Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magsasakripisyo Ka ba Para sa Kaharian?

Magsasakripisyo Ka ba Para sa Kaharian?

“Iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”2 COR. 9:7.

1. Paano nagsasakripisyo ang maraming tao, at bakit?

HANDANG magsakripisyo ang mga tao para sa mga bagay na mahalaga sa kanila. Ang mga magulang ay nagsasakripisyo ng panahon, pera, at lakas alang-alang sa kanilang mga anak. Habang naglalaro at nagsasaya ang mga kaedad nila, ang mga kabataang atleta na gustong makasali sa Olympics ay puspusang nagpapraktis nang maraming oras araw-araw. Nagsakripisyo rin si Jesus para sa mga bagay na mahalaga sa kaniya. Hindi siya naghangad ng karangyaan, at hindi siya nagpamilya. Sa halip, nagpokus siya sa pagtataguyod ng Kaharian. (Mat. 4:17; Luc. 9:58) Marami ring isinakripisyo ang kaniyang mga tagasunod para sa Kaharian ng Diyos dahil ito ang pinakamahalaga sa kanila. (Mat. 4:18-22; 19:27) Kaya maitatanong natin sa ating sarili, ‘Ano ang mahalaga sa buhay ko?’

2. (a) Anong mga sakripisyo ang kailangang gawin ng lahat ng tunay na Kristiyano? (b) Anong karagdagang sakripisyo ang ginagawa ng ilan?

2 May mga sakripisyo na kailangang gawin ng lahat ng tunay na Kristiyano. Mahalaga ang mga ito kung gusto nating maingatan ang ating malapít na kaugnayan kay Jehova. Kasama sa gayong mga sakripisyo ang paglalaan ng panahon at lakas para sa pananalangin, pagbabasa ng Bibliya, pagsamba bilang pamilya, pagdalo sa pulong, at paglilingkod sa larangan. * (Jos. 1:8; Mat. 28:19, 20; Heb. 10:24, 25) Dahil sa pagsisikap natin at pagpapala ni Jehova, mabilis na sumusulong ang pangangaral, at marami ang patuloy na dumaragsa sa “bundok ng bahay ni Jehova.” (Isa. 2:2) Para suportahan ang mga gawaing pang-Kaharian, marami ang nagsasakripisyong maglingkod sa Bethel, magboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall, mag-organisa ng mga kombensiyon, o tumulong sa mga biktima ng likas na sakuna. Ang karagdagang  mga gawaing ito ay hindi naman kahilingan para sa buhay na walang hanggan pero mahalaga sa pagsuporta sa Kaharian ng Diyos.

3. (a) Paano tayo nakikinabang kapag nagsasakripisyo tayo para sa Kaharian? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin?

3 Ngayon natin dapat higit na suportahan ang Kaharian. Nakatutuwang makita na marami ang kusang-loob na nagsasakripisyo para kay Jehova. (Basahin ang Awit 54:6.) Ang gayong espiritu ng pagsasakripisyo ay nagdudulot sa atin ng malaking kagalakan habang hinihintay natin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. (Deut. 16:15; Gawa 20:35) Gayunman, dapat nating suriing mabuti ang ating sarili. Makapagsasakripisyo ba tayo nang higit pa para sa Kaharian? Paano natin ginagamit ang ating panahon, pera, lakas, at mga kakayahan? Ano ang dapat nating isaalang-alang kapag nagsasakripisyo? Talakayin natin ang isang parisang matutularan natin sa ating kusang-loob na pagsasakripisyo, na magpapasidhi naman ng kagalakan natin.

MGA HAIN SA SINAUNANG ISRAEL

4. Paano nakinabang ang mga Israelita sa paghahandog ng mga hain?

4 Ang mga Israelita noon ay naghahandog ng mga hain para mapatawad ang kanilang mga kasalanan. Kailangan ito para matamo nila ang pagsang-ayon ni Jehova. Ang ilang hain ay kahilingan sa Kautusan; ang iba naman ay kusang-loob. (Lev. 23:37, 38) Ang mga buong handog na sinusunog ay maaaring ibigay bilang kusang-loob na handog, o kaloob, kay Jehova. Ang isang natatanging halimbawa ng paghahandog ay ginawa nang pasinayaan ang templo noong panahon ni Solomon.2 Cro. 7:4-6.

5. Anong probisyon ang ginawa ni Jehova para sa mga dukha?

5 Nauunawaan ni Jehova na hindi pare-pareho ang maibibigay ng bawat isa, kaya ang hinihiling niya ay kung ano lang ang kayang ibigay ng bawat indibiduwal. Ayon sa kautusan ni Jehova, ang mga Israelita ay dapat maghandog ng mga haing hayop at dapat nilang ibuhos ang dugo nito. Ang mga haing ito ay “anino ng mabubuting bagay na darating” sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. (Heb. 10:1-4) Pero hindi naman napakahigpit ni Jehova sa pagpapatupad ng kautusang ito. Halimbawa, kung hindi kaya ng isa na maghandog ng tupa o kambing, tatanggapin ng Diyos ang handog na mga batu-bato. Sa gayon, kahit ang dukha ay masayang makapaghahain kay Jehova. (Lev. 1:3, 10, 14; 5:7) Bagaman iba-ibang  uri ng hayop ang puwedeng ihain, may dalawang kahilingan sa lahat ng naghahain nang kusang-loob.

6. Ano ang kahilingan sa isa na naghahain? Gaano kahalagang sundin ang mga kahilingang ito?

6 Una, ang dapat ihandog ng indibiduwal ay ang pinakamainam na maibibigay niya. Sinabi ni Jehova na ang ihahandog nila ay dapat na malusog “upang magkamit [sila] ng pagsang-ayon.” (Lev. 22:18-20) Kung may kapintasan ang haing hayop, hindi ito katanggap-tanggap kay Jehova. Ikalawa, ang taong naghahain ay kailangang malinis ayon sa itinakda ng Kautusan. Kung hindi siya malinis, kailangan muna niyang magbigay ng handog ukol sa kasalanan o handog ukol sa pagkakasala para muling matamo ang pagsang-ayon ni Jehova; saka lang tatanggapin ni Jehova ang kaniyang kusang-loob na handog. (Lev. 5:5, 6, 15) Seryosong bagay ito. Itinakda ni Jehova na kung may sinumang di-malinis na kakain ng haing pansalu-salo, gaya ng mga kusang-loob na handog, papatayin ang isang iyon. (Lev. 7:20, 21) Sa kabilang dako, kapag ang taong naghahain ay malinis sa paningin ni Jehova at ang kaniyang handog ay walang kapintasan, magdudulot iyon ng malaking kagalakan sa naghain.Basahin ang 1 Cronica 29:9.

MGA SAKRIPISYO NGAYON

7, 8. (a) Anong kagalakan ang nadarama ng marami sa pagsasakripisyo para sa Kaharian? (b) Anu-ano ang maaari nating isakripisyo para kay Jehova?

7 Marami sa ngayon ang handang maglingkod nang lubusan kay Jehova, at nakalulugod ito sa kaniya. Kasiya-siyang makatulong sa ating mga kapatid. Isang brother na nagboboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at sa pagtulong sa mga naapektuhan ng likas na sakuna ang nagsabi na hindi niya mailarawan ang kagalakang nadarama niya sa gayong paglilingkod. Binanggit niya, “Sa tuwing makikita kong masayang-masaya ang mga kapatid kapag naitayo na ang kanilang bagong Kingdom Hall o kapag tumatanggap sila ng tulong pagkatapos ng isang likas na sakuna, nadarama kong sulit ang lahat ng pagod at pagsisikap ko.”

Maraming handog noon ang kusang-loob, gaya ng mga sakripisyo natin ngayon (Tingnan ang parapo 7-13)

8 Sa makabagong panahon, ang organisasyon ni Jehova ay laging humahanap ng paraan kung paano susuportahan ang gawain ni Jehova. Noong 1904, isinulat ni Brother C. T. Russell: “Itinuturing ng bawat isa ang kaniyang sarili bilang hinirang ng Panginoon na katiwala ng kaniyang sariling panahon, impluwensiya, salapi, atbp., at bawat isa ay dapat maghangad na gamitin ang mga talentong ito sa abot ng kaniyang makakaya,  sa ikaluluwalhati ng Panginoon.” Bagaman mayroon tayong mga isinasakripisyo para kay Jehova, ang mga ito ay nagdudulot naman ng maraming pagpapala. (2 Sam. 24:21-24) Magagamit ba natin sa mas makabuluhang paraan ang mga bagay na taglay natin bilang sakripisyo kay Jehova?

Mga miyembro ng tahanang Bethel sa Australia

9. Pagdating sa paggamit ng ating panahon, anong simulain sa tagubilin ni Jesus sa Lucas 10:2-4 ang maikakapit natin?

9 Panahon. Maraming panahon at pagsisikap ang kailangan para maisalin at maimprenta ang ating mga literatura, magtayo ng mga pasilidad para sa pagsamba, mag-organisa ng mga kombensiyon, tumulong sa mga naapektuhan ng mga kalamidad, at makibahagi sa iba pang mahahalagang gawain. Limitado lang ang bilang ng oras natin sa maghapon. Pero nagbigay si Jesus ng simulain na makatutulong sa atin. Nang isugo niya ang kaniyang mga alagad para mangaral, sinabi niya na huwag nilang “yakapin sa daan ang sinuman bilang pagbati.” (Luc. 10:2-4) Bakit nagbigay si Jesus ng gayong tagubilin? Sinabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Ang mga pagbati ng mga taga-Silangan ay naiiba kaysa sa atin na bahagyang yumuyukod, o nakikipagkamay. Sa halip, nagbabatian sila sa pamamagitan ng maraming ulit na pagyakap, pagyukod, at pagpapatirapa pa nga. Ang lahat ng ito ay umuubos ng maraming panahon.” Hindi naman sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na huwag silang magpakita ng kagandahang-asal. Sa halip, ipinakikita niya na limitado lang ang panahon nila at kailangan nilang gamitin iyon sa mas mahahalagang bagay. (Efe. 5:16) Maikakapit ba natin ang simulaing ito para magkaroon tayo ng mas maraming panahon sa gawaing pang-Kaharian?

Mga mamamahayag ng Kaharian sa isang Kingdom Hall sa Kenya, Aprika

10, 11. (a) Sa anu-anong paraan ginagamit ang ating mga donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain? (b) Anong simulain sa 1 Corinto 16:1, 2 ang makatutulong sa atin?

10 Pera. Malaking halaga ang kailangan para masuportahan ang mga gawaing pang-Kaharian. Taun-taon, milyun-milyong dolyar ang inilalaan para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa, special pioneer, at mga misyonero. Mula noong 1999, mahigit 24,500 Kingdom Hall na ang naitayo sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Pero halos 6,400 Kingdom Hall pa ang kailangan. Buwan-buwan, mga 100 milyong kopya ng Bantayan at Gumising! ang iniimprenta. Lahat ng ito ay nasusuportahan sa tulong ng iyong kusang-loob na donasyon.

11 Naglaan si apostol Pablo ng simulaing maikakapit kapag nag-aabuloy. (Basahin ang 1 Corinto 16:1, 2.) Hinimok niya ang mga kapatid sa Corinto na sa pasimula pa lang ng sanlinggo, magbukod na agad sila ng iaabuloy ayon sa kaya nila sa halip na hintayin pa ang dulo ng sanlinggo at ibigay kung ano lang ang natira. Gaya noong unang siglo, ang mga kapatid sa ngayon ay patiunang nagpaplano para bukas-palad na makapagbigay ayon sa kakayahan nila. (Luc. 21:1-4; Gawa 4:32-35) Pinahahalagahan ni Jehova ang gayong pagkabukas-palad.

Isang boluntaryo sa Regional Building Committee sa Tuxedo, New York, E.U.A.

12, 13. Ano ang nakahahadlang sa iba para higit na gamitin sa gawaing pang-Kaharian ang kanilang lakas at mga kakayahan? Pero paano sila tutulungan ni Jehova?

12 Lakas at mga kakayahan. Tinutulungan tayo ni Jehova sa pagsisikap nating gamitin ang ating lakas at mga kakayahan para sa Kaharian. Nangangako siyang tutulungan tayo kapag nanghihimagod tayo. (Isa. 40:29-31) Nadarama ba nating kulang tayo sa kakayahan para makatulong sa gawain? Iniisip ba nating may ibang mas kuwalipikado kaysa sa atin? Tandaan, kayang pasulungin ni Jehova ang ating likas na mga kakayahan, gaya ng ginawa niya kina Bezalel at Oholiab.Ex. 31:1-6; tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.

13 Pinasisigla tayo ni Jehova na huwag hayaang may makapigil sa atin sa pagbibigay ng ating buong makakaya. (Kaw. 3:27) Noong itinatayong muli ang templo, sinabi ni Jehova sa  mga Judio sa Jerusalem na suriin kung ano ang ginagawa nila para suportahan ang pagtatayo. (Hag. 1:2-5) Dahil sa mga panggambala, hindi na sila makapagpokus sa gawain. Makabubuting pag-isipan natin kung ang ating mga priyoridad ay katulad ng mga priyoridad ni Jehova. Maaari ba nating ‘ituon ang ating puso sa ating mga lakad’ para higit na makasuporta sa gawaing pang-Kaharian sa mga huling araw na ito?

MGA SAKRIPISYO AYON SA TAGLAY NATIN

14, 15. (a) Paano tayo napapatibay ng halimbawa ng ating mga kapatid na limitado ang pinansiyal na kakayahan? (b) Ano ang dapat nating maging hangarin?

14 Marami sa ngayon ang nakatira sa mahihirap na lugar. Sinisikap ng ating organisasyon na ‘punan’ ang kakulangan ng ating mga kapatid na nakatira sa gayong mga bansa. (2 Cor. 8:14) Pero kahit ang mga kapatid na limitado ang pinansiyal na kakayahan ay nagpapahalaga sa pribilehiyong magbigay. Natutuwa si Jehova kapag ang gayong mga kapatid ay masayang nagbibigay.2 Cor. 9:7.

15 Sa isang napakahirap na bansa sa Aprika, may mga kapatid na nagbubukod ng maliit na bahagi ng kanilang taniman at ginagamit ang napagbilhan ng mga inani roon para suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Sa bansa ring iyon, isang Kingdom Hall ang isinaayos na maitayo. Gustung-gustong makatulong ng mga kapatid na tagaroon. Pero natapat ang pagtatayo sa panahon ng pagtatanim. Dahil talagang determinadong makatulong, sa araw ay nagtatrabaho sila sa Kingdom Hall at sa bandang gabi naman ay nagtatanim sila sa bukid. Napakalaki ngang sakripisyo! Maaalala natin dito ang mga kapatid sa Macedonia noong unang siglo. Kahit nasa “matinding karalitaan,” nagsumamo sila na mabigyan ng pribilehiyong tumulong sa isinasagawang proyekto. (2 Cor. 8:1-4) Tulad nila, bawat isa sa atin nawa ay ‘magbigay ng katumbas ng pagpapalang ibinibigay ni Jehova.’Basahin ang Deuteronomio 16:17.

16. Paano natin matitiyak na kaayaaya kay Jehova ang ating mga sakripisyo?

16 Gayunman, mayroon tayong dapat isaalang-alang kapag nagsasakripisyo. Gaya ng ginawa ng mga Israelita noon, dapat nating tiyakin na ang ating kusang-loob na pagsasakripisyo ay kaayaaya sa Diyos. Dapat tayong maging balanse at huwag nating pabayaan ang ating pinakamahahalagang responsibilidad may kaugnayan sa ating pamilya at personal na pagsamba kay Jehova. Kapag nagbibigay tayo ng ating panahon at mga tinatangkilik para sa iba, hindi natin dapat pabayaan ang espirituwal o pisikal na kapakanan ng ating pamilya. Dahil kapag napabayaan natin ang mga bagay na ito, parang pinipilit nating ibigay ang hindi naman natin maibibigay. (Basahin ang 2 Corinto 8:12.) Dapat din nating ingatan ang ating sariling espirituwalidad. (1 Cor. 9:26, 27) Kapag namumuhay tayo ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, makatitiyak tayong ang mga sakripisyo natin ay magdudulot sa atin ng kagalakan at magiging “lalo nang kaayaaya” kay Jehova.

NAPAKAHALAGA NG ATING MGA SAKRIPISYO

17, 18. Ano ang nadarama natin sa lahat ng nagsasakripisyo para sa Kaharian?

17 Marami sa ating mga kapatid ang ‘nagbubuhos ng kanilang sarili na tulad ng mga handog na inumin’ para suportahan ang mga gawaing pang-Kaharian. (Fil. 2:17) Talagang pinahahalagahan natin sila. Pinapupurihan din natin ang asawa at mga anak ng mga brother na nangunguna sa gawain dahil sa kanilang pagkabukas-palad at pagsasakripisyo.

18 Kailangan ang puspusang pagsisikap para suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Pag-isipan nawa nating lahat nang may pananalangin kung paano tayo lubusang makatutulong sa gawaing ito. Makapagtitiwala kang tatanggap ka ngayon ng maraming pagpapala at ng mas marami pa “sa darating na sistema ng mga bagay.”Mar. 10:28-30.

^ par. 2 Tingnan ang artikulong “Maghandog kay Jehova ng Buong-Kaluluwang mga Hain” sa Bantayan, Enero 15, 2012, pahina 21-25.