Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol

Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol

“Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.”1 PED. 2:21.

1, 2. (a) Ano ang resulta kapag inaalagaang mabuti ang mga tupa? (b) Bakit maraming tao noong panahon ni Jesus ang parang mga tupang walang pastol?

MALUSOG ang mga tupa kapag talagang nagmamalasakit sa kanila ang pastol. Ayon sa isang manwal tungkol sa pag-aalaga ng tupa, “ang tao na basta nagdadala ng kaniyang kawan sa pastulan at hindi na nagbibigay-pansin sa mga ito ay malamang na mamroblema makalipas ang ilang taon dahil sa maraming maysakit at di-mapakikinabangang tupa.” Pero kapag ang mga tupa ay inaalagaang mabuti ng pastol, malalakas at malulusog ang mga ito.

2 Ang paraan ng pangangalaga at pag-aasikaso ng mga Kristiyanong pastol sa bawat tupang ipinagkatiwala sa kanila ay makaaapekto sa espirituwal na kalusugan ng buong kongregasyon. Marahil natatandaan mong nahabag si Jesus sa mga pulutong dahil “sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Bakit ganoon ang kanilang kalagayan? Dahil ang mga may pananagutang magturo sa kanila ng Kautusan ng Diyos ay mabagsik, napakahigpit, at mapagpaimbabaw. Sa halip na tulungan at alagaan ang mga miyembro ng kanilang kawan, ang mga lider ng relihiyon ng Israel ay nag-aatang sa kanila ng “mabibigat na pasan.”Mat. 23:4.

3. Ano ang dapat tandaan ng mga elder habang ginagampanan nila ang kanilang papel bilang mga pastol?

3 Kaya naman ang mga Kristiyanong pastol—mga hinirang na elder—ay may mabigat na pananagutan. Ang mga tupang inaalagaan nila ay pag-aari ni Jehova at ni Jesus, na nagpakilala bilang “ang mabuting pastol.” (Juan 10:11) Ang mga tupang ito ay ‘binili sa isang halaga’ na binayaran ni Jesus ng kaniya mismong “mahalagang dugo.” (1 Cor. 6:20; 1 Ped. 1:18, 19) Mahal na mahal ni Jesus ang mga tupa kaya kusang-loob niyang ibinigay ang kaniyang  buhay para sa kanila. Dapat tandaan ng mga elder na sila ay mga katulong na pastol, anupat nasa ilalim ng pangangasiwa ng maibiging Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang “dakilang pastol ng mga tupa.”Heb. 13:20.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Kaya paano dapat pakitunguhan ng mga elder ang mga tupa? Ang mga miyembro ng kongregasyon ay pinapayuhang ‘maging masunurin sa mga nangunguna’ sa kanila. Sa kabilang dako naman, ang mga elder ay pinapayuhang huwag ‘mamanginoon sa mga mana ng Diyos.’ (Heb. 13:17; basahin ang 1 Pedro 5:2, 3.) Pero paano mangunguna ang mga hinirang na elder nang hindi namamanginoon sa kawan? Sa ibang pananalita, paano mapangangalagaan ng mga elder ang mga tupa nang hindi lumalampas sa awtoridad na ipinagkaloob ng Diyos sa kanila?

“SA KANIYANG DIBDIB AY BUBUHATIN NIYA SILA”

5. Ano ang ipinahihiwatig ng paglalarawan sa Isaias 40:11 tungkol kay Jehova?

5 Sinabi ni propeta Isaias tungkol kay Jehova: “Papastulan niyang gaya ng pastol ang kaniyang sariling kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila. Yaong mga nagpapasuso ay maingat niyang papatnubayan.” (Isa. 40:11) Ipinahihiwatig ng paglalarawang ito na nagmamalasakit si Jehova sa mahihinang miyembro ng kongregasyon. Kung paanong ang pastol ay palaisip sa partikular na pangangailangan ng bawat tupa sa kawan at laging handang mag-asikaso sa kanila, alam ni Jehova ang pangangailangan ng bawat miyembro ng kongregasyon at handa siyang tumulong. At kung paanong binubuhat ng pastol ang bagong-silang na kordero sa tupi ng kaniyang damit kapag kailangan, inaalalayan at inaaliw tayo ni Jehova sa mga panahon ng pagsubok. Siya ang “Ama ng magiliw na kaawaan.”2 Cor. 1:3, 4.

6. Bilang pastol sa kongregasyon, paano matutularan ng isang elder ang halimbawa ni Jehova?

6 Napakaganda ngang aral mula sa ating makalangit na Ama! Gaya ni Jehova, ang pastol sa kongregasyon ay dapat na palaisip sa mga pangangailangan ng mga tupa. Kung alam ng elder ang mga hamong napapaharap sa kanila at ang espesipikong pangangailangan nila na dapat asikasuhin agad, maibibigay niya ang kinakailangang pampatibay-loob at suporta. (Kaw. 27:23) Kaya naman ang isang elder ay dapat na naglalaan ng panahon para makipag-usap at makinig sa mga kapatid. Bagaman iniingatan niyang huwag manghimasok sa buhay nila, binibigyang-pansin niya ang mga nakikita niya at naririnig sa kongregasyon at maibiging naglalaan ng panahon para “tulungan yaong mahihina.”Gawa 20:35; 1 Tes. 4:11.

7. (a) Noong panahon nina Ezekiel at Jeremias, paano pinakitunguhan ang mga tupa ng Diyos? (b) Ano ang matututuhan natin sa pagtatakwil ni Jehova sa di-tapat na mga pastol?

7 Pag-isipan ang saloobin ng mga pastol na itinakwil ng Diyos. Noong panahon nina Ezekiel at Jeremias, tinuligsa ni Jehova ang mga dapat sana’y nangangalaga sa kaniyang mga tupa pero hindi iyon ginagawa. Kapag walang nagbabantay sa mga tupa, ang mga ito ay nangangalat at nasisila. Sa halip na pakainin ng mga pastol na iyon ang mga tupa, sila pa ang nagsasamantala sa mga ito at ‘pinakakain ang kanilang sarili.’ (Ezek. 34:7-10; Jer. 23:1) Sa gayunding mga dahilan, itinatakwil ng Diyos ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan. Anong mahalagang aral ang matututuhan dito ng mga elder sa kongregasyon? Dapat nilang pangalagaan ang kawan ni Jehova sa tama at maibiging paraan.

“NAGBIGAY AKO NG PARISAN PARA SA INYO”

8. Paano nagpakita si Jesus ng parisan sa pagtutuwid ng maling saloobin?

8 Dahil sa di-kasakdalan, maaaring hindi agad maunawaan ng ilang miyembro ng  kongregasyon ang inaasahan sa kanila ni Jehova. Maaaring hindi sila kumikilos kaayon ng payo ng Bibliya, o makikita sa kanilang paggawi na kulang pa sila sa pagkamaygulang. Ano ang dapat maging reaksiyon ng mga elder? Dapat nilang tularan ang pagkamatiisin ni Jesus sa kaniyang mga alagad noong madalas silang nagtatalu-talo kung sino sa kanila ang magiging pinakadakila sa Kaharian. Sa halip na magalit sa kanila, patuloy silang tinuruan ni Jesus at binigyan ng maibiging payo tungkol sa kapakumbabaan. (Luc. 9:46-48; 22:24-27) Hinugasan pa nga niya ang kanilang mga paa para ipakita ang ibig sabihin ng kapakumbabaan, isang katangian na dapat ipakita ng mga Kristiyanong tagapangasiwa.Basahin ang Juan 13:12-15; 1 Ped. 2:21.

9. Ano ang sinabi ni Jesus na dapat maging saloobin ng kaniyang mga alagad?

9 Ang pangmalas ni Jesus sa papel ng espirituwal na pastol ay iba sa iniisip noon nina Santiago at Juan. Ang dalawang apostol na ito ay humiling ng prominenteng posisyon sa Kaharian. Pero itinuwid sila ni Jesus sa pagsasabi: “Alam ninyong ang mga banyagang tagapamahala ay naghahari-harian sa mga sakop nila. At ang kanilang mga dakilang lider ay may lubos na kapangyarihan sa lahat ng pinamamahalaan nila. Pero huwag ninyo silang gayahin. Kung gusto ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod ng lahat.” (Mat. 20:25, 26, Contemporary English Version) Kinailangan ng mga apostol na paglabanan ang tendensiyang ‘mamanginoon’ o ‘maghari-harian’ sa kanilang mga kasama.

10. Ano ang inaasahan ni Jesus sa mga elder pagdating sa pakikitungo sa kawan? Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo hinggil dito?

10 Inaasahan ni Jesus na tutularan ng mga elder ang pakikitungo niya sa kawan. Dapat na handa silang maging mga lingkod, hindi mga panginoon, ng kanilang mga kapatid. May ganiyang saloobin si apostol Pablo, dahil sinabi niya sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa Efeso: “Nalalaman ninyong lubos kung paanong mula nang unang araw na tumuntong ako sa distrito ng Asia ay nakasama ninyo ako sa buong panahon, na nagpapaalipin para sa Panginoon taglay ang buong kababaan ng pag-iisip.” Nais ng apostol na maging masigasig at mapagpakumbaba ang mga elder na iyon sa pagtulong sa iba. Sinabi niya: “Ipinakita ko sa inyo sa lahat ng bagay na sa pagpapagal nang gayon ay dapat ninyong tulungan yaong mahihina.” (Gawa 20:18, 19, 35) Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na hindi siya panginoon sa kanilang pananampalataya, kundi isang kamanggagawa lamang ukol sa kanilang kagalakan. (2 Cor. 1:24) Si Pablo ay mainam na halimbawa ng kapakumbabaan at kasipagan para sa mga elder ngayon.

‘MANGHAWAKANG MAHIGPIT SA TAPAT NA SALITA’

11, 12. Paano matutulungan ng elder ang isang kapatid sa paggawa ng desisyon?

11 Ang elder sa kongregasyon ay dapat na “nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo.” (Tito 1:9) Pero ginagawa niya iyon “sa espiritu ng kahinahunan.” (Gal. 6:1) Sa halip na pilitin ang mga kapatid sa kongregasyon na gumawi sa isang partikular na paraan, sinisikap ng mabuting pastol na antigin ang kanilang puso. Halimbawa, maaari niyang itawag-pansin ang mga simulain sa Kasulatan na dapat isaalang-alang ng isang kapatid sa paggawa ng mahalagang desisyon at repasuhin sa kaniya ang sinasabi sa ating mga publikasyon. Maaari din niyang himukin ang kapatid na pag-isipan kung paano makaaapekto sa kaugnayan niya kay Jehova ang mga pinagpipilian niyang desisyon. Maaaring ipaalaala ng elder na mahalagang hilingin sa panalangin ang patnubay ng Diyos bago magpasiya. (Kaw. 3:5, 6) Pagkatapos nito, hahayaan ng elder ang kapatid na gumawa ng sariling desisyon.Roma 14:1-4.

 12 Ang saligan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa sa pagbibigay ng patnubay ay ang sinasabi ng Bibliya. Kaya mahalagang gamitin nila nang may kahusayan ang Bibliya at manghawakan sa binabanggit nito. Sa gayon, maiiwasan ng mga elder na maabuso ang awtoridad na ibinigay sa kanila. Tutal, sila ay mga katulong na pastol lamang, at ang bawat miyembro ng kongregasyon ay kay Jehova at kay Jesus mananagot sa mga desisyong ginagawa nila.Gal. 6:5, 7, 8.

“MGA HALIMBAWA SA KAWAN”

Tinutulungan ng mga elder ang kanilang pamilya sa paghahanda sa ministeryo (Tingnan ang parapo 13)

13, 14. Sa anu-anong paraan dapat magpakita ng mabuting halimbawa ang isang elder?

13 Pagkatapos paalalahanan ni apostol Pedro ang matatandang lalaki sa kongregasyon na huwag mamanginoon sa mga ipinagkatiwala sa kanila, pinayuhan niya sila na “maging mga halimbawa sa kawan.” (1 Ped. 5:3) Paano magiging halimbawa sa kawan ang isang elder? Pag-isipan ang dalawa sa mga kuwalipikasyong dapat maipakita ng isang lalaking “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa.” Dapat na “matino ang [kaniyang] pag-iisip” at “namumuno [siya] sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan.” Kung may pamilya ang elder, dapat na mahusay siyang ulo ng sambahayan, dahil “kung hindi nga alam ng sinumang lalaki kung paano mamuno sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?” (1 Tim. 3:1, 2, 4, 5) Para maging kuwalipikado sa katungkulan ng tagapangasiwa ang isang brother, dapat na matino ang kaniyang pag-iisip; nangangahulugan ito na malinaw niyang naiintindihan ang mga simulain sa Bibliya at alam niya kung paano ikakapit iyon sa kaniyang buhay. Siya ay mahinahon, makatuwiran, at hindi padalus-dalos sa pagpapasiya. Nagtitiwala ang mga kapatid sa mga elder na nagpapakita ng ganitong mga katangian.

14 Ang mga tagapangasiwa ay dapat ding magpakita ng mabuting halimbawa sa pangangaral, gaya ng ginawa ni Jesus. Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay mahalagang bahagi ng gawain ni Jesus noong narito siya sa lupa. Ipinakita niya sa kaniyang mga alagad kung paano ito isasagawa. (Mar. 1:38; Luc. 8:1) Sa ngayon, nakapagpapatibay sa mga mamamahayag ang mangaral kasama ng mga elder, makita ang sigasig ng mga elder sa nagliligtas-buhay na gawaing ito, at matuto sa kanilang paraan ng pagtuturo. Kapag masigasig ang mga elder sa pangangaral kahit abala sila, napakikilos ang buong kongregasyon na tularan sila. Ang mga elder ay maaari ding magpakita ng mabuting halimbawa sa paghahanda at pakikibahagi sa mga pulong at iba pang mga gawain, gaya ng paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall.Efe. 5:15, 16; basahin ang Hebreo 13:7.

Mabuting halimbawa sa paglilingkod sa larangan ang mga tagapangasiwa (Tingnan ang parapo 14)

“ALALAYAN ANG MAHIHINA”

15. Ano ang ilang dahilan kung bakit dinadalaw ng mga elder ang mga kapatid?

15 Ang isang mabuting pastol ay agad na kumikilos kapag may tupang nasaktan o nagkasakit. Sa katulad na paraan, kailangang tulungan agad ng mga elder ang sinumang  nangangailangan ng payo o pampatibay-loob sa kongregasyon. Ang mga may-edad at mga maysakit ay maaaring nangangailangan ng praktikal na tulong, pero higit nilang kailangan ang espirituwal na tulong at pampatibay. (1 Tes. 5:14) Ang mga kabataang miyembro ng kongregasyon ay maaaring nakikipaglaban sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Tim. 2:22) Kaya kasama sa gawain ng mga elder ang regular na pagdalaw sa mga miyembro ng kongregasyon. Sa mga pagdalaw na iyon, sinisikap nilang maunawaan ang sitwasyon ng mga kapatid at makapagbigay ng angkop na payo mula sa Kasulatan. Maraming problema ang hindi na lumalala kapag inaagapan ng mga elder.

16. Kapag may malubhang problema sa espirituwal ang isang kapatid, paano siya matutulungan ng mga elder?

16 Paano kung lumala ang problema ng isang kapatid at nanganganib ang kaugnayan niya kay Jehova? “Mayroon bang sinumang may sakit sa inyo?” ang itinanong ng manunulat na si Santiago. “Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (Sant. 5:14, 15) Kahit hindi ‘tumawag ng matatandang lalaki’ ang kapatid na may sakit sa espirituwal, dapat siyang tulungan agad ng mga elder kapag nalaman nila ang kaniyang sitwasyon. Kung ang mga elder ay mananalangin kasama ng mga kapatid at alang-alang sa mga ito, at aalalay sa mga kapatid sa mahihirap na panahon, mapagiginhawa nila at mapatitibay ang mga nasa pangangalaga nila.Basahin ang Isaias 32:1, 2.

17. Ano ang resulta kapag tinutularan ng mga elder ang “dakilang pastol”?

17 Sa lahat ng kanilang ginagawa sa organisasyon ni Jehova, sinisikap ng mga elder na tularan ang “dakilang pastol,” si Jesu-Kristo. Sa tulong ng mga responsableng lalaking ito, ang kawan ay lubusang nakikinabang at patuloy na lumalakas. Dahil dito, tayo ay nagpapasalamat at nauudyukang pumuri sa ating walang-katulad na Pastol, si Jehova.