‘Patuloy na Magbantay’—Bakit Napakahalaga?
‘Patuloy na Magbantay’—Bakit Napakahalaga?
“ANO ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat. 24:3) Bilang sagot, binigyan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng isang malinaw, detalyado, kapansin-pansin, at di-mapag-aalinlanganang tanda na nakaulat sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21. Idinagdag niya: “Patuloy kayong magbantay.”—Mat. 24:42.
Pero bakit sinabi pa ito ni Jesus kung malinaw na ang tanda? Pag-isipan ang dalawang posibleng dahilan. Una, baka dahil sa mga pang-abala ay maipagwalang-bahala ng ilan ang tanda, manghina sila sa espirituwal, at hindi na maging mapagbantay. Ikalawa, baka nakikita ng isang Kristiyano ang mga detalye ng tanda, pero hindi niya nadarama ang epekto ng mga ito sa kanilang lugar. Kaya naman baka isipin niya na ang “malaking kapighatian”—ang kasukdulan ng hula ni Jesus—ay malayo pa kaya hindi niya kailangang ‘patuloy na magbantay.’—Mat. 24:21.
“Hindi Sila Nagbigay-Pansin”
Ipinaalaala ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang tungkol sa mga tao noong panahon ni Noe. Imposibleng hindi mapansin ng mga ito ang pangangaral ni Noe, ang pagtatayo niya ng napakalaking arka, at ang karahasan noong panahon nila. Gayunman, karamihan sa kanila ay “hindi . . . nagbigay-pansin.” (Mat. 24:37-39) Ganiyan din ang saloobin ng mga tao sa ngayon. Halimbawa, napakalinaw ng mensahe sa mga speed-limit sign, pero marami ang hindi sumusunod. Kadalasan, ang mga awtoridad ay naglalagay ng mga hump sa kalsada para mapilitan ang mga drayber na bagalan ang pagmamaneho. Sa katulad na paraan, maaaring alam ng isang Kristiyano ang tanda ng mga huling araw, pero baka masangkot pa rin siya sa mga gawaing makagagambala sa paglilingkod niya kay Jehova. Ganiyan ang nangyari kay Arielle, isang kabataan sa Kanlurang Aprika.
Mahilig manood si Arielle ng larong women’s handball sa TV. Nang bumuo ng team ang kanilang paaralan, sabik na sabik siyang makapaglaro kaya hindi niya naisip ang mga panganib nito sa espirituwalidad niya. Nagpatala siya bilang goalkeeper. Ano ang nangyari? Sinabi niya: “Ang ilang ka-team ko ay may mga boyfriend na nagdodroga at naninigarilyo. Pinagtawanan nila ako dahil naiiba ako, pero sinabi ko sa sarili kong makakaya ko ’yon. Di ko akalaing ang laro mismo ang magpapahina sa aking espirituwalidad. Wala na akong inisip kundi handball. Kahit sa pulong, madalas lumilipad ang isip ko. Naapektuhan din ang aking Kristiyanong personalidad. Ang hilig ko sa paglalaro ay napalitan ng espiritu ng pakikipagkompetisyon. Nagpapraktis ako nang husto. Nagsimula akong mai-stress. Ipinagpalit ko pa nga sa handball ang mga kaibigan ko.
“Ang pinakamasaklap ay noong bigyan ng penalty shot ang mga kalaban namin sa isang
laro. Nakapuwesto na ako at nag-aabang. Di ko namalayan, nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong i-block ang bola! Dahil dito, nakita ko kung gaano na ako kahina sa espirituwal. Paano ako nakabawi?“Napanood ko na ang DVD natin na Young People Ask—What Will I Do With My Life? * Pinanood ko ito muli at sineryoso. Pareho kami ng sitwasyon ni André, ang kabataang itinampok sa drama. Tinandaan ko ang mungkahi ng elder kay André—basahin at pag-isipan ang Filipos 3:8. Iyan ang nag-udyok sa akin na magbitiw sa team.
“Ang laking tulong niyan sa akin! Nawala ang hilig kong makipagkompetisyon pati na ang stress. Mas masaya na ako at mas malapít sa mga kaibigang Kristiyano. Mas napahalagahan ko ang espirituwal na mga gawain. Nakakapag-concentrate na ako at nasisiyahan sa mga pulong. Napasulong ko rin ang aking ministeryo. Regular na akong nag-o-auxiliary pioneer.”
Kung dahil sa mga pang-abala ay naipagwawalang-bahala mo ang tanda na ibinigay ni Jesus, kumilos ka gaya ni Arielle. Subukan ang alinman sa mga sumusunod. Gamitin ang Watch Tower Publications Index, na tinaguriang isang mapa sa natatagong kayamanan. Mayroon itong mga reperensiya sa mahuhusay na payo at mga karanasan ng iba na napaharap sa mga tukso. Makinabang sa mga pulong sa pamamagitan ng paghahandang mabuti at pagkuha ng nota. Para sa iba, nakatutulong ang pag-upo sa unahan ng bulwagan. Kapag may talakayan, sikaping magkomento sa simula pa lang. Para manatiling gising sa espirituwal, iugnay ang kasalukuyang mga balita sa mga bahagi ng tanda at iba pang pagkakakilanlan ng “mga huling araw.”—2 Tim. 3:1-5; 2 Ped. 3:3, 4; Apoc. 6:1-8.
‘Maging Handa Kayo’
Ang tanda ng mga huling araw ay pambuong-daigdig—saklaw nito ang “buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:7, 14) Milyun-milyon ang nakatira sa mga lugar na dumaranas ng salot, kakapusan sa pagkain, lindol, at iba pang inihulang pangyayari. Pero ang iba naman ay nakatira sa mga lugar na mas tahimik at tiwasay. Kung hindi mo pa personal na nararanasan ang ilang aspekto ng tanda, iisipin mo bang napakalayo pa ng malaking kapighatian? Hindi tama iyan.
Halimbawa, pag-isipan ang hula ni Jesus tungkol sa “mga salot at mga kakapusan sa pagkain.” (Luc. 21:11) Una, hindi niya sinabi na ang mga ito ay sabay-sabay na mangyayari sa lahat ng lugar at sa magkakaparehong antas. Sa halip, sinabi niya na ang mga ito ay mangyayari sa “iba’t ibang dako.” Kaya hindi natin dapat asahang sabay-sabay na magaganap ang pare-parehong pangyayari sa lahat ng lugar. Ikalawa, matapos banggitin ni Jesus ang mga kakapusan sa pagkain, ipinahiwatig niya na ang ilan sa kaniyang mga tagasunod ay dapat mag-ingat na huwag magpakalabis sa pagkain: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain.” (Luc. 21:34) Kaya hindi dapat isipin ng lahat ng Kristiyano na mararanasan nila ang bawat aspekto ng tanda. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Luc. 21:31) Dahil sa makabagong komunikasyon, nakikita natin ang lahat ng aspekto ng tanda, anuman ang nararanasan natin sa ating lugar.
Tandaan din na itinakda na ni Jehova ang “araw at oras” ng pasimula ng malaking kapighatian. (Mat. 24:36) Hindi ito mababago ng takbo ng mga pangyayari sa lupa.
Pinayuhan ni Jesus ang mga Kristiyano sa lahat ng lugar: ‘Maging handa kayo.’ (Mat. 24:44) Dapat na lagi tayong handa. Siyempre, hindi naman posibleng maghapon tayong makikibahagi sa mga gawaing teokratiko araw-araw. At hindi natin alam kung ano ang ginagawa natin sa sandaling magsimula ang malaking kapighatian. Baka ang ilan ay nagtatrabaho sa bukid o sa bahay. (Mat. 24:40, 41) Kaya paano tayo magiging handa?
Sina Emmanuel, Victorine, at ang kanilang anim na anak na babae ay nakatira sa isang lugar sa Aprika kung saan hindi nila masyadong nararamdaman ang epekto ng mga aspekto ng tanda. Kaya nagpasiya silang pag-usapan ang espirituwal na mga bagay araw-araw para maging handa sila. Sinabi ni Emmanuel: “Noong una, mahirap humanap ng oras na kumbinyente sa lahat. Sa wakas, pinili namin ang alas seis hanggang alas seis y media ng umaga. Pagkatapos talakayin ang pang-araw-araw na teksto, pinag-aaralan namin ang ilang parapo sa isang publikasyon na gagamitin sa pulong sa linggong iyon.” Nakatulong ba ito sa kanila para manatiling gising sa espirituwal? Oo! Si Emmanuel ang koordineytor ng lupon ng matatanda sa kanilang kongregasyon. Madalas namang mag-auxiliary pioneer si Victorine, at marami na siyang natulungang tumanggap ng katotohanan. Sumusulong sa espirituwal ang lahat ng kanilang anak.
Nagpayo si Jesus: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising.” (Mar. 13:33) Huwag hayaang antukin ka sa espirituwal dahil sa mga pang-abala. Sa halip, gaya ni Arielle, bigyang-pansin ang mahuhusay na payo sa ating mga publikasyon at sa mga pulong sa kongregasyon. At gaya ng pamilya ni Emmanuel, sa araw-araw ay pagsikapang maging handa at ‘patuloy na magbantay.’
[Talababa]
^ par. 8 Isang makabagong-panahong drama tungkol sa pakikipagpunyagi ng isang kabataang Kristiyano na gawin ang tama sa paningin ni Jehova.
[Larawan sa pahina 4]
Ang araw-araw na pag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay ay nakatutulong sa pamilya ni Emmanuel na ‘maging handa’