Huwag Mawalan ng Pag-asa!
Matagal ka na bang Saksi ni Jehova at umaasang makasama mo sa pagsamba kay Jehova ang asawa mo?
O nasiraan ka na ba ng loob dahil ang inaaralan mo sa Bibliya, na mukhang masulong sa umpisa, ay hindi nanindigan sa katotohanan?
Ipakikita ng ilang karanasan mula sa Britanya kung bakit hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Malalaman mo rin kung ano ang puwede mong gawin para ‘maihagis ang iyong tinapay sa ibabaw ng tubig,’ wika nga, at matulungan ang mga hindi pa tumutugon sa katotohanan.—Ecles. 11:1.
MAHALAGA ANG PAGTITIYAGA
Mahalaga na huwag kang tumigil sa pagsamba kay Jehova. Kailangan mong manghawakan sa katotohanan at mangunyapit kay Jehova. (Deut. 10:20) Ganiyan ang ginawa ni Georgina. Nang magsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong 1970, galit na galit ang mister niyang si Kyriacos. Tinangka nitong hadlangan ang pag-aaral ni Georgina, hindi pinapapasok sa kanilang bahay ang mga Saksi, at itinatapon ang anumang makita niyang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Lalong nagalit si Kyriacos nang magsimulang dumalo si Georgina sa mga pulong ng kongregasyon. Isang araw, pumunta si Kyriacos sa Kingdom Hall para makipagtalo. Nakita ng isang sister na mas sanáy magsalita ng Griego si Kyriacos kaysa Ingles, kaya tinawagan niya ang isang brother na Griego mula sa ibang kongregasyon at pinapunta ito para tumulong. Maganda ang pagtugon ni Kyriacos sa kabaitang ipinakita ng brother, at nakipag-aral pa nga siya ng Bibliya rito sa loob ng ilang buwan. Pero huminto rin si Kyriacos.
Tatlong taon pang dumanas ng pagsalansang si Georgina. Sinabi ni Kyriacos na iiwan niya si Georgina kapag nagpabautismo ito. Noong araw ng kaniyang bautismo, taimtim na nanalangin si Georgina kay Jehova na sana’y huwag siyang iwan ni Kyriacos. Nang sunduin si Georgina ng mga Saksi papunta sa asamblea, sinabi ni Kyriacos: “Mauna na kayo. Susunod kami sakay ng kotse namin.” Dumalo siya sa sesyon sa umaga at nasaksihan niya ang bautismo ng kaniyang misis!
Nang maglaon, nabawasan ang pagsalansang ni Kyriacos at nagsimula siyang magbago. Halos 40 taon mula nang unang makilala ni Georgina ang mga Saksi, nabautismuhan din ang kaniyang asawa! Ano ang nakatulong kay Kyriacos? Sinabi niya: “Tuwang-tuwa ako kay Georgina dahil talagang determinado siya.” Sinabi ni Georgina: “Kahit salansang ang mister ko, hindi ako hihinto sa pagsamba sa aking Diyos. Sa loob ng panahong iyon, patuloy akong nanalangin kay Jehova, at hindi ako nawalan ng pag-asa.”
MAHALAGA ANG BAGONG PERSONALIDAD
Para matulungan ang iyong asawa, mahalaga ring linangin ang Kristiyanong personalidad. Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyanong asawang babae: “Magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae.” (1 Ped. 3:1) Sinunod ni Christine ang payong iyan, bagaman inabot ng maraming taon bago niya nawagi ang mister niyang si John. Nang maging Saksi si Christine mahigit 20 taon na ang nakararaan, hindi naniniwala sa Diyos ang asawa niya. Ayaw masangkot ni John sa relihiyon, pero nakita niyang mahalaga kay Christine ang bagong relihiyon nito. “Nakita kong masaya siya dahil dito,” ang sabi ni John. “Naging matatag siya, at nakatulong ito sa akin nang mapaharap ako sa maraming problema.”
Hindi kailanman ipinilit ni Christine ang relihiyon niya kay John, na umamin: “Sa simula pa lang, alam na ni Christine na ayokong pinakikialaman ako, kaya hinayaan niya akong matuto sa sarili kong paraan.” Kapag may nakikita si Christine na mga artikulo sa Bantayan o Gumising! na alam niyang magiging interesado si John, gaya ng tungkol sa siyensiya at kalikasan, ipinakikita niya ang mga ito kay John at sinasabi, “Palagay ko magugustuhan mo ito.”
Nang maglaon, nagretiro si John at nagsimulang mag-gardening. Dahil marami na siyang panahon, napag-isip-isip niya ang malalalim na tanong sa buhay gaya ng, ‘Nagkataon lang ba na naririto tayo, o may layunin kung bakit tayo nilikha?’ Isang araw, tinanong si John ng brother na kakuwentuhan niya, “Ano kaya kung magpa-study ka?” “Ngayong naniniwala na ako sa Diyos,” ang sabi ni John, “tinanggap ko ang alok niya.”
Mabuti na lang at hindi nawalan ng pag-asa si Christine! Matapos niyang ipanalangin sa loob ng 20 taon na sana ay tumanggap ng katotohanan si John, nabautismuhan ito. Ngayon, magkasama na silang masigasig na naglilingkod kay Jehova. Sinabi ni John: “Dalawang bagay ang nakawagi sa akin—ang kabaitan at ang pagiging palakaibigan ng mga Saksi. At kapag isang Saksi ni Jehova ang asawa mo, mayroon kang tapat, maaasahan, at mapagsakripisyong kabiyak.” Oo, ikinapit ni Christine ang sinasabi ng 1 Pedro 3:1, at nagtagumpay siya!
MGA BINHING NAMUNGA PAGKARAAN NG MARAMING TAON
Kumusta naman ang mga inaaralan sa Bibliya na sa iba’t ibang kadahilanan ay nawalan ng interes? “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay,” ang isinulat ni Haring Solomon, “sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” (Ecles. 11:6) Kung minsan, maaaring abutin ng maraming taon bago tumubo ang binhi ng katotohanan. Pero pagdating ng panahon, baka maunawaan din ng isang tao ang kahalagahan ng pagiging malapít sa Diyos. (Sant. 4:8) Oo, balang-araw, baka masorpresa ka na lang.
Kuning halimbawa si Alice, na lumipat sa England mula sa India. Noong 1974, nag-aral siya ng Bibliya. Nagsasalita siya ng wikang Hindi pero gusto niyang matuto pa ng Ingles. Nagpa-study si Alice sa loob ng ilang taon, at ilang beses pa ngang dumalo sa pulong ng isang kongregasyon sa wikang Ingles. Alam niyang ito na ang katotohanan, pero hindi niya ito napahalagahan. Bukod diyan, mas interesado siya sa pera at sa mga parti. Nang maglaon, huminto na siya sa pag-aaral ng Bibliya.
Makalipas ang halos 30 taon, nakatanggap ng sulat si Stella, ang dating nag-i-study kay Alice. Ganito ang mababasa roon: “Siguradong matutuwa ka na ang inaralan mo ng Bibliya noong 1974 ay nabautismuhan kamakailan sa isang pandistritong kombensiyon. Naging mahalagang bahagi ka ng buhay ko. Ikaw ang naghasik ng binhi ng katotohanan sa akin, at bagaman hindi pa ako handang mag-alay ng sarili ko sa Diyos noon, iningatan ko sa puso’t isip ko ang binhing iyon ng katotohanan.”
Ano ba ang nangyari? Ipinaliwanag ni Alice na na-depress siya nang mamatay ang mister niya noong 1997. Nanalangin siya sa Diyos. Wala pang sampung minuto, dalawang Saksi na nagsasalita ng Punjabi ang dumalaw sa tahanan niya at nag-iwan ng tract na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Nadama ni Alice na sinagot ang panalangin niya at na dapat siyang makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Pero paano? Nakita niya ang isang lumang diary na naglalaman ng adres ng kongregasyong Punjabi na ibinigay ni Stella noon. Pumunta si Alice sa Kingdom Hall at mainit siyang tinanggap ng mga kapatid doon na nagsasalita ng Punjabi. “Damang-dama ko ang pag-ibig na iyon kahit naghiwa-hiwalay na kami, at nakatulong iyon sa aking depresyon,” ang sabi ni Alice.
Naging regular na siya sa pagdalo sa mga pulong at nagpatuloy sa kaniyang Bible study. Natuto siyang magsalita at magbasa ng Punjabi. Noong 2003, nabautismuhan siya. Ganito ang pagtatapos ng sulat niya kay Stella, “Maraming salamat sa paghahasik ng mga binhing iyon 29 na taon na ang nakararaan, at sa pagpapakita ng mabuting halimbawa sa akin.”
“Maraming salamat sa paghahasik ng mga binhing iyon 29 na taon na ang nakararaan, at sa pagpapakita ng mabuting halimbawa sa akin.”—Alice
Ano ang matututuhan mo sa mga karanasang ito? Maaaring mas matagal kaysa sa inaasahan mo, pero kung ang isang tao ay gutóm sa espirituwal, matapat, at mapagpakumbaba, pahihintulutan ni Jehova na tumubo ang katotohanan sa puso ng taong iyon. Tandaan ang ilustrasyon ni Jesus: “Ang binhi ay sumisibol at tumataas, kung paano ay hindi . . . alam [ng manghahasik]. Ang lupa sa ganang sarili ay nagbubunga nang unti-unti, una ay ang dahon, pagkatapos ay ang uhay sa tangkay, sa wakas ay ang kabuuang butil sa uhay.” (Mar. 4:27, 28) Ang paglaking iyon ay unti-unti at “sa ganang sarili.” Ang totoo, hindi alam ng bawat tagapaghayag ng Kaharian kung paano ito nangyayari. Kaya patuloy na maghasik nang sagana, at balang-araw ay baka umani ka nang sagana.
At huwag mo ring kalimutan na mahalaga ang pananalangin. Sina Georgina at Christine ay patuloy na nanalangin kay Jehova. Kung ‘magmamatiyaga ka sa pananalangin’ at hindi mawawalan ng pag-asa, “pagkalipas ng maraming araw” ay baka masumpungan mo uli ang “tinapay” na inihagis mo sa ibabaw ng tubig.—Roma 12:12; Ecles. 11:1.