Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Pag-ibig

Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Pag-ibig

Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Pag-ibig

“Ang di-sana-nararapat na kabaitan ay [mamamahala] bilang hari sa pamamagitan ng katuwiran tungo sa buhay na walang hanggan.”​—ROMA 5:21.

1, 2. Anong dalawang kaloob ang itinuturing ng marami na mahalaga, at alin ang mas mahalaga?

“ANG pinakamahalagang . . . pamana ng mga Romano . . . ay ang kanilang batas at ang kanilang paniniwala na dapat mamuhay ayon sa batas.” (Dr. David J. Williams ng University of Melbourne, Australia) Totoo man iyan o hindi, may isang pamana o kaloob na tiyak na mas mahalaga. Ang kaloob na ito ay ang paraan ng Diyos para magkaroon tayo ng sinang-ayunan at matuwid na katayuan sa harap niya at ng pag-asang maligtas at mabuhay nang walang hanggan.

2 Sa diwa, ang paraan ng paglalaan ng Diyos sa kaloob na ito ay nauugnay sa kaniyang katarungan. Sa Roma kabanata 5, hindi iniharap ni apostol Pablo ang mga aspektong ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga detalye ng kautusan. Sa halip, nagsimula siya sa isang kapana-panabik na kapahayagan: “Ipinahayag na tayong matuwid dahil sa pananampalataya, [kaya] tamasahin natin ang kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Ang mga tumatanggap ng kaloob ng Diyos ay napapakilos na ibigin siya. Isa na rito si Pablo. Sumulat siya: “Ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng banal na espiritu.”​—Roma 5:1, 5.

3. Anong mga tanong ang bumabangon?

3 Pero bakit kailangan ang maibiging kaloob na ito? Paano ito maibibigay ng Diyos sa paraang makatarungan at mapakikinabangan ng lahat? At ano ang kahilingan para maging kuwalipikado rito? Alamin natin ang kasiya-siyang sagot sa mga ito at tingnan kung paano nito itinatampok ang pag-ibig ng Diyos.

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Kasalanan

4, 5. (a) Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang dakilang pag-ibig? (b) Anong impormasyon ang tutulong sa atin para maunawaan ang Roma 5:12?

4 Udyok ng dakilang pag-ibig, isinugo ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak para tulungan ang mga tao. Sinabi ni Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Pag-isipan ang sinabi niya: “Tayo ay mga makasalanan pa.” Kailangang malaman ng lahat kung paano nangyari iyon.

5 Ipinaliwanag ito ni Pablo sa pagsasabi: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Maiintindihan natin ito dahil ipinasulat ng Diyos ang isang rekord kung paano nagsimula ang buhay ng tao. Lumalang si Jehova ng dalawang tao, sina Adan at Eva. Ang Maylalang ay sakdal, gayundin ang unang mga tao, na ating mga ninuno. Isang pagbabawal lang ang ibinigay ng Diyos sa kanila at sinabing hahatulan sila ng kamatayan kung susuwayin nila ito. (Gen. 2:17) Gayunman, pinili nilang gumawi nang kapaha-pahamak at nilabag ang makatuwirang utos ng Diyos, anupat itinakwil siya bilang Tagapagbigay-Kautusan at Soberano.​—Deut. 32:4, 5.

6. (a) Bakit namamatay ang mga inapo ni Adan kapuwa bago ibigay ng Diyos ang Kautusang Mosaiko at pagkaraan nito? (b) Paano mailalarawan ang epekto ng minanang kasalanan?

6 Makasalanan na si Adan nang magkaanak siya, kaya naipasa niya ang kasalanan at ang mga epekto nito sa lahat ng kaniyang mga anak. Siyempre pa, hindi naman sila lumabag sa utos ng Diyos gaya ng ginawa ni Adan, kaya hindi sila pinaratangan ng gayunding kasalanan; at wala pang ibinibigay na kodigo ng kautusan noon. (Gen. 2:17) Gayunman, nagmana ng kasalanan ang mga inapo ni Adan. Kaya naman ang kasalanan at kamatayan ay namahala hanggang sa bigyan ng Diyos ang mga Israelita ng isang kodigo ng kautusan, na malinaw na nagpapakitang sila’y makasalanan. (Basahin ang Roma 5:13, 14.) Bilang ilustrasyon, ihambing natin ang epekto ng minanang kasalanan sa epekto ng ilang sakit gaya ng Mediterranean anemia at hemophilia. Baka nabasa mo na ang tungkol kay Alexis, anak ng Rusong tsar na si Nicholas II at ni Alexandra. Si Alexis ay nagmana ng hemophilia, isang abnormalidad sa dugo. Totoo, maaaring hindi lahat ng anak ay magkaroon ng ganitong sakit, pero posible pa rin nila itong maipasa sa kanilang supling. Iba naman pagdating sa kasalanan. Hindi maiiwasan ang depektong dulot ng kasalanan ni Adan. Lahat ay apektado nito. Lahat ay namamatay. At naipapasa ito sa lahat ng anak. Posible pa kayang makalaya sa kalunus-lunos na kalagayang ito?

Ang Paglalaan ng Diyos sa Pamamagitan ni Jesu-Kristo

7, 8. Paano magkaiba ang resulta ng landasin ng dalawang sakdal na tao?

7 Maibiging naglaan si Jehova ng isang kaayusan para makalaya ang mga tao mula sa minanang kasalanan. Ipinaliwanag ni Pablo na naging posible ito sa pamamagitan ng isa pang sakdal na tao​—ang ikalawang Adan, wika nga. (1 Cor. 15:45) Pero magkaibang-magkaiba ang resulta ng landasin ng dalawang sakdal na taong ito. Paano?​—Basahin ang Roma 5:15, 16.

8 “Ang sa kaloob ay hindi gaya ng sa pagkakamali,” ang isinulat ni Pablo. Si Adan ang nakagawa ng pagkakamaling iyon, at makatarungan lang na hatulan siya ng kamatayan. Pero hindi lang siya ang daranas ng kamatayan. Mababasa natin: “Dahil sa pagkakamali ng isang tao ay marami ang namatay.” Nadamay ang lahat ng di-sakdal na inapo ni Adan, kasama na tayo, sa makatarungang hatol na iyon. Gayunman, nakaaaliw malaman na ang taong sakdal na si Jesus ay makapagdudulot ng ibang resulta. Ano iyon? Sinabi ni Pablo na ito’y “ang pagpapahayag sa [lahat ng uri ng mga tao] na matuwid para sa buhay.”​Roma 5:18.

9. Ano ang ibig sabihin kapag ipinapahayag ng Diyos na matuwid ang mga tao, gaya ng binabanggit sa Roma 5:16, 18?

9 Ano ang kahulugan ng mga salitang Griego na nasa pananalitang “pagpapahayag ng katuwiran” at “pagpapahayag sa kanila na matuwid”? Isang tagapagsalin ng Bibliya ang sumulat tungkol sa konseptong ito: “Isa itong metapora tungkol sa batas na waring nagdiriin ng isang legal na punto. Tumutukoy ito sa pagbabago sa katayuan ng isang tao may kaugnayan sa Diyos, hindi sa panloob na pagbabago ng taong iyon . . . Sa metapora, inilalarawan ang Diyos bilang hukom na nakagawa na ng desisyong pabor sa akusado, na iniharap sa hukuman ng Diyos, wika nga, dahil sa paratang na pagiging di-matuwid. Pero pinawalang-sala ng Diyos ang akusado.”

10. Ano ang ginawa ni Jesus na naging saligan para maipahayag na matuwid ang mga tao?

10 Sa anong saligan mapawawalang-sala ng matuwid na “Hukom ng buong lupa” ang isang taong di-matuwid? (Gen. 18:25) Bilang unang hakbang, maibiging isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa. Lubusang tinupad ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama, sa kabila ng mga tukso, matinding panunuya, at pang-aabuso. Nanatili siyang tapat hanggang sa kamatayan sa pahirapang tulos. (Heb. 2:10) Nang ibigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao, naghandog siya ng pantubos na maaaring magpalaya sa mga supling ni Adan mula sa kasalanan at kamatayan.​—Mat. 20:28; Roma 5:6-8.

11. Ano ang tinutumbasan ng pantubos?

11 Sa ibang talata, tinawag ito ni Pablo bilang “katumbas na pantubos.” (1 Tim. 2:6) Ano ang tinutumbasan ng pantubos? Si Adan ay nagdulot ng di-kasakdalan at kamatayan sa lahat ng kaniyang bilyun-bilyong inapo. * At totoo na bilang taong sakdal, si Jesus ay maaari sanang pagmulan ng bilyun-bilyong sakdal na inapo. Kaya naman ang unawa natin noon ay na ang buhay ni Jesus at ng lahat ng puwede sanang maging mga sakdal na inapo niya ang tinutukoy na haing katumbas ng buhay ni Adan at ng kaniyang di-sakdal na mga inapo. Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na ang potensiyal na mga supling ni Jesus ay bahagi ng pantubos. Ayon sa Roma 5:15-19, “isang tao” lamang ang kailangang mamatay para mailaan ang pagpapalaya. Oo, ang sakdal na buhay ni Jesus ang katumbas ng kay Adan. Ang pokus ay dapat na kay Jesu-Kristo lang. Posible nang tumanggap ng walang-bayad na kaloob at buhay ang lahat ng uri ng tao dahil sa “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran” ni Jesus​—ang kaniyang landasin ng pagsunod at katapatan hanggang sa kamatayan. (2 Cor. 5:14, 15; 1 Ped. 3:18) Paano nangyari iyon?

Pagpapawalang-Sala Salig sa Pantubos

12, 13. Bakit nangangailangan ng awa at pag-ibig ng Diyos ang mga ipinapahayag na matuwid?

12 Tinanggap ng Diyos na Jehova ang haing pantubos na inihandog ng kaniyang Anak. (Heb. 9:24; 10:10, 12) Pero hindi pa rin sakdal ang mga alagad ni Jesus sa lupa, pati na ang kaniyang tapat na mga apostol. Bagaman sinisikap nilang huwag makagawa ng mali, nagkakasala pa rin sila. Bakit kaya? Dahil sa kanilang minanang kasalanan. (Roma 7:18-20) Pero kaya itong lutasin ng Diyos, at gayon nga ang ginawa niya. Tinanggap niya ang “katumbas na pantubos” at handa niyang ikapit iyon alang-alang sa mga taong lingkod niya.

13 Hindi obligasyon ng Diyos na ikapit sa mga apostol at sa iba pa ang pantubos dahil sa kanilang mabubuting gawa. Sa halip, ikinapit iyon ng Diyos sa kanila dahil sa kaniyang awa at dakilang pag-ibig. Pinawalang-sala niya ang mga apostol at ang iba pa mula sa hatol laban sa kanila, anupat itinuring na sila ay napalaya na sa minanang kasalanan. Sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan nga ng di-sana-nararapat na kabaitang ito ay iniligtas na kayo sa pamamagitan ng pananampalataya; at hindi ito dahil sa inyo, ito ay kaloob ng Diyos.”​—Efe. 2:8.

14, 15. Ano ang gantimpala para sa mga ipinahayag ng Diyos na matuwid, ngunit ano pa ang kailangan nilang gawin?

14 Isip-isipin kung gaano kalaking kaloob mula sa Makapangyarihan-sa-lahat na patawarin ang isang tao mula sa kasalanang minana niya at pati sa mga nagawa niyang pagkakamali! Hindi mabibilang kung gaano karaming kasalanan ang nagawa ng isang indibiduwal bago naging Kristiyano. Gayunman, salig sa pantubos, mapatatawad ng Diyos ang mga kasalanang iyon. Sumulat si Pablo: “Ang kaloob mula sa maraming pagkakamali ay nagbunga ng pagpapahayag ng katuwiran.” (Roma 5:16) Ang mga apostol at ang iba pa na tumanggap ng maibiging kaloob na ito (ang pagpapahayag sa kanila na matuwid) ay kailangang patuloy na sumamba sa tunay na Diyos taglay ang pananampalataya. At ano ang magiging gantimpala? “Yaong mga tumatanggap ng kasaganaan ng di-sana-nararapat na kabaitan at ng walang-bayad na kaloob na katuwiran ay mamamahala bilang mga hari sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Kristo.” Oo, ang epekto ng kaloob na katuwiran ay kabaligtaran ng epekto ng kasalanan ni Adan. Buhay ang dulot ng kaloob na iyon.​—Roma 5:17; basahin ang Lucas 22:28-30.

15 Ang mga tumatanggap ng kaloob na iyon, ang pagpapahayag sa kanila na matuwid, ay nagiging espirituwal na mga anak ng Diyos. Bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, may pag-asa silang buhaying muli tungo sa langit bilang lehitimong mga espiritung anak na “mamamahala bilang mga hari” kasama ni Jesu-Kristo.​—Basahin ang Roma 8:15-17, 23.

Ang Pag-ibig ng Diyos sa Iba

16. Anong kaloob ang maaari nang tanggapin ngayon ng mga may makalupang pag-asa?

16 Hindi lahat ng nananampalataya at naglilingkod sa Diyos bilang tapat na mga Kristiyano ay “mamamahala bilang mga hari” kasama ni Kristo sa langit. Marami ang may salig-Bibliyang pag-asa na katulad ng sa mga lingkod ng Diyos bago ang panahong Kristiyano​—ang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Pero maaari na ba silang tumanggap ngayon ng maibiging kaloob mula sa Diyos anupat itinuturing na matuwid taglay ang pag-asang mabuhay sa lupa? Batay sa isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma, ang nakapagpapatibay na sagot ay oo!

17, 18. (a) Dahil sa pananampalataya ni Abraham, paano siya itinuring ng Diyos? (b) Bakit maituturing ni Jehova si Abraham bilang matuwid?

17 Tinalakay ni Pablo ang isang napakagandang halimbawa, si Abraham, isang taong may pananampalataya na nabuhay bago ibigay ni Jehova sa Israel ang kodigo ng kautusan at bago pa buksan ni Kristo ang daan tungo sa makalangit na buhay. (Heb. 10:19, 20) Mababasa natin: “Hindi sa pamamagitan ng kautusan tinanggap ni Abraham o ng kaniyang binhi ang pangako na siya ay magiging tagapagmana ng isang sanlibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran dahil sa pananampalataya.” (Roma 4:13; Sant. 2:23, 24) Kaya ang tapat na si Abraham ay itinuring ng Diyos bilang matuwid.​—Basahin ang Roma 4:20-22.

18 Hindi ito nangangahulugang hindi kailanman nagkasala si Abraham sa panahong naglilingkod siya kay Jehova. Hindi iyan ang ibig sabihin ng pagiging matuwid niya. (Roma 3:10, 23) Ngunit dahil sa Kaniyang walang-hanggang karunungan, pinahalagahan ni Jehova ang pambihirang pananampalataya ni Abraham na may kalakip na mga gawa. Partikular nang nanampalataya si Abraham sa ipinangakong “binhi” na magmumula sa kaniyang angkan. Ang Binhi na iyon ay ang Mesiyas, o Kristo. (Gen. 15:6; 22:15-18) Kaya naman salig sa “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus,” maaaring patawarin ng banal na Hukom ang mga kasalanang nagawa sa nagdaang panahon. Sa gayon, si Abraham at ang iba pang may pananampalataya bago ang panahong Kristiyano ay tiyak na bubuhaying muli.​—Basahin ang Roma 3:24, 25; Awit 32:1, 2.

Magkaroon ng Matuwid na Katayuan Ngayon

19. Bakit dapat makapagpatibay sa marami ngayon ang pagturing ng Diyos kay Abraham bilang matuwid?

19 Ang pagturing ng Diyos kay Abraham bilang matuwid ay dapat makapagpatibay sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Hindi siya ipinahayag ni Jehova na matuwid sa diwa na pinahiran siya ng espiritu para maging isa sa “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” Ang maliit na grupong iyon ay “tinawag upang maging mga banal” at tinanggap bilang “mga anak ng Diyos.” (Roma 1:7; 8:14, 17, 33) Pero si Abraham ay itinuring na “kaibigan ni Jehova”​—bago pa man inihandog ang haing pantubos. (Sant. 2:23; Isa. 41:8) Kumusta naman ang mga tunay na Kristiyano na umaasang mabuhay sa isinauling Paraiso sa lupa?

20. Ano ang inaasahan ng Diyos sa mga itinuturing niyang matuwid ngayon, gaya ni Abraham?

20 Sila ay hindi binigyan ng “walang-bayad na kaloob na katuwiran” na may makalangit na pag-asa “sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.” (Roma 3:24; 5:15, 17) Gayunman, lubos silang nananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga paglalaan, at ipinakikita nila ito sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Isa na rito ang ‘pangangaral ng kaharian ng Diyos at pagtuturo ng mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo.’ (Gawa 28:31) Sa gayon, maituturing sila ni Jehova bilang matuwid gaya ni Abraham. Ang kaloob na ibinibigay sa kanila​—ang pakikipagkaibigan sa Diyos​—ay iba sa “walang-bayad na kaloob” na ibinibigay sa mga pinahiran. Pero buong-puso nila itong tinatanggap at ipinagpapasalamat.

21. Paano tayo nakikinabang sa pag-ibig at katarungan ni Jehova?

21 Kung ang pag-asa mo ay buhay na walang hanggan sa lupa, dapat mong maunawaan na ang oportunidad na ito ay hindi kapritso lang ng isang tagapamahalang tao. Sa halip, masasalamin dito ang matalinong layunin ng Soberano ng Uniberso. Gumawa si Jehova ng mga hakbang para matupad ang kaniyang layunin. Ang mga ito ay kaayon ng tunay na katarungan. Higit pa riyan, makikita sa mga ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Kaya naman masasabi ni Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.”​—Roma 5:8.

[Talababa]

^ par. 11 Halimbawa, ang pangmalas na ito tungkol sa mga inapo o supling ay tinalakay sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2, pahina 845, parapo 2 at 3.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang minana ng mga supling ni Adan, at ano ang resulta?

• Paano inilaan ang katumbas na pantubos, at ano ang tinutumbasan nito?

• Anong mga pagpapala ang maaasahan ng mga itinuturing ni Jehova bilang matuwid?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Nagkasala ang sakdal na taong si Adan. Ibinigay naman ng sakdal na taong si Jesus ang “katumbas na pantubos”

[Larawan sa pahina 15]

Isa ngang mabuting balita​—maaari tayong ipahayag na matuwid sa pamamagitan ni Jesus!