Magpahubog sa Disiplina ni Jehova
“Papatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay dadalhin mo ako sa kaluwalhatian.”—AWIT 73:24.
1, 2. (a) Anu-ano ang kailangan para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan kay Jehova? (b) Paano tayo makikinabang kung susuriin natin ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa pagtugon ng mga tao sa disiplina ng Diyos?
“KUNG tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.” (Awit 73:28) Bakit naipahayag ng salmista ang gayong pagtitiwala sa Diyos? Bago nito, nakita niya ang kapayapaan ng mga taong balakyot at naghinanakit siya. Sinabi niya: “Walang kabuluhan ang paglilinis ko ng aking puso at ang paghuhugas ko ng aking mga kamay sa kawalang-sala.” (Awit 73:2, 3, 13, 21) Pero nang pumasok siya sa “maringal na santuwaryo ng Diyos,” naituwid ang kaniyang kaisipan at napanatili niya ang kaniyang malapít na kaugnayan kay Jehova. (Awit 73:16-18) Isang mahalagang aral ang natutuhan ng salmista: Kailangan ang pakikisama sa bayan ng Diyos, pagtanggap ng payo, at pagkakapit nito para magkaroon ang isa ng malapít na kaugnayan kay Jehova.—Awit 73:24.
2 Gusto rin nating maging malapít sa tunay at buháy na Diyos. Kaya napakahalagang magpahubog sa kaniyang payo at disiplina para maging kalugud-lugod tayo sa kaniya! Noon, nagpakita ng awa ang Diyos sa mga indibiduwal at mga bansa at binigyan sila ng pagkakataong tumugon sa kaniyang disiplina. Ang mga ulat hinggil sa pagtugon nila ay isinulat sa Bibliya para “sa ating ikatututo” at “bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (Roma 15:4; 1 Cor. 10:11) Kung susuriin natin ang mga ulat na ito, lalo nating makikilala si Jehova at makikita natin kung paano tayo makikinabang sa kaniyang paghubog.
KUNG PAANO GINAGAMIT NG MAGPAPALAYOK ANG KANIYANG AWTORIDAD
3. Paano inilalarawan sa Isaias 64:8 at Jeremias 18:1-6 ang awtoridad ni Jehova sa mga tao? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)
3 Ganito inilalarawan ng Isaias 64:8 ang awtoridad ni Jehova sa mga indibiduwal at mga bansa: “O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok; at kaming lahat ang gawa ng iyong kamay.” Magagawa ng magpapalayok ang anumang naisin niya sa luwad. Hindi puwedeng sabihin ng luwad sa magpapalayok kung ano ang gagawin. Ganiyan din naman pagdating sa tao at sa Diyos. Walang karapatan ang tao na diktahan ang Diyos, kung paanong walang karapatan ang luwad na diktahan ang magpapalayok.—Basahin ang Jeremias 18:1-6.
4. Basta lang ba hinuhubog ni Jehova ang mga tao at mga bansa? Ipaliwanag.
4 May kinalaman sa sinaunang Israel, ipinakita ni Jehova na sila ay gaya ng luwad sa kaniyang kamay. Pero malaki ang kaibahan ng Diyos sa taong magpapalayok. Bahala ang magpapalayok kung anong uri ng sisidlan ang gusto niyang gawin sa luwad. Basta lang din ba hinuhubog ni Jehova ang mga tao at mga bansa, na ang iba ay ginagawang mabuti at ang iba ay masama? Ang sagot ng Bibliya ay hindi. Binigyan ni Jehova ang mga tao ng isang napakagandang regalo—ang kalayaang magpasiya. Kaya hindi niya ginagamit ang kaniyang awtoridad bilang Soberano para pilitin tayong magpahubog sa kaniya. Ang tao ang magpapasiya kung magpapahubog siya sa Maylalang, si Jehova.—Basahin ang Jeremias 18:7-10.
5. Ano ang ginagawa ni Jehova kapag ayaw magpahubog ng mga tao sa kaniya?
5 Paano kung nagmamatigas ang mga tao at ayaw magpahubog sa Dakilang Magpapalayok? Paano niya ngayon gagamitin ang kaniyang awtoridad? Isipin kung ano ang puwedeng gawin sa luwad kung hindi na ito mahulma ayon sa orihinal na plano ng magpapalayok. Puwede itong gawing ibang uri ng sisidlan, o kaya’y itapon na lang! Kung hindi na magamit ang luwad, kadalasan nang kasalanan ito ng magpapalayok. Pero iba pagdating sa ating Magpapalayok. (Deut. 32:4) Kapag hindi mahubog ang tao ayon sa nilayon ni Jehova, tao ang may kasalanan. Hinuhubog ni Jehova ang mga tao depende sa pagtugon nila. Ang mga wastong tumutugon ay hinuhubog ni Jehova sa kapaki-pakinabang na paraan. Halimbawa, ang mga pinahirang Kristiyano ay mga “sisidlan ng awa” na hinubog at ginawang mga “sisidlan para sa marangal na gamit.” Ang mga sumasalansang naman sa Diyos ay nagiging mga “sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa.”—Roma 9:19-23.
6, 7. Ano ang pagkakaiba ng pagtugon ni Haring David at ni Haring Saul sa pagtutuwid ni Jehova?
6 Kung minsan, hinuhubog ni Jehova ang mga tao sa pamamagitan ng payo o disiplina. Tingnan natin ang nangyari sa unang dalawang hari ng Israel—sina Saul at David. Makikita natin dito kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang awtoridad sa mga hinuhubog niya. Nang mangalunya si David kay Bat-sheba, naapektuhan siya nang husto, pati na ang iba. Kahit na hari si David, dinisiplina pa rin siya ni Jehova. Isinugo ng Diyos si propeta Natan para maghatid ng matinding mensahe. (2 Sam. 12:1-12) Paano tumugon si David? Sising-sisi siya sa kaniyang ginawa, kaya pinagpakitaan siya ni Jehova ng awa.—Basahin ang 2 Samuel 12:13.
7 Kabaligtaran naman ang naging pagtugon ni Saul, ang haring hinalinhan ni David. Sa pamamagitan ni propeta Samuel, nagbigay ng malinaw na utos si Jehova kay Saul: Puksain ang lahat ng Amalekita pati na ang kanilang mga alagang hayop. Sinuway ni Saul ang utos ng Diyos. Hindi niya pinatay ang haring si Agag, pati na ang pinakamaiinam sa mga hayop. Bakit? Kasi sa paanuman, gusto niyang makatanggap ng karangalan. (1 Sam. 15:1-3, 7-9, 12) Nang payuhan si Saul, dapat sana’y pinalambot niya ang kaniyang puso. Pero tumanggi siyang magpahubog sa Dakilang Magpapalayok. Ipinagmatuwid niya ang kaniyang ginawa sa pagsasabing magagamit naman ang mga hayop bilang hain, at minaliit niya ang payo ni Samuel. Itinakwil ni Jehova si Saul bilang hari, at hindi na niya naibalik ang kaniyang mabuting kaugnayan sa tunay na Diyos.—Basahin ang 1 Samuel 15:13-15, 20-23.
ANG DIYOS AY HINDI NAGTATANGI
8. Ano ang matututuhan natin sa naging pagtugon ng bansang Israel sa paghubog ni Jehova?
8 Hindi lang mga indibiduwal ang binibigyan ni Jehova ng pagkakataon na magpahubog sa kaniya, kundi kahit mga bansa. Noong 1513 B.C.E., nang lumaya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, naging espesyal na bayan sila ng Diyos at nagkapribilehiyong hubugin ng Dakilang Magpapalayok. Pero patuloy silang gumawa ng masama sa paningin ni Jehova, at sumamba pa nga sa mga diyos ng kalapít na mga bansa. Paulit-ulit na nagsugo si Jehova ng mga propeta para matauhan sila pero hindi nakinig ang Israel. (Jer. 35:12-15) Dahil sa katigasan ng kanilang ulo, kinailangan nila ng matinding disiplina. Gaya ng sisidlang karapat-dapat sa pagkapuksa, ang sampung-tribong kaharian sa hilaga ay kinubkob ng Asirya, at ang dalawang-tribong kaharian naman sa timog ay kinubkob ng Babilonya. Malinaw ang aral: Makikinabang lang tayo sa paghubog ni Jehova kung wasto ang pagtugon natin dito.
9, 10. Paano tumugon ang mga Ninevita sa babala ni Jehova?
9 Ang Nineve, kabisera ng Asirya, ay binigyan din ni Jehova ng pagkakataong makinig sa kaniyang babala. Sinabi ng Diyos kay Jonas: “Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag mo laban sa kaniya na ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.” Ang Nineve ay karapat-dapat sa pagkapuksa.—Jon. 1:1, 2; 3:1-4.
10 Pero nang ihayag ni Jonas ang mensahe ng kapahamakan, “ang mga tao ng Nineve ay nagsimulang manampalataya sa Diyos, at sila ay naghayag ng pag-aayuno at nagsuot ng telang-sako, mula sa pinakadakila sa kanila at maging hanggang sa pinakamababa sa kanila.” Ang kanilang hari ay “tumindig mula sa kaniyang trono at naghubad ng kaniyang opisyal na kasuutan at nagdamit ng telang-sako at umupo sa abo.” Ang mga Ninevita ay nagpahubog sa Diyos at nagsisi. Kaya hindi pinasapit ni Jehova ang kapahamakan.—Jon. 3:5-10.
11. Anong katangian ni Jehova ang makikita natin sa pakikitungo niya sa Israel at sa Nineve?
11 Hindi nakaligtas sa disiplina ang Israel kahit sila ang piniling bansa ni Jehova. Sa kabilang dako, hindi espesyal na bayan ng Diyos ang Nineve. Pero binigyan sila ni Jehova ng pagkakataong marinig ang kaniyang mensahe ng paghatol at pinagpakitaan sila ng awa nang magsisi sila at maging gaya ng malambot na luwad sa kamay niya. Kitang-kita sa dalawang halimbawang ito na ang Diyos na Jehova ay “hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi”!—Deut. 10:17.
SI JEHOVA AY MAKATUWIRAN AT HANDANG MAKIBAGAY
12, 13. (a) Bakit nagbabago ng desisyon si Jehova kapag tumutugon ang mga indibiduwal sa kaniyang paghubog? (b) Ano ang ibig sabihin na ‘nalungkot’ si Jehova may kinalaman kay Saul? sa Nineve?
12 Makikita sa paraan ng paghubog sa atin ng Diyos na siya ay makatuwiran at handang makibagay. Halimbawa, may mga pagkakataong kahit nakapagpasiya na si Jehova, nagbabago siya ng isip depende sa pagtugon ng tao. Sinasabi ng Bibliya na ‘ikinalungkot ni Jehova na pinaghari niya si Saul.’ (1 Sam. 15:11) Nang magsisi naman ang mga Ninevita at tumalikod sa kanilang maling landasin, sinabi ng Bibliya: “Ikinalungkot ng tunay na Diyos ang kapahamakan na sinalita niyang pangyayarihin sa kanila; at hindi niya iyon pinangyari.”—Jon. 3:10.
13 Ang salitang Hebreo na isinaling “ikinalungkot” ay tumutukoy sa pagbabago ng saloobin o desisyon. Sinang-ayunan noon ni Jehova si Saul, pero nagbago ang saloobin ng Diyos at itinakwil siya bilang hari. Nangyari ito, hindi dahil nagkamali si Jehova sa pagpili kay Saul, kundi dahil kumilos si Saul nang walang pananampalataya at naging masuwayin. Nang magsisi naman ang mga Ninevita, binago ng tunay na Diyos ang kaniyang desisyon at hinayaan silang mabuhay. Nakaaaliw malaman na ang ating Magpapalayok na si Jehova ay makatuwiran, handang makibagay, magandang-loob, at maawain, anupat handang baguhin ang kaniyang ipinasiyang gawin sa mga makasalanan kung magbabago sila!
HUWAG ITAKWIL ANG DISIPLINA NI JEHOVA
14. (a) Paano tayo hinuhubog ni Jehova sa ngayon? (b) Paano tayo dapat tumugon sa paghubog ng Diyos?
14 Hinuhubog tayo ni Jehova sa ngayon pangunahin na sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at ng kaniyang organisasyon. (2 Tim. 3:16, 17) Hindi ba’t dapat nating tanggapin ang anumang payo o disiplina mula sa mga ito? Gaano man tayo katagal sa katotohanan o gaano man karami ang ating pribilehiyo, dapat na patuloy tayong tumugon sa payo ni Jehova at magpahubog dito upang maging mga sisidlan para sa marangal na gamit.
15, 16. (a) Ano ang posibleng madama ng isang dinisiplina kung nawalan siya ng mga pribilehiyo? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang makakatulong sa atin para mapagtagumpayan ang negatibong mga damdaming dulot ng pagkakadisiplina?
15 Kung minsan, dinidisiplina tayo sa pamamagitan ng tagubilin o pagtutuwid. Pero may mga pagkakataon na kailangan natin ng mas mabigat na disiplina dahil nagkasala tayo. At puwedeng kasama sa gayong disiplina ang pagkawala ng pribilehiyo. Tingnan ang halimbawa ni Dennis * na dating naglilingkod bilang elder. Nagkasala siya dahil sa ilang maling pagpapasiya sa negosyo kaya kinailangan siyang sawayin ng hudisyal na komite. Ano ang nadama ni Dennis noong gabing ipatalastas sa kongregasyon na hindi na siya maglilingkod bilang elder? “Pakiramdam ko, wala na akong silbi,” ang sabi niya. “Sa nakalipas na 30 taon, marami akong natanggap na pribilehiyo. Naging regular pioneer ako, naglingkod sa Bethel, naatasan bilang ministeryal na lingkod at pagkatapos ay bilang elder. Katatapos ko lang ding gampanan ang kauna-unahang bahagi ko sa pandistritong kombensiyon. Sa isang iglap, nawala ang lahat ng iyon. Hiyang-hiya ako at naisip ko ring wala na akong lugar sa organisasyon.”
16 Kinailangan ni Dennis na iwan ang landasin na naging dahilan ng pagkakadisiplina sa kaniya. Pero paano niya napagtagumpayan ang negatibong mga damdamin? Sinabi niya: “Sinikap kong mapanatili ang mabuting espirituwal na rutin. At napakalaking tulong din ng suporta ng Kristiyanong kapatiran at ng pampatibay mula sa mga publikasyon natin. Parang isang personal na liham na sagot sa mga panalangin ko ang artikulong ‘Makapaglilingkod Ka Bang Muli Gaya ng Dati?’ sa Bantayan, isyu ng Agosto 15, 2009. Ang pinakagusto kong payo doon ay, ‘Habang wala ka pang pribilehiyo sa kongregasyon, patibayin mo muna ang iyong espirituwalidad.’” Paano nakinabang si Dennis sa disiplina? Makalipas ang ilang taon, sinabi niya, “Binigyan ulit ako ni Jehova ng pribilehiyong maging ministeryal na lingkod.”
17. Paano nakakatulong ang pagtitiwalag sa isang nagkasala? Magbigay ng halimbawa.
17 Isang paraan din ng pagdidisiplina ni Jehova ang pagtitiwalag. Pinoprotektahan nito ang kongregasyon mula sa masamang impluwensiya at nakakatulong din para magsisi ang nagkasala. (1 Cor. 5:6, 7, 11) Si Robert ay natiwalag sa loob ng halos 16 na taon. Sa loob ng panahong iyon, nanghawakan ang kaniyang mga magulang at mga kapatid sa tagubilin ng Salita ng Diyos na huwag makihalubilo sa manggagawa ng kasamaan, ni batiin man lang ang gayong mga tao. Ilang taon na rin mula nang makabalik si Robert, at mahusay ang pagsulong niya sa espirituwal. Nang tanungin siya kung ano ang nakatulong sa kaniya na manumbalik kay Jehova at sa Kaniyang bayan makalipas ang mahabang panahon, sinabi niyang malaki ang nagawa ng paninindigan ng pamilya niya. “Kung nakihalubilo sa akin ang pamilya ko kahit kaunti, o kahit kinumusta man lang ako, makakasapat na ’yon sa pagnanais kong makasama sila. At malamang na hindi ako mauudyukang manumbalik sa Diyos.”
18. Dapat na maging anong uri tayo ng luwad sa kamay ng Dakilang Magpapalayok?
18 Baka hindi natin kailangan ang gayon kabigat na disiplina. Pero magiging anong uri kaya tayo ng luwad sa kamay ng Dakilang Magpapalayok? Paano tayo tutugon sa disiplina? Magiging gaya kaya tayo ni David, o ni Saul? Ang Dakilang Magpapalayok ay Ama natin. Huwag nating kalilimutan na “ang iniibig ni Jehova ay sinasaway niya, gaya nga ng ginagawa ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.” Kaya ‘huwag mong itakwil ang disiplina ni Jehova at huwag mong kamuhian ang kaniyang saway.’—Kaw. 3:11, 12.
^ par. 15 Binago ang mga pangalan.