Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 Mula sa Aming Archive

Tamang-Tama ang Dating ng ‘Di-malilimutang’ Drama

Tamang-Tama ang Dating ng ‘Di-malilimutang’ Drama

“DI-MALILIMUTAN!” Ganiyan inilarawan ng marami ang “Creation Drama.” Tamang-tama ang dating nito at tumatak sa isip ng mga nakapanood. Oo, nagbigay ng malaking kapurihan kay Jehova ang “Creation Drama” bago sumiklab ang mabangis na pag-uusig ng rehimeng Hitler sa bayan ng Diyos sa Europa. Pero ano nga ba ang “Creation Drama”?

Kinuha sa aklat na Schöpfung (Creation) ang pamagat ng bagong drama

Noong 1914, ang punong-tanggapan ng bayan ni Jehova sa Brooklyn, New York, E.U.A., ay naglabas ng “Photo-Drama of Creation.” Ito ay pinagsamang slide at pelikula, na kumpleto sa kulay at tunog, at may habang walong oras. Milyun-milyon ang nakapanood ng “Photo-Drama” sa buong daigdig. Inilabas din noong 1914 ang isang mas maikling bersiyon—ang “Eureka Drama.” Pagsapit ng dekada ng 1920, naluma na ang mga slide, film, at projector. Pero marami pa ang gustong makapanood ng “Photo-Drama.” Halimbawa, ang mga nakatira sa Ludwigsburg, Alemanya, ay nagtanong, “Kailan ninyo uli ipapalabas ang ‘Photo-Drama’?” Ano ang gagawin ng mga kapatid?

Para maipalabas muli ang Drama, noong dekada ng 1920, ang mga kinatawan ng pamilyang Bethel sa Magdeburg, Alemanya, ay bumili ng mga film mula sa isang news agency sa Paris, Pransiya, at mga slide mula sa mga graphics company sa Leipzig at Dresden. Ang mga ito ay isinama sa lumang mga slide ng “Photo-Drama” na puwede pang gamitin.

Si Brother Erich Frost, isang mahusay na manunugtog, ay kumatha ng musika para sa mga film at slide. Ang ilang bahagi ng narration ay hinango sa ating aklat na Creation. Iyan ang dahilan kung bakit ang nirebisang bersiyon ng “Photo-Drama” ay tinawag na “Creation Drama.”

Ang bagong Drama ay kasinghaba ng “Photo-Drama”—walong oras—at ipinapalabas ang iba’t ibang bahagi nito nang sunud-sunod na gabi. Ipinakita nito ang kamangha-manghang detalye tungkol sa mga araw ng paglalang, nirepaso ang kasaysayan mula sa ulat ng Bibliya at sekular na mga akda, at idiniin na binigo ng huwad na relihiyon ang sangkatauhan. Ang “Creation Drama” ay ipinalabas sa Alemanya, Austria, Luxemburg, Switzerland, at sa iba pang lugar kung saan sinasalita ang wikang Aleman.

Si Erich Frost at ang komposisyon niya para sa “Creation Drama”

Ipinaliwanag ni Brother Frost: “Kapag ipinapalabas ang Drama, hinihimok ko ang aking mga kasama, lalo na ang mga kabilang sa orkestra, na lapitan ang mga manonood sa bawat hanay at alukan sila ng ating magagandang aklat at buklet sa panahon ng intermisyon. Mas marami kaming naipapasakamay na mga  literatura sa ganitong paraan kaysa sa pagbabahay-bahay.” Naalaala ni Johannes Rauthe, nag-organisa sa pagpapalabas ng Drama sa Poland at sa tinatawag ngayong Czech Republic, na marami sa mga dumalo ang nagbigay ng kanilang adres para madalaw sila. Naging mabunga ang pagdalaw-muli sa mga taong iyon.

Hanggang noong dekada ng 1930, ipinapalabas pa rin ang “Creation Drama” sa mga bulwagan. Dinagsa ito ng mga tao at naging usap-usapan ang mga Saksi ni Jehova. Pagsapit ng 1933, halos isang milyon katao na ang nakapanood ng palabas na isinaayos ng tanggapang pansangay sa Alemanya. “Para mapanood ang Drama,” ang naalaala ni Käthe Krauss, “araw-araw, sa loob ng limang araw, naglalakad kami nang tig-sampung kilometro papunta at pauwi, anupat dumaraan sa kagubatan at lumulusong at umaahon sa mga burol at libis.” Sinabi naman ni Else Billharz, “Inilatag ng ‘Creation Drama’ ang pundasyon ng aking pag-ibig sa katotohanan.”

Ikinuwento ni Alfred Almendinger na nang mapanood ng kaniyang nanay ang Drama, “sabik na sabik [ito] kaya bumili ito ng Bibliya at hinanap ang salitang ‘purgatoryo.’” Dahil hindi niya iyon makita sa Bibliya, huminto na siya sa pagsisimba at nagpabautismo. “Napakaraming tao ang tumanggap ng katotohanan dahil sa ‘Creation Drama,’” ang naalaala ni Erich Frost.—3 Juan 1-3.

Habang nasa kasagsagan ang pagpapalabas ng “Creation Drama,” nagsimula namang lumakas ang Nazismo sa Europa. Pasimula noong 1933, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Mula noon hanggang sa matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1945, dumanas ng matinding pag-uusig ang mga lingkod ni Jehova sa Europa. Si Erich Frost ay nabilanggo nang mga walong taon, pero nakalaya. Nang maglaon, naglingkod siya sa Bethel sa Wiesbaden, Alemanya. Talagang tamang-tama ang dating ng di-malilimutang “Creation Drama.” Pinalakas nito ang loob ng napakaraming Kristiyano na daranas ng pagsubok sa pananampalataya sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II!—Mula sa aming archive sa Alemanya.