Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Marunong—Humanap ng “Mahusay na Patnubay”

Maging Marunong—Humanap ng “Mahusay na Patnubay”

Kung minsan, ang buhay ay inihahalintulad sa paglalakbay sa dagat. Pero kadalasan, hindi sapat ang karunungan ng tao para maging matagumpay sa paglalakbay na ito. Marami ang napapahamak sa mga unos ng buhay. (Awit 107:23, 27) Bakit angkop ang metaporang ito?

Noong unang panahon, ang paglalakbay sa dagat ay mahirap at nangangailangan ng karanasan. Ito’y sining na kadalasang natututuhan mula sa mga makaranasang magdaragat, marahil sa isang timonero. (Gawa 27:9-11) Sa maraming sinaunang larawan, ipinipinta ang timonero na mas malaki kaysa sa ibang tripulante para ipakita ang kahalagahan ng kaniyang papel. Para makapaglayag sa laot, kailangang pag-aralan ng mga magdaragat ang posisyon ng mga bituin, direksiyon ng hangin, at iba pang palatandaan. Inilalarawan ng Bibliya ang ilang marino bilang mga “dalubhasa,” na maaaring mangahulugang “marunong.”​—Ezek. 27:8.

Ang pagharap sa mga problema sa buhay sa ngayon ay maaaring kasinghirap ng paglalayag sa karagatan noong unang panahon. Ano ang makatutulong sa atin?

PAANO TAYO MAKAKAKUHA NG “MAHUSAY NA PATNUBAY”?

Habang isinasaisip na ang buhay ay parang paglalakbay sa dagat, isaalang-alang ang katotohanang ito sa Bibliya: “Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay.” (Kaw. 1:5, 6) Ang terminong Hebreo na isinaling “mahusay na patnubay” ay maaaring naglalarawan sa pagkilos ng kumandante ng isang sinaunang barko. Nagpapahiwatig ito ng kakayahang gumabay at pumatnubay nang may kasanayan.

Bagaman hindi madaling gawin, maaari tayong magtamo ng “mahusay na patnubay” at matutong “maglayag” nang matagumpay sa dagat ng buhay. Gaya ng ipinahihiwatig ng aklat ng Kawikaan, kailangan natin ang “karunungan,” “kaunawaan,” at “pagkaunawa.” (Kaw. 1:2-6; 2:1-9) Hindi rin natin kalilimutang humingi ng patnubay ng Diyos, dahil maging ang mga balakyot ay may kakayahang ‘umugit’ ng kanilang direksiyon, pero sa masamang layunin.​—Kaw. 12:5.

Kaya napakahalaga na tayo’y maging masikap na mga estudyante ng Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng gayong pag-aaral, makakakuha tayo ng mahahalagang impormasyon tungkol kay Jehova at sa isa na lubusang tumulad sa Kaniya, si Jesu-Kristo. (Juan 14:9) Tumatanggap tayo ng matalinong payo mula sa Kristiyanong pagpupulong. Bukod diyan, maaari tayong matuto sa karanasan ng iba, pati na ng ating mga magulang.​—Kaw. 23:22.

PATIUNANG MAG-ISIP AT MAGPLANO

Lalo nating kailangan ang “mahusay na patnubay” kapag maligalig ang karagatan, wika nga. Sa mahihirap na sitwasyon, ang pag-aalinlangan ay makahahadlang sa pagdedesisyon, at maaari tayong mapahamak.​—Sant. 1:5, 6.

Kapansin-pansin, ang terminong isinaling “mahusay na patnubay” ay ginagamit din may kinalaman sa pakikipagdigma. Mababasa natin: “Sa pamamagitan ng mahusay na patnubay [“sa pamamagitan ng mahusay na estratehiya,” The Revised English Bible] ay isasagawa mo ang iyong pakikidigma, at sa karamihan ng mga tagapayo ay may kaligtasan.”​—Kaw. 20:18; 24:6.

Gaya ng isang taong bumubuo ng estratehiya sa pakikipagdigma, kailangang patiuna nating pag-isipan ang posibleng mga panganib sa ating espirituwalidad. (Kaw. 22:3) Halimbawa, baka kailangan mong magpasiya kung tatanggapin mo ang isang bagong trabaho o promotion. Siyempre, isasaalang-alang mo ang suweldo, oras na mauubos sa pagbibiyahe, at iba pang detalye. Pero may iba pang dapat pag-isipan: Kasuwato ba ng mga simulain sa Bibliya ang uri ng trabahong ito? Paano makaaapekto sa paglilingkod ko kay Jehova ang iskedyul ko rito?​—Luc. 14:28-30.

Si Loretta, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay may magandang trabaho sa isang kompanya ng food preparation. Nang malapit nang lumipat sa ibang lugar ang kompanya, inalok si Loretta ng isang mataas na posisyon: “Huwag na huwag mong palalampasin ang oportunidad na ito,” ang sabi sa kaniya ng mga direktor. “Alam naming may malapit na Kingdom Hall doon.” Pero gustong pasimplehin ni Loretta ang kaniyang buhay para mas makapaglingkod siya sa Maylalang. Alam niya na mababawasan ang panahon niya sa mga gawaing Kristiyano kung tatanggapin niya ang trabahong iyon. Kaya nagbitiw siya kahit sinabi sa kaniya ng isa sa mga direktor na siya lang ang empleadong gusto nilang manatili sa kompanya. Mga 20 taon nang regular pioneer si Loretta. Kumbinsido siya na maganda ang resulta ng kaniyang pagpapasiya dahil nagplano siya taglay ang “mahusay na patnubay,” oo, kaayon ng payo ng Salita ng Diyos. Pinatibay niya ang kaugnayan niya kay Jehova at nagkapribilehiyong tumulong sa maraming indibiduwal na matuto ng katotohanan sa Bibliya.

Tiyak na kailangan din ang “mahusay na patnubay” sa pamilya. Ang pagpapalaki ng mga anak ay isang pangmatagalang proyekto, at ang mga pasiyang ginagawa ng mga magulang para mailaan ang espirituwal at materyal na mga pangangailangan ng pamilya ay makaaapekto sa kinabukasan ng buong pamilya. (Kaw. 22:6) Maaaring itanong ng mga Kristiyanong magulang sa kanilang sarili: ‘Sa aming pakikipag-usap at halimbawa, tinuturuan ba namin ang aming mga anak na magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova para maharap nila ang mga hamon sa buhay kapag adulto na sila? Nakatutulong ba ang aming istilo ng pamumuhay para maging kontento sa simpleng buhay ang mga anak namin at magpokus sila sa kanilang ministeryo?’​—1 Tim. 6:6-10, 18, 19.

Ang tunay na tagumpay ay hindi masusukat sa makasanlibutang mga tunguhin, gaya ng pag-asenso o pagiging tanyag. Naunawaan ito ni Haring Solomon. Kinasihan siyang isulat: “Magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos, sapagkat kinatatakutan nila siya.” (Ecles. 8:12) Pinatutunayan nito na isang karunungan ang humanap ng “mahusay na patnubay” na salig sa Salita ng Diyos.​—2 Tim. 3:16, 17.

[Larawan sa pahina 30]

Para ipakita ang kahalagahan ng papel ng timonero, kadalasan nang ipinipinta siya na mas malaki kaysa sa ibang tripulante

[Credit Line]

Su concessione del Ministero per i Beni e le Attività Culturali. It is forbidden to reproduce or duplicate this image in any way or by any means.