“Maging Mapagpuyat May Kinalaman sa mga Panalangin”
“Maging matino sa pag-iisip, at maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.”
1, 2. (a) Bakit mahalaga na “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin”? (b) Anu-anong tanong tungkol sa panalangin ang dapat nating itanong sa sarili?
“ANG pinakanakaaantok na oras sa magdamag ay bago magbukang-liwayway,” ang sabi ng isang dating panggabi ang trabaho. Malamang na sasang-ayon sa kaniya ang mga kailangang manatiling gising sa magdamag. Ganiyan din ang sitwasyon ng mga Kristiyano sa ngayon dahil ang sanlibutan ni Satanas ay nasa pinakamadilim na yugto na nito. (Roma 13:12) Napakamapanganib ngang makatulog tayo sa panahong ito! Kailangan nating “maging matino sa pag-iisip” at sumunod sa payo ng Bibliya na “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.”
2 Dahil sa panahong kinabubuhayan natin, dapat nating itanong sa sarili: ‘Mapagpuyat ba ako sa pananalangin? Ginagamit ko ba ang bawat uri ng panalangin at nananalangin nang patuluyan? Ipinananalangin ko rin ba ang iba, o mga pangangailangan at kagustuhan ko lang ang binabanggit ko sa panalangin? Gaano kahalaga ang panalangin para sa kaligtasan ko?’
MAGPATULOY SA BAWAT URI NG PANALANGIN
3. Ano ang ilang uri ng panalangin?
3 Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Efeso, may binanggit siya na “bawat uri ng panalangin.” (Efe. 6:18) Sa mga panalangin natin, maaaring madalas nating hilingin kay Jehova na tulungan tayo sa ating mga pangangailangan at mga problema. Ang “Dumirinig ng panalangin” ay nagmamalasakit sa atin at nakikinig sa paghingi natin ng tulong. (Awit 65:2) Pero hindi natin dapat kaligtaan ang iba pang uri ng panalangin. Kabilang dito ang papuri, pasasalamat, at pagsusumamo.
4. Bakit dapat nating purihin nang madalas si Jehova sa ating panalangin?
4 Maraming dahilan para purihin natin si Jehova sa panalangin. Halimbawa, nauudyukan tayong purihin siya dahil sa “kaniyang makapangyarihang mga gawa” at sa “kalakhan ng kaniyang kadakilaan.” (Basahin ang Awit 150:1-6.) Sa anim na talata mismo ng Awit 150, tayo ay 13 beses na hinimok na purihin si Jehova! Udyok ng matinding pagpipitagan sa Diyos, ang kompositor ng isa pang awit ay nagsabi: “Pitong ulit kitang pinupuri sa isang araw dahil sa iyong matuwid na mga hudisyal na pasiya.” (Awit 119:164) Talagang karapat-dapat si Jehova sa ating papuri. Kaya hindi ba’t angkop lang na purihin natin siya sa ating mga panalangin ‘pitong ulit sa isang araw,’ ibig sabihin, talagang madalas?
5. Paano nagsisilbing proteksiyon ang pagpapasalamat kapag nananalangin?
5 Ang pasasalamat ay isa pang mahalagang uri ng panalangin. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa lunsod ng Filipos: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Fil. 4:6) Kapag taos-puso tayong nagpapasalamat kay Jehova sa panalangin, nagsisilbi itong proteksiyon. Lalo nang totoo ito dahil nabubuhay tayo sa mga huling araw at karamihan ng mga tao ay “walang utang-na-loob.” (2 Tim. 3:1, 2) Kung hindi tayo mag-iingat, baka mahawa tayo sa gayong saloobin. Pero kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos sa panalangin, nagiging kontento tayo at naiiwasan nating maging ‘mapagbulong at reklamador tungkol sa ating kalagayan sa buhay.’ (Jud. 16) Gayundin, kung ang ulo ng pamilya ay mapagpasalamat kapag nananalanging kasama ang kaniyang asawa’t anak, matutulungan din niya sila na maging mapagpasalamat.
6, 7. Ano ang pagsusumamo, at ano ang maaari nating ipagsumamo kay Jehova?
6 Ang pagsusumamo ay marubdob na panalangin. Ano ang maaari nating ipagsumamo kay Jehova? Kapag pinag-uusig tayo o may malubhang sakit, natural lang na magsumamo tayo sa Diyos sa panalangin. Pero sa gayong mga pagkakataon lang ba tayo dapat magsumamo kay Jehova?
7 Sa modelong panalangin ni Jesus, pansinin ang sinabi niya tungkol sa pangalan ng Diyos, sa Kaniyang Kaharian, at sa Kaniyang kalooban. (Basahin ang Mateo 6:9, 10.) Laganap ang kasamaan sa daigdig, at ni hindi mailaan ng gobyerno ng tao ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Kaya talagang dapat nating ipanalangin na mapabanal ang pangalan ng ating Ama sa langit at wakasan ng kaniyang Kaharian ang pamamahala ni Satanas. Ito rin ang panahon para magsumamo kay Jehova na maganap ang kaniyang kalooban sa lupa kung paanong nagaganap ito sa langit. Kaya manatili tayong mapagpuyat at gamitin ang lahat ng uri ng panalangin.
“MANALANGIN NANG PATULUYAN”
8, 9. Bakit hindi natin dapat husgahan si Pedro at ang iba pang mga apostol nang makatulog sila sa hardin ng Getsemani?
8 Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano na “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin,” pero may pagkakataon noon na hindi niya ito nagawa. Isa siya sa mga alagad na nakatulog samantalang si Jesus ay nananalangin sa hardin ng Getsemani. Kahit sinabihan na sila ni Jesus na ‘patuloy na magbantay at manalangin nang patuluyan,’ hindi pa rin nila iyon nagawa.
9 Sa halip na husgahan si Pedro at ang iba pang mga apostol dahil hindi sila nakapanatiling gising, dapat nating alalahanin na pagod na pagod na sila noon. Bago nito, naghanda sila para sa Paskuwa at ipinagdiwang ito nang gabing iyon. Pagkatapos, pinasimulan ni Jesus ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon at ipinakita kung paano dapat ipagdiwang ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. (1 Cor. 11:23-25) “Pagkatapos na umawit ng mga papuri, sila ay lumabas patungo sa Bundok ng mga Olibo” anupat naglakad nang malayu-layo sa makikipot na daan ng Jerusalem. (Mat. 26:30, 36) Posibleng lampas na ng hatinggabi noon. Kung kasama tayo sa hardin ng Getsemani nang gabing iyon, baka nakatulog din tayo. Sa halip na pagalitan ang pagód na mga apostol, kinilala ni Jesus na “ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”
10, 11. (a) Anong aral ang natutuhan ni Pedro sa karanasan niya sa hardin ng Getsemani? (b) Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Pedro?
10 Dahil hindi naging mapagpuyat si Pedro sa pananalangin noong nasa hardin ng Getsemani, isang mahalagang aral ang natutuhan niya sa masakit na paraan. Bago nito, sinabi ni Jesus: “Lahat kayo ay matitisod may kaugnayan sa akin sa gabing ito.” Pero sumagot si Pedro: “Bagaman ang lahat ng iba pa ay matisod may kaugnayan sa iyo, kailanman ay hindi ako matitisod!” Sinabi ni Jesus na itatatwa siya ni Pedro nang tatlong beses. Hindi naniwala si Pedro at sinabi pa: “Kahit na kailangan akong mamatay na kasama mo, hindi kita sa anumang paraan itatatwa.” (Mat. 26:31-35) Gayunman, gaya ng inihula ni Jesus, itinatwa siya ni Pedro. Palibhasa’y sising-sisi matapos ikaila si Jesus sa ikatlong pagkakataon, si Pedro ay “tumangis nang may kapaitan.”
11 Sa pangyayaring ito, walang-alinlangang natutuhan ni Pedro na huwag labis na magtiwala sa sarili. Maliwanag na nakatulong kay Pedro ang pananalangin para mapagtagumpayan ang kahinaang ito. Sa katunayan, siya mismo ang nagpayo na “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” Sinusunod ba natin ang kinasihang payong ito? Gayundin, tayo ba ay ‘nananalangin nang patuluyan’ at sa gayon ay ipinakikitang nagtitiwala tayo kay Jehova? (Awit 85:8) Tandaan din natin ang paalaala ni Pablo: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.”
SINAGOT ANG MGA PANALANGIN NI NEHEMIAS
12. Bakit magandang halimbawa para sa atin si Nehemias?
12 Magandang halimbawa si Nehemias pagdating sa marubdob na pananalangin. Siya ang katiwala ng kopa ng Persianong si Haring Artajerjes noong ikalimang siglo B.C.E. Sa loob ng ilang araw, ‘patuluyan siyang nag-ayuno at nanalangin sa harap ng Diyos’ dahil sa kalagayan ng mga Judio sa Jerusalem. (Neh. 1:4) Nang itanong ni Artajerjes kung bakit siya malungkot, ‘agad siyang nanalangin sa Diyos ng langit.’ (Neh. 2:2-4) Ano ang resulta? Sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya at minaniobra ang mga bagay-bagay para sa Kaniyang bayan. (Neh. 2:5, 6) Tiyak na napalakas nito ang pananampalataya ni Nehemias!
13, 14. Ano ang dapat nating gawin para manatiling malakas sa pananampalataya at huwag masiraan ng loob dahil sa mga pakana ni Satanas?
13 Ang pananalangin nang patuluyan, gaya ng ginawa ni Nehemias, ay tutulong sa atin na manatiling malakas sa pananampalataya. Malupit si Satanas at kadalasang umaatake kapag nanghihina tayo. Halimbawa, kung may sakit tayo o nadedepres, baka madama nating hindi gaanong mahalaga sa Diyos ang nagagawa natin sa ministeryo buwan-buwan. Ang ilan sa atin ay baka binabagabag ng mga negatibong kaisipan, marahil dahil sa masasamang karanasan. Gusto ni Satanas na isipin nating wala tayong halaga. Sinisira niya ang loob natin para manghina ang ating pananampalataya. Pero kung tayo ay “mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin,” mananatiling malakas ang ating pananampalataya. Oo, ‘ang malaking kalasag ng pananampalataya ay tutulong sa atin na masugpo ang lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.’
14 Kung tayo ay “mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin,” magiging handa tayo sa anumang pagsubok at hindi makikipagkompromiso. Kapag napaharap sa pagsubok, alalahanin natin ang halimbawa ni Nehemias at agad na manalangin sa Diyos. Mapaglalabanan lang natin ang mga tukso at mababata ang mga pagsubok kung aasa tayo sa tulong ni Jehova.
MANALANGIN ALANG-ALANG SA IBA
15. Anu-ano ang dapat nating itanong sa sarili tungkol sa pananalangin alang-alang sa iba?
15 Si Jesus ay nagsumamo para kay Pedro upang hindi manghina ang pananampalataya ng apostol. (Luc. 22:32) Tinularan siya ng unang-siglong Kristiyanong si Epafras nang ipanalangin nito ang mga kapatid sa Colosas. Sumulat si Pablo sa kanila: “Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo’y maging matatag, maging ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos.” (Col. 4:12, Magandang Balita Biblia) Dapat nating itanong sa sarili: ‘Taimtim ko bang ipinananalangin ang aking mga kapatid sa buong mundo? Gaano kadalas kong ipinananalangin ang mga kapananampalataya ko na naapektuhan ng mga kalamidad? Kailan ako huling nanalangin nang marubdob para sa mga may mabibigat na pananagutan sa organisasyon ni Jehova? Ipinananalangin ko ba ang mga kakongregasyon ko na may mahihirap na problema?’
16. Nakakatulong ba sa iba ang pananalangin natin para sa kanila? Ipaliwanag.
16 Ang ating panalangin kay Jehova alang-alang sa iba ay talagang nakakatulong sa kanila. (Basahin ang 2 Corinto 1:11.) Hindi naman obligado si Jehova na kumilos kaayon ng panalangin ng kaniyang mga mananamba dahil lang sa marami silang nananalangin tungkol doon nang paulit-ulit. Pero natutuwa siyang makita na nagmamalasakit sila sa isa’t isa. Sinasagot niya ang kanilang mga panalangin ayon sa kaniyang kalooban. Kaya dapat nating seryosohin ang ating pribilehiyo at pananagutan na ipanalangin ang iba. Gaya ni Epafras, dapat tayong magpakita ng taos-pusong pag-ibig at pagmamalasakit sa ating mga kapatid sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin para sa kanila. Sa paggawa nito, magiging mas maligaya tayo dahil “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”
‘MALAPIT NA ANG ATING KALIGTASAN’
17, 18. Paano makatutulong sa atin ang pagiging “mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin”?
17 Bago sinabi ni Pablo na “ang gabi ay malalim na; ang araw ay malapit na,” isinulat niya: “Alam ninyo ang kapanahunan, na oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahong tayo ay maging mga mananampalataya.” (Roma 13:11, 12) Malapit na ang bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos, at ang kaligtasan natin ay mas malapit na kaysa sa iniisip natin. Hindi tayo dapat makatulog sa espirituwal, at hindi natin dapat hayaang mawalan tayo ng panahon sa pananalangin kay Jehova nang sarilinan dahil sa mga panggambala ng sanlibutan. Sa halip, dapat tayong “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” Tutulong ito sa atin na magtuon ng pansin sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon” habang hinihintay ang araw ni Jehova. (2 Ped. 3:11, 12) Sa gayon, makikita sa ating pamumuhay na nananatili tayong gising sa espirituwal at talagang naniniwalang malapit na ang wakas ng masamang sanlibutang ito. Kaya nawa’y ‘manalangin tayo nang walang lubay.’ (1 Tes. 5:17) Dapat din nating tularan si Jesus at humanap ng pagkakataong makapanalangin nang sarilinan. Kung maglalaan tayo ng sapat na panahon sa pribadong pananalangin kay Jehova, magiging mas malapít tayo sa kaniya. (Sant. 4:7, 8) Napakaganda ngang pagpapala niyan!
18 Sinasabi ng Bibliya: “Nang mga araw ng kaniyang laman ay naghandog si Kristo ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at malugod siyang pinakinggan dahil sa kaniyang makadiyos na takot.” (Heb. 5:7) Naghandog si Jesus ng mga pagsusumamo at pakiusap sa Diyos at nanatiling tapat hanggang sa wakas ng kaniyang buhay sa lupa. Kaya naman iniligtas ni Jehova ang kaniyang minamahal na Anak mula sa kamatayan at ginantimpalaan ng imortal na buhay sa langit. Makapananatili rin tayong tapat sa ating Ama sa langit anumang tukso at pagsubok ang dumating. Oo, makakamit natin ang gantimpalang buhay na walang hanggan