Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pahalagahan ang Pagiging Matapat at Mapagpatawad ni Jehova

Pahalagahan ang Pagiging Matapat at Mapagpatawad ni Jehova

“Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan sa lahat ng tumatawag sa iyo ay sagana.”—AWIT 86:5.

1, 2. (a) Bakit natin gusto ng mga kaibigang matapat at mapagpatawad? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?

PAANO mo ilalarawan ang isang tunay na kaibigan? “Para sa akin, ang tunay na kaibigan ay laging nandiyan para sa iyo at nagpapatawad kapag nagkakamali ka,” ang sabi ng sister na si Ashley. Gusto nating lahat ng mga kaibigang matapat at mapagpatawad. Dahil sa kanila, nakadarama tayo ng kapanatagan at pagmamahal.—Kaw. 17:17.

2 Si Jehova ang pinakamatapat at pinakamapagpatawad na Kaibigan. Sinabi ng salmista: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan [o, “matapat na pag-ibig”] sa lahat ng tumatawag sa iyo ay sagana.” (Awit 86:5) Ano ang ibig sabihin ng pagiging matapat at mapagpatawad? Paano ipinakikita ni Jehova ang magagandang katangiang iyan? At paano natin siya matutularan? Ang mga sagot ay tutulong sa atin na mapalalim ang pag-ibig natin sa ating pinakamatalik na Kaibigan, si Jehova. Patitibayin din nito ang ating pakikipagkaibigan sa ating mga kapatid.—1 Juan 4:7, 8.

MATAPAT SI JEHOVA

3. Ano ang ibig sabihin ng pagiging matapat?

3 Ang pagkamatapat ay isang kaibig-ibig na katangiang nauugnay sa debosyon, katapatan, at di-natitinag na pagsuporta. Ang taong matapat ay hindi salawahan. Hindi siya humihiwalay sa tao (o bagay) na pinag-uukulan niya ng katapatan kahit sa mahihirap na kalagayan. Oo, si Jehova ang “Isa na matapat.” Wala nang mas matapat pa kaysa sa kaniya.—Apoc. 16:5.

4, 5. (a) Paano ipinakikita ni Jehova ang pagkamatapat? (b) Paano maaaring lumakas ang loob natin kapag binubulay-bulay ang pagiging matapat ni Jehova?

4 Paano ipinakikita ni Jehova ang pagkamatapat? Hindi niya kailanman iniiwan ang kaniyang tapat na mga  mananamba. Napatunayan iyan ni Haring David, isa sa kaniyang mga lingkod. (Basahin ang 2 Samuel 22:26.) Noong panahong dumaranas ng mga pagsubok si David, matapat siyang pinatnubayan, pinrotektahan, at iniligtas ni Jehova. (2 Sam. 22:1) Alam ni David na hindi lang sa salita ang pagkamatapat ni Jehova. Bakit matapat si Jehova kay David? Dahil si David mismo ay “matapat.” Pinahahalagahan ni Jehova ang pagkamatapat ng kaniyang mga mananamba, at bilang ganti, matapat din siya sa kanila.—Kaw. 2:6-8.

5 Maaari tayong magkaroon ng lakas ng loob kapag binubulay-bulay natin ang pagiging matapat ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. “Malaking tulong sa akin kapag nababasa ko kung paano tinulungan ni Jehova si David sa panahon ng kabagabagan,” ang sabi ni Reed, isang tapat na brother. “Kahit noong si David ay isang takas na nanganganlong sa mga kuweba, laging inilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan niya. Talagang nakapagpapatibay iyan! Ipinaaalaala niyan sa akin na anuman ang kalagayan, gaano man kahirap ang sitwasyon, nariyan si Jehova para sa akin hangga’t nananatili akong matapat sa kaniya.” Tiyak na ganiyan din ang nadarama mo.—Roma 8:38, 39.

6. Sa anong paraan pa ipinakikita ni Jehova ang pagkamatapat niya? Paano nakikinabang dito ang kaniyang mga lingkod?

6 Sa anong paraan pa ipinakikita ni Jehova ang pagkamatapat niya? Hindi niya binabago ang kaniyang mga pamantayan. “Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako pa rin ang Isang iyon,” ang sabi ni Jehova. (Isa. 46:4) Lahat ng kaniyang mga pasiya ay batay sa kaniyang di-nagbabagong pamantayan ng tama at mali. (Mal. 3:6) Ipinakikita rin ni Jehova na matapat siya sa pamamagitan ng laging pagtupad sa kaniyang salita at pangako. (Isa. 55:11) Talagang nakikinabang sa pagiging matapat ni Jehova ang lahat ng kaniyang tapat na lingkod. Paano? Kapag sinisikap nating sundin ang mga pamantayan ni Jehova, makatitiyak tayo na tutuparin niya ang kaniyang pangakong pagpapalain niya tayo.—Isa. 48:17, 18.

TULARAN ANG PAGKAMATAPAT NI JEHOVA

7. Magbigay ng isang paraan para matularan natin ang pagkamatapat ni Jehova.

7 Paano natin matutularan ang pagkamatapat ni Jehova? Ang isang paraan ay ang paggawa ng mabuti sa mga nasa mahihirap na sitwasyon. (Kaw. 3:27) Halimbawa, may kilala ka bang kapananampalataya na pinanghihinaan ng loob, marahil dahil sa sakit, pagsalansang ng kapamilya, o mga personal na kahinaan? Puwede mo siyang patibayin sa pamamagitan ng “mabubuting salita, nakaaaliw na mga salita.” (Zac. 1:13) * Kung gagawin mo ito, magiging isa kang tunay at tapat na kaibigang “mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”—Kaw. 18:24.

8. Paano natin matutularan ang pagkamatapat ni Jehova, halimbawa pagdating sa ugnayan ng mag-asawa?

8 Matutularan din natin ang pagkamatapat ni Jehova sa pamamagitan ng pagiging tapat sa mga mahal natin sa buhay. Halimbawa, dapat tayong manatiling tapat sa ating kabiyak. (Kaw. 5:15-18) Iniiwasan natin hindi lang ang pangangalunya, kundi ang anumang gawain na maaaring umakay rito. (Mat. 5:28) Magiging matapat din tayo sa ating mga kapananampalataya kung iiwasan natin ang tsismis o paninirang-puri, anupat hindi nagkakalat ng gayong uri ng usapan ni nakikinig man sa mga iyon.—Kaw. 12:18.

9, 10. (a) Higit sa lahat, kanino natin gustong manatiling matapat? (b) Bakit hindi laging madaling sundin ang mga utos ni Jehova?

9 Higit sa lahat, gusto nating manatiling matapat kay Jehova. Magagawa natin iyan kung sisikapin nating tularan ang pangmalas  niya—ibigin ang mga iniibig niya at kapootan ang mga kinapopootan niya. At dapat din tayong mamuhay sa paraang kalugud-lugod kay Jehova. (Basahin ang Awit 97:10.) Habang tinutularan natin ang kaisipan at damdamin ni Jehova, nagiging mas madali sa atin na sundin ang kaniyang mga utos.—Awit 119:104.

10 Siyempre pa, hindi laging madaling sundin ang mga utos ni Jehova. Baka kailangan tayong makipagpunyagi para manatiling matapat. Halimbawa, baka gusto nang mag-asawa ng isang sister, pero hindi pa siya nakakakita ng brother na gusto niyang mapangasawa. (1 Cor. 7:39) Baka laging may inirereto sa kaniya ang mga di-Saksing katrabaho niya. Maaaring nalulungkot siya, pero determinado siyang manatiling tapat kay Jehova. Talagang pinahahalagahan natin ang ganitong mahuhusay na halimbawa ng pagkamatapat! Tiyak na gagantimpalaan ni Jehova ang lahat ng nananatiling tapat sa kaniya sa kabila ng mahihirap na kalagayan.—Heb. 11:6.

“May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”—Kaw. 18:24 (Tingnan ang parapo 7)

‘Lubusang patawarin ang isa’t isa.’—Efe. 4:32 (Tingnan ang parapo 16)

MAPAGPATAWAD SI JEHOVA

11. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapagpatawad?

11 Ang isa pang magandang katangian ni Jehova ay ang pagiging mapagpatawad. Ano ba ang pagiging mapagpatawad? Nangangahulugan ito ng pagpapaumanhin sa nagkasala kung may makatuwiran namang saligan para gawin iyon. Hindi ito pangungunsinti o pagbubulag-bulagan. Sa halip, ang taong nagpapatawad ay hindi nagkikimkim ng sama ng loob. Sinasabi ng Kasulatan na si Jehova ay “handang magpatawad” sa mga tunay na nagsisisi.—Awit 86:5.

12. (a) Paano ipinakikita ni Jehova ang pagiging mapagpatawad? (b) Ano ang ibig sabihin ni Pedro nang sabihin niyang ‘pinawi’ ang mga kasalanan ng isa?

12 Paano ipinakikita ni Jehova na mapagpatawad siya? Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay nagpapatawad “nang sagana.” Ibig sabihin, lubusan ang kaniyang pagpapatawad at kinalilimutan na niya ang mga kasalanan. (Isa. 55:7) Paano natin nalalaman na lubusang  nagpapatawad si Jehova? Pansinin ang sinasabi ng Gawa 3:19. (Basahin.) Hinimok ni apostol Pedro ang kaniyang mga tagapakinig na “magsisi . . . at manumbalik.” Kapag talagang nagsisisi ang isang nagkasala, nakadarama siya ng matinding kalungkutan dahil sa nagawa niya. Determinado rin siyang huwag nang ulitin ang kaniyang kasalanan. (2 Cor. 7:10, 11) Bukod diyan, kung talagang nagsisisi siya, ‘manunumbalik’ siya, o iiwan niya ang maling landasin at sisikaping gawin ang tama sa paningin ng Diyos. Kung gagawin ito ng mga tagapakinig noon ni Pedro, ano ang magiging resulta? Sinabi niya na maaaring “mapawi” ang kanilang mga kasalanan. Ang pananalitang “mapawi” ay mula sa isang salitang Griego na nangangahulugang “pahirin, burahin.” Kaya kapag nagpapatawad si Jehova, binubura niya ang mga kasalanan. Lubusan siyang nagpapatawad.—Heb. 10:22; 1 Juan 1:7.

13. Ano ang tinitiyak sa atin ng mga salitang “ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa”?

13 Paano natin nalalaman na kinalilimutan ni Jehova ang ating mga kasalanan? Pansinin ang hula ni Jeremias tungkol sa bagong tipan na ipinakipagtipan sa mga pinahirang Kristiyano. Dahil dito, posibleng tumanggap ng tunay na kapatawaran ang mga nananampalataya sa pantubos. (Basahin ang Jeremias 31:34.) Sinabi ni Jehova: “Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Kaya kapag nagpatawad si Jehova, hindi na niya uungkatin pa ang mga kasalanan natin para akusahan o parusahan tayo nang paulit-ulit. Sa halip, tuluyan nang kinalilimutan ni Jehova ang mga iyon.—Roma 4:7, 8.

14. Paano tayo magtatamo ng kaaliwan kung bubulay-bulayin natin ang pagiging mapagpatawad ni Jehova? Magbigay ng halimbawa.

14 Maaari tayong magtamo ng kaaliwan kung bubulay-bulayin natin ang pagiging mapagpatawad ni Jehova. Kunin nating halimbawa ang nangyari sa isang sister na tatawagin nating Elaine. Natiwalag siya. Pagkaraan ng ilang taon, nakabalik siya sa kongregasyon. “Kahit sinasabi ko sa sarili ko at sa iba na naniniwala akong pinatawad na ako ni Jehova,” ang sabi ni Elaine, “pakiramdam ko, malayo pa rin siya sa akin o na mas malapít siya sa iba at mas tunay siya sa kanila.” Pero naaliw si Elaine nang mabasa niya at mabulay-bulay ang mga paglalarawan ng Bibliya tungkol sa pagpapatawad ni Jehova. “Nadarama ko na ngayon ang pag-ibig at kabaitan ni Jehova sa akin,” ang dagdag ni Elaine. Ito ang lalo nang nakaantig sa kaniya: “Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, hindi natin dapat isipin na ang mantsa ng gayong mga kasalanan ay nasa atin habambuhay.” * Sinabi ni Elaine: “Hindi pala ako naniwalang mapapatawad ako ni Jehova; akala ko, magiging pasanin ko ito habambuhay. Alam kong kailangan pa ng panahon, pero nadarama kong puwede talaga akong maging malapít kay Jehova, at parang naalis ang pasan ko.” Talagang maibigin at mapagpatawad ang Diyos na pinaglilingkuran natin!—Awit 103:9.

TULARAN ANG PAGIGING MAPAGPATAWAD NI JEHOVA

15. Paano natin matutularan ang pagiging mapagpatawad ni Jehova?

15 Matutularan natin ang pagiging mapagpatawad ni Jehova kung patatawarin natin ang isa’t isa kapag may saligan para gawin iyon. (Basahin ang Lucas 17:3, 4.) Tandaan na kapag nagpatawad si Jehova, nililimot na niya ang ating mga kasalanan, sa diwang hindi niya ito gagamitin laban sa atin. Kapag pinatatawad natin ang iba, maaari din tayong lumimot sa diwa na hindi na natin ito uungkatin pa.

16. (a) Ang pagiging mapagpatawad ba ay nangangahulugang kinukunsinti natin ang mga kasalanan o hinahayaang abusuhin ng iba ang ating kabaitan? Ipaliwanag. (b) Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad tayo ng Diyos?

  16 Ang pagiging mapagpatawad ay hindi nangangahulugang kinukunsinti natin ang  mga kasalanan ni hinahayaan man nating abusuhin ng iba ang ating kabaitan. Sa halip, nangangahulugan ito na hindi na tayo nagkikimkim ng sama ng loob. Pero para mapatawad tayo ng Diyos, kailangan din nating maging mapagpatawad sa iba. (Mat. 6:14, 15) Dahil sa empatiya, inaalaala ni Jehova na “tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Kung gayon, hindi ba dapat din tayong magpakita ng empatiya at palampasin ang pagkukulang ng iba, anupat pinatatawad sila nang lubusan?—Efe. 4:32; Col. 3:13.

Manalangin tayo para makapagpatawad nang lubusan (Tingnan ang parapo 17)

17. Ano ang makatutulong sa atin kung nasaktan tayo ng isang kapananampalataya?

 17 Siyempre pa, hindi laging madaling magpatawad. Kahit ang ilang pinahirang Kristiyano noong unang siglo ay nahirapang lutasin ang kanilang di-pagkakasundo. (Fil. 4:2) Paano kung may isang kapananampalataya na nakasakit sa atin? Isipin ang nangyari kay Job. Talagang nasaktan siya sa walang-basehang akusasyon ng mga “kaibigan” niyang sina Elipaz, Bildad, at Zopar. (Job 10:1; 19:2) Sa bandang huli, sinaway ni Jehova ang mga bulaang tagapag-akusang iyon at inutusan silang pumunta kay Job at magdala ng handog para sa kanilang mga kasalanan. (Job 42:7-9) Pero may ipinagawa rin si Jehova kay Job. Ano iyon? Inutusan niya si Job na ipanalangin ang mga nag-akusa sa kaniya. Sinunod ito ni Job, at pinagpala siya ni Jehova dahil sa kaniyang pagiging mapagpatawad. (Basahin ang Job 42:10, 12, 16, 17.) Ang aral? Ang taimtim na panalangin para sa mga nakasakit sa atin ay makatutulong upang mawala ang ating sama ng loob.

PATULOY NA PAHALAGAHAN NANG LUBUSAN ANG MGA KATANGIAN NI JEHOVA

18, 19. Paano natin patuloy na mapalalalim ang pagpapahalaga natin kay Jehova?

18 Talagang kasiya-siyang pag-aralan ang iba’t ibang katangian ni Jehova. Natutuhan natin na siya ay madaling lapitan, hindi nagtatangi, bukas-palad, makatuwiran, matapat, at mapagpatawad. Siyempre pa, napakarami pa nating dapat matutuhan tungkol kay Jehova, at magagawa natin iyan magpakailanman sa malapit na hinaharap. (Ecles. 3:11) Sumasang-ayon tayo kay apostol Pablo, na sumulat: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos”—pati na ang Kaniyang pag-ibig at ang anim na katangiang tinalakay natin.—Roma 11:33.

19 Patuloy nawa nating palalimin ang pagpapahalaga natin kay Jehova. Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagiging pamilyar sa kaniyang mga katangian, pagbubulay-bulay, at pagtulad sa mga ito. (Efe. 5:1) Bilang resulta, tiyak na lalo tayong sasang-ayon sa sinabi ng salmista: “Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.”—Awit 73:28.

^ par. 7 Para sa ilang mungkahi, tingnan ang mga artikulong “May Napatibay-Loob Ka Na ba Kamakailan?” sa Ang Bantayan, isyu ng Enero 15, 1995, at “Mag-udyukan sa Pag-ibig at sa Maiinam na Gawa—Papaano?” sa isyu ng Abril 1, 1995.