TALAMBUHAY
Nagkaroon ng Layunin ang Aming Buhay
NANG isilang ko si Gary noong 1958, napansin kong parang may diperensiya siya. Pero sampung buwan bago natukoy ng mga doktor ang sakit niya at limang taon pa bago ito nakumpirma ng mga espesyalista sa London. Pagkalipas ng siyam na taon, lalo akong nalungkot nang isilang ko ang anak kong babae na si Louise dahil mas malala ang mga sintomas niya kaysa kay Gary.
“Parehong may LMBB syndrome * ang mga anak mo, at wala itong lunas,” ang may-simpatiyang sinabi sa akin ng mga doktor. Noong panahong iyon, kaunti pa lang ang alam tungkol sa sakit na ito. Ang ilan sa mga sintomas nito ay problema sa paningin na maaaring mauwi sa pagkabulag, sobrang katabaan, sobrang mga daliri sa kamay at/o paa, developmental delay, problema sa pagkilos ng mga bahagi ng katawan, diabetes mellitus, osteoarthritis, at problema sa kidney. Kaya ang pag-aalaga sa mga anak ko ay hindi magiging madali. Sa isang pag-aaral kamakailan, tinatayang 1 sa bawat 125,000 katao sa Britain ang may LMBB syndrome, bagaman posibleng marami pa ang may ganitong sakit pero hindi gaanong malala.
SI JEHOVA ANG AMING “MATIBAY NA KAITAASAN”
Di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal, may nakausap akong mga Saksi ni Jehova. Natanto ko agad na ito ang katotohanan. Pero hindi interesado ang asawa ko. Dahil sa kaniyang trabaho, palipat-lipat kami ng lugar, kaya hindi ako nakakadalo sa mga pulong. Pero patuloy akong nagbasa ng Bibliya at nanalangin kay Jehova. Napatibay ako nang mabasa ko na “si Jehova ay magiging matibay na kaitaasan para sa sinumang nasisiil, isang matibay na kaitaasan sa mga panahon ng kabagabagan” at ‘tiyak na hindi niya iiwan yaong mga humahanap sa kaniya’!
May problema sa paningin si Gary, kaya noong anim na taóng gulang siya, ipinasok namin siya sa isang boarding school sa south coast ng England para sa mga may espesyal na pangangailangan. Lagi siyang tumatawag sa akin sa telepono para sabihin ang kaniyang mga ikinababahala, kaya natulungan ko siyang maunawaan ang ilang simulain sa Bibliya. Mga ilang taon naman pagkatapos maisilang si Louise, nagkasakit ako ng multiple sclerosis at fibromyalgia. Noong 16 anyos na si Gary, lumabas na siya sa boarding school at sa bahay na uli siya tumira. Pero patuloy na lumala ang problema niya sa paningin hanggang sa tuluyan na siyang mabulag noong 1975. Iniwan naman kami ng asawa ko noong 1977.
Pag-uwi ni Gary, umugnay kami sa isang maibiging kongregasyon at naging aktibo sa mga gawain nito. Nabautismuhan ako noong 1974. Nagpapasalamat ako sa isang elder na tumulong kay Gary na maunawaan ang mga pagbabago sa kaniyang katawan noong nagtitin-edyer siya. Tinutulungan naman ako ng ibang mga Saksi sa mga gawain sa bahay. Nang maglaon, lima sa mga kapatid na ito ang kinuha at pinasusuweldo ng isang ahensiya ng serbisyong panlipunan para maging mga caregiver namin. Napakalaking tulong talaga nito sa amin!
Patuloy na sumulong sa espirituwal si Gary at nabautismuhan noong 1982. Gusto talaga niyang mag-auxiliary pioneer, kaya nagpasiya akong samahan siya sa paglilingkurang ito sa loob ng maraming taon. Tuwang-tuwa siya nang sabihin sa kaniya ng aming tagapangasiwa ng sirkito, “Bakit hindi mo subukang mag-regular pioneer, Gary?” Napasigla si Gary sa sinabing iyon ng tagapangasiwa ng sirkito, at noong 1990, naging regular pioneer siya.
Noong 1999 at 2008, sumailalim si Gary sa hip replacement operation. Pero mas malala ang kalagayan ni Louise. Ipinanganak siyang bulag, at nang makita kong may sobra siyang daliri sa isang paa, alam kong mayroon din siyang LMBB syndrome. Di-nagtagal, nalaman namin sa mga pagsusuri na may matitinding depekto rin ang marami sa kaniyang internal organ. Sa nakalipas na mga taon, sumailalim siya sa maraming maseselang operasyon, lima rito ay sa kaniyang mga kidney. Tulad ni Gary, mayroon din siyang diabetes.
Dahil alam ni Louise na posibleng may bumangong mga problema kapag may operasyon siya, patiuna niyang kinakausap ang mga surgeon, anesthesiologist, at pangasiwaan ng ospital para ipaliwanag kung bakit ayaw niyang magpasalin ng dugo. Bilang resulta, naging malapit siya sa mga nangangalaga sa kaniyang kalusugan.
BUHAY NA MAY LAYUNIN
Sa bahay, abalang-abala kami sa pagsamba kay Jehova. Noong wala pa ang modernong mga pantulong, maraming oras ang ginugugol ko sa pagbabasa kina Gary at Louise. Dahil sa mga CD, DVD, at mga rekording sa www.dan124.com, nasisiyahan kaming pag-aralan ang mga tatalakayin sa pulong linggu-linggo at nakapagkokomento kami.
Kung minsan, isinasaulo ni Gary ang mga sagot niya, at kapag may bahagi siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, naipapahayag niya ito sa sarili niyang salita. Naging ministeryal na lingkod siya noong 1995 at laging abala sa mga gawain sa Kingdom Hall
Sinasamahan ng mga kapatid si Gary sa ministeryo. Kapag sinusumpong siya ng arthritis, kadalasang sila ang nagtutulak ng wheelchair niya. May isang kapatid na tumutulong sa kaniya na turuan sa Bibliya ang isang interesado. Napasigla rin ni Gary ang isang sister na di-aktibo sa loob ng 25 taon. Pareho nang dumadalo sa pagpupulong ang dalawang ito.
Noong siyam na taóng gulang si Louise, tinuruan siyang maggantsilyo ng kaniyang lola. Tinuruan ko naman siya at ng isa sa mga caregiver niya na magburda. Dahil gustung-gusto niyang gawin ang mga ito, naggagantsilyo siya ng makukulay na blangket para sa mga baby at mga may-edad sa kongregasyon. Gumagawa rin siya ng mga greeting card na may nakadikit na mga larawan. Gustung-gusto iyon ng mga binibigyan niya. Noong nagdadalaga siya, natuto siyang mag-touch-type. Sa tulong ng isang special talking computer, lagi siyang nag-i-e-mail sa mga kaibigan niya. Nabautismuhan si Louise noong 17 anyos siya. Kapag may espesyal na kampanya sa pangangaral, nag-o-auxiliary pioneer kaming mag-ina. Tulad ni Gary, nagsasaulo rin si Louise ng mga teksto para ipahayag ang pananampalataya niya sa ipinangako ng Diyos na isang sanlibutan kung saan “madidilat ang mga mata ng mga bulag” at “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”
Laking pasasalamat namin sa napakahalagang mga katotohanan sa kinasihang Salita ni Jehova! Nag-uumapaw ang aming puso dahil sa maibiging suporta ng kongregasyon. At sa tulong ni Jehova, nagkaroon ng layunin ang aming buhay.
^ par. 5 Ang Laurence-Moon-Bardet-Biedl syndrome ay isinunod sa pangalan ng apat na doktor na nakatuklas sa sakit na ito, na namamana kapag ang mga magulang ay parehong mayroon nito sa kanilang gene. Sa ngayon, mas kilala ito sa tawag na Bardet-Biedl syndrome. Wala itong lunas.