Mula sa Aming Archive
“Lalong Napapamahal sa Akin ang Gawain Ko Bilang Colporteur”
NOONG 1886, sandaang kopya ng Millennial Dawn, Tomo I, ang ibiniyahe mula sa Bible House sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A., patungong Chicago, Illinois. Umaasa si Charles Taze Russell na maipamamahagi ang bagong tomo sa mga tindahan ng mga aklat. Isa sa pinakamalalaking kompanya sa Estados Unidos na namamahagi ng mga aklat tungkol sa relihiyon ang tumanggap ng consignment ng Millennial Dawn. Pero makalipas ang dalawang linggo, bumalik sa Bible House ang lahat ng aklat.
Diumano, isang kilalang ebanghelista ang nagalit nang makita niyang nakadispley ang Millennial Dawn kasama ng kaniyang mga aklat. Nagbanta siya na kung mananatili sa istante ang Millennial Dawn, aalisin niya at ng kaniyang sikát na mga kaibigang ebanghelista ang kanilang mga aklat at ililipat ang kanilang negosyo sa ibang lugar. Napilitan ang distributor na ibalik ang mga aklat na Dawn. Mayroon na ring advertisement sa mga pahayagan tungkol sa tomong ito, pero ipinakansela ng mga mananalansang ang mga kontrata para sa mga advertisement. Paano makararating sa mga naghahanap ng katotohanan ang bagong publikasyong ito?
Ang mga colporteur ang naging kasagutan. * Noong 1881, nanawagan ang Zion’s Watch Tower para sa 1,000 mángangarál na buong-panahong mamamahagi ng mga literatura sa Bibliya. Bagaman iilang daan lang ang mga colporteur noon, malawakan nilang naihasik ang mga binhi ng katotohanan sa pamamagitan ng ating mga literatura. Pagsapit ng 1897, halos isang milyong Dawn ang naipamahagi, pangunahin na ng mga colporteur. Marami sa kanila ang umaasa sa maliit na reimbursement na natatanggap nila sa bawat suskripsiyon ng Watch Tower o bawat aklat na naipapasakamay nila.
Sino ang walang-takot na mga colporteur na ito? Ang ilan ay nagsimula sa karerang ito noong tin-edyer pa sila, at ang iba naman ay noong may-edad na sila. Marami sa kanila ang walang asawa o may asawa pero walang mga anak. Marami-rami ring pamilya ang sumali. Ang mga regular na colporteur ay halos maghapon sa gawain, at ang mga auxiliary colporteur naman ay gumugugol ng isa o dalawang oras araw-araw. Hindi lahat ay nakakapasok sa gawaing ito; ang iba ay nalilimitahan ng kanilang kalusugan o kalagayan. Pero sa isang kombensiyon noong 1906, ang mga nasa kalagayang mag-colporteur ay sinabihan na hindi nila kailangang maging “napakaedukado, napakatalino, o may dila ng isang anghel.”
Sa halos lahat ng kontinente, nakagawa ng pambihirang gawain ang ordinaryong mga taong ito. Tinataya ng isang brother na sa loob ng pitong taon,
nakapagpasakamay siya ng 15,000 aklat. Pero sinabi niya, “Hindi ako naging colporteur para maging ahente ng libro, kundi para maging saksi para kay Jehova at sa kaniyang katotohanan.” Saanman magtungo ang mga colporteur, nag-uugat ang mga binhi ng katotohanan at dumarami ang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya.Tinuya ng mga klerigo ang mga colporteur at tinawag silang mga tagapaglako ng aklat. Ganito ang komento ng Watch Tower noong 1892: “Kakaunti lang ang kumikilala sa [kanila] bilang tunay na mga kinatawan ng Panginoon, o nakababatid sa pagpapahalaga ng Panginoon sa kanilang kapakumbabaan at pagsasakripisyo.” Inamin ng isang sister na hindi madali ang buhay ng mga colporteur. Kailangan nila ng matibay na sapatos at bisikleta sa paglalakbay. Sa mga lugar kung saan mahirap ang pera, ipinakikipagpalit ng mga colporteur sa pagkain ang mga aklat. Pagkatapos ng maghapong paglilingkod, ang maliligayang mángangarál ay umuuwi sa kanilang tolda o inuupahang silid. Di-nagtagal, gumamit sila ng Colporteur Wagon, isang pasadyang house car, para makatipid sa oras at pera. *
Pasimula sa kombensiyon na ginanap sa Chicago noong 1893, isinama sa programa ang espesyal na mga sesyon para sa mga colporteur. Itinampok dito ang paglalahad ng mga karanasan, mungkahing teknik sa pangangaral, at praktikal na mga payo. Sa isa sa mga sesyon na iyon, pinayuhan ni Brother Russell ang masisipag na mángangarál na mag-almusal nang mabuti, uminom ng isang basong gatas bilang meryenda sa umaga, at mag-ice-cream soda kapag mainit ang panahon.
Ang mga colporteur na naghahanap ng partner sa pangangaral ay nagsusuot ng laso na kulay dilaw. Ang baguhang mga colporteur ay sumasama sa mga makaranasan. Lumilitaw na talagang kailangan ang gayong pagsasanay. Halimbawa, dahil sa nerbiyos, ipinakita ng isang baguhang colporteur sa may-bahay ang mga aklat at sinabi, “Ayaw mo nito, di ba?” Mabuti na lang at tinanggap ng may-bahay ang mga aklat at naging Saksi siya.
Isang brother ang nag-isip, ‘Mas gusto ko ba ang maalwang sitwasyon ko ngayon at mag-abuloy ng $1,000 (U.S.) taun-taon sa gawain, o dapat ba akong maging colporteur?’ Sinabi sa kaniya na pareho itong pahahalagahan ng Panginoon, pero ang tuwirang pagbibigay niya ng panahon para sa Panginoon ay magdudulot sa kaniya ng mas malalaking pagpapala. Napatunayan ni Mary Hinds na ang gawaing pagko-colporteur ang “pinakamainam na paraan para makatulong sa pinakamaraming tao.” Sinabi naman ng mahiyaing si Alberta Crosby, “Sa araw-araw, lalong napapamahal sa akin ang gawain ko bilang Colporteur.”
Sa ngayon, ipinagpapatuloy ng maraming literal at espirituwal na mga inapo ng masisigasig na colporteur ang kanilang espirituwal na pamana. Kung wala pang colporteur o payunir sa inyong angkan, bakit hindi ninyo pasimulan ang tradisyong ito sa inyong pamilya? Araw-araw, mapapamahal din sa inyo ang buong-panahong pangangaral.
[Mga talababa]
^ par. 5 Pagkaraan ng 1931, ang terminong “colporteur” ay pinalitan ng “payunir.”
^ par. 8 Lilitaw sa isang isyu sa hinaharap ang mga detalye tungkol sa mga house car.
[Blurb sa pahina 32]
Hindi nila kailangang maging “napakaedukado, napakatalino, o may dila ng isang anghel”
[Larawan sa pahina 31]
Ang colporteur na si A. W. Osei sa Ghana, noong mga 1930
[Mga larawan sa pahina 32]
Itaas: Ang mga colporteur na sina Edith Keen at Gertrude Morris sa Inglatera, noong mga 1918; ibaba: sina Stanley Cossaboom at Henry Nonkes sa Estados Unidos, at ang mga karton na pinaglagyan ng mga aklat na naipasakamay nila