Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anong Uri ng Espiritu ang Ipinakikita Mo?

Anong Uri ng Espiritu ang Ipinakikita Mo?

“Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay sumaespiritu nawa na inyong ipinakikita.”​—FLM. 25.

1. Ano ang sinabi ni Pablo nang lumiham siya sa kaniyang mga kapananampalataya?

 NANG lumiham si apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya, paulit-ulit niyang sinabi na sana’y sang-ayunan ng Diyos at ni Kristo ang espiritung ipinakikita ng mga kongregasyon. Halimbawa, ganito ang isinulat niya sa mga taga-Galacia: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo ay sumaespiritu nawa na inyong ipinakikita, mga kapatid. Amen.” (Gal. 6:18) Ano ang ibig niyang sabihin sa pananalitang ‘espiritu na inyong ipinakikita’?

2, 3. (a) Kapag ginagamit ni Pablo ang salitang “espiritu,” ano kung minsan ang tinutukoy niya? (b) Ano ang dapat nating itanong sa sarili hinggil sa espiritung ipinakikita natin?

2 Dito, ginamit ni Pablo ang salitang “espiritu” para tukuyin ang ating saloobin, o paraan ng pag-iisip. Ito ang nag-uudyok sa atin na magsalita o gumawi sa isang partikular na paraan. Ang isang tao ay maaaring malumanay, makonsiderasyon, mahinahong-loob, bukas-palad, o mapagpatawad. Inirerekomenda ng Bibliya ang pagkakaroon ng “tahimik at mahinahong espiritu” at ng ‘malamig na espiritu.’ (1 Ped. 3:4; Kaw. 17:27) Sa kabaligtaran, baka ang isang tao ay sarkastiko, materyalistiko, balat-sibuyas, o mapagsarili. Masahol pa, may mga nagpapakita ng marumi, masuwayin, at mapaghimagsik na saloobin.

3 Kaya naman, ginamit ni Pablo ang pananalitang gaya ng “ang Panginoon ay sumaespiritu nawa na iyong ipinakikita,” para pasiglahin ang mga kapatid na magpakita ng espiritung kasuwato ng kalooban ng Diyos at ng Kristiyanong personalidad. (2 Tim. 4:22; basahin ang Colosas 3:9-12.) Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Anong uri ng espiritu ang ipinakikita ko? Paano ko lalong maipakikita ang espiritung nakalulugod sa Diyos? Paano ko maitataguyod ang positibong espiritu sa loob ng kongregasyon?’ Bilang paglalarawan, sa isang bukid ng mga sunflower, ang bawat bulaklak ay nakadaragdag sa kabuuang ganda ng kaparangan. Tayo ba’y isang “bulaklak” na nakadaragdag sa kagandahan ng kongregasyon? Dapat nating sikaping maging gayon. Talakayin natin kung paano tayo makapagpapakita ng espiritung nakalulugod sa Diyos.

IWASAN ANG ESPIRITU NG SANLIBUTAN

4. Ano ang “espiritu ng sanlibutan”?

4 Sinasabi ng Kasulatan: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.” (1 Cor. 2:12) Ano ang “espiritu ng sanlibutan”? Ito rin ang espiritung binanggit sa Efeso 2:2, na nagsasabi: “Noong una [ay lumalakad kayo] ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Ang “hangin” na ito ay ang espiritu, o saloobin, ng sanlibutan. Nakapalibot ito sa atin gaya ng literal na hangin. Halimbawa, maraming tao sa ngayon ang may saloobing gaya ng ‘Ayoko ng dinidiktahan ako!’ o, ‘Ipaglaban mo ang iyong karapatan!’ Sila ang tinutukoy na “mga anak ng pagsuway” sa sanlibutan ni Satanas.

5. Anong masamang saloobin ang ipinakita ng ilan sa Israel?

5 Hindi na bago ang ganitong saloobin. Noong panahon ni Moises, naghimagsik si Kora laban sa mga may awtoridad sa Israel. Pinuntirya niya si Aaron at ang mga anak nito na naglilingkod bilang mga saserdote. Marahil nakita niya ang mga kapintasan ng mga ito. O baka naman iniisip niya na nagkakasala si Moises ng nepotismo​—ang pagbibigay ng pribilehiyo sa mga kamag-anak. Anuman ang dahilan, maliwanag na nag-isip si Kora ayon sa pangmalas ng tao at nagsalita laban sa mga inatasan ni Jehova. Walang-galang niyang sinabi sa kanila: “Tama na kayo . . . Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon?” (Bil. 16:3) Nagreklamo rin sina Datan at Abiram laban kay Moises. Sinabi nila na ‘nagtatangka siyang mag-astang prinsipe sa kanila nang sukdulan.’ Nang ipatawag sila ni Moises, sumagot sila nang may kapalaluan: “Hindi kami aahon!” (Bil. 16:12-14) Maliwanag na hindi nalugod si Jehova sa kanilang saloobin, kung kaya pinatay niya ang lahat ng naghimagsik.​—Bil. 16:28-35.

6. Paano nagpakita ng masamang saloobin ang ilang lalaki noong unang siglo? Ano marahil ang dahilan nila?

6 Noong unang siglo, may ilang lalaki na naging mapamuna sa mga pinagkalooban ng awtoridad sa kongregasyon, anupat “nagwawalang-halaga sa pagkapanginoon.” (Jud. 8) Malamang na hindi sila kontento sa kanilang pribilehiyo at sinikap nilang impluwensiyahan ang iba na maghimagsik laban sa mga lalaking hinirang, na masikap na gumaganap ng bigay-Diyos na mga tungkulin.​—Basahin ang 3 Juan 9, 10.

7. Anong saloobin ang dapat nating iwasan sa loob ng kongregasyon?

7 Maliwanag na walang dako sa kongregasyong Kristiyano ang ganiyang espiritu. Kaya naman kailangan tayong mag-ingat. Ang matatandang lalaki sa kongregasyon ay hindi sakdal, gaya rin naman ng matatandang lalaki noong panahon ni Moises at noong panahon ni apostol Juan. Baka ang mga elder ay makagawa ng pagkakamali na nakaaapekto sa atin. Kung mangyari iyan, huwag na huwag nating tutularan ang espiritu ng sanlibutan, anupat humihingi ng “katarungan” o nagsasabing “dapat maturuan ng leksiyon ang kapatid na ito”! Tandaan natin na maaaring palampasin ni Jehova ang maliliit na pagkukulang ng ating mga kapatid. Matutularan ba natin siya? Dahil sa ipinapalagay na pagkukulang ng mga elder, ang ilang indibiduwal na nakagawa ng malubhang pagkakasala ay tumangging humarap sa komite ng mga elder na inatasang tumulong sa kanila. Katulad sila ng isang pasyenteng ayaw magpagamot sa doktor dahil mayroon siyang di-nagugustuhan dito.

8. Anong mga teksto ang makatutulong sa atin na magkaroon ng tamang pangmalas sa mga nangunguna sa kongregasyon?

8 Para maiwasan ang ganiyang saloobin, tandaan natin na ayon sa Bibliya, nasa “kanang kamay [ni Jesus ang] pitong bituin.” Ang mga “bituin” ay sumasagisag sa pinahirang mga tagapangasiwa, at maaari ding tumukoy sa lahat ng tagapangasiwa sa kongregasyon. Pinapatnubayan ni Jesus ang mga “bituin” sa kaniyang kamay sa paraang ibig niya. (Apoc. 1:16, 20) Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, lubusang kontrolado ni Jesus ang mga lupon ng matatanda. Ang kaniyang “mga mata ay gaya ng nagliliyab na apoy” at nakikita niya ang lahat ng bagay. Kaya kung talagang nangangailangan ng pagtutuwid ang isang elder, titiyakin ni Jesus na tatanggap ito ng pagtutuwid sa tamang panahon at sa tamang paraan. (Apoc. 1:14) Samantala, patuloy nating igalang ang mga tagapangasiwang hinirang ng banal na espiritu. Sinabi ni Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”​—Heb. 13:17.

Paano makaaapekto sa pagtanggap mo ng payo ang pagbubulay-bulay sa papel ni Jesus?

9. (a) Paano maaaring masubok ang isang Kristiyano kapag siya’y itinuwid o dinisiplina? (b) Ano ang pinakamabuting gawin kapag sinasaway tayo?

9 Nasusubok din ang saloobin ng isang Kristiyano kapag siya’y itinuwid o tinanggalan ng pribilehiyo sa kongregasyon. Halimbawa, isang kabataang brother ang mataktikang pinayuhan ng mga elder tungkol sa paglalaro ng mararahas na video game. Nakalulungkot, hindi niya tinanggap ang payo. At dahil hindi na niya naaabot ang maka-Kasulatang kuwalipikasyon, inalis siya sa pagiging ministeryal na lingkod. (Awit 11:5; 1 Tim. 3:8-10) Pagkatapos, ipinagkalat ng brother na ito na hindi siya sang-ayon sa desisyon ng mga elder. Maraming beses siyang sumulat sa tanggapang pansangay para ireklamo ang mga elder. Inimpluwensiyahan pa nga niya ang iba sa kongregasyon na sumulat din. Ang totoo, wala tayong mapapala kung isasapanganib natin ang kapayapaan ng kongregasyon para lang ipagmatuwid ang ating ginawa. Kapag sinasaway tayo, mas mabuting isipin na pagkakataon ito para makita ang ating mga kahinaan. Pagkatapos, tahimik nating tanggapin ang pagtutuwid.​—Basahin ang Panaghoy 3:28, 29.

10. (a) Ano ang matututuhan natin sa Santiago 3:16-18 tungkol sa tama at di-tamang saloobin? (b) Ano ang resulta ng pagpapakita ng “karunungan mula sa itaas”?

10 Itinuturo sa atin ng Santiago 3:16-18 kung ano ang tama at di-tamang saloobin sa loob ng kongregasyon. Sinasabi nito: “Kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay. Ngunit ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw. Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.” Kung kikilos tayo kaayon ng “karunungan mula sa itaas,” matutularan natin ang mga katangian ng Diyos at maitataguyod ang mabuting saloobin sa gitna ng kongregasyon.

MAGPAKITA NG PAGGALANG SA LOOB NG KONGREGASYON

11. (a) Ano ang maiiwasan natin kung pananatilihin natin ang tamang saloobin? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni David?

11 Tandaan natin na inatasan ni Jehova ang matatanda upang “magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28; 1 Ped. 5:2) Kaya naman dapat nating igalang ang kaayusan ng Diyos, naglilingkod man tayo bilang mga elder o hindi. Kung pananatilihin natin ang tamang saloobin, maiiwasan natin ang labis na paghahangad ng awtoridad o posisyon. Nang isipin ni Haring Saul ng Israel na si David ay banta sa kaniyang pagkahari, “lagi [na siyang] tumitingin kay David nang may paghihinala.” (1 Sam. 18:9) Nagkaroon ng maling saloobin ang hari at gusto pa nga niyang ipapatay si David. Sa halip na maging gaya ni Saul na labis na nabahala sa posisyon, mas mabuting tularan natin si David. Sa kabila ng dinanas niyang kawalang-katarungan, napanatili niya ang paggalang sa mga binigyan ng Diyos ng awtoridad.​—Basahin ang 1 Samuel 26:23.

12. Paano natin maitataguyod ang pagkakaisa sa kongregasyon?

12 Dahil sa pagkakaiba-iba ng opinyon, baka mainis tayo sa isa’t isa. Maaari itong mangyari kahit sa pagitan ng mga elder. Makatutulong ang payo ng Bibliya: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo” at, “Huwag kayong magmarunong sa inyong sariling paningin.” (Roma 12:10, 16) Sa halip na igiit na tama tayo, tanggapin natin na kadalasan, hindi lang iisa ang tamang pangmalas sa mga bagay-bagay. Kung uunawain natin ang pangmalas ng iba, maitataguyod natin ang pagkakaisa sa kongregasyon.​—Fil. 4:5.

13. Ano ang dapat nating gawin kapag naipahayag na natin ang ating opinyon? Anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita ng dapat nating gawin?

13 Ibig bang sabihin, maling magbigay ng opinyon kung sa palagay natin ay may kailangang ituwid sa kongregasyon? Hindi. Noong unang siglo, may isang usapin na pinagtalunan nang husto. Kaya naman gumawa ng kaayusan ang mga kapatid para “sina Pablo at Bernabe at ang ilan sa kanila ay umahon sa Jerusalem sa mga apostol at matatandang lalaki may kinalaman sa pagtatalong ito.” (Gawa 15:2) Tiyak na ang bawat isa sa mga kapatid na iyon ay may sariling opinyon at ideya kung paano dapat lutasin ang usapin. Pero nang maipahayag na nila ang kanilang iniisip at isang desisyon ang mabuo sa tulong ng banal na espiritu, hindi na nila iginiit ang kani-kanilang opinyon. Nang matanggap sa mga kongregasyon ang liham na naglalaman ng pasiya, “sila ay nagsaya dahil sa pampatibay-loob” at “napatatag sa pananampalataya.” (Gawa 15:31; 16:4, 5) Sa ngayon, kapag naiharap na natin sa mga elder ang isang bagay, ipaubaya na natin ito sa kanila at magtiwalang gagawin nila ang nararapat.

MAGPAKITA NG TAMANG SALOOBIN SA PAKIKITUNGO SA IBA

14. Paano tayo makapagpapakita ng tamang saloobin sa ating pakikitungo sa iba?

14 Marami tayong pagkakataon na magpakita ng tamang saloobin sa ating pakikitungo sa iba. Halimbawa, gumagawa tayo ng mabuti kung pinatatawad natin ang mga nakasakit sa ating damdamin. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Col. 3:13) Ipinahihiwatig ng pananalitang “kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo” na baka may makatuwirang dahilan tayo na mainis sa iba. Pero sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga kahinaan ng iba at gambalain ang kapayapaan ng kongregasyon, tularan natin si Jehova. Lubusan tayong magpatawad at patuloy na maglingkod kay Jehova kasama ng ating mga kapatid.

15. (a) Ano ang matututuhan natin kay Job tungkol sa pagpapatawad? (b) Paano makatutulong ang panalangin para makapagpakita tayo ng tamang saloobin?

15 May matututuhan tayo kay Job tungkol sa pagpapatawad. Marami siyang narinig na masasakit na salita mula sa tatlong tao na dapat sana’y umaliw sa kaniya. Pero pinatawad sila ni Job. Paano? “[Nanalangin] siya alang-alang sa kaniyang mga kasamahan.” (Job 16:2; 42:10) Maaaring mabago ang saloobin natin sa iba kapag ipinapanalangin natin sila. Tutulong din ito para malinang natin ang tulad-Kristong saloobin. (Juan 13:34, 35) Dapat din tayong manalangin sa Diyos para sa banal na espiritu. (Luc. 11:13) Ang espiritu ng Diyos ay tutulong sa atin na magpakita ng tunay na mga katangiang Kristiyano sa ating pakikitungo sa iba.​—Basahin ang Galacia 5:22, 23.

ITAGUYOD ANG POSITIBONG ESPIRITU SA KONGREGASYON

16, 17. Anong espiritu ang gusto mong ipakita?

16 Talagang nakikinabang ang buong kongregasyon kapag ang bawat isa ay nagsisikap na magtaguyod ng positibong espiritu! Matapos talakayin ang paksang ito, marahil ay nakita natin kung ano pa ang puwede nating pasulungin sa ating saloobin para maging mas nakapagpapatibay tayo. Kung gayon, huwag tayong magdalawang-isip na suriin ang ating sarili sa tulong ng Salita ng Diyos. (Heb. 4:12) Si Pablo, na gustong maging mabuting halimbawa sa mga kongregasyon, ay nagsabi: “Wala akong kamalayan sa anumang bagay na laban sa aking sarili. Bagaman sa pamamagitan nito ay hindi ako napatutunayang matuwid, ngunit siya na sumusuri sa akin ay si Jehova.”​—1 Cor. 4:4.

17 Maitataguyod natin ang positibong espiritu sa kongregasyon habang sinisikap nating gumawi kaayon ng karunungan mula sa itaas, anupat hindi iginigiit ang ating opinyon o masyadong palaisip sa posisyon. Kung tayo ay mapagpatawad at may positibong pangmalas sa iba, magkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa mga kapananampalataya natin. (Fil. 4:8) Habang ginagawa natin ang mga bagay na ito, makatitiyak tayo na malulugod si Jehova at si Jesus sa ‘espiritung ipinakikita natin.’​—Flm. 25.