Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Pinagpala Dahil sa Pananalig kay Jehova

Pinagpala Dahil sa Pananalig kay Jehova

Walang kasiguruhan ang buhay, at kung minsan ay napakahirap. Pero pinagpapala ni Jehova ang mga nananalig sa kaniya sa halip na sa sarili nilang pagkaunawa. Iyan ang naranasan naming mag-asawa sa aming mahaba at masayang buhay. Hayaan ninyong ilahad ko ang ilang bahagi ng aming kuwento.

ANG tatay at nanay ko ay nagkakilala noong 1919 sa kombensiyon ng International Bible Students sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Ikinasal sila noong taon ding iyon. Isinilang ako noong 1922, at ang kapatid ko naman, si Paul, pagkaraan ng dalawang taon. Ang asawa kong si Grace ay isinilang noong 1930. Ang mga magulang niya, sina Roy at Ruth Howell, ay pinalaki bilang mga Bible Student, at ang kaniyang mga lolo’t lola ay mga Bible Student din at kaibigan ni Brother Charles Taze Russell.

Nakilala ko si Grace noong 1947, at ikinasal kami noong Hulyo 16, 1949. Bago kami nagpakasal, prangkahan naming pinag-usapan ang aming kinabukasan. Ipinasiya naming maglingkod nang buong panahon at huwag mag-anak. Noong Oktubre 1, 1950, nagsimula kaming magpayunir. Pagkatapos, noong 1952, inatasan kami sa gawaing pansirkito.

GAWAING PAGLALAKBAY AT PAG-AARAL SA GILEAD

Pareho naming nadama na kailangang-kailangan namin ng tulong para sa bagong atas na ito. Habang natututo ako sa makaranasang mga brother, humanap din ako ng makakatulong kay Grace. Nilapitan ko si Marvin Holien, isang matagal nang kaibigan ng pamilya at dating naglalakbay na tagapangasiwa. Sinabi ko sa kaniya: “Bata pa si Grace at kulang sa karanasan. May mairerekomenda ka ba na puwedeng magsanay sa kaniya?” “Oo,” ang sagot niya. “Makaranasang payunir si Edna Winkle kaya matutulungan niya si Grace.” Nang maglaon, ganito ang sinabi ni Grace tungkol kay Edna: “Tinulungan niya akong maging relaks kapag nagbabahay-bahay. Alam na alam niya kung paano sasagutin ang mga pagtutol, at tinuruan niya akong makinig sa may-bahay para malaman kung ano ang dapat sabihin. Malaki ang naitulong niya sa akin!”

Mula sa kaliwa: Nathan Knorr, Malcolm Allen, Fred Rusk, Lyle Reusch, Andrew Wagner

Naglingkod kami ni Grace sa dalawang sirkito ng Iowa at sa ilang bahagi ng Minnesota at South Dakota. Pagkatapos, inilipat kami sa New York Circuit 1, kung saan kasama ang Brooklyn at Queens. Damang-dama namin na talagang kulang kami sa  karanasan para sa atas na iyon. Kasama sa sirkito ang Brooklyn Heights Congregation, na nagpupulong sa Kingdom Hall sa Bethel, at maraming makaranasang miyembro ng pamilyang Bethel doon. Pagkatapos ng aking unang service talk sa kongregasyon, nilapitan ako ni Brother Nathan Knorr at halos ganito ang sinabi niya: “Malcolm, pinayuhan mo kami tungkol sa ilang bagay, at tama naman iyon. Tandaan mo, kung hindi mo kami tutulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabait na payo, walang gaanong magiging pakinabang sa iyo ang organisasyon. Ipagpatuloy mo lang ang mabuting ginagawa mo.” Ikinuwento ko iyon kay Grace pagkatapos ng pulong. Nang makaakyat na kami sa kuwarto namin sa Bethel, napaiyak kami dahil na rin sa matinding stress.

“Kung hindi mo kami tutulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabait na payo, walang gaanong magiging pakinabang sa iyo ang organisasyon. Ipagpatuloy mo lang ang mabuting ginagawa mo”

Pagkaraan ng ilang buwan, tumanggap kami ng sulat para mag-aral sa ika-24 na klase ng Paaralang Gilead, na magtatapos sa Pebrero 1955. Bago pa kami pumunta roon, sinabihan na kami na ang pagsasanay sa amin ay hindi nangangahulugang magiging misyonero kami. Sa halip, tutulungan kami nito na maging mas epektibo sa gawaing paglalakbay. Isang napakagandang karanasan iyon na nagturo din sa amin na maging mapagpakumbaba.

Sina Fern at George Couch kasama ako at si Grace sa Gilead, 1954

Nang matapos ang klase, inatasan kami sa gawaing pandistrito. Kasama sa aming distrito ang Indiana, Michigan, at Ohio. Pero noong Disyembre 1955, laking gulat namin nang tumanggap kami ng sulat mula kay Brother Knorr na nagsasabi: “Huwag kayong mahiyang sabihin ang niloloob ninyo, at tapatin ninyo ako. Kung gusto ninyong magpunta sa Bethel at manatili rito . . . o kung gusto ninyong maglingkod sa ibang bansa pagkatapos maglingkod sandali sa Bethel, sabihin lang ninyo. Kung mas gusto ninyo ang gawaing pandistrito at pansirkito, sabihin din ninyo.” Sumagot kami na handa kaming tumanggap ng anumang atas. Agad-agad, pinagreport kami sa Bethel!

MASAYANG PAGLILINGKOD SA BETHEL

Kasama sa masayang paglilingkod ko sa Bethel ang pagtuturo at pagbibigay ng pahayag sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos. Tumulong din ako sa pagsasanay sa maraming kabataang lalaki na nang maglaon ay tumanggap ng mabibigat na pananagutan sa organisasyon ni Jehova. Nang bandang huli, naging kalihim ako ni Brother Knorr sa opisinang nag-oorganisa sa pambuong-daigdig na pangangaral.

Habang nagtatrabaho sa Service Department, 1956

Gustung-gusto ko ang trabaho ko sa Service Department. Nakatrabaho ko roon si T. J. (Bud) Sullivan.  Siya ang dating tagapangasiwa ng department na iyon sa loob ng maraming taon. Pero may iba pang nakapagturo sa akin ng maraming bagay. Isa sa kanila si Fred Rusk, na inatasang magsanay sa akin. Natatandaan ko pa na tinanong ko siya, “Fred, bakit ang dami mong binabago sa mga sulat na ginawa ko?” Tumawa siya, pero natauhan ako sa sinabi niya, “Malcolm, kapag nakikipag-usap ka, puwede mo pang ipaliwanag ang sinasabi mo, pero kapag may isinulat ka, lalo na kung galing dito, dapat malinaw iyon at tumpak.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Huwag kang panghinaan ng loob—mahusay naman ang ginagawa mo, at mas huhusay ka pa.”

Iba’t iba rin ang naging trabaho ni Grace sa Bethel, kasama na ang pagiging housekeeper. Nag-enjoy siya sa trabahong iyon. Hanggang ngayon, kapag nakikita namin ang ilan sa mga brother na kabataan pa noon sa Bethel, nakangiti nilang sinasabi kay Grace, “Tinuruan mo akong mag-ayos ng kama, at tuwang-tuwa ang nanay ko sa ginawa mo.” Nagtrabaho rin si Grace sa Magazine Department, Correspondence, at Tape Duplicating. Nakatulong sa kaniya ang mga atas na iyon para maunawaan na anuman ang ginagawa namin o saanman kami naglilingkod sa organisasyon ni Jehova, iyon ay pribilehiyo at pagpapala. Ganoon pa rin ang nadarama niya hanggang ngayon.

KINAILANGAN NAMING MAG-ADJUST

Noong kalagitnaan ng dekada ’70, nakita namin ang pangangailangang asikasuhin ang aming may-edad nang mga magulang. Kaya isang mahirap na desisyon ang kinailangan naming gawin. Ayaw sana naming iwan ang Bethel at ang mga kapatid na talagang napamahal na sa amin. Pero responsibilidad ko ang aming mga magulang. Lumabas kami sa Bethel, na umaasang makakabalik kapag nagbago ang sitwasyon namin.

Para masuportahan ang aming sarili, naging ahente ako ng insurance. Naaalala ko pa ang sinabi ng isang manedyer noong baguhan pa lang ako: “Sa negosyong ito, kailangang puntahan ang mga tao sa gabi. Sa gano’ng oras mo sila madadatnan. Ang pinakamahalaga sa lahat ay mapuntahan sila gabi-gabi.” Sumagot ako, “Alam kong makaranasan ka na kaya nasabi mo iyan, at naiintindihan kita. Pero mayroon akong espirituwal na mga obligasyon na hindi ko pa kailanman pinabayaan at wala akong balak na pabayaan. Pupunta ako sa mga tao sa gabi, pero tuwing gabi ng Martes at Huwebes, may mahahalagang pulong akong dadaluhan.” Talagang pinagpala ako ni Jehova sa hindi pagliban sa mga pulong para maghanapbuhay.

Nasa tabi kami ng nanay ko nang mamatay siya sa isang nursing home noong Hulyo 1987. Nilapitan ng head nurse si Grace at sinabi: “Mrs. Allen, umuwi ka na at magpahinga. Alam naming ginawa mo ang lahat para sa biyenan mo. Sarili mo naman ang asikasuhin mo.”

 Noong Disyembre 1987, nagpasa kami ng aplikasyon para muling makapaglingkod sa Bethel, ang lugar na minahal namin. Pero pagkaraan lang ng ilang araw, natuklasang may kanser sa kolon si Grace. Inoperahan siya at nagpagaling hanggang sa makitang wala na ang kanser. Samantala, nakatanggap kami ng sulat mula sa Bethel na nagrekomendang magpatuloy kami sa ministeryo kasama ng lokal na kongregasyon. Determinado kaming patuloy na maglingkod para sa Kaharian.

Nang maglaon, nagkaroon ako ng oportunidad na magtrabaho sa Texas. Naisip naming makabubuti sa amin ang mainit na klima roon, at totoo naman. Sa loob ng mga 25 taon, nakasama namin sa Texas ang mapagmahal na mga kapatid na napalapít na sa amin.

MGA ARAL NA NATUTUHAN NAMIN

Si Grace ay nagkakanser sa kolon, thyroid, at kamakailan ay sa dibdib. Pero hindi siya kailanman nagreklamo sa mga pinagdaanan niya at lagi siyang nagpapasakop at nakikipagtulungan. Madalas siyang tanungin, “Ano ang sekreto ng inyong matagumpay at maligayang pagsasama?” Apat na dahilan ang ibinibigay niya: “Mag-best friend kami. Nag-uusap kami araw-araw. Lagi kaming magkasama. At hindi kami natutulog nang galít sa isa’t isa.” Nagkakasamaan din naman kami ng loob paminsan-minsan, pero handa kaming magpatawad at lumimot—at talagang epektibo iyon.

“Laging manalig kay Jehova at tanggapin anuman ang ipahintulot niya”

Sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan namin, may magagandang aral kaming natutuhan:

  1.  Laging manalig kay Jehova at tanggapin anuman ang ipahintulot niya. Huwag manalig sa iyong sariling pagkaunawa.—Kaw. 3:5, 6; Jer. 17:7.

  2.  Umasa sa patnubay ng Salita ni Jehova, anuman ang problema. Napakahalaga ng pagsunod kay Jehova at sa kaniyang mga kautusan. Dalawa lang ang pagpipilian mo—sumunod o hindi.—Roma 6:16; Heb. 4:12.

  3.  Ang pinakamahalaga sa buhay ay ang magkaroon ng mabuting pangalan sa harap ni Jehova. Unahin ang kalooban niya, hindi ang paghahanap ng materyal na kayamanan.—Kaw. 28:20; Ecles. 7:1; Mat. 6:33, 34.

  4.  Ipanalangin na maging mabunga ka at aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Magpokus sa kaya mong gawin, huwag sa hindi mo kayang gawin.—Mat. 22:37; 2 Tim. 4:2.

  5.  Tandaan na ito lang ang organisasyong pinagpapala at sinasang-ayunan ni Jehova.—Juan 6:68.

Kami ni Grace ay nakapaglingkod na kay Jehova nang mahigit 75 taon bawat isa, at halos 65 taon naman bilang mag-asawa. Sa mga panahong iyon, masayang-masaya kami sa paglilingkod kay Jehova nang magkasama. Dalangin namin na maranasan din sana ng lahat ng ating mga kapatid kung gaano kasaya ang buhay kapag nananalig ka kay Jehova.