inyo ang nakaaalam kung paano makatatawid nang buháy. Hindi ba’t maingat mong susundan ang kaniyang mga yapak, at marahil ay doon ka pa nga tatapak sa mismong mga bakas niya? Sa katulad na paraan, ang ating kaligtasan ay nakadepende sa maingat na pagsunod sa halimbawa ni Jesus. Magagawa natin ito kung tayo’y makikinig at susunod sa kaniya at makikipagtulungan sa mga kinatawan niya.
Makinig at Sumunod
Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak. At ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi ito gumuho, sapagkat ito ay itinatag sa ibabaw ng batong-limpak.”—Mat. 7:24, 25.
Tinukoy ni Jesus ang isang taong nakikinig at sumusunod sa kaniyang mga salita bilang “maingat.” Iginagalang ba natin at pinahahalagahan ang halimbawa ni Kristo sa pamamagitan ng taos-pusong pagsunod, o pinipili lang natin ang mga utos ni Jesus na madaling sundin? Sinabi ni Jesus: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa [Diyos].” (Juan 8:29) Sikapin nating tularan ang halimbawang iyan.
Noong unang siglo, ang mga apostol ay nagpakita ng magandang halimbawa ng pagpapasakop sa pangunguna ni Kristo. Minsan ay sinabi ni Pedro kay Jesus: “Narito! Iniwan namin ang lahat ng mga bagay at sumunod na sa iyo.” (Mar. 10:28) Oo, gayon na lang kahalaga sa mga apostol ang pangunguna ni Jesus anupat handa nilang iwan ang ibang mga bagay para makasunod sa kaniya.—Mat. 4:18-22.
Makipagtulungan sa mga Kinatawan ni Kristo
Noong malapit na siyang mamatay, binanggit ni Jesus ang isa pang paraan para makasunod tayo sa kaniyang pangunguna. Sinabi niya: “Siya na tumatanggap sa sinumang aking isinusugo ay tumatanggap din sa akin.” (Juan 13:20) Sa katunayan, tinukoy ni Jesus ang kaniyang mga pinahirang kinatawan bilang “mga kapatid” niya. (Mat. 25:40) Pagkaakyat ni Jesus sa langit, ang kaniyang “mga kapatid” ay inatasang ‘humalili para kay Kristo’ bilang mga embahador upang himukin ang mga tao na makipagkasundo sa Diyos na Jehova. (2 Cor. 5:18-20) Para maipakitang kinikilala natin ang pangunguna ni Kristo, dapat tayong magpasakop sa kaniyang “mga kapatid.”
Makabubuting suriin kung paano tayo tumutugon sa mga napapanahong payo na nasa ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Sa pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong, naipaaalaala sa atin ang mga pananalita ni Kristo. (2 Ped. 3:1, 2) Kung regular natin itong ginagawa, ipinakikita natin ang taos-pusong pagpapahalaga sa inilalaang espirituwal na pagkain. Pero ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag inuulit-ulit ang isang partikular na payo? Halimbawa, pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Sa loob ng mahigit isang siglo, ang paksang ito ay laging tinatalakay sa Bantayan. Sa pamamagitan ng mga artikulong iyon at iba pang kinasihang payo, ipinakikita ng mga kapatid ni Kristo na talagang nagmamalasakit sila sa ating espirituwalidad. Ang pagbibigay-pansin sa mga paalaalang iyon ay isang paraan ng pagsunod sa ating sakdal na Lider, si Jesu-Kristo.
“Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos,” ang sabi ng Kawikaan 4:18. Oo, ang pangunguna ni Jesus ay pasulong. Ang isa pang paraan ng pakikipagtulungan sa “mga kapatid” ni Kristo ay ang pagkakaroon ng positibong saloobin sa mga paglilinaw na inilalathala ng “tapat at maingat na alipin” hinggil sa ating pagkaunawa sa mga katotohanan sa Bibliya.—Mat. 24:45.
Naipakikita rin natin ang pagpapasakop sa “mga kapatid” ni Kristo kung nakikipagtulungan tayo sa hinirang na mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Sinabi ni apostol Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa.” (Heb. 13:17) Halimbawa, baka pinatitibay tayo ng isang elder tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng Pampamilyang Pagsamba o baka nagbibigay siya ng mungkahi tungkol sa ating paglilingkod sa larangan. Baka ang isang naglalakbay na tagapangasiwa ay nagpapayo tungkol sa isang partikular na aspekto ng Kristiyanong pamumuhay. Kapag handa tayong magkapit ng gayong mga payo, ipinakikita nating sumusunod tayo kay Jesus bilang Lider.
Nakalulungkot, walang maituturing na mahusay na lider sa daigdig. Mabuti na lang at mayroon tayong maibiging Lider—si Kristo! Kung gayon, dapat natin siyang sundin at makipagtulungan sa mga taong ginagamit niya sa ngayon.
[Mga larawan sa pahina 27]
Tinatanggap mo ba ang payo ng Bibliya na huwag makipamatok sa di-kapananampalataya?