Mamuhay Kaayon ng Maibiging Panalangin ni Jesus
“Ama, . . . luwalhatiin mo ang iyong anak, upang luwalhatiin ka ng iyong anak.”—JUAN 17:1.
1, 2. Ano ang ginawa ni Jesus matapos niyang ipagdiwang ang Paskuwa kasama ang kaniyang mga apostol noong 33 C.E.?
MALALIM na ang gabi noong Nisan 14 ng 33 C.E. Katatapos lang ipagdiwang ni Jesus at ng kaniyang mga kasama ang Paskuwa, na nagpapaalala sa kanila kung paano iniligtas ng Diyos ang kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Gayunman, ang tapat na mga alagad ni Jesus ay makararanas ng isang nakahihigit at “walang-hanggang katubusan.” Kinabukasan, ang kanilang walang-kasalanang Lider ay papatayin ng mga kaaway. Pero magiging pagpapala ang kalupitang iyon. Ang itinigis na dugo ni Jesus ang magiging saligan para matubos ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.—Heb. 9:12-14.
2 Para hindi natin malimutan ang maibiging paglalaang ito, pinasimulan ni Jesus ang isang taunang pagdiriwang na kapalit ng Paskuwa. Kumuha siya ng tinapay na walang lebadura, pinagputul-putol ito, at ipinasa sa kaniyang 11 tapat na apostol. Sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Ganoon din ang ginawa niya sa kopa ng pulang alak, na sinasabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Luc. 22:19, 20.
3. (a) Anong malaking pagbabago ang mangyayari pagkamatay ni Jesus? (b) Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan may kaugnayan sa panalangin ni Jesus sa Juan kabanata 17?
3 Malapit nang magwakas noon ang tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng likas na Israel. Papalitan iyon ng isang bagong tipan sa pagitan ni Jehova at ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus. Labis na nababahala si Jesus sa kapakanan ng bagong espirituwal na bansang ito. Ang likas na Israel ay hindi na nagkakaisa sa pagsamba at nagdudulot ng malaking upasala sa banal na pangalan ng Diyos. (Juan 7:45-49; Gawa 23:6-9) Pero gusto ni Jesus na manatiling nagkakaisa ang kaniyang mga tagasunod para makapagdulot sila ng kaluwalhatian sa pangalan ng Diyos. Kaya ano ang ginawa ni Jesus? Hiniling niya ang tulong ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng pinakamagandang panalangin na mababasa ninuman. (Juan 17:1-26; tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.) Habang sinusuri natin ang panalanging iyon, pag-isipan ang mga tanong na ito: “Sinagot ba ng Diyos ang panalangin ni Jesus? Namumuhay ba ako kaayon nito?”
ANG PINAKAMAHAHALAGANG BAGAY PARA KAY JESUS
4, 5. (a) Ano ang matututuhan natin sa unang bahagi ng panalangin ni Jesus? (b) Paano sinagot ni Jehova ang kahilingan ni Jesus para sa kaniyang sarili?
4 Gabing-gabi na pero nagtuturo pa rin si Jesus sa kaniyang mga alagad ng mahahalagang kaalaman mula sa Diyos. Pagkatapos ay tumingala siya sa langit at nanalangin: “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong anak, upang luwalhatiin ka ng iyong anak, kung paanong binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman, upang may kinalaman sa buong bilang na ibinigay mo sa kaniya ay mabigyan niya sila ng buhay na walang hanggan. . . . Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin. Kaya ngayon ikaw, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.”—Juan 17:1-5.
5 Sa unang bahagi ng panalangin ni Jesus, binanggit niya ang pinakamahahalagang bagay para sa kaniya. Ang pangunahin sa kaniya ay ang pagluwalhati sa kaniyang Ama, at kaayon ito ng unang kahilingan sa modelong panalangin ni Jesus: “Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Luc. 11:2) Ang sumunod na mahalaga sa kaniya ay ang kapakanan ng kaniyang mga alagad, na “mabigyan niya sila ng buhay na walang hanggan.” Matapos banggitin ang mga ito, humiling si Jesus para sa kaniyang sarili, na sinasabi: “Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.” Sinagot ni Jehova ang kahilingan ng kaniyang tapat na Anak at higit pa kaysa sa hiniling ni Jesus ang ibinigay niya—“isang pangalang higit na magaling kaysa” sa lahat ng anghel.—Heb. 1:4.
“PAGKUHA NG KAALAMAN” TUNGKOL SA TANGING TUNAY NA DIYOS
6. Ano ang kinailangang gawin ng mga apostol para magtamo ng buhay na walang hanggan? Bakit natin masasabing nagawa nila iyon?
6 Binanggit din ni Jesus sa panalangin kung ano ang dapat nating gawin bilang mga makasalanan para tumanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan. (Basahin ang Juan 17:3.) Sinabi niya na dapat tayong patuloy na ‘kumuha ng kaalaman’ tungkol sa Diyos at kay Kristo. Paano natin ito magagawa? Una, gawin natin ang ating buong makakaya para higit na matuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak. Ikalawa, ikapit natin sa ating buhay ang mga natututuhan natin. Ginawa na ng mga apostol ang mahahalagang bagay na ito, gaya nga ng sinabi ni Jesus sa panalangin: “Ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga iyon.” (Juan 17:8) Pero para magtamo ng buhay na walang hanggan, kinailangan nilang patuloy na bulay-bulayin ang mga pananalita ng Diyos at ikapit ang mga iyon sa kanilang buhay. Nagawa ba ito ng tapat na mga apostol hanggang sa wakas ng buhay nila sa lupa? Oo! Masasabi natin iyan dahil ang kanilang mga pangalan ay permanenteng isinulat sa 12 batong pundasyon ng makalangit na Bagong Jerusalem.—Apoc. 21:14.
7. Ano ang kahulugan ng “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos? Bakit napakahalaga nito?
7 Ayon sa mga iskolar ng wikang Griego, ang salitang Griego na isinaling “pagkuha ng kaalaman” ay maaari ding isalin na “dapat patuloy na makilala.” Ang dalawang kahulugang ito ay magkaugnay at parehong mahalaga. Kaya ang “pagkuha ng kaalaman” ay nangangahulugan ng patuloy na pagsisikap na “makilala” ang Diyos. Pero para masabing kilala natin ang pinakadakilang Persona sa uniberso, hindi sapat na alam natin ang kaniyang mga katangian at layunin. Dapat na mayroon tayong malalim na pag-ibig at malapít na kaugnayan sa kaniya at sa ating mga kapananampalataya. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos.” (1 Juan 4:8) Kaya kasama sa pagkilala sa Diyos ang pagiging masunurin sa kaniya. (Basahin ang 1 Juan 2:3-5.) Isa ngang napakalaking pribilehiyo na mapabilang sa mga nakakakilala kay Jehova! Pero tulad ng nangyari kay Hudas Iscariote, maaari din nating maiwala ang ating napakahalagang kaugnayan sa Diyos. Kaya gawin natin ang ating buong makakaya para maingatan ito. Sa gayon, matatamo natin ang napakagandang kaloob na buhay na walang hanggan.—Mat. 24:13.
“DAHIL SA IYONG SARILING PANGALAN”
8, 9. Ano ang pinakamahalaga kay Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa? Anong tradisyong Judio ang tiyak na kinapootan niya?
8 Sa panalangin ni Jesus sa Juan kabanata 17, kitang-kita ang kaniyang matinding pag-ibig hindi lang sa mga apostol na kasama niya kundi pati sa magiging mga alagad niya sa hinaharap. (Juan 17:20) Pero hindi ang ating kaligtasan ang pinakamahalaga kay Jesus. Sa buong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, ang pangunahing layunin niya ay pabanalin at luwalhatiin ang pangalan ng kaniyang Ama. Halimbawa, nang ipahayag niya sa sinagoga ng Nazaret kung ano ang kaniyang atas, nagbasa si Jesus mula sa balumbon ni Isaias: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha.” Tiyak na binigkas ni Jesus nang malinaw ang pangalan ng Diyos noong magbasa siya.—Luc. 4:16-21.
9 Bago pa dumating si Jesus sa lupa, itinuturo na ng mga Judiong lider ng relihiyon sa mga tao na huwag gamitin ang pangalan ng Diyos. Tiyak na napoot si Jesus sa di-makakasulatang tradisyong iyon. Sinabi niya sa mga sumasalansang sa kaniya: “Ako ay pumarito sa pangalan ng aking Ama, ngunit hindi ninyo ako tinatanggap; kung may iba pa na dumating sa sarili niyang pangalan, tatanggapin ninyo ang isang iyon.” (Juan 5:43) Gayundin, ilang araw bago mamatay si Jesus, binanggit niya sa isang panalangin ang pinakamahalaga sa kaniya: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” (Juan 12:28) Kaya hindi kataka-takang maraming beses na binanggit ni Jesus sa panalanging tinatalakay natin ngayon ang tungkol sa pagluwalhati sa pangalan ng kaniyang Ama.
10, 11. (a) Paano inihayag ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama? (b) Ano ang tunguhin ng mga alagad ni Jesus?
10 Nanalangin si Jesus: “Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Gayundin, wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan at paroroon ako sa iyo. Amang Banal, bantayan mo sila dahil sa iyong sariling pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa na gaya natin.”—Juan 17:6, 11.
11 Nang inihahayag ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang pangalan ng kaniyang Ama, hindi lang niya basta ginamit ang pangalang iyon. Tinulungan din niya silang makilala kung sino talaga si Jehova. Itinuro niya sa kanila ang magagandang katangian ng Diyos at kung paano siya nakikitungo sa atin. (Ex. 34:5-7) Sa ngayon, bilang Hari sa langit, patuloy na tinutulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ihayag ang pangalan ni Jehova sa buong lupa. Sa anong tunguhin? Para mas marami pang alagad ang matipon bago dumating ang wakas ng masamang sistemang ito ng mga bagay. Pagsapit ng panahong iyon, ililigtas ni Jehova ang kaniyang tapat na mga saksi at makikilala ng lahat ang kaniyang dakilang pangalan!—Ezek. 36:23.
“UPANG ANG SANLIBUTAN AY MANIWALA”
12. Anong tatlong bagay ang kailangan para magtagumpay tayo sa ating nagliligtas-buhay na gawain?
12 Noong nasa lupa si Jesus, tinulungan niya ang kaniyang mga alagad na madaig ang kanilang mga kahinaan. Mahalaga iyon para matapos nila ang gawaing sinimulan ni Jesus. Nanalangin siya: “Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan.” Para magtagumpay ang mga alagad sa nagliligtas-buhay na gawaing iyon, idiniin ni Jesus ang tatlong bagay na kailangan. Una, ipinanalangin niya na ang kaniyang mga alagad ay hindi maging bahagi ng masamang sanlibutan ni Satanas. Ikalawa, hiniling niya na sila ay mapabanal, o manatiling banal, sa pamamagitan ng pamumuhay kaayon ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Ikatlo, paulit-ulit na nagsumamo si Jesus na magkaisa nawa ang kaniyang mga alagad gaya niya at ng kaniyang Ama. Kaya dapat nating itanong sa sarili, ‘Namumuhay ba ako kaayon ng tatlong kahilingan ni Jesus?’ Nagtitiwala si Jesus na kung gagawin ito ng kaniyang mga alagad, ‘ang sanlibutan ay maniniwala na isinugo siya ng Diyos.’—Basahin ang Juan 17:15-21.
13. Paano sinagot noong unang siglo ang panalangin ni Jesus?
13 Sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol, na kasunod ng apat na Ebanghelyo, makikitang sinagot ang panalangin ni Jesus. Malaki ang posibilidad na magkabaha-bahagi ang kongregasyong Kristiyano noon dahil binubuo ito ng mga Judio at Gentil, mayayaman at mahihirap, mga panginoon at alipin. Pero lubos silang nagkaisa, anupat inihalintulad sila sa iba’t ibang bahagi ng katawan at si Jesus ang kanilang ulo. (Efe. 4:15, 16) Talagang kamangha-mangha ito sa gitna ng nababahaging sanlibutan ni Satanas! Naging posible ito dahil sa pagkilos ng makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova.—1 Cor. 3:5-7.
14. Paano sinasagot sa ngayon ang panalangin ni Jesus?
14 Nakalulungkot, nawala ang pagkakaisang ito nang mamatay ang mga apostol. Gaya ng inihula, nakapasok sa kongregasyon ang apostasya, na naging dahilan ng paglitaw ng iba’t ibang sekta ng Sangkakristiyanuhan. (Gawa 20:29, 30) Pero noong 1919, pinalaya ni Jesus ang kaniyang mga pinahirang tagasunod mula sa pagkabihag sa huwad na relihiyon at tinipon sila sa “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:14) Ano ang resulta ng kanilang pangangaral nang may pagkakaisa? Mahigit pitong milyong “ibang mga tupa” mula sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang natipon kasama ng mga pinahiran ng Diyos bilang isang kawan. (Juan 10:16; Apoc. 7:9) Isa ngang napakalinaw na sagot sa panalangin ni Jesus na “ang sanlibutan ay magkaroon ng kaalaman na isinugo mo [Jehova] ako at na inibig mo sila kung paanong inibig mo ako”!—Juan 17:23.
NAKAAANTIG NA KONKLUSYON
15. Ano ang hiniling ni Jesus para sa kaniyang mga pinahirang alagad?
15 Noong gabi ng Nisan 14, niluwalhati, o pinarangalan, ni Jesus ang kaniyang mga apostol nang makipagtipan siya sa kanila para mamahalang kasama niya sa kaniyang Kaharian. (Luc. 22:28-30; Juan 17:22) Kaya may kinalaman sa lahat ng magiging pinahirang tagasunod niya, nanalangin si Jesus: “Ama, kung tungkol sa ibinigay mo sa akin, nais kong, kung nasaan ako, sila rin ay makasama ko, upang makita ang aking kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, sapagkat inibig mo ako bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 17:24) Sa halip na mainggit, ikinagagalak ito ng ibang mga tupa ni Jesus, na isa pang patotoo na nagkakaisa ang lahat ng tunay na Kristiyano sa ngayon.
16, 17. (a) Sa pagtatapos ng panalangin ni Jesus, ano ang sinabi niyang patuloy niyang gagawin? (b) Ano ang dapat na patuloy nating gawin?
16 Dahil sa impluwensiya ng mga lider ng relihiyon, karamihan ng tao sa ngayon ay nagbubulag-bulagan sa katotohanang may nagkakaisang bayan si Jehova at na talagang kilala nila siya. Ganiyan din noong panahon ni Jesus. Kaya tinapos niya ang kaniyang panalangin sa nakaaantig na pananalitang ito: “Amang Matuwid, tunay ngang hindi ka nakilala ng sanlibutan; ngunit nakilala kita, at nalaman ng mga ito na isinugo mo ako. At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.”—Juan 17:25, 26.
17 Walang-alinlangang namuhay si Jesus kaayon ng kaniyang panalangin. Bilang Ulo ng kongregasyon, patuloy niya tayong tinutulungan na ihayag ang pangalan at layunin ng kaniyang Ama. Patuloy nawa tayong magpasakop kay Jesus at may-kasigasigang sundin ang kaniyang utos na mangaral at gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20; Gawa 10:42) Sikapin din nating panatilihin ang ating pagkakaisa. Kapag ginagawa natin ang mga ito, namumuhay tayo kaayon ng panalangin ni Jesus, ukol sa ikaluluwalhati ng pangalan ni Jehova at sa ating walang-hanggang kaligayahan.