Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Walang Katitisuran” Para sa mga Umiibig kay Jehova

“Walang Katitisuran” Para sa mga Umiibig kay Jehova

“Ang saganang kapayapaan ay nauukol sa mga umiibig sa iyong kautusan, at sa kanila ay walang katitisuran.”—AWIT 119:165.

1. Paano ipinakikita ng saloobin ng isang mananakbo ang ating determinasyong huwag sumuko?

KABATAAN pa lang noon si Mary Decker, pero kilala na siya bilang isa sa pinakamahuhusay na mananakbo sa daigdig. Siya ang inaasahang manalo ng gintong medalya sa 3,000-meter final noong 1984 Summer Olympics. Pero hindi siya nakatawid sa finish line. Napatid siya sa binti ng isa pang mananakbo, at bumagsak. Nasaktan at luhaan, kinailangan siyang buhatin papalabas sa takbuhan. Pero hindi sumuko si Mary. Wala pang isang taon, muli siyang lumaban at nakapagtala ng bagong world record para sa women’s mile noong 1985.

2. Bakit masasabing ang mga tunay na Kristiyano ay kasali sa isang takbuhan? Ano ang tunguhin natin?

2 Bilang mga Kristiyano, kasali rin tayo sa isang takbuhan—isang takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan. Tunguhin nating manalo. Ang takbuhang ito ay hindi gaya ng isang sprint, kung saan kailangan ang pabilisan. Hindi rin ito gaya ng jogging, na mabagal lang ang takbo at pahintu-hinto pa nga. Sa halip, katulad ito ng isang marathon, kung saan kailangan ang tibay at resistensiya. Ginamit ni apostol Pablo ang metapora ng isang mananakbo nang lumiham siya sa mga Kristiyanong nakatira sa Corinto, isang lunsod na bantog sa mga palaro. Sumulat siya: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito.”—1 Cor. 9:24.

3. Sino ang maaaring magwagi sa takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan?

3 Sinasabi sa atin ng Bibliya na takbuhin natin ang takbuhang ito. (Basahin ang 1 Corinto 9:25-27.) Ang gantimpala ay buhay na walang hanggan—sa langit para sa mga pinahirang Kristiyano, o sa lupa para sa iba pang kalahok.  Di-tulad ng ibang palaro, lahat ng sumasali sa takbuhang ito ay tatanggap ng gantimpala kung magbabata sila hanggang sa wakas. (Mat. 24:13) Matatalo lang ang mga kalahok kung hindi sila tatakbo ayon sa mga alituntunin o kung hindi sila makatatawid sa finish line. Ito lang ang takbuhan na may premyong buhay na walang hanggan.

4. Bakit hindi madaling takbuhin ang takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan?

4 Hindi madaling takbuhin ang takbuhang ito. Kailangan ang disiplina at determinasyon. Iisa lang ang nakatawid sa finish line nang hindi natisod kahit minsan—si Jesu-Kristo. Pero hinggil sa mga tagasunod ni Kristo, isinulat ng alagad na si Santiago na “lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Sant. 3:2) Lahat tayo ay apektado ng sarili nating kahinaan at ng sa iba. Kaya naman kung minsan, maaari tayong mapatid at mawalan ng panimbang. Baka nga mabuwal pa tayo; pero bumabangon tayo at patuloy na tumatakbo. Matindi ang pagbagsak ng ilan anupat nangailangan sila ng tulong para makabangon at patuloy na makatakbo patungo sa finish line. Oo, posibleng matisod tayo o mabuwal nang panandalian, o paulit-ulit pa nga.—1 Hari 8:46.

Kapag nabuwal, magpatulong ka at bumangon!

KAPAG NATISOD, HUWAG HUMINTO SA TAKBUHAN

5, 6. (a) Sa anong diwa “walang katitisuran” para sa isang Kristiyano? Ano ang tutulong sa kaniya na ‘makabangon’? (b) Bakit hindi bumabangon ang iba matapos matisod?

5 Baka kung minsan ay napagpapalit mo ang mga salitang “matisod” at “mabuwal” para tukuyin ang isang kalagayan sa espirituwal. Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, may mga panahong pareho ang diwa ng mga salitang ito, pero hindi laging gayon. Halimbawa, pansinin ang sinasabi ng Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya; ngunit ang mga balakyot ay matitisod dahil sa kapahamakan.”

6 Hindi pahihintulutan ni Jehova ang mga nagtitiwala sa kaniya na matisod o mabuwal—anupat hindi na makabangon kapag napaharap sa mga problema o nakagawa ng mga pagkakamali. Tinitiyak sa atin na tutulungan tayo ni Jehova na ‘makabangon’ para patuloy na  makapaglingkod sa kaniya. Talagang nakaaaliw iyan sa lahat ng tunay na nagmamahal kay Jehova! Ang mga balakyot ay walang pagnanais na ‘bumangon.’ Hindi nila hinahanap ang tulong ng banal na espiritu at ng bayan ng Diyos, at tinatanggihan nila ito kapag ibinibigay sa kanila. Pero para sa ‘mga umiibig sa kautusan ni Jehova,’ walang katitisuran na permanenteng makapag-aalis sa kanila mula sa takbuhan ukol sa buhay.—Basahin ang Awit 119:165.

7, 8. Paano mapananatili ng isa ang pagsang-ayon ng Diyos kahit ‘mabuwal’ siya?

7 Ang ilan ay nakagagawa ng maliliit na kasalanan—baka paulit-ulit pa nga—dahil sa kahinaan. Pero matuwid pa rin sila sa paningin ni Jehova kung patuloy silang ‘babangon,’ o taimtim na magsisisi at magsisikap na manatiling tapat. Ganiyan ang naging pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel. (Isa. 41:9, 10) Sa halip na idiin ang negatibo—ang ating ‘pagkabuwal’—idiniriin ng Kawikaan 24:16 ang positibo—ang ating ‘pagbangon,’ sa tulong ng ating maawaing Diyos. (Basahin ang Isaias 55:7.) Para ipakitang nagtitiwala sila sa atin, pinasisigla tayo ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo na ‘bumangon.’—Awit 86:5; Juan 5:19.

8 Kahit matisod o mabuwal ang isang mananakbo sa marathon, baka may panahon siyang makabawi at tapusin ang takbuhan kung agad siyang babangon. Sa ating takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan, hindi natin alam kung anong “araw at oras” darating ang wakas. (Mat. 24:36) Pero kung sisikapin nating huwag matisod, mapananatili natin ang ating bilis at matagumpay nating matatapos ang takbuhan. Kung gayon, paano natin maiiwasang matisod?

MGA SANHI NG PAGKATISOD

9. Anong mga sanhi ng pagkatisod ang tatalakayin natin?

9 Talakayin natin ang limang bagay na maaaring maging katitisuran—mga kahinaan natin, mga pagnanasa ng laman, kawalang-katarungang ginawa ng mga kapananampalataya, kapighatian o pag-uusig, at mga kahinaan ng iba. Tandaan na kung natisod tayo, si Jehova ay napakamatiisin at hindi siya agad-agad sumusuko sa atin.

10, 11. Anong mga kahinaan ang pinaglabanan ni David?

10 Ang mga kahinaan natin ay maihahalintulad sa mga batong nagkalat sa daan. Magbalik-tanaw tayo sa buhay ni Haring David at ni apostol Pedro at pansinin ang dalawa sa mga kahinaang ito—kawalan ng pagpipigil sa sarili at pagkatakot sa tao.

11 Hindi laging nakapagpakita ng pagpipigil sa sarili si Haring David, gaya ng pinatutunayan ng mga ikinilos niya may kaugnayan kay Bat-sheba. Noong insultuhin siya ni Nabal, muntik na siyang kumilos nang padalus-dalos. Pero nagkulang man siya ng pagpipigil sa sarili, hindi siya sumuko sa pagsisikap na palugdan si Jehova. Sa tulong ng iba, ‘nakabangon’ siya mula sa kaniyang mga pagkakamali.—1 Sam. 25:5-13, 32, 33; 2 Sam. 12:1-13.

12. Paano nanatili si Pedro sa takbuhan sa kabila ng pagkatisod?

12 Tapat si Pedro kay Jesus at kay Jehova. Pero may mga pagkakataong natisod siya dahil sa takot sa iisipin ng iba. Halimbawa, tahasan niyang ikinaila ang kaniyang Panginoon, hindi lang minsan, kundi tatlong ulit. (Luc. 22:54-62) Nang maglaon, nabigo siyang kumilos bilang Kristiyano nang tratuhin niya ang mga mananampalatayang Gentil na parang nakabababa sa mga tuling Judiong Kristiyano. Nakita ni apostol Pablo ang maling saloobin ni Pedro. Hindi dapat magkaroon ng pagtatangi sa loob ng kongregasyon. Kaya bago masira ang samahan ng mga kapatid dahil sa iginawi ni Pedro, kumilos si Pablo at pinayuhan ito nang mukhaan. (Gal. 2:11-14) Nagdamdam ba si Pedro dahil sa payong ito at huminto na sa takbuhan ukol sa buhay? Hindi. Pinag-isipan niya ang payo ni Pablo, ikinapit ito, at nagpatuloy sa takbuhan.

13. Paano maaaring maging katitisuran ang problema sa kalusugan?

13 Kung minsan, ang kahinaan natin ay  may kinalaman sa ating kalusugan. Maaari din itong maging katitisuran. Puwede tayong bumagal, mawalan ng panimbang, o manghimagod pa nga. Halimbawa, 17 taon matapos mabautismuhan, isang sister na Haponesa ang nagkasakit nang malubha. Masyado siyang nabahala sa kaniyang kalusugan anupat nanghina sa espirituwal at naging di-aktibo. Dalawang elder ang dumalaw sa kaniya. Napatibay siya sa sinabi nila kung kaya dumalo siyang muli. Sinabi niya, “Napaiyak ako dahil napakainit ng pagtanggap sa akin ng mga kapatid.” Kasali na uli sa takbuhan ang sister na ito.

14, 15. Ano ang dapat nating gawin kapag bumangon ang maling mga pagnanasa? Magbigay ng halimbawa.

14 Naging katitisuran din sa marami ang mga pagnanasa ng laman. Kapag natutukso, kailangan tayong kumilos para makapanatiling malinis sa mental, moral, at espirituwal. Tandaan ang payo ni Jesus na ‘itapon’ ang anumang bagay na makatitisod sa atin, kahit ang ating mata o kamay. Hindi ba’t kasama riyan ang imoral na mga kaisipan at paggawi na naging dahilan kung bakit ang ilan ay huminto sa pagtakbo?—Basahin ang Mateo 5:29, 30.

15 Isinulat ng isang brother, na pinalaki sa katotohanan, na napakatagal na niyang pinaglalabanan ang kaniyang homoseksuwal na damdamin. Sinabi niya: “Lagi akong naaasiwa. Parang wala akong kalagyan.” Pagtuntong ng edad 20, nag-regular pioneer siya at naging ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Pero nakagawa siya ng malubhang kasalanan, kinailangang madisiplina, at tumanggap ng tulong mula sa mga elder. Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng Bibliya, at pagtulong sa iba, nakabangon siya at naipagpatuloy ang kaniyang pagtakbo. Pagkaraan ng maraming taon, inamin niya: “Kung minsan, nagbabalik ang mga damdaming iyon, pero hindi ako nagpapadaig. Natutuhan kong hindi hinahayaan ni Jehova na matukso tayo nang higit sa makakaya natin. Kaya alam kong may tiwala ang Diyos na mapagtatagumpayan ko ito.” Sinabi pa niya: “Sa bagong sanlibutan, magiging sulit ang lahat ng pakikipagpunyagi ko. Iyan ang gusto ko! Kaya patuloy akong makikipaglaban.” Determinado siyang manatili sa takbuhan.

16, 17. (a) Ano ang nakatulong sa isang brother na nag-isip na biktima siya ng kawalang-katarungan? (b) Kanino tayo dapat tumingin para huwag matisod?

16 Maaari ding maging katitisuran ang kawalang-katarungang ginawa ng mga kapananampalataya. Sa Pransiya, inisip ng isang dating elder na biktima siya ng kawalang-katarungan. Naghinanakit siya, huminto sa pagdalo sa mga pulong, at naging di-aktibo. Dalawang elder ang dumalaw sa kaniya at may-kabaitang nakinig nang hindi sumasabad habang inilalahad niya ang bersiyon niya ng mga pangyayari. Pinasigla nila siyang ihagis ang kaniyang pasanin kay Jehova. Ipinaalaala nila na ang pinakaimportante ay ang palugdan ang Diyos. Nakinig siya sa kanilang payo at di-nagtagal ay nakabalik sa takbuhan, anupat muling naging aktibo sa kongregasyon.

17 Lahat ng Kristiyano ay dapat tumingin sa inatasang Ulo ng kongregasyon, si Jesu-Kristo, at hindi sa di-sakdal na mga tao. Yamang ang “mga mata [ni Jesus] ay gaya ng nagliliyab na apoy,” nakikita niya ang lahat ng bagay at nauunawaan ito nang higit kaysa kaninuman sa atin. (Apoc. 1:13-16) Halimbawa, alam niya kung ang inaakala nating kawalang-katarungang ginawa sa atin ay isa lamang di-pagkakaunawaan. Itutuwid niya ang mga bagay-bagay sa kongregasyon sa tamang paraan at panahon. Kaya naman, hindi natin dapat pahintulutan ang mga pagkilos o pagpapasiya ng ibang Kristiyano na maging katitisuran sa atin.

18. Paano natin makakayanan ang kapighatian o pag-uusig?

18 Ang dalawa pang halimbawa ng katitisuran ay ang kapighatian o pag-uusig at ang mga kahinaan ng iba sa kongregasyon. Sa talinghaga tungkol sa manghahasik, sinabi ni Jesus na  “ang kapighatian o pag-uusig” dahil sa salita ay maaaring ikatisod ng ilang indibiduwal. Maaari tayong pag-usigin ng ating mga kapamilya, kapitbahay, o ng mga awtoridad sa pamahalaan dahil sa katotohanan. Kung ang isa ay hindi nakaugat sa katotohanan, nanganganib siyang matisod. (Mat. 13:21) Pero kung iingatan natin ang isang matuwid na puso, ang binhi ng Kaharian ay makatutulong para magkaroon ng matitibay na ugat ang ating pananampalataya. Kapag napapaharap sa mga pagsubok, sikaping bulay-bulayin ang ‘kapuri-puring mga bagay.’ (Basahin ang Filipos 4:6-9.) Bibigyan tayo ni Jehova ng lakas na makayanan ang mga pagsubok at huwag matisod.

Huwag magpahadlang at tapusin ang takbuhan!

19. Paano natin maiiwasang matisod kapag may nakasakit sa atin?

19 Nakalulungkot, ang ilan ay huminto sa takbuhan dahil nagpaapekto sila sa mga kahinaan ng iba. Naging katitisuran sa kanila ang pagkakaiba-iba ng pangmalas sa mga bagay na nakadepende sa personal na pagpapasiya. (1 Cor. 8:12, 13) Kapag may nakasakit sa ating damdamin, palalakihin ba natin ito? Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na huwag nang humatol, kundi magpatawad at huwag igiit ang sariling karapatan. (Luc. 6:37) Kapag napaharap ka sa isang katitisuran, tanungin ang sarili: ‘Am Hinahatulan ko ba ang iba batay sa sarili kong kagustuhan? Hahayaan ko ba ang di-kasakdalan ng iba na magpahinto sa akin sa takbuhan ukol sa buhay?’ Anuman ang gawin ng iba, ang pag-ibig natin kay Jehova ay magpapatibay ng ating determinasyon na makatawid sa finish line.

TUMAKBO NANG MAY PAGBABATA AT HUWAG MATISOD

20, 21. Ano ang determinasyon mo kung tungkol sa takbuhan ukol sa buhay?

20 Determinado ka bang ‘tumakbo hanggang sa katapusan’? (2 Tim. 4:7, 8) Kung gayon, napakahalaga ng personal na pag-aaral. Gamitin ang Bibliya at ang ating mga publikasyon para magsaliksik, magbulay-bulay, at para matukoy ang mga bagay na maaaring maging katitisuran sa iyo. Hingin ang banal na espiritu ng Diyos para magkaroon ka ng espirituwal na lakas. Tandaan, hindi talunan ang isang mananakbo dahil lang sa natitisod o nabubuwal siya paminsan-minsan. Maaari siyang bumangon at magpatuloy sa pagtakbo. Puwede pa nga niyang gawing tuntungang-bato ang mga batong katitisuran, anupat natututo sa kaniyang mga pagkakamali para mapagtagumpayan ang anumang hadlang sa kaniyang pananampalataya.

21 Ipinakikita ng Bibliya na kailangan tayong magsikap sa takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan. Hindi ito parang pagsakay lang sa bus na maghahatid sa atin sa tagumpay. Kailangan tayong tumakbo sa takbuhan ukol sa buhay. Habang ginagawa natin ito, ang “saganang kapayapaan” mula kay Jehova ay aalalay sa atin. (Awit 119:165) Makapagtitiwala tayo na patuloy niya tayong pagpapalain ngayon at sa hinaharap, kung makatatawid tayo sa finish line.—Sant. 1:12.