Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Gawin Ninyo Ito Bilang Pag-alaala sa Akin’

‘Gawin Ninyo Ito Bilang Pag-alaala sa Akin’

“Nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at sinabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’”1 COR. 11:24.

1, 2. Ano ang malamang na iniisip ng mga apostol bago ang huling paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem?

NAKITA ng mga bantay sa Jerusalem na sumilip na ang buwan. Ipinagbigay-alam ito sa Sanedrin at idineklara naman nila ang pasimula ng isang bagong buwan, ang Nisan. Ipinatalastas iyan sa pamamagitan ng hudyat na apoy o ng mga mensahero. Alam ng mga apostol na malapit na ang panahon ng Paskuwa. Malamang na iniisip nilang gusto ni Jesus na makarating sa Jerusalem bago mag-Paskuwa.

2 Nang panahong iyon, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nasa Perea (sa kabila ng Jordan) bago ang huling paglalakbay niya patungong Jerusalem. (Mat. 19:1; 20:17, 29; Mar. 10:1, 32, 46) Noon, kapag natukoy na ng mga Judio ang unang araw ng buwan ng Nisan, ang Paskuwa ay idinaraos nila pagkaraan ng 13 araw, pagkalubog ng araw sa Nisan 14.

3. Bakit angkop lang na maging interesado ang mga Kristiyano sa petsa ng Paskuwa?

3 Ang petsa ng Hapunan ng Panginoon, na petsa rin ng Paskuwa, ay papatak ng Abril 14, 2014, pagkalubog ng araw. Espesyal na araw iyan para sa mga tunay na Kristiyano at sa mga interesado. Bakit? Dahil mababasa natin sa 1 Corinto 11:23-25: “[Si] Jesus, nang gabing ibibigay na siya, ay kumuha ng tinapay at, nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at sinabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’ Gayundin ang ginawa niya may kinalaman sa kopa.”

4. (a) Anong mga tanong ang maaaring pag-isipan tungkol sa Memoryal? (b) Paano nalalaman taun-taon ang petsa ng Memoryal? (Tingnan ang kahong  “Memoryal 2014.”)

4 Tiyak na dadalo ka sa kaisa-isang okasyon na iniutos ni Jesus na alalahanin ng kaniyang mga tagasunod taun-taon. Bago dumating ang petsang iyon, tanungin ang sarili: ‘Paano ako maghahanda para sa gabing iyon? Anong  mga emblema ang gagamitin sa Memoryal? Paano gaganapin ang okasyong iyon? Bakit mahalaga sa akin ang Memoryal at ang mga emblema?’

ANG MGA EMBLEMA

5. Ano ang ipinahanda ni Jesus para sa huling Paskuwa niya kasama ng mga apostol?

5 Nang sabihin ni Jesus sa mga apostol na maghanda ng silid para sa hapunan ng Paskuwa, wala siyang binanggit na magagarbong dekorasyon; sa halip, malamang na ang gusto lang niya ay isang maayos at malinis na silid na sapat ang laki para sa mga imbitado. (Basahin ang Marcos 14:12-16.) May ilang bagay silang ihahanda para sa salu-salong iyon, kasama rito ang tinapay na walang lebadura at pulang alak. Pagkatapos ng hapunan ng Paskuwa, may sinabi si Jesus tungkol sa dalawang emblemang iyon.

6. (a) Pagkatapos ng hapunan ng Paskuwa, ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa tinapay? (b) Anong uri ng tinapay ang ginagamit sa Memoryal?

6 Naroon si apostol Mateo at isinulat niya nang maglaon: “Kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo.’” (Mat. 26:26) Ang “tinapay” ay walang pampaalsa, gaya ng ginagamit sa Paskuwa. (Ex. 12:8; Deut. 16:3) Gawa ito sa harinang trigo at tubig, at walang lebadura o pampalasang gaya ng asin. Dahil walang lebadura, hindi ito umalsa. Matabang ito, tuyo, malutong, at madaling pagputul-putulin. Sa ngayon, bago ang Memoryal, maaaring hilingin ng mga elder sa isang kapatid na gumawa ng gayong tinapay. Gamit ang harinang trigo at tubig, maaaring lutuin iyon sa isang kawali na pinahiran ng kaunting mantika. (Kung walang harinang trigo, maaaring gumamit ng harinang mula sa bigas, sebada, mais, o iba pang binutil.)

7. Anong alak ang ginamit ni Jesus? Anong uri ng alak ang maaaring gamitin ngayon sa Memoryal?

7 Nagpatuloy si Mateo: “Kumuha [si Jesus] ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat.’” (Mat. 26:27, 28) Ang kinuha ni Jesus ay kopa ng pulang alak. (Hindi iyon sariwang katas ng ubas dahil matagal nang natapos ang pag-aani ng ubas.) Walang ginamit na alak sa unang Paskuwa sa Ehipto, pero hindi sinabi ni Jesus na maling uminom nito sa Paskuwa. Gumamit  pa nga siya ng alak sa Hapunan ng Panginoon. Kaya naman may alak sa Memoryal ng mga Kristiyano. Dahil walang kailangang idagdag para maging mas mabisa ang dugo ni Jesus, ang alak na ginagamit ay walang halong brandy o pampalasa. Purong pulang alak ang dapat gamitin, maaaring gawang-bahay o binili, gaya ng Beaujolais, Burgundy, o Chianti.

ANG KAHULUGAN NG MGA EMBLEMA

8. Bakit interesado ang mga Kristiyano sa kahulugan ng tinapay at ng alak?

8 Nilinaw ni apostol Pablo na bukod sa mga apostol, ipagdiriwang din ng iba pang mga Kristiyano ang Hapunan ng Panginoon. Sumulat siya sa mga kapatid sa Corinto: “Tinanggap ko mula sa Panginoon yaong ibinigay ko rin sa inyo, na ang Panginoong Jesus . . . ay kumuha ng tinapay at, nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at sinabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’” (1 Cor. 11:23, 24) Kaya naman hanggang ngayon, idinaraos ng mga Kristiyano ang espesyal na okasyong ito taun-taon at interesado sila sa kahulugan ng tinapay at ng alak.

9. Ano ang maling paniniwala ng ilan tungkol sa tinapay na ginamit ni Jesus?

9 Ikinakatuwiran ng ilang relihiyoso na literal na sinabi ni Jesus: ‘Ito ang aking katawan,’ kaya naniniwala sila na ang tinapay ay makahimalang naging laman ni Jesus. Pero hindi ganiyan ang nangyari. * Ang katawan ni Jesus ay nasa harap ng tapat na mga apostol, pati ang kakainin nilang tinapay na walang lebadura. Maliwanag na gumamit si Jesus ng makasagisag na pananalita, gaya ng madalas niyang gawin.Juan 2:19-21; 4:13, 14; 10:7; 15:1.

10. Ano ang inilalarawan ng tinapay sa Hapunan ng Panginoon?

10 Ang tinapay na nakikita at kakainin ng mga apostol ay nangangahulugan ng katawan  ni Jesus. Anong katawan? Dati, iniisip ng mga lingkod ng Diyos na dahil pinagputul-putol ni Jesus ang tinapay pero walang buto niya ang binali noong patayin siya, ang tinapay ay nangangahulugan ng “katawan ng Kristo,” ang kongregasyon ng mga pinahiran. (Efe. 4:12; Roma 12:4, 5; 1 Cor. 10:16, 17; 12:27) Pero nang maglaon, naunawaan nila batay sa lohika at Kasulatan na ang tinapay ay lumalarawan sa katawang-tao ni Jesus. Siya ay “nagdusa sa laman” at ibinayubay pa nga. Kaya sa Hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay lumalarawan sa katawan ni Jesus na “nagdala ng ating mga kasalanan.”1 Ped. 2:21-24; 4:1; Juan 19:33-36; Heb. 10:5-7.

11, 12. (a) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa alak? (b) Ano ang inilalarawan ng alak sa Hapunan ng Panginoon?

11 Makakatulong iyan sa atin na maunawaan ang sinabi ni Jesus tungkol sa alak. Mababasa natin: “Gayundin ang ginawa niya may kinalaman sa kopa, pagkatapos niyang makapaghapunan, na sinasabi: ‘Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo.’” (1 Cor. 11:25) Ang pananalitang ginamit sa maraming Bibliya ay katulad ng literal na salin ni Robert Young: “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo.” Ang kopa bang hawak ni Jesus ang bagong tipan? Hindi. Ang salitang “kopa” ay tumutukoy sa nilalaman nito—ang alak. Ano ang sinabi ni Jesus na kahulugan o inilalarawan ng alak? Ang kaniyang dugo na ihahandog niya.

12 Sa Ebanghelyo ni Marcos, mababasa nating sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami.” (Mar. 14:24) Oo, ang dugo ni Jesus ay “ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” (Mat. 26:28) Kaya ang pulang alak ay angkop na lumalarawan sa literal na dugo ni Jesus. Sa bisa ng dugong iyon, matatamo natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos, “ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali.”Basahin ang Efeso 1:7.

Ang mga apostol ay uminom ng alak na lumalarawan sa “dugo ng tipan” ni Jesus (Tingnan ang parapo 11, 12)

PAG-ALAALA SA KAMATAYAN NI KRISTO

13. Ilarawan kung paano ginaganap ang taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

13 Kung ngayon ka pa lang makakadalo sa Memoryal ng mga Saksi ni Jehova, ano ang maaari mong makita? Malamang na ang pagtitipon ay gaganapin sa isang maganda at malinis na dako kung saan komportable ang lahat. Posibleng may mga bulaklak doon bilang palamuti, pero walang magagarbong dekorasyon na parang may party. Isang kuwalipikadong elder ang magpapahayag sa malinaw at kagalang-galang na paraan salig sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa okasyon. Tutulungan niya ang lahat na pahalagahan ang ginawa ni Kristo para sa atin. Namatay siya bilang pantubos para mabuhay tayo. (Basahin ang Roma 5:8-10.) Ipaliliwanag ng tagapagsalita ang dalawang pag-asang binabanggit sa Bibliya para sa mga Kristiyano.

14. Sa pahayag sa Memoryal, anong mga pag-asa ang tatalakayin?

14 Isa sa mga iyon ang pag-asang mamahala sa langit kasama ni Kristo. Ito ang pag-asa ng isang maliit na bilang ng mga tagasunod ni Kristo, kasama na ang tapat na mga apostol. (Luc. 12:32; 22:19, 20; Apoc. 14:1) Ang isa pa ay ang pag-asa ng karamihan sa mga Kristiyano na tapat na naglilingkod sa Diyos sa panahon natin. May pag-asa silang mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. Pagkatapos, mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya ng sa langit, na matagal nang ipinapanalangin ng mga Kristiyano. (Mat. 6:10) Inilalarawan sa Bibliya ang napakagandang buhay na mararanasan nila magpakailanman.Isa. 11:6-9; 35:5, 6; 65:21-23.

15, 16. Ano ang ginagawa sa tinapay sa Hapunan ng Panginoon?

15 Matapos talakayin ang mga pag-asang iyan, sasabihin ng tagapagsalita na dumating  na ang pagkakataon para tularan ang ginawa ni Jesus noong Hapunan ng Panginoon. Gaya ng nabanggit na, dalawang emblema ang gagamitin, tinapay na walang lebadura at pulang alak. Ang mga ito ay maaaring nasa isang mesa malapit sa tagapagsalita. Itatawag-pansin niya ang isang ulat ng Bibliya tungkol sa mga sinabi at ginawa ni Jesus nang pasimulan niya ang okasyong ito. Halimbawa, mababasa natin sa ulat ni Mateo: “Kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’” (Mat. 26:26) Pinagputul-putol ni Jesus ang tinapay para maipasa niya ito sa mga apostol sa magkabilang panig niya. Sa pagtitipon sa Abril 14, may makikita kang tinapay na walang lebadura na pinagputul-putol na at nasa mga plato.

16 Sapat na bilang ng mga plato ang gagamitin sa okasyon para mabilis na maipasa ang mga iyon sa lahat ng dumalo. Wala itong anumang espesyal na ritwal. Isang maikling panalangin ang bibigkasin, at saka maayos na ipapasa ang mga plato sa paraang praktikal para sa lokasyon. May ilang kakain ng tinapay (o baka wala), gaya ng nangyari noong 2013 sa karamihan ng mga kongregasyon.

17. Sa Memoryal, paano tinutularan ang sinabi ni Jesus tungkol sa alak?

17 Pagkatapos, itatawag-pansin ng tagapagsalita ang sumunod na sinabi ni Mateo: “Kumuha [si Jesus] ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.’” (Mat. 26:27, 28) Bilang pagsunod sa parisang iyan, magkakaroon ng isa pang panalangin at ipapasa ang mga “kopa” ng pulang alak sa lahat ng dumalo.

18. Kahit iilan lang o walang makibahagi sa mga emblema, bakit mahalaga pa ring dumalo sa Memoryal?

18 Tanging ang mga mamamahalang kasama ni Jesus sa langit ang makikibahagi sa mga emblema. Kaya karamihan sa mga dumalo ay hindi makikibahagi kapag ipinasa ang mga iyon. (Basahin ang Lucas 22:28-30; 2 Tim. 4:18) Sila ay magalang na magmamasid lang. Pero ang pagdalo nila sa Hapunan ng Panginoon ay mahalaga, dahil ipinakikita nito kung gaano nila pinahahalagahan ang hain ni Jesus. Sa pagdiriwang ng Memoryal, mabubulay-bulay nila ang mga pagpapalang maaari nilang matamo salig sa haing pantubos ni Jesus. May pag-asa silang mapabilang sa “malaking pulutong” na makaliligtas sa “malaking kapighatian.” Sila ang mga mananamba na ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at nagpaputi ng mga iyon sa dugo ng Kordero.’Apoc. 7:9, 14-17.

19. Ano ang maaari mong gawin para makapaghanda at makinabang sa Hapunan ng Panginoon?

19 Pinaghahandaan ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang espesyal na pagtitipong ito. Ilang linggo bago ang okasyon, iimbitahan nating dumalo ang pinakamaraming tao hangga’t posible. Bukod diyan, sa mga araw bago ang Memoryal, karamihan sa atin ay magbabasa ng mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga ginawa ni Jesus at sa mga nangyari noong mga araw bago ang Hapunan ng Panginoon ng 33 C.E. Isasaayos natin ang ating iskedyul para tiyak na makadalo sa Memoryal. Makabubuting dumating nang maaga bago ang pambungad na awit at panalangin para mabati natin ang mga bisita at makinabang sa buong programa. Lahat tayo, mga miyembro ng kongregasyon at mga bisita, ay talagang makikinabang kung susubaybayan natin sa ating Bibliya ang ipinaliliwanag ng tagapagsalita. Pinakamahalaga, ipakikita ng ating pagdalo sa Memoryal na taos-puso nating pinahahalagahan ang hain ni Jesus at sinusunod ang kaniyang utos: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”1 Cor. 11:24.

^ par. 9 Sinabi ng Alemang iskolar na si Heinrich Meyer na hindi iisipin ng mga apostol na katawan ni Jesus ang kakainin nila at dugo niya ang iinumin nila, dahil “ang katawan ni Jesus ay buo pa (buháy pa).” Sinabi rin niya na “simpleng pananalita” ang ginamit ni Jesus para ipaliwanag kung ano ang inilalarawan ng tinapay at ng alak at hindi niya gugustuhing mali ang maging intindi nila sa sinabi niya.