Kilala Ka ba ni Jehova?
Kilala Ka ba ni Jehova?
“Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.”—2 TIM. 2:19.
1, 2. (a) Ano ang mahalaga kay Jesus? (b) Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan?
MINSAN, isang Pariseo ang lumapit kay Jesus at nagtanong: “Alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” Sumagot si Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mat. 22:35-37) Iniibig ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama at mahalaga sa kaniya ang katayuan niya kay Jehova. Ipinakita niya ito sa kaniyang paraan ng pamumuhay. Bago siya mamatay, masasabi ni Jesus na kilala siya ng Diyos bilang isa na naging masunurin sa Kaniyang mga utos. Kaya naman nanatili siya sa pag-ibig ni Jehova.—Juan 15:10.
2 Marami ang nagsasabing iniibig nila ang Diyos. Tiyak na kasama tayo riyan. Pero may mahahalagang tanong na dapat nating pag-isipan: ‘Kilala ba ako ng Diyos? Ano ang tingin sa akin ni Jehova? Kinikilala ba ako ni Jehova bilang nauukol sa kaniya?’ (2 Tim. 2:19) Napakalaking pribilehiyo na magkaroon ng gayong malapít na kaugnayan sa Soberano ng uniberso!
3. Bakit nag-aalinlangan ang ilan kung maaari silang kilalanin ni Jehova? Ano ang makatutulong para mapaglabanan ang gayong kaisipan?
3 Pero kahit ang ilang umiibig kay Jehova ay nag-aalinlangan kung maaari silang kilalanin ng Diyos nang may pagsang-ayon. Nadarama nila na sila’y walang halaga, kaya iniisip nila kung maaari nga ba silang maging pag-aari ni Jehova. Mabuti na lang at iba ang pangmalas sa atin ng Diyos! (1 Sam. 16:7) Sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Kung iniibig ng sinuman ang Diyos, ang isang ito ay kilala niya.” (1 Cor. 8:3) Ang pag-ibig mo sa Diyos ay isang mahalagang kahilingan para kilalanin ka niya. Pag-isipan ito: Bakit mo binabasa ang magasing ito? Bakit ka nagsisikap maglingkod kay Jehova nang iyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas? Kung ikaw ay nag-alay na sa Diyos at nagpabautismo, ano ang nag-udyok sa iyo na gawin ito? Sinasabi ng Bibliya na inilalapit ni Jehova, na sumusuri ng mga puso, ang mga kanais-nais sa kaniya. (Basahin ang Hagai 2:7; Juan 6:44.) Kaya masasabi mo na naglilingkod ka kay Jehova dahil inilapit ka niya sa kaniya. At hindi niya iiwan ang mga inilapit niya sa kaniya kung mananatili silang tapat. Mahalaga sila sa kaniya, at mahal na mahal niya sila.—Awit 94:14.
4. Bakit dapat tayong maging palaisip sa ating katayuan sa Diyos?
4 Kapag inilapit na tayo ni Jehova sa kaniya, dapat tayong magsikap na manatili sa kaniyang pag-ibig. (Basahin ang Judas 20, 21.) Tandaan natin na ayon sa Bibliya, posible na tayo’y maanod papalayo o lumayo pa nga mula sa Diyos. (Heb. 2:1; 3:12, 13) Halimbawa, bago ang pananalita sa 2 Timoteo 2:19, binanggit ni apostol Pablo sina Himeneo at Fileto. Maliwanag na dating naglilingkod kay Jehova ang dalawang lalaking ito, pero nang maglaon ay iniwan nila ang katotohanan. (2 Tim. 2:16-18) Alalahanin din na sa mga kongregasyon sa Galacia, ang ilan na nakilala na ng Diyos ay hindi nanatili sa espirituwal na liwanag. (Gal. 4:9) Huwag nawa nating ipagwalang-bahala ang ating napakahalagang katayuan sa Diyos.
5. (a) Ano ang ilang katangiang napakahalaga sa Diyos? (b) Anong mga halimbawa ang tatalakayin natin?
Awit 15:1-5; 1 Ped. 3:4) Dalawa sa mga ito ang pananampalataya at kapakumbabaan. Pag-usapan natin ang halimbawa ng dalawang lingkod ng Diyos at tingnan natin kung paano sila napamahal kay Jehova dahil sa mga katangiang ito. Susuriin din natin ang halimbawa ng isang taong nag-akalang kilala siya ng Diyos pero naging mapagmapuri at itinakwil ni Jehova. May mapupulot tayong aral sa mga lalaking ito.
5 May mga katangian na napakahalaga kay Jehova. (Ang Ama ng Lahat Niyaong May Pananampalataya
6. (a) Dahil may pananampalataya si Abraham sa mga pangako ni Jehova, ano ang ginawa niya? (b) Bakit masasabing talagang kilala ni Jehova si Abraham?
6 Si Abraham ay isang taong “nanampalataya kay Jehova.” Sa katunayan, tinawag siyang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.” (Gen. 15:6; Roma 4:11) Sa pananampalataya, iniwan ni Abraham ang kaniyang tahanan, mga kaibigan, at mga ari-arian para pumaroon sa malayong lupain. (Gen. 12:1-4; Heb. 11:8-10) Matibay pa rin ang pananampalataya ni Abraham pagkalipas ng maraming taon. Nakita ito nang ‘para na rin niyang inihandog si Isaac’ na kaniyang anak bilang pagsunod sa utos ni Jehova. (Heb. 11:17-19) Nagpakita si Abraham ng pananampalataya sa mga pangako ni Jehova kaya naging espesyal siya sa Diyos; talagang kilala Niya si Abraham. (Basahin ang Genesis 18:19.) Hindi lang basta alam ni Jehova na umiiral si Abraham; itinuring Niya siyang kaibigan.—Sant. 2:22, 23.
7. Natupad ba ang mga pangako ni Jehova noong nabubuhay pa si Abraham? Paano ito nakaapekto sa kaniya?
7 Kapansin-pansin na hindi natanggap ni Abraham ang lupaing ipinangako sa kaniya noong nabubuhay pa siya. Hindi rin niya nakitang naging “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat” ang kaniyang binhi. (Gen. 22:17, 18) Sa kabila nito, pinanatili niyang matibay ang kaniyang pananampalataya kay Jehova. Alam niya na kapag nangako ang Diyos, tiyak na matutupad ito. Oo, namuhay si Abraham kaayon ng pananampalatayang iyon. (Basahin ang Hebreo 11:13.) Kilala ba tayo ni Jehova bilang may pananampalatayang tulad ng kay Abraham?
Tanda ng Pananampalataya ang Maghintay kay Jehova
8. Anong mga bagay ang gustong makamit ng karamihan?
8 May mga bagay na gusto nating makamit, gaya ng pag-aasawa, pagkakaroon ng anak, at mabuting kalusugan. Hindi masamang maghangad
ng mga ito. Pero para sa marami, baka mahirap makamit ang mga ito. Paano kung ganiyan ang sitwasyon natin? Masusukat ang ating pananampalataya sa ating magiging desisyon.9, 10. (a) Ano ang ginagawa ng ilan para makamit ang kanilang mga hangarin? (b) Ano ang nadarama mo kapag hindi natutupad sa panahong gusto mo ang mga pangako ng Diyos?
9 Hindi katalinuhang labagin ang mga simulain ng Bibliya para lang makamit ang mga bagay na ito. Makasisira ito sa ating kaugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilan ay pumili ng paraan ng paggamot na salungat sa payo ni Jehova. Ang iba naman ay pumili ng trabaho na naglalayo sa kanila sa pamilya o nakaaapekto sa kanilang pagdalo sa mga pulong. May iba na nanliligaw o nagpapaligaw sa di-kapananampalataya. Kung ganiyan ang ginagawa ng isang Kristiyano, talaga bang nagsisikap siyang kilalanin siya ni Jehova? Ano kaya ang madarama ni Jehova kung nainip si Abraham sa katuparan ng Kaniyang mga pangako? Paano kung ipinasiya ni Abraham na pumirme sa isang lugar at gumawa ng bantog na pangalan para sa kaniyang sarili? (Ihambing ang Genesis 11:4.) Patuloy pa kaya siyang kikilalanin ni Jehova?
10 Anong mga bagay ang gusto mong makamit? Matibay ba ang pananampalataya mo anupat makapaghihintay ka kay Jehova, na nangakong sasapatan ang iyong wastong mga hangarin? (Awit 145:16) Gaya sa kaso ni Abraham, baka ang ilan sa mga pangako ng Diyos ay hindi matupad sa panahong gusto natin. Pero kung patuloy tayong magpapakita ng pananampalatayang tulad ng kay Abraham, gagantimpalaan tayo ni Jehova.—Heb. 11:6.
Isang Mapagpakumbaba at Isang Mapagmapuri
11. Ano ang posibleng naging mga pribilehiyo ni Kora at ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa kaniyang kaugnayan sa Diyos?
11 Pag-usapan natin ang magkaibang halimbawa nina Moises at Kora. Makikita natin sa halimbawa nila na ang ating katayuan kay Jehova ay nakadepende sa paggalang natin sa kaniyang mga desisyon at mga kaayusan. Si Kora ay isang Kohatitang Levita na maraming pribilehiyo. Halimbawa, malamang na nakita niya ang pagliligtas sa Israel sa Dagat na Pula. Posible ring nagkaroon siya ng papel sa paglalapat ng hatol ni Jehova laban sa masuwaying mga Israelita sa Bundok Sinai at sa pagdadala ng kaban ng tipan. (Ex. 32:26-29; Bil. 3:30, 31) Maliwanag na naging tapat siya kay Jehova sa loob ng maraming taon at iginagalang ng marami sa kampo ng Israel.
12. Gaya ng makikita sa larawan sa pahina 28, paano nakaapekto ang pagmamapuri ni Kora sa kaniyang kaugnayan sa Diyos?
12 Pero noong patungo na sa Lupang Pangako ang mga Israelita, naisip ni Kora na may mali sa kaayusan ni Jehova. Gusto niyang gumawa ng mga pagbabago. Pagkatapos, 250 iba pang nangungunang lalaki sa bansa ang pumanig kay Kora. Tiwalang-tiwala sila na matibay ang kaugnayan nila kay Jehova. Nagreklamo sila kina Moises: “Tama na kayo, sapagkat ang buong kapulungan ay banal na lahat at si Jehova ay nasa gitna nila.” (Bil. 16:1-3) Talagang sobra ang tiwala niya sa sarili at masyado siyang mapagmapuri! Sinabi sa kanila ni Moises: “Ipakikilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya.” (Basahin ang Bilang 16:5.) Bago matapos ang sumunod na araw, patay na si Kora at ang lahat ng rebeldeng pumanig sa kaniya.—Bil. 16:31-35.
13, 14. Paano nagpakita si Moises ng kapakumbabaan?
13 Sa kabaligtaran, si Moises ay “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Nagpakita siya ng kaamuan at kapakumbabaan sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga utos ni Jehova. (Ex. 7:6; 40:16) Sa Bibliya, wala tayong mababasa na laging kinukuwestiyon ni Moises ang kaayusan ni Jehova ni nainis man siya dahil kailangan siyang sumunod sa mga tagubilin ni Jehova. Halimbawa, hinggil sa pagtatayo ng tabernakulo, ibinigay ni Jehova kahit ang kaliit-liitang detalye gaya ng kulay ng sinulid at dami ng silo na gagamitin sa paggawa ng mga telang pantolda. (Ex. 26:1-6) Sa ngayon, kung may isang tagapangasiwa sa organisasyon ng Diyos na nagbibigay sa iyo ng tagubilin na sa tingin mo’y napakadetalyado, baka mainis ka. Pero si Jehova ay isang sakdal na tagapangasiwa. Binibigyan niya ng atas ang kaniyang mga lingkod at nagtitiwala siyang gagampanan nila itong mabuti. Kapag detalyado ang tagubilin niya, tiyak na may mabuti siyang dahilan. Pansinin na hindi nainis si Moises sa gayong mga tagubilin. Hindi niya inisip na minamaliit siya o hinihigpitan ni Jehova. Sa halip, tiniyak ni Moises na gagawin ng mga manggagawa nang “gayung-gayon” ang iniutos ng Diyos. (Ex. 39:32) Talagang mapagpakumbaba siya! Alam niyang kay Jehova ang gawaing ito at na isa lamang siyang kasangkapan para matapos ito.
14 Nakita rin ang kapakumbabaan ni Moises nang mapaharap siya sa di-kaayaayang kalagayan na nakaapekto sa kaniya nang husto. Sa isang pagkakataon, nawalan siya ng pagpipigil sa sarili dahil sa pagrereklamo ng mga Israelita at hindi siya nakapagbigay ng kaluwalhatian kay Jehova. Dahil dito, sinabi ni Jehova kay Moises na hindi siya ang magdadala sa mga Israelita sa Lupang Pangako. (Bil. 20:2-12) Sa loob ng maraming taon, tiniis ng magkapatid na sina Moises at Aaron ang pagbubulung-bulungan ng mga Israelita. Pagkatapos, dahil lang sa isang pagkakamali, hindi makakamit ni Moises ang bagay na napakatagal niyang hinintay! Paano siya tumugon? Bagaman nadismaya, mapagpakumbaba niyang tinanggap ang desisyon ni Jehova. Alam niyang si Jehova ay isang matuwid na Diyos, na sa Kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan. (Deut. 3:25-27; 32:4) Kumbinsido ka ba na si Moises ay kilala ni Jehova?—Basahin ang Exodo 33:12, 13.
Kailangan ang Kapakumbabaan sa Pagpapasakop kay Jehova
15. Ano ang matututuhan natin sa pagmamapuri ni Kora?
15 Para kilalanin tayo ni Jehova, napakahalagang tanggapin ang mga pagbabago sa kongregasyon at igalang ang desisyon ng
mga nangunguna. Dahil sa sobrang tiwala sa sarili, pagmamapuri, at kawalan ng pananampalataya, si Kora at ang kaniyang mga kasamahan ay napalayo sa Diyos. Sa pangmalas ni Kora, si Moises ay isa lang matandang lalaki na gumagawa ng sariling desisyon. Nakalimutan niya na si Jehova ang totoong umaakay sa Israel at hindi siya naging tapat sa mga inatasan ng Diyos. Dapat sana’y hinintay ni Kora na linawin ni Jehova ang mga bagay-bagay o hinayaang si Jehova ang gumawa ng mga pagbabago kung talagang kailangan. Dahil sa kaniyang pagmamapuri, sinira ni Kora ang kaniyang rekord ng tapat na paglilingkod!16. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Moises?
16 Ang ulat na ito ay isang seryosong babala para sa mga elder at sa iba pa sa kongregasyon sa ngayon. Kailangan ang kapakumbabaan sa paghihintay kay Jehova at sa pagsunod sa tagubilin ng mga inatasang manguna. Tayo ba ay mapagpakumbaba at mahinahong-loob gaya ni Moises? Kinikilala ba natin ang mga nangunguna sa atin at nagpapasakop ba tayo sa mga tagubilin? Kaya ba nating kontrolin ang ating damdamin kapag nadidismaya tayo? Kung gayon, kikilalanin tayo ni Jehova. Mapapamahal tayo sa kaniya kung tayo’y mapagpakumbaba at mapagpasakop.
Kilala ni Jehova ang mga Nauukol sa Kaniya
17, 18. Ano ang dapat nating gawin para patuloy tayong kilalanin ni Jehova?
17 Magandang bulay-bulayin ang halimbawa ng mga inilapit ni Jehova sa kaniyang sarili at kinilala nang may pagsang-ayon. Sina Abraham at Moises ay di-sakdal at may mga kapintasang tulad natin. Pero kilala sila ni Jehova bilang mga nauukol sa kaniya. Sa kabaligtaran, ipinakikita ng nangyari kay Kora na posibleng mapalayo tayo kay Jehova at sa gayo’y hindi na niya kilalanin nang may pagsang-ayon. Kaya makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Ano ang pangmalas sa akin ni Jehova? Ano ang matututuhan ko sa mga halimbawang ito?’
18 Nakatutuwang malaman na itinuturing ni Jehova na nauukol sa kaniya ang kaniyang tapat na mga lingkod. Kaya patuloy mong ipakita ang mga katangiang gaya ng pananampalataya at kapakumbabaan. Lalo kang mapapamahal sa ating Diyos. Tiyak na isang pribilehiyo na kilalanin tayo ni Jehova. Ang mga sinasang-ayunan ni Jehova ay may maligayang buhay ngayon at kamangha-manghang mga pagpapala sa hinaharap.—Awit 37:18.
Natatandaan Mo Ba?
• Anong napakahalagang katayuan kay Jehova ang puwede nating matamo?
• Paano mo matutularan ang pananampalataya ni Abraham?
• Anong mga aral ang mapupulot natin sa halimbawa nina Kora at Moises?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Gaya ni Abraham, may pananampalataya ba tayo na lubusang tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako?
[Larawan sa pahina 28]
Ayaw sumunod ni Kora sa mga tagubilin
[Larawan sa pahina 29]
Kilala ka ba ni Jehova bilang isa na mapagpakumbabang sumusunod sa mga tagubilin?