Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Sabihin Mo sa Amin, Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?”

“Sabihin Mo sa Amin, Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?”

“Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”MAT. 24:3.

1. Tulad ng mga apostol, ano ang gustung-gusto nating malaman?

MATATAPOS na noon ang ministeryo ni Jesus sa lupa, at gustung-gustong malaman ng mga alagad niya kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap. Kaya ilang araw bago siya mamatay, tinanong siya ng apat sa kaniyang mga apostol: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat. 24:3; Mar. 13:3) Bilang sagot, nagbigay si Jesus ng isang hulang may malawak na katuparan, na nakaulat sa Mateo kabanata 24 at 25. Sa hulang iyon, bumanggit si Jesus ng maraming mahahalagang pangyayari na magaganap. Interesado tayo sa mga sinabi niya dahil gustung-gusto rin nating malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap.

2. (a) Sa paglipas ng mga taon, ano ang sinikap nating higit na maunawaan? (b) Anong tatlong tanong ang tatalakayin natin?

2 Sa paglipas ng mga taon, may-pananalanging pinag-aralan ng mga lingkod ni Jehova ang hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw. Sinikap nilang higit na maunawaan kung kailan matutupad ang mga sinabi ni Jesus. Para ipakita ang ilang bagay na higit nating nalinawan, talakayin natin ang tatlong tanong na “kailan.” Kailan magsisimula ang “malaking kapighatian”? Kailan hahatulan ni Jesus ang “mga tupa” at “mga kambing”? Kailan ‘darating’ si Jesus?Mat. 24:21; 25:31-33.

KAILAN MAGSISIMULA ANG MALAKING KAPIGHATIAN?

3. Ano ang dati nating pagkaunawa tungkol sa malaking kapighatian?

3 Sa loob ng maraming taon, inakala natin na ang malaking kapighatian ay nagsimula noong 1914 nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, at na ‘ang mga araw na iyon ay pinaikli,’ o pinahinto, ni Jehova noong 1918 nang matapos ang digmaan para maipangaral ng mga nalabi ang mabuting balita sa lahat ng bansa. (Mat. 24:21, 22) Kapag natapos ang pangangaral, pupuksain na ang imperyo ni Satanas. Kaya inakala nating ang malaking kapighatian  ay may tatlong yugto: Mayroon itong pasimula (1914-1918), pansamantala itong pinahinto (mula 1918 patuloy), at magwawakas ito sa Armagedon.

4. Anong pagkaunawa ang nakatulong para mas maintindihan natin ang hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw?

4 Pero sa higit pang pagsusuri sa hula ni Jesus, nalaman natin na ang isang bahagi ng kaniyang hula tungkol sa mga huling araw ay may dalawang katuparan. (Mat. 24:4-22) Una itong natupad sa Judea noong unang siglo C.E., at magkakaroon ito ng pandaigdig na katuparan sa panahon natin. Nakatulong ang pagkaunawang ito para mas maintindihan natin ang ilang bagay tungkol sa hula ni Jesus. *

5. (a) Anong mahirap na panahon ang nagsimula noong 1914? (b) Anong yugto noong unang siglo C.E. ang katulad ng mahirap na panahong iyon?

5 Naunawaan din natin na ang unang bahagi ng malaking kapighatian ay hindi nagsimula noong 1914. Bakit hindi? Dahil ipinakikita ng hula ng Bibliya na magsisimula ang malaking kapighatian, hindi sa digmaan ng mga bansa, kundi sa pagsalakay sa huwad na relihiyon. Kaya ang mga pangyayaring naganap mula noong 1914 ay hindi pasimula ng malaking kapighatian, kundi “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” (Mat. 24:8) Ang ‘mga hapding ito ng kabagabagan’ ay katulad ng nangyari sa Jerusalem at Judea noong 33 C.E. hanggang 66 C.E.

6. Ano ang magiging hudyat ng malaking kapighatian?

6 Ano ang magiging hudyat ng malaking kapighatian? Inihula ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa,) kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mat. 24:15, 16) Sa unang katuparan, ang ‘pagtayo sa isang dakong banal’ ay naganap noong 66 C.E. nang salakayin ng hukbong Romano (“kasuklam-suklam na bagay”) ang Jerusalem at ang templo nito (isang dakong banal para sa  mga Judio). Sa mas malaking katuparan, ang ‘pagtayo’ ay magaganap kapag sinalakay ng United Nations, o UN, (modernong “kasuklam-suklam na bagay”) ang Sangkakristiyanuhan (na banal sa paningin ng mga nag-aangking Kristiyano) at ang iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila. Inilalarawan din sa Apocalipsis 17:16-18 ang pagsalakay na iyon. Ito ang pasimula ng malaking kapighatian.

7. (a) Paanong may ‘nakaligtas na laman’ noong unang siglo? (b) Ano ang aasahan nating mangyayari sa hinaharap?

7 Inihula rin ni Jesus: “Paiikliin ang mga araw na iyon.” Sa unang katuparan, naganap ito noong 66 C.E. nang ‘paikliin,’ o ihinto, ng hukbong Romano ang pagsalakay nito. Kaya ang mga pinahirang Kristiyano sa Jerusalem at Judea ay nakatakas para ‘maligtas ang kanilang laman, o buhay.’ (Basahin ang Mateo 24:22; Mal. 3:17) Kung gayon, ano ang aasahan nating mangyayari pagdating ng malaking kapighatian? “Paiikliin” ni Jehova ang pagsalakay ng United Nations sa huwad na relihiyon para hindi madamay sa pagkawasak ang tunay na relihiyon. Sa gayon, tiyak na maliligtas ang bayan ng Diyos.

8. (a) Anong mga pangyayari ang magaganap pagkatapos ng unang bahagi ng malaking kapighatian? (b) Kailan lumilitaw na tatanggapin ng huling miyembro ng 144,000 ang kaniyang gantimpala sa langit? (Tingnan ang talababa.)

 8 Ano ang magaganap pagkatapos ng unang bahagi ng malaking kapighatian? Ipinakikita ng sinabi ni Jesus na susundan ito ng isang yugto ng panahon na aabot hanggang sa pagsiklab ng Armagedon. Anong mga pangyayari ang magaganap sa panahong iyon? Sinasagot ito ng Ezekiel 38:14-16 at Mateo 24:29-31. (Basahin.) * Pagkatapos nito, masasaksihan natin ang kasukdulan ng malaking kapighatian, ang Armagedon, na maihahalintulad sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. (Mal. 4:1) Yamang matatapos ito sa digmaan ng Armagedon, ang darating na malaking kapighatiang iyon ay walang katulad—isang kaganapang “hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan.” (Mat. 24:21) Pagkatapos nito, magsisimula na ang Milenyong Paghahari ni Kristo.

9. Ano ang epekto sa bayan ni Jehova ng hula ni Jesus tungkol sa malaking kapighatian?

 9 Nakapagpapatibay ang hulang ito tungkol sa malaking kapighatian. Bakit? Dahil tinitiyak nito na anumang paghihirap ang maranasan natin, ang bayan ni Jehova, bilang isang grupo, ay makaliligtas sa malaking kapighatian. (Apoc. 7:9, 14) Higit sa lahat, natutuwa tayo na sa Armagedon, ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang soberanya at pababanalin ang kaniyang pangalan.Awit 83:18; Ezek. 38:23.

KAILAN HAHATULAN NI JESUS ANG MGA TUPA AT MGA KAMBING?

10. Ano ang dati nating paniniwala tungkol sa kung kailan hahatulan ang mga tao bilang tupa o kambing?

10 Isaalang-alang natin ngayon kung kailan ang katuparan ng isa pang bahagi ng hula ni Jesus—ang talinghaga tungkol sa paghatol sa mga tupa at mga kambing. (Mat. 25:31-46) Iniisip natin dati na ang paghatol sa mga tao bilang tupa o kambing ay magaganap sa buong yugto ng mga huling araw mula 1914 patuloy. Ipinalagay natin na ang mga tumatanggi sa mensahe ng Kaharian na mamamatay bago ang malaking kapighatian ay mamamatay bilang kambing—na walang pag-asang buhaying muli.

11. Bakit hindi maaaring noong 1914 nagsimula ang paghatol sa mga tao bilang tupa o kambing?

11 Noong kalagitnaan ng dekada ’90, muling sinuri ng Bantayan ang Mateo 25:31, na nagsasabi: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono.” Binanggit na si Jesus ay naging Hari ng Kaharian ng Diyos noong 1914, pero hindi siya ‘naupo sa kaniyang maluwalhating trono’ bilang Hukom ng “lahat ng mga bansa.” (Mat. 25:32; ihambing ang Daniel 7:13.) Ngunit sa talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing, pangunahing inilalarawan si Jesus bilang Hukom. (Basahin ang Mateo 25:31-34, 41, 46.) Yamang hindi pa kumikilos si Jesus bilang Hukom ng lahat ng bansa noong 1914, hindi maaaring sa taóng iyon nagsimula ang paghatol niya sa mga tao bilang tupa o kambing. * Kung gayon, kailan magsisimulang humatol si Jesus?

12. (a) Kailan gaganap si Jesus bilang Hukom ng lahat ng bansa? (b) Anong mga pangyayari ang inilalarawan sa Mateo 24:30, 31 at Mateo 25:31-33, 46? (Tingnan din ang talababa.)

 12 Ipinakikita ng hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw na gaganap lamang siya bilang Hukom ng lahat ng bansa matapos mapuksa ang huwad na relihiyon. Gaya ng binanggit sa  parapo 8, ang ilan sa mga pangyayaring magaganap sa panahong iyon ay nakaulat sa Mateo 24:30, 31. Sa mga talatang ito, humula si Jesus ng mga pangyayaring katulad ng binanggit niya sa talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. Halimbawa, ang Anak ng tao ay darating na may kaluwalhatian at kasama ng mga anghel; titipunin ang lahat ng tribo at bansa; ang mga mahahatulan bilang tupa ay ‘magtataas ng kanilang ulo’ dahil pagkakalooban sila ng “buhay na walang hanggan.” * “Dadagukan [ng mga mahahatulan bilang kambing] ang kanilang sarili sa pananaghoy” dahil alam nilang “walang-hanggang pagkalipol” ang naghihintay sa kanila.Mat. 25:31-33, 46.

13. (a) Kailan hahatulan ni Jesus ang mga tao bilang tupa o kambing? (b) Paano ito nakaaapekto sa pananaw natin sa ating ministeryo?

13 Kung gayon, ano ang konklusyon natin? Hahatulan ni Jesus ang mga tao ng lahat ng bansa bilang tupa o kambing pagdating niya sa panahon ng malaking kapighatian. Pagkatapos, sa Armagedon, ang kasukdulan ng malaking kapighatian, lilipulin magpakailanman ang mga tulad-kambing. Paano ito nakaaapekto sa pananaw natin sa ating ministeryo? Nakakatulong ito para makita natin kung gaano kahalaga ang ating pangangaral. Hangga’t hindi pa nagsisimula ang malaking kapighatian, may panahon pa ang mga tao na magbago at lumakad sa masikip na daan na “umaakay patungo sa buhay.” (Mat. 7:13, 14) Totoo, may mga tao ngayon na baka ipalagay nating tupa  o kambing dahil sa kanilang ugali. Pero dapat nating tandaan na ang paghatol kung sino ang tupa o kambing ay sa panahon pa ng malaking kapighatian. Kaya may dahilan tayong patuloy na bigyan ang lahat ng tao ng pagkakataong marinig ang mensahe ng Kaharian at tumugon dito.

Hangga’t hindi pa nagsisimula ang malaking kapighatian, may panahon pa ang mga tao na magbago (Tingnan ang parapo 13)

KAILAN DARATING SI JESUS?

14, 15. Anong apat na teksto sa Kasulatan ang tumutukoy sa pagdating ni Kristo sa hinaharap bilang Hukom?

 14 Matapos ang higit pang pagsusuri sa hula ni Jesus, may kailangan bang baguhin sa pagkaunawa natin kung kailan magaganap ang iba pang mahahalagang pangyayari? Sinasagot ito ng hula mismo. Tingnan natin.

15 Sa bahagi ng kaniyang hula na nakaulat sa Mateo 24:29–25:46, pangunahing nagpokus si Jesus sa mangyayari sa mga huling araw na ito at sa panahon ng malaking kapighatian. Doon, walong beses na binanggit ni Jesus ang kaniyang ‘pagdating.’ Sinabi niya tungkol sa malaking kapighatian: “Makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap.” “Hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” “Sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” At sa kaniyang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing, sinabi ni Jesus: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian.” (Mat. 24:30, 42, 44; 25:31) Ang apat na tekstong ito ay tumutukoy sa pagdating ni Kristo sa hinaharap bilang Hukom. Saan makikita sa hula ni Jesus ang apat pang pagbanggit tungkol sa kaniyang ‘pagdating’?

16. Sa ano pang mga teksto binabanggit ang tungkol sa pagdating ni Jesus?

16 Tungkol sa tapat at maingat na alipin, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa.” Sa talinghaga tungkol sa mga dalaga, sinabi ni Jesus: “Samantalang sila ay pumaparoon upang bumili, ang kasintahang lalaki ay dumating.” Sa talinghaga tungkol sa mga talento, inilahad ni Jesus: “Pagkatapos ng mahabang panahon ang panginoon ng mga aliping iyon ay dumating.” Sa talinghaga ring iyon, sinabi ng panginoon: “Sa pagdating ko ay tatanggapin ko ang sa akin.” (Mat. 24:46; 25:10, 19, 27) Sa anong panahon tumutukoy ang apat na pagbanggit na ito ni Jesus tungkol sa kaniyang pagdating?

17. Ano ang sinasabi natin noon tungkol sa pagdating na binanggit sa Mateo 24:46?

 17 Sinasabi noon sa ating mga publikasyon na ang huling apat na nabanggit ay tumutukoy sa pagdating ni Jesus noong 1918. Bilang halimbawa, isaalang-alang natin ang sinabi ni Jesus tungkol sa “tapat at maingat na alipin.” (Basahin ang Mateo 24:45-47.) Naunawaan natin na ang “pagdating” na binanggit sa talata 46 ay noong panahong dumating si Jesus para siyasatin ang espirituwal na kalagayan ng mga pinahiran noong 1918 at na ang pag-aatas sa alipin para pangasiwaan ang lahat ng pag-aari ng Panginoon ay naganap noong 1919. (Mal. 3:1) Gayunman, ipinakikita ng higit pang pagsusuri na may kailangang baguhin sa ating pagkaunawa tungkol sa kung kailan magaganap ang ilang aspekto ng hula ni Jesus. Bakit?

18. Batay sa pagsusuri sa kabuuan ng hula ni Jesus, ano ang makatuwirang isipin tungkol sa kaniyang pagdating?

18 Sa mga talata bago ang Mateo 24:46, ang mga anyo ng salitang ‘dumating’ ay laging tumutukoy sa pagdating ni Jesus para ipahayag at ilapat ang hatol sa panahon ng malaking kapighatian. (Mat. 24:30, 42, 44) Bukod diyan, gaya ng tinalakay natin sa  parapo 12, ang ‘pagdating’ ni Jesus na binabanggit sa Mateo 25:31 ay tumutukoy sa panahon ding iyon ng paghatol sa hinaharap. Kaya makatuwirang isipin na ang pagdating ni Jesus para atasan ang tapat na alipin sa lahat ng kaniyang pag-aari, na binanggit sa Mateo 24:46, 47, ay tumutukoy rin sa pagdating niya sa hinaharap, sa malaking kapighatian. Oo, ipinakikita ng pagsusuri sa kabuuan ng hula ni Jesus na ang walong pagbanggit na ito sa kaniyang pagdating ay tumutukoy sa paghatol sa hinaharap, sa panahon ng malaking kapighatian.

19. Anong mga pagbabago sa ating pagkaunawa ang tinalakay natin? Anong mga tanong ang sasagutin sa susunod na mga artikulo?

19 Bilang repaso, ano ang natutuhan natin? Sa pasimula ng artikulo, nagbangon tayo ng tatlong tanong na “kailan.” Tinalakay muna natin na ang malaking kapighatian ay hindi nagsimula noong 1914 kundi magsisimula kapag sinalakay na ng United Nations ang Babilonyang Dakila. Pagkatapos, muli nating sinuri kung bakit ang paghatol ni Jesus sa mga tupa at mga kambing ay hindi nagsimula noong 1914 kundi sa panahon pa ng malaking kapighatian magaganap. Panghuli, sinuri natin kung bakit ang pagdating ni Jesus para atasan ang tapat na alipin sa lahat ng kaniyang pag-aari ay hindi naganap noong 1919 kundi magaganap sa panahon ng malaking kapighatian. Kaya ang sagot sa tatlong “kailan” ay tumutukoy sa iisang yugto ng panahon sa hinaharap—sa malaking kapighatian. Paano makaaapekto sa pagkaunawa natin sa ilustrasyon tungkol sa tapat na alipin ang mga pagbabagong ito? Gayundin, paano ito makaaapekto sa pagkaunawa natin sa iba pang mga talinghaga, o ilustrasyon, ni Jesus na natutupad sa panahong ito ng kawakasan? Ang mahahalagang tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na mga artikulo.

 

^ par. 4 Parapo 4: Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Bantayan, Pebrero 15, 1994, pahina 8-21, at Mayo 1, 1999, pahina 8-20.

^ par. 8 Parapo 8: Isa sa mga pangyayaring binanggit sa mga talatang ito ang ‘pagtitipon sa mga pinili.’ (Mat. 24:31) Kaya lumilitaw na ang lahat ng pinahiran na narito pa sa lupa pagkatapos ng unang bahagi ng malaking kapighatian ay bubuhaying muli tungo sa langit bago sumiklab ang digmaan ng Armagedon. Ito ay pagbabago sa paliwanag na nasa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Agosto 15, 1990, pahina 30.

^ par. 11 Parapo 11: Tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 1995, pahina 18-28.

^ par. 12 Parapo 12: Tingnan ang katulad na ulat sa Lucas 21:28.