Ang Mabuting Balita na Kailangan ng Lahat
Ang Mabuting Balita na Kailangan ng Lahat
“Ang mabuting balita . . . , sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas.”—ROMA 1:16.
1, 2. Bakit mo ipinangangaral ang “mabuting balita ng kaharian”? Anong mga aspekto nito ang idiniriin mo?
‘NATUTUWA akong ibahagi ang mabuting balita araw-araw.’ Malamang na naisip o nasabi mo na iyan. Bilang isang tapat na Saksi ni Jehova, alam mo kung gaano kahalaga na ipangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” Baka nga kabisado mo na ang hulang ito ni Jesus tungkol sa ating pangangaral.—Mat. 24:14.
2 Kapag ipinangangaral mo ang “mabuting balita ng kaharian,” ipinagpapatuloy mo ang sinimulan ni Jesus. (Basahin ang Lucas 4:43.) Tiyak na idiniriin mo ang punto na malapit nang makialam ang Diyos sa mga gawain ng tao. Sa “malaking kapighatian,” wawakasan niya ang huwad na relihiyon at aalisin ang lahat ng kasamaan sa lupa. (Mat. 24:21) Malamang na idiniriin mo rin na muling itatatag ng Kaharian ng Diyos ang Paraiso sa lupa upang mamayani ang kapayapaan at kaligayahan. Sa katunayan, ang “mabuting balita ng kaharian” ay bahagi ng “mabuting balita [na patiunang ipinahayag] kay Abraham, samakatuwid nga: ‘Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng bansa.’”—Gal. 3:8.
3. Bakit masasabing idiniin ni Pablo ang mabuting balita sa aklat ng Roma?
3 Gayunman, posible kayang hindi natin gaanong nabibigyang-pansin ang isang mahalagang aspekto ng mabuting balita na kailangan ng mga tao? Sa liham sa mga taga-Roma, minsan lang binanggit ni apostol Pablo ang salitang “kaharian,” pero 12 beses niyang ginamit ang terminong “mabuting balita.” (Basahin ang Roma 14:17.) Anong aspekto ng mabuting balita ang madalas tukuyin ni Pablo sa aklat na iyon? Bakit mahalaga ang partikular na mabuting balitang iyon? At bakit dapat natin itong isaisip habang ipinangangaral natin sa mga tao sa ating teritoryo “ang mabuting balita ng Diyos”?—Mar. 1:14; Roma 15:16; 1 Tes. 2:2.
Ang Kailangan ng mga Taga-Roma
4. Noong una siyang mabilanggo sa Roma, anu-ano ang ipinangaral ni Pablo?
4 Mahalagang pansinin ang mga paksang tinalakay ni Pablo noong una siyang mabilanggo sa Roma. Mababasa natin na noong dalawin siya ng ilang Judio, siya ay ‘lubusang nagpatotoo tungkol sa (1) kaharian ng Diyos at gumamit ng panghihikayat sa kanila tungkol kay (2) Jesus.’ Ang resulta? “Ang ilan ay nagsimulang maniwala sa mga bagay na sinabi; ang iba ay ayaw maniwala.” Pagkatapos, tinanggap ni Gawa 28:17, 23-31) Maliwanag na binigyang-pansin ni Pablo ang Kaharian ng Diyos. Pero ano pa ang idiniin niya? Isang bagay na pangunahin sa Kaharian—ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos.
Pablo ‘nang may kabaitan ang lahat ng mga pumaparoon sa kaniya, na ipinangangaral sa kanila ang (1) kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa (2) Panginoong Jesu-Kristo.’ (5. Anong pangangailangan ang binanggit ni Pablo sa aklat ng Roma?
5 Kailangang makilala ng lahat ng tao si Jesus at manampalataya sa kaniya. Sa aklat ng Roma, binanggit ni Pablo ang pangangailangang ito. Bago nito, sumulat siya tungkol sa “Diyos, na siyang pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod taglay ang aking espiritu may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak.” Sinabi pa niya: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.” Nang maglaon, tinukoy niya ang panahon kung kailan “hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang mga lihim na bagay ng sangkatauhan, ayon sa mabuting balita na aking ipinahahayag.” At sinabi niya: “Mula sa Jerusalem at sa isang sirkito hanggang sa Ilirico ay lubusan kong naipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kristo.” * (Roma 1:9, 16; 2:16; 15:19) Sa palagay mo, bakit kaya idiniin ni Pablo sa mga taga-Roma ang tungkol kay Jesu-Kristo?
6, 7. Ano ang masasabi natin tungkol sa pasimula ng kongregasyon sa Roma at sa mga bumubuo rito?
6 Hindi natin alam kung paano nagsimula ang kongregasyon sa Roma. Naging Kristiyano kaya ang mga Judio o mga proselita na dumalo sa pagdiriwang ng Pentecostes noong 33 C.E. bago sila bumalik sa Roma? (Gawa 2:10) O baka naman mga Kristiyanong negosyante at manlalakbay ang nagpalaganap ng katotohanan sa Roma? Alinman dito ang nangyari, nang isulat ni Pablo ang aklat noong mga 56 C.E., matagal nang naitatag ang kongregasyon. (Roma 1:8) Anong uri ng mga tao ang bumubuo sa kongregasyong iyon?
7 Ang ilan ay may lahing Judio. Binati ni Pablo sina Andronico at Junias bilang “aking mga kamag-anak,” malamang na nangangahulugang sila’y mga kamag-anak na Judio. Ang manggagawa ng tolda na si Aquila, na nasa Roma kasama ang kaniyang asawang si Priscila, ay isa ring Judio. (Roma 4:1; 9:3, 4; 16:3, 7; Gawa 18:2) Pero malamang na mga Gentil ang karamihan sa mga kapatid na pinadalhan ni Pablo ng pagbati. Ang ilan ay maaaring kabilang sa “sambahayan ni Cesar,” marahil ay tumutukoy sa mga alipin at mabababang opisyal ni Cesar.—Fil. 4:22; Roma 1:6; 11:13.
8. Ano ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nasa Roma?
8 Anuman ang kanilang pinagmulan, ang bawat Kristiyano sa Roma ay nasa kalunus-lunos na kalagayan, at gayon din tayo. Sinabi ni Pablo: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Maliwanag na ang lahat ng sinulatan ni Pablo ay kailangang kumilala na makasalanan sila at manampalataya sa paraan ng Diyos para makalaya sa kalagayang iyon.
Kilalanin ang Pagiging Makasalanan
9. Ano ang sinabi ni Pablo na posibleng maging resulta ng mabuting balita?
9 Sa pasimula ng liham sa mga taga-Roma, sinabi ni Pablo ang napakagandang resultang maidudulot ng mabuting balita na lagi niyang binabanggit: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya, sa Judio muna at gayundin sa Griego.” Oo, posible ang kaligtasan. Gayunman, kailangan ang pananampalataya, kaayon ng mahalagang katotohanang binanggit ni Roma 1:16, 17; Gal. 3:11; Heb. 10:38) Pero ano ang kaugnayan ng mabuting balitang iyan, na umaakay sa kaligtasan, sa katotohanang “ang lahat ay nagkasala”?
Pablo: “Ang matuwid—sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay siya.” (10, 11. Bakit hindi lahat ng tao ay pamilyar sa ideyang binabanggit sa Roma 3:23?
10 Bago magkaroon ng nagliligtas-buhay na pananampalataya ang isa, dapat muna niyang kilalanin ang kaniyang pagiging makasalanan. Ang ideyang ito ay alam ng mga taong namulat sa paniniwalang may Diyos at pamilyar sa Bibliya. (Basahin ang Eclesiastes 7:20.) Sang-ayon man sila o hindi, sa paanuman ay naiintindihan nila ang kahulugan ng sinabi ni Pablo: “Ang lahat ay nagkasala.” (Roma 3:23) Pero sa ating pangangaral, baka marami tayong makausap na hindi nakauunawa sa pananalitang iyan.
11 Sa ilang lupain, ang mga tao ay hindi pinalaki sa paniniwala na ipinanganak silang makasalanan, na nagmana sila ng kasalanan. Maaaring alam nilang sila’y nagkakamali, may pangit na mga ugali, at nakagagawa ng ilang masasamang bagay. At napapansin nilang gayon din ang iba. Pero dahil sa kanilang kinalakhan, hindi nila talaga nauunawaan kung bakit ganoon ang mga tao. Sa katunayan, sa ilang wika, kapag sinabing ang isa ay makasalanan, baka isipin ng iba na siya’y kriminal o manlalabag-batas. Tiyak na mahirap para sa isang taong lumaki sa gayong kultura na isiping siya’y makasalanan ayon sa diwang tinutukoy ni Pablo.
12. Bakit marami ang hindi naniniwala na lahat ay makasalanan?
12 Maging sa mga bansang Kristiyano, marami ang hindi naniniwala sa ideya ng pagiging makasalanan. Bakit? Kahit nagsisimba sila paminsan-minsan, ang ulat ng Bibliya tungkol kina Adan at Eva ay itinuturing nilang pabula o alamat lang. Ang iba ay lumaki sa isang lipunang hindi kumikilala sa Diyos. Nag-aalinlangan silang may Diyos kung kaya hindi nila nauunawaang may isang Kataas-taasang Persona na nagtatakda ng mga pamantayang moral para sa mga tao at na isang kasalanan ang pagsuway rito. Sa diwa, katulad sila ng mga tao noong unang siglo na ayon kay Pablo ay “walang pag-asa” at “walang Diyos sa sanlibutan.”—Efe. 2:12.
13, 14. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit walang maidadahilan ang mga hindi naniniwala sa Diyos at sa kasalanan? (b) Dahil hindi sila naniniwala sa Diyos at sa kasalanan, ano ang ginagawa ng marami?
13 Sa liham sa mga taga-Roma, nagbigay si Pablo ng dalawang dahilan kung bakit ang gayong kinalakhan ay hindi maidadahilan—noon at ngayon. Una, ang paglalang mismo ay nagpapatotoo na umiiral ang Maylalang. (Basahin ang Roma 1:19, 20.) Kaayon ito ng sinabi ni Pablo nang sumulat siya sa mga Hebreo nang siya ay nasa Roma: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Heb. 3:4) Ang pangangatuwirang iyon ay nagpapatunay sa pag-iral ng Maylalang na lumikha sa buong uniberso.
14 Kaya may matibay na basehan si Pablo nang sabihin niya sa mga taga-Roma na ang sinuman—kasali na ang sinaunang mga Israelita—na nag-uukol ng debosyon sa walang-buhay na mga imahen ay “walang maidadahilan.” Totoo rin ito sa mga gumagawa ng imoral na mga bagay na salungat sa likas na paggamit sa katawan ng lalaki at babae. (Roma 1:22-27) Kaya naman, tama ang konklusyon ni Pablo na “ang mga Judio at gayundin ang mga Griego ay nasa ilalim na lahat ng kasalanan.”—Roma 3:9.
Isang ‘Tagapagpatotoo’
15. Sino ang nagtataglay ng budhi, at ano ang epekto nito?
15 Binabanggit sa aklat ng Roma ang isa pang dahilan kung bakit dapat kilalanin ng mga tao na sila’y makasalanan at nangangailangan ng tulong para makalaya sa kalagayang iyon. Tungkol sa kodigo ng mga kautusang ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel, sumulat si Pablo: “Ang lahat ng mga nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan.” (Roma 2:12) Sinabi pa niya na ang mga tao ng mga bansa o etnikong grupo na di-pamilyar sa kodigong iyon ay kadalasan nang “likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan.” Bakit nila ipinagbabawal ang insesto, pagpatay, at pagnanakaw? Tinukoy ni Pablo ang dahilan: Mayroon silang budhi.—Basahin ang Roma 2:14, 15.
16. Bakit posible pa ring magkasala ang mga tao kahit mayroon silang budhi?
16 Gayunman, malamang na alam mong kahit may budhi ang isang tao na nagsisilbing tagapagpatotoo, posible pa ring hindi niya ito sundin. Ganiyan ang nangyari sa sinaunang Israel. Bagaman ang mga Israelita ay may bigay-Diyos na budhi at espesipikong mga kautusan laban sa pagnanakaw at pangangalunya, madalas nilang labagin kapuwa ang kanilang budhi at ang Kautusan ni Jehova. (Roma 2:21-23) Dalawa ang nilabag nila kaya naman talagang makasalanan sila, anupat hindi nakaabot sa mga pamantayan at kalooban ng Diyos. Ito ang sumira sa kaugnayan nila sa kanilang Maylikha.—Lev. 19:11; 20:10; Roma 3:20.
17. Paano tayo pinatitibay ng aklat ng Roma?
17 Ayon sa tinalakay natin sa aklat ng Roma, waring napakasaklap ng kalagayan ng mga tao, kasama na tayo, sa harap ng Makapangyarihan-sa-lahat. Pero hindi naman diyan nagtapos si Pablo. Bilang pagsipi sa mga salita ni David sa Awit 32:1, 2, sumulat ang apostol: “Maligaya yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang mga gawang tampalasan at ang kanilang mga kasalanan ay tinakpan; maligaya ang tao na ang kaniyang kasalanan ay hindi na ibinibilang pa ni Jehova.” (Roma 4:7, 8) Oo, nagsaayos ang Diyos ng isang legal na paraan para mapatawad ang mga kasalanan.
Ang Mabuting Balitang Nakasentro kay Jesus
18, 19. (a) Sa anong aspekto ng mabuting balita nagpokus si Pablo sa aklat ng Roma? (b) Ano ang dapat nating kilalanin para makamit natin ang mga pagpapala ng Kaharian?
18 Baka sabihin mo, “Talagang mabuting balita iyan!” Totoo naman, at ipinaaalaala nito sa atin ang aspekto ng mabuting balita na itinatampok ni Pablo sa aklat ng Roma. Gaya ng nabanggit na, sumulat si Pablo: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas.”—Roma 1:15, 16.
19 Ang mabuting balitang iyon ay nakasentro sa papel ni Jesus sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Inaasam ni Pablo ang “araw na hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang mga lihim na bagay ng sangkatauhan, ayon sa mabuting balita.” (Roma 2:16) Nang sabihin niya ito, hindi naman niya binabale-wala ang “kaharian ng Kristo at ng Diyos” o ang gagawin ng Diyos sa pamamagitan ng Kaharian. (Efe. 5:5) Sa halip, ipinakita niya na para mabuhay tayo at magtamasa ng mga pagpapala sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, dapat nating kilalanin (1) ang ating kalagayan bilang makasalanan sa paningin ng Diyos at (2) kung bakit kailangan nating manampalataya kay Jesu-Kristo para mapatawad ang ating mga kasalanan. Kapag naunawaan at tinanggap ng isang tao ang mga bahaging iyon ng layunin ng Diyos at nakita ang pag-asang inilalaan nito sa kaniya, angkop lang na sabihin niyang, “Oo, talagang mabuting balita iyan!”
20, 21. Sa ating ministeryo, bakit dapat nating isaisip ang mabuting balita na itinatampok sa aklat ng Roma, at ano ang posibleng maging resulta nito?
Roma 10:11; Isa. 28:16) Maaaring alam na ito ng mga taong pamilyar sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasalanan. Pero sa iba, ito ay bago, isang bagay na hindi alam o karaniwan nang hindi pinaniniwalaan sa kanilang kultura. Kapag sila’y naniniwala na sa Diyos at nagtitiwala na sa Kasulatan, kailangan nating ipaliwanag sa kanila ang papel ni Jesus. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang paliwanag ng Roma kabanata 5 tungkol sa aspektong ito ng mabuting balita. Malamang na magagamit mo ito sa iyong ministeryo.
20 Dapat nating isaisip ang aspektong ito ng mabuting balita habang ginagampanan ang ating ministeryo. Tungkol kay Jesus, sinipi ni Pablo ang mga salita ni Isaias: “Walang sinumang naglalagak sa kaniya ng kaniyang pananampalataya ang mabibigo.” (21 Tiyak na pagpapalain tayo sa pagtulong sa tapat-pusong mga tao na maunawaan ang mabuting balita na paulit-ulit na binabanggit sa aklat ng Roma, ang mabuting balita na “sa katunayan [ay] kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.” (Roma 1:16) Bukod diyan, masisiyahan din tayong makita ang iba na sumasang-ayon sa sinabi ni Pablo sa Roma 10:15: “Pagkaganda-ganda ng mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”—Isa. 52:7.
[Talababa]
^ par. 5 Ang ganitong pananalita ay makikita rin sa iba pang mga kinasihang aklat.—Mar. 1:1; Gawa 5:42; 1 Cor. 9:12; Fil. 1:27.
Natatandaan Mo Ba?
• Anong aspekto ng mabuting balita ang itinatampok sa aklat ng Roma?
• Anong katotohanan ang dapat nating ipaunawa sa iba?
• Paano magdudulot ng mga pagpapala sa lahat ang “mabuting balita tungkol sa Kristo”?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 8]
Ang mabuting balita na itinatampok sa aklat ng Roma ay tungkol sa mahalagang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos
[Larawan sa pahina 9]
Lahat tayo ay isinilang na may nakamamatay na depekto—kasalanan!