Napatotohanan ang Tanod ng Pretorio
Taóng 59 C.E. noon. Isang pangkat ng mga bilanggo, na binabantayan ng mga kawal na pagód sa paglalakbay, ang pumasok sa Roma sa pamamagitan ng pintuang-daan ng Porta Capena. Nasa Burol ng Palatine ang palasyo ni Emperador Nero. Guwardiyado ito ng mga kawal ng Pretorio na may mga tabak na nakatago sa kanilang pormal na mga toga. * Pinangunahan ng senturyon na si Julio ang kaniyang mga bilanggo. Dumaan sila sa Roman Forum at umakyat sa Burol ng Viminal. Nadaanan din nila ang isang hardin kung saan maraming altar para sa mga diyos ng mga Romano at isang lugar kung saan ginaganap ang pagsasanay ng militar.
Kasama sa mga bilanggo si apostol Pablo. Mga ilang buwan bago nito, habang sakay ng barkong hinahampas ng bagyo, sinabihan siya ng isang anghel ng Diyos: “Kailangang tumayo ka sa harap ni Cesar.” (Gawa 27:24) Magkakatotoo kaya ito? Habang pinagmamasdan niya ang kabisera ng Imperyo ng Roma, tiyak na naalaala niya ang sinabi ng Panginoong Jesus noong siya’y nasa Tore ng Antonia sa Jerusalem. “Lakasan mo ang iyong loob!” ang sabi ni Jesus. “Sapagkat kung paanong lubusan mong pinatototohanan ang mga bagay tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.”—Gawa 23:10, 11.
Marahil, saglit na huminto si Pablo para pagmasdan ang Castra Praetoria—isang malaking tanggulan na may matataas na pader na yari sa pulang laryo, mga moog, at mga tore. Dito nakatira ang mga miyembro ng Tanod ng Pretorio, na nagsisilbing personal na tagapagbantay ng emperador, at ang kapulisan ng lunsod. May 12 cohort * ng mga Pretorio at ilang urban cohort na nakahimpil sa tanggulang ito, kung kaya posibleng libu-libong kawal ang nakatira dito, lakip na ang mga mangangabayo. Ang Castra Praetoria ay sagisag ng kapangyarihan ng imperyo. Yamang ang Tanod ng Pretorio ang responsable sa mga bilanggong galing sa mga probinsiya, inakay ni Julio ang kaniyang pangkat papasók sa isa sa apat na pangunahing pintuang-daan. Matapos ang mapanganib na paglalakbay na tumagal nang ilang buwan, sa wakas ay naihatid niya ang kaniyang mga bilanggo sa kanilang destinasyon.—Gawa 27:1-3, 43, 44.
NANGARAL ANG APOSTOL “NANG WALANG HADLANG”
Habang naglalayag, tumanggap si Pablo ng mga pangitain mula sa Diyos na nagsasabing makaliligtas sa pagkawasak ng barko ang lahat ng sakay nito. Hindi siya napinsala nang tuklawin siya ng isang makamandag na ahas. Sa pulo ng Malta, pinagaling niya ang mga maysakit kung kaya sinabi ng mga tagaroon na siya’y isang diyos. Posibleng kumalat sa gitna ng mapamahiing Tanod ng Pretorio ang balita tungkol sa mga pangyayaring ito.
Nagkita na si Pablo at ang mga kapatid na taga-Roma na ‘pumaroon upang salubungin siya sa Pamilihan ng Apio at sa Tatlong Taberna.’ (Gawa 28:15) Pero paano niya matutupad ang kaniyang hangarin na ipahayag ang mabuting balita sa Roma gayong isa siyang bilanggo? (Roma 1:14, 15) Ipinapalagay ng ilan na ang mga bilanggo ay dinadala sa kapitan ng bantay. Kung totoo ito, malamang na dinala si Pablo sa Prepekto ng Pretorio na si Afranius Burrus, na marahil ay pumapangalawa sa kapangyarihan ng emperador. * Anuman ang nangyari, hindi na isang senturyon ang nagbabantay kay Pablo kundi isang ordinaryong kawal na lang ng Pretorio. Pinahintulutan si Pablo na magsaayos ng sariling tuluyan at tumanggap ng mga panauhin at mangaral sa kanila “nang walang hadlang.”—Gawa 28:16, 30, 31.
NAGPATOTOO SI PABLO SA MALILIIT AT SA MALALAKI
Bilang bahagi ng hudisyal na mga tungkulin ni Burrus, marahil ay kinausap niya si apostol Pablo, maaaring sa palasyo o sa kampo ng Pretorio, bago iharap ang kaso nito kay Nero. Hindi pinalampas ni Pablo ang pagkakataong ito na ‘magpatotoo kapuwa sa maliliit at sa malalaki.’ (Gawa 26:19-23) Anuman ang resulta ng pagsisiyasat ni Burrus, hindi ibinilanggo si Pablo sa kampo ng Pretorio. *
May kalakihan ang tuluyang inuupahan ni Pablo kung kaya nagkasya roon ang “mga pangunahing lalaki ng mga Judio” na bumisita sa kaniya. Nakapagpatotoo siya sa kanila pati na sa ‘mas malalaking bilang ng mga pumaroon sa kaniya sa kaniyang dakong tuluyan.’ Narinig din ng mga kawal ng Pretorio ang kaniyang “lubusang pagpapatotoo” sa mga Judio tungkol sa Kaharian at kay Jesus, “mula umaga hanggang gabi.”—Gawa 28:17, 23.
Araw-araw tuwing ikawalong oras, ang nakatalagang cohort ng Pretorio sa palasyo ay pinapalitan. Regular ding pinapalitan ang bantay ni Pablo. Sa loob ng dalawang-taóng pagkakapiit niya, narinig siya ng mga kawal habang idinidikta niya ang kaniyang mga liham sa mga taga-Efeso, taga-Filipos, taga-Colosas, at mga Kristiyanong Hebreo. Nakita rin nila nang lumiham siya sa isang Kristiyanong nagngangalang Filemon. ‘Habang nasa mga gapos ng bilangguan,’ nagpakita si Pablo ng personal na atensiyon kay Onesimo, isang takas na alipin na itinuring niyang parang anak, at pinauwi ito sa panginoon nito. (Flm. 10) Tiyak na nagpakita rin ng personal na interes si Pablo sa kaniyang mga bantay. (1 Cor. 9:22) Para nating nakikini-kinita si Pablo na tinatanong ang isang kawal tungkol sa iba’t ibang bahagi ng baluti at pagkatapos ay ginagamit ang impormasyong iyon sa isang mainam na ilustrasyon.—Efe. 6:13-17.
“SALITAIN ANG SALITA NG DIYOS NANG WALANG TAKOT”
Ang pagkabilanggo ni Pablo ay nakatulong sa “ikasusulong ng mabuting balita” sa gitna ng lahat ng Tanod ng Pretorio at ng iba pa. (Fil. 1:12, 13) Ang mga nakatira sa Castra Praetoria ay may mga koneksiyon sa buong Imperyo ng Roma, pati na rin sa emperador at sa napakalaking sambahayan nito. Ang sambahayang iyan ay binubuo ng mga kapamilya, mga lingkod, at mga alipin, na ang ilan ay naging mga Kristiyano. (Fil. 4:22) Dahil may-tapang na nagpatotoo si Pablo, ang mga kapatid sa Roma ay nagkaroon ng lakas ng loob na “salitain ang salita ng Diyos nang walang takot.”—Fil. 1:14.
Ang pagpapatotoo ni Pablo sa Roma ay nakapagpapatibay rin sa atin habang ‘ipinangangaral ang salita sa kaayaayang kapanahunan at sa maligalig na kapanahunan.’ (2 Tim. 4:2) Ang ilan sa atin ay hindi na makaalis ng bahay, nasa mga nursing home o ospital, o nakabilanggo pa nga dahil sa pananampalataya. Anuman ang ating kalagayan, maaari tayong mangaral sa mga bumibisita sa atin o nagbibigay ng serbisyo. Kapag lakas-loob tayong nagpapatotoo sa bawat pagkakataon, personal nating nararanasan na ‘ang salita ng Diyos ay hindi maaaring magapusan.’—2 Tim. 2:8, 9.
^ par. 2 Tingnan ang kahon na pinamagatang “Ang Tanod ng Pretorio Noong Panahon ni Nero.”
^ par. 4 Ang isang Romanong cohort ay isang pangkat na binubuo ng hanggang 1,000 kawal.
^ par. 7 Tingnan ang kahong pinamagatang “Si Sextus Afranius Burrus.”