Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang Sarili at ang Iba Gamit ang Salita ng Diyos

Tulungan ang Sarili at ang Iba Gamit ang Salita ng Diyos

“Itinuturing kong marapat ang lahat ng pag-uutos tungkol sa lahat ng bagay.”AWIT 119:128.

1. Bakit tayo dapat lubusang magtiwala sa Salita ng Diyos?

KAPAG isinasaalang-alang ng mga elder kung kuwalipikado nang makibahagi sa ministeryo ang isang inaaralan sa Bibliya, tinatanong nila ang kanilang sarili, ‘Ipinakikita ba ng mga pananalita ng indibiduwal na naniniwala siyang ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos?’ * Para sa sinumang nagnanais maging mamamahayag ng Kaharian—sa katunayan, sa lahat ng lingkod ng Diyos—dapat na ang sagot ay oo. Bakit? Kapag lubusan tayong nagtitiwala sa Salita ng Diyos at ginagamit ito nang mahusay sa ministeryo, matutulungan natin ang iba na makilala si Jehova at magtamo ng kaligtasan.

2. Bakit tayo dapat ‘magpatuloy sa mga bagay na ating natutuhan’?

2 Idiniin ni apostol Pablo ang kahalagahan ng Salita ng Diyos nang sumulat siya kay Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.” Ang “mga bagay” na tinutukoy ni Pablo ay ang mga katotohanan sa Bibliya na nag-udyok kay Timoteo na manampalataya sa mabuting balita. Ganito rin ang epekto sa atin ng mga katotohanang ito. Tinutulungan tayo ng mga ito na manatiling ‘marunong ukol sa kaligtasan.’ (2 Tim. 3:14, 15) Madalas nating gamitin ang sumunod na mga pananalita ni Pablo para ipakita sa iba na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos. Pero mayroon pa tayong matututuhan sa mga salita na nasa 2 Timoteo 3:16. (Basahin.) Talakayin natin nang mas detalyado ang tekstong iyan para mapatibay ang ating pagtitiwala na “marapat,” o tama, ang lahat ng turo ni Jehova.Awit 119:128.

“KAPAKI-PAKINABANG SA PAGTUTURO”

3-5. (a) Paano tumugon ang pulutong sa pahayag ni Pedro noong Pentecostes, at bakit? (b) Bakit marami ang tumanggap ng katotohanan sa Tesalonica? (c) Ano ang hinahangaan ng marami sa ngayon sa ating ministeryo?

3 Sinabi ni Jesus sa bansang Israel: “Nagsusugo ako sa  inyo ng mga propeta at mga taong marurunong at mga pangmadlang tagapagturo.” (Mat. 23:34) Ang tinutukoy ni Jesus ay ang kaniyang mga alagad na tinuruan niyang gumamit ng Kasulatan sa kanilang ministeryo. Noong Pentecostes 33 C.E., ang isa sa “mga pangmadlang tagapagturo” na ito, si apostol Pedro, ay nagpahayag sa isang malaking pulutong sa Jerusalem at sumipi ng iba’t ibang teksto sa Hebreong Kasulatan. Pagkarinig sa paliwanag ni Pedro sa mga iyon, ‘nasugatan ang puso’ ng maraming naroroon. Pinagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at humingi ng tawad sa Diyos. Mga tatlong libo sa kanila ang naging mga Kristiyano.Gawa 2:37-41.

4 Isa pang pangmadlang tagapagturo, si apostol Pablo, ang nangaral ng mabuting balita sa labas ng Jerusalem. Halimbawa, nagsalita siya sa mga mananamba sa sinagoga sa Tesalonica, isang lunsod ng Macedonia. Sa loob ng tatlong Sabbath, “nangatuwiran [si Pablo] sa kanila mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay.” Ang resulta? “Ang ilan sa [mga Judio] ay naging mga mananampalataya,” gayundin ang “isang malaking karamihan ng mga Griego.”Gawa 17:1-4.

5 Marami rin ang humahanga sa paggamit natin ng Bibliya sa ngayon. Halimbawa, sa Switzerland, matapos magbasa ng teksto ang isang sister, tinanong siya ng isang lalaki: “Ano’ng relihiyon ninyo?” Sumagot ang sister: “Kami ng kasama ko ay mga Saksi ni Jehova.” Sinabi ng lalaki: “Sabi ko na nga ba. Maliban sa mga Saksi ni Jehova, may iba pa bang pupunta sa bahay ko para magbasa ng Bibliya?”

6, 7. (a) Paano lubusang magagamit ng mga nagtuturo sa kongregasyon ang Bibliya? (b) Paano natin mabisang magagamit ang Bibliya sa ating mga inaaralan?

6 Paano pa natin magagamit nang lubusan ang Bibliya sa ating pagtuturo? Kung mayroon kang pahayag o iba pang bahagi sa pulong, gumamit ng espesipikong mga teksto. Sa halip na basta ibigay ang buod ng mahahalagang teksto o magbasa mula sa printout o gadyet, buklatin ang Bibliya at magbasa mula rito, at pasiglahin ang mga tagapakinig na gawin din ito. Maglaan din ng panahon para ipaliwanag ang mga teksto upang lalong mapalapít kay Jehova ang mga tagapakinig. Sa halip na gumamit ng masasalimuot na ilustrasyon at ng mga karanasan sa layuning magpatawa, gugulin ang panahon sa pagtalakay sa Salita ng Diyos.

7 Ano ang dapat nating tandaan kapag nagtuturo sa ating mga inaaralan sa Bibliya? Huwag nating lampasan ang mga tekstong binanggit sa publikasyon. Ipabasa natin ang mga ito sa ating inaaralan at tulungan siyang maunawaan ang mga ito. Paano? Hindi sa pamamagitan ng mahahabang paliwanag na para bang naglelektyur tayo. Dapat natin siyang himukin na ipahayag ang kaniyang iniisip. Sa halip na sabihin kung ano ang dapat niyang paniwalaan o kung paano siya dapat kumilos, puwede tayong magbangon ng mahuhusay na tanong para matulungan siyang mag-isip at makagawa ng tamang konklusyon. *

“KAPAKI-PAKINABANG . . . SA PAGSAWAY”

8. Anong pakikipagpunyagi ang naranasan ni Pablo?

8 Kadalasan, iniisip natin na ang “pagsaway” ay tungkulin lang ng mga elder sa kongregasyon. At talaga namang pananagutan ng mga tagapangasiwa na ‘sawayin ang mga taong namimihasa sa kasalanan.’ (1 Tim. 5:20; Tito 1:13) Pero kailangan din nating sawayin ang ating sarili. Si Pablo ay ulirang Kristiyano na may malinis na budhi. (2 Tim. 1:3) Gayunman, isinulat niya: “Nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan.” Pag-aralan natin  ang konteksto ng pananalitang iyan para mas maunawaan natin kung paano nakipagbaka si Pablo sa kaniyang makasalanang hilig.Basahin ang Roma 7:21-25.

9, 10. (a) Ano marahil ang mga kahinaang pinaglabanan ni Pablo? (b) Paano kaya nakipagbaka si Pablo laban sa kasalanan?

9 Anong mga kahinaan ang pinaglabanan ni Pablo? Wala siyang espesipikong binanggit. Pero nang sumulat siya kay Timoteo, nabanggit niya na dati siyang “isang taong walang pakundangan.” (1 Tim. 1:13) Bago siya nakumberte, gayon na lang ang poot ni Pablo sa mga Kristiyano anupat inamin niya: “Sukdulan ang galit ko sa kanila.” (Gawa 26:11) Natutuhang supilin ni Pablo ang kaniyang galit. Pero tiyak na may mga panahong nakipagpunyagi siyang kontrolin ang kaniyang damdamin at pananalita. (Gawa 15:36-39) Ano ang nakatulong sa kaniya?

10 Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto, ipinaliwanag niya kung paano niya sinasaway ang kaniyang sarili. (Basahin ang 1 Corinto 9:26, 27.) Talagang pinaglabanan niya ang kaniyang mga kahinaan. Malamang na naghanap siya ng mga payo mula sa Kasulatan, nagsumamo kay Jehova, at nagsikap na ikapit ang mga ito. * Matutularan natin ang kaniyang halimbawa dahil nakikipagpunyagi rin tayo sa ating di-sakdal na mga hilig.

11. Paano natin ‘patuloy na masusubok’ ang ating sarili para matiyak na lumalakad nga tayo sa daan ng katotohanan?

11 Huwag na huwag tayong maging kampante pagdating sa ating mga kahinaan. Kailangang ‘patuloy nating subukin’ ang ating sarili para matiyak na lumalakad tayo sa daan ng katotohanan. (2 Cor. 13:5) Kapag nagbabasa ng mga teksto gaya ng Colosas 3:5-10, tanungin ang sarili: ‘Pinagsisikapan ko bang patayin ang aking makasalanang hilig o nanghihina na ako sa moral? Kapag may biglang lumitaw na imoral na Web site habang nag-i-Internet ako, isinasara ko ba ito? O naghahanap pa ako ng mahahalay na Web site?’ Kung ikakapit natin ang payo ng Salita ng Diyos, ‘mananatili tayong gising at mapananatili natin ang ating katinuan.’1 Tes. 5:6-8.

“KAPAKI-PAKINABANG . . . SA PAGTUTUWID NG MGA BAGAY-BAGAY”

12, 13. (a) Ano ang tunguhin natin sa “pagtutuwid ng mga bagay-bagay,” at paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus? (b) Anong uri ng pananalita ang dapat iwasan kapag kailangan nating ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ sa iba?

12 Ang terminong Griego na isinaling “pagtutuwid ng mga bagay-bagay” ay nangangahulugang “ayusin, ituwid, ibalik sa tama at tuwid na kalagayan.” Kung minsan, kailangan nating ituwid ang mga bagay-bagay sa iba na hindi nakauunawa sa atin o sa ating ginawa. Halimbawa, pinuna ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pakikisama ni Jesus sa “mga maniningil ng buwis at . . . mga makasalanan.” Tumugon si Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’” (Mat. 9:11-13) Matiyaga at may-kabaitan niyang ipinaliwanag sa lahat ang mga salita ng Diyos. Kaya nakilala nila si Jehova bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Ex. 34:6) Dahil sa pagsisikap ng Anak ng Diyos na ‘ituwid ang mga bagay-bagay,’ maraming mapagpakumbabang tao ang nanampalataya sa mabuting balita.

13 Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus kung paano natin dapat tulungan ang iba. Pero baka sabihin ng isang naiinis, ‘May mga bagay-bagay akong gustong ituwid sa iyo.’ Hindi iyan ang ibig sabihin ng 2 Timoteo 3:16. Ang Kasulatan ay hindi nagbibigay sa atin ng karapatan na kausapin nang walang pakundangan ang iba. Kung labis tayong magiging mapamuna, ang mga salita natin ay magiging  tulad ng “mga saksak ng tabak” na nakasasakit at baka hindi pa nga magdulot ng pakinabang.Kaw. 12:18.

14-16. (a) Paano ‘maitutuwid ng mga elder ang mga bagay-bagay’ para matulungan ang mga may problema? (b) Bakit napakahalagang gamitin ang Kasulatan sa “pagtutuwid ng mga bagay-bagay” pagdating sa pagpapalaki ng mga anak?

14 Kung gayon, paano tayo magiging matiyaga at mabait kapag ‘nagtutuwid ng mga bagay-bagay’? Ipagpalagay na humingi ng tulong sa isang elder ang isang mag-asawa na laging nagtatalo. Ano ang gagawin ng elder? Wala siyang kakampihan, at sa halip, gagamitin niya ang mga simulain ng Bibliya sa pangangatuwiran sa kanila, gaya ng nasa kabanata 3 ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Habang tinatalakay niya sa kanila ang mga simulaing ito, baka makita ng mag-asawa kung aling payo ang dapat ikapit ng bawat isa sa kanila. Paglipas ng ilang panahon, maaari silang kumustahin ng elder at mag-alok ng karagdagang tulong kung kinakailangan.

 15 Mga magulang, paano naman ninyo ‘itutuwid ang mga bagay-bagay’ pagdating sa inyong mga anak? Halimbawa, may bagong kaibigan ang anak mong dalagita. Pero iniisip mong hindi ito mabuting impluwensiya sa kaniya. Una, alamin mo muna ang tungkol sa kaibigang ito. Kung talagang may dahilan para mag-alala, kausapin mo ang iyong anak, marahil ay ginagamit ang mga punto mula sa Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Pagkatapos, sikaping gumugol ng higit na panahon kasama niya. Puwede mong obserbahan ang saloobin niya kapag nakikibahagi sa ministeryo o naglilibang kasama ng pamilya. Kung magiging matiyaga ka at mabait, madarama niya na talagang mahal mo siya. Malamang na ikakapit niya ang payo mo. Sa gayon, makaiiwas siya sa kapahamakan.

Kapag maibiging ginagamit ng mga magulang ang Bibliya para ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ sa kanilang mga anak, matutulungan nila ang mga ito na makaiwas sa kapahamakan (Tingnan ang parapo 15)

16 Sa katulad na paraan, mapatitibay rin natin ang mga nababahala sa kanilang kalusugan, nanlulumo dahil nawalan ng trabaho, o nalilito sa ilang turo ng Kasulatan. Oo, ang paggamit ng Salita ng Diyos para ‘ituwid ang  mga bagay-bagay’ ay nagdudulot ng maraming pakinabang sa bayan ni Jehova.

“KAPAKI-PAKINABANG . . . SA PAGDIDISIPLINA SA KATUWIRAN”

17. Bakit natin dapat tanggapin ang disiplina nang may pasasalamat?

17 “Walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati.” Pero, “pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Heb. 12:11) Karamihan ng mga adultong Kristiyano ay sasang-ayon na nakatulong sa kanila ang disiplinang tinanggap nila sa kanilang mga magulang na nasa katotohanan. At kapag tinatanggap natin ang disiplina mula kay Jehova na ibinibigay sa pamamagitan ng mga elder, matutulungan tayong manatili sa daan ng buhay.Kaw. 4:13.

18, 19. (a) Bakit napakahalaga ng payo sa Kawikaan 18:13 sa “pagdidisiplina sa katuwiran”? (b) Ano ang maaaring maging resulta kapag ang mga elder ay nagpapakita ng kahinahunan at pag-ibig sa pagdidisiplina sa mga nagkasala?

18 Kailangan ang husay sa pagbibigay ng mabisang disiplina. Sinabi ni Jehova sa mga Kristiyano na maglapat sila ng disiplina “sa katuwiran.” (2 Tim. 3:16) Ibig sabihin, gamitin nating patnubay sa pagdidisiplina ang mga simulain ng Bibliya. Isa sa mga ito ay nasa Kawikaan 18:13: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.” Bago disiplinahin ng mga elder ang indibiduwal na pinaratangan ng malubhang kasalanan, magsisiyasat muna sila para malaman ang buong katotohanan. (Deut. 13:14) Saka lang sila makapagdidisiplina “sa katuwiran.”

19 Sinasabi rin ng Salita ng Diyos sa mga elder na ituwid nila ang iba “nang may kahinahunan.” (Basahin ang 2 Timoteo 2:24-26.) Totoo, ang nagkasala ay maaaring nagdulot ng upasala sa pangalan ni Jehova at nakaagrabyado sa ibang tao. Pero kung magagalit ang elder habang pinapayuhan ang nagkasala, hindi niya ito matutulungan. Sa kabaligtaran, kung tutularan ng mga elder “ang kabaitan ng Diyos,” baka mapakilos nila ang nagkasala na magsisi.Roma 2:4.

20. Anong mga simulain ang dapat sundin ng mga magulang kapag dinidisiplina ang kanilang mga anak?

20 Kailangan ding sundin ng mga magulang ang mga simulain ng Bibliya para mapalaki ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Halimbawa, hindi dapat parusahan agad ng isang ama ang kaniyang anak dahil lang sa isang sumbong. Dapat muna niyang alamin ang buong katotohanan. Walang dako ang karahasan at galit sa pamilyang Kristiyano. “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain,” at dapat siyang tularan ng mga magulang sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak.Sant. 5:11.

ANG NAPAKAHALAGANG KALOOB NI JEHOVA SA ATIN

21, 22. Anong pananalita sa Awit 119:97-104 ang naglalarawan ng nadarama mo sa Salita ni Jehova?

21 Minsan, ipinahayag ng isang lingkod ng Diyos ang pag-ibig niya sa kautusan ni Jehova. (Basahin ang Awit 119:97-104.) Sa pag-aaral nito, naging marunong siya at nagkaroon ng malinaw at malalim na unawa sa mga bagay-bagay. Ang pagsunod sa payo nito ay tumulong sa kaniya na maiwasan ang landas ng kabulaanan na ikinapahamak ng iba. Para sa kaniya, kasiya-siyang pag-aralan ang Kasulatan. Determinado siyang sundin ang mga tagubilin ng Diyos sa kaniyang buong buhay.

22 Pinahahalagahan mo ba ang “lahat ng Kasulatan”? Sa tulong nito, mapatitibay mo ang iyong pananampalataya na tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin. Ang kinasihang payo nito ay proteksiyon mula sa nakamamatay na epekto ng pamimihasa sa kasalanan. Kung gagamitin mo ito nang may kahusayan, matutulungan mo ang iba na lumakad sa daan ng buhay at manatili roon. Nawa’y gamitin natin nang lubusan ang Bibliya habang naglilingkod tayo sa Diyos na Jehova na sakdal sa karunungan at pag-ibig.

^ par. 1 Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, pahina 79.

^ par. 7 Noong nagtuturo si Jesus, madalas niyang itanong: “Ano sa palagay ninyo?” Pagkatapos, hinihintay niya silang sumagot.Mat. 18:12; 21:28; 22:42.

^ par. 10 Ang mga liham ni Pablo ay naglalaman ng maraming pampatibay-loob para mapagtagumpayan ang makasalanang mga hilig. (Roma 6:12; Gal. 5:16-18) Makatuwirang isipin na ikinapit niya mismo ang mga payo niya sa iba.Roma 2:21.