Paano Tayo Dapat ‘Sumagot sa Bawat Tao’?
“Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, . . . upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”
1, 2. (a) Maglahad ng karanasan na nagpapakitang mahalaga ang paggamit ng pinag-isipang mga tanong. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Bakit hindi tayo dapat matakot na makipag-usap tungkol sa mahihirap na paksa?
MINSAN, habang nakikipag-usap ang isang sister sa kaniyang asawang di-Saksi tungkol sa Bibliya, sinabi nito na naniniwala siya sa Trinidad. Naisip ng sister na baka hindi talaga naiintindihan ng asawa niya kung ano ang Trinidad, kaya mataktika siyang nagtanong, “Naniniwala ka ba na ang Diyos ay Diyos, si Jesus ay Diyos, at ang banal na espiritu ay Diyos; pero hindi tatlo ang Diyos kundi isa lang?” Sumagot ang asawa niya, “Hindi!” Dahil doon, napag-usapan nila kung sino talaga ang Diyos.
2 Makikita sa karanasang ito na mahalaga ang mataktikang paggamit ng pinag-isipang mga tanong. Makikita rin dito ang isang mahalagang punto: Hindi tayo dapat matakot na makipag-usap tungkol sa mahihirap na paksa, gaya ng Trinidad, impiyerno, o ang pag-iral ng isang Maylalang. Kung magtitiwala tayo kay Jehova at sa pagsasanay niya sa atin, makapagbibigay tayo ng sagot na makaaabot sa puso ng ating kausap. (Col. 4:6) Suriin natin ngayon kung paano nakikipag-usap ang epektibong mga ministro tungkol sa gayong mga paksa. Tatalakayin natin kung paano (1) magtatanong para malaman ang paniniwala ng kausap, (2) mangangatuwiran batay sa Kasulatan, at (3) gagamit ng mga ilustrasyon para ipakita ang punto.
MAGTANONG PARA MALAMAN ANG PANINIWALA NG KAUSAP
3, 4. Bakit mahalagang magtanong para malaman ang paniniwala ng ating kausap? Magbigay ng halimbawa.
3 Makakatulong ang pagtatanong para malaman natin ang paniniwala ng isang tao. Bakit iyon mahalaga? “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan,” ang sabi ng Kawikaan 18:13. Kaya bago ipaliwanag ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang paksa, alamin muna natin kung ano talaga ang paniniwala ng ating kausap. Masasayang lang kasi ang panahon natin sa pagpapatunay na mali ang isang turo na hindi rin naman pala niya pinaniniwalaan.
4 Ipagpalagay na nakikipag-usap tayo sa isang tao tungkol sa impiyerno. Hindi lahat ay naniniwala na isa itong maapoy na lugar kung saan pinahihirapan ang masasama. Marami ang naniniwala na ang ibig sabihin lang nito ay kawalan ng kaugnayan sa Diyos. Kaya puwede nating sabihin: “Iba-iba ang paniniwala tungkol sa impiyerno. Ikaw, ano’ng paniniwala mo?” Kapag narinig na natin ang kaniyang sagot, mas matutulungan natin siyang maintindihan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang ito.
5. Paano makakatulong ang pagtatanong para malaman kung bakit naniniwala ang kausap natin sa isang bagay?
5 Makakatulong din ang mataktikang pagtatanong para malaman kung bakit ganoon ang paniniwala ng kausap natin. Halimbawa, paano kung sabihin ng kausap natin sa ministeryo na hindi siya naniniwala sa Diyos? Baka isipin natin agad na naiimpluwensiyahan siya ng teoriya ng ebolusyon. (Awit 10:4) Pero may ilan na hindi naniniwala sa Diyos dahil sa matinding pagdurusang nakita nila o naranasan. Baka hindi nila maintindihan kung bakit hinahayaan ng isang mapagmahal na Maylalang ang gayong pagdurusa. Kaya kapag sinabi ng may-bahay na hindi siya kumbinsidong may Diyos, puwede nating itanong, “Dati na bang ganiyan ang paniniwala mo?” Kapag sinabi niyang hindi, maaari nating itanong kung bakit nagdududa siya ngayon kung may Diyos. Makakatulong ang sagot niya para malaman natin kung paano siya matutulungan.
6. Ano ang dapat nating gawin pagkatapos magtanong?
6 Pagkatapos magtanong, kailangan nating pakinggang mabuti ang sagot ng ating kausap at sabihing iginagalang natin ang opinyon niya. Halimbawa, baka sabihin ng isa na dahil sa isang trahedya kaya hindi siya naniniwalang may maibiging Maylalang. Bago patunayan sa kaniya na may Diyos, makabubuting makisimpatiya muna at sabihing hindi maling magtanong kung bakit tayo nagdurusa. (Hab. 1:2, 3) Kapag nakita niyang matiyaga tayo at nagmamalasakit, baka maging interesado siyang matuto nang higit pa. *
MANGATUWIRAN BATAY SA KASULATAN
7. Ano ang kailangan nating gawin para maging epektibo sa ministeryo?
7 Talakayin natin ngayon kung paano mangangatuwiran batay sa Kasulatan. Siyempre, ang Bibliya ang pangunahing gamit natin sa ministeryo. Tinutulungan tayo nito na maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Tim. 3:16, 17) Para maging epektibo sa ministeryo, hindi lang tayo basta magbabasa ng mga teksto. Kailangang alam din natin kung paano mangangatuwiran at magpapaliwanag gamit ang mga iyon. (Basahin ang Gawa 17:2, 3.) Bilang halimbawa, pag-isipan ang sumusunod na tatlong senaryo.
8, 9. (a) Paano tayo maaaring mangatuwiran sa isa na naniniwalang kapantay ng Diyos si Jesus? (b) Anong iba pang pangangatuwiran sa paksang ito ang nakita mong epektibo?
8 Senaryo 1: May nakausap tayo na naniniwalang kapantay ng Diyos si Jesus. Anong mga teksto ang puwede nating gamitin? Maaari nating ipabasa sa kaniya ang Juan 6:38, kung saan sinasabi ni Jesus: “Bumaba ako mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” Pagkatapos, puwede nating itanong: “Kung si Jesus ang Diyos, sino ang nagsugo sa kaniya mula sa langit? Hindi kaya Isa na nakatataas kay Jesus? Tutal, mas mataas ang nagsusugo kaysa sa isinusugo.”
9 Puwede rin nating basahin ang Filipos 2:9, kung saan inilarawan ni apostol Pablo ang ginawa ng Diyos matapos mamatay si Jesus at buhaying muli. Sinasabi ng talata: “Dinakila siya [si Jesus] ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” Para matulungan ang kausap natin na gumawa ng tamang konklusyon batay sa tekstong ito, puwede nating itanong: “Kung si Jesus ay kapantay ng Diyos bago siya mamatay at pagkatapos ay dinakila siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon, lalabas na magiging mas mataas pa siya sa Diyos. Posible ba ’yon?” Kung may paggalang sa Salita ng Diyos at tapat-puso ang kausap natin, mapapakilos siya ng gayong pangangatuwiran na suriin pa ang paksang ito.
10. (a) Paano tayo maaaring mangatuwiran sa isa na naniniwala sa impiyerno? (b) Anong pangangatuwiran tungkol sa impiyerno ang nakita mong epektibo?
10 Senaryo 2: Isang taong relihiyoso ang nahihirapang maniwala na hindi parurusahan nang walang hanggan sa impiyerno ang masasama. Maaaring naniniwala siya sa impiyerno dahil gusto niyang maparusahan ang masasama. Paano tayo puwedeng mangatuwiran sa kaniya? Una, tiyakin natin sa kaniya na ang masasama ay talagang parurusahan. (2 Tes. 1:9) Pagkatapos, ipabasa natin sa kaniya ang Genesis 2:16, 17, na nagsasabing ang parusa sa kasalanan ay kamatayan. Ipaliwanag natin na dahil sa kasalanan ni Adan, ang lahat ng tao ay ipinanganak na makasalanan. (Roma 5:12) Pero puwede nating banggitin na walang sinabi ang Diyos tungkol sa pagpaparusa sa impiyerno. Pagkatapos ay itanong natin, “Kung talagang pahihirapan magpakailanman sina Adan at Eva, hindi ba’t dapat na iyon ang sinabi ng Diyos sa kanila?” Saka natin basahin ang Genesis 3:19, kung saan sinabi ng Diyos ang parusa sa kanilang kasalanan pero walang binanggit tungkol sa impiyerno. Sa halip, sinabi kay Adan na babalik siya sa alabok. Puwede nating itanong, “Makatuwiran bang sabihin ng Diyos kay Adan na babalik siya sa alabok gayong sa impiyerno pala siya mapupunta?” Kung makatuwiran ang kausap natin, makakatulong ang gayong tanong para pag-isipan pa niya ang paksang ito.
11. (a) Paano tayo maaaring mangatuwiran sa isa na naniniwalang sa langit pupunta ang lahat ng mabubuting tao? (b) Anong pangangatuwiran tungkol sa paksang ito ang nakita mong epektibo?
11 Senaryo 3: May nakausap tayo na naniniwalang sa langit pupunta ang lahat ng mabubuting tao. Ang paniniwalang ito ay makaaapekto sa pagkaunawa niya sa sinasabi ng Bibliya. Ipagpalagay na binasa natin ang Apocalipsis 21:4. (Basahin.) Baka isipin niyang ang mga pagpapalang binanggit sa teksto ay sa langit mangyayari. Paano tayo mangangatuwiran sa kaniya? Sa halip na gumamit ng iba pang teksto, maaari tayong magpokus sa isang detalye sa tekstong ito. Sinasabi nito na “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” Puwede natin siyang tanungin, “Hindi ba kapag sinabing hindi na magkakaroon ng isang bagay, ibig sabihin, nagkaroon nito dati?” Malamang na sasang-ayon siya. Pagkatapos, sabihin nating wala namang namamatay sa langit; sa lupa lang iyon nangyayari. Kaya makatuwirang isipin na ang tinutukoy sa Apocalipsis 21:4 ay mga pagpapala dito sa lupa.
GUMAMIT NG MGA ILUSTRASYON PARA IPAKITA ANG PUNTO
12. Bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon?
12 Bukod sa mga tanong, gumamit din si Jesus ng mga ilustrasyon sa pangangaral. (Basahin ang Mateo 13:34, 35.) Nakatulong ang mga ilustrasyon ni Jesus para mahayag ang tunay na motibo ng mga nakikinig sa kaniya. (Mat. 13:10-15) Nakatulong din ang mga ito para magustuhan at matandaan ng mga tao ang mga turo ni Jesus. Paano tayo gagamit ng mga ilustrasyon sa ating pagtuturo?
13. Paano natin maipapakita na mas mataas ang Diyos kaysa kay Jesus?
13 Ang mga simpleng ilustrasyon ang pinakaepektibo. Halimbawa, kapag ipinaliliwanag na mas mataas ang Diyos kaysa kay Jesus, maaari nating subukan ito: Una, banggitin natin na ginamit ng Diyos at ni Jesus ang kaugnayan ng magkapamilya para ilarawan ang kaugnayan nila sa isa’t isa. Tinukoy ng Diyos si Jesus bilang kaniyang Anak, at tinukoy naman ni Jesus ang Diyos bilang kaniyang Ama. (Luc. 3:21, 22; Juan 14:28) Pagkatapos, tanungin natin ang may-bahay: “Kung gusto mong ituro sa akin na magkapantay ang dalawang indibiduwal sa pamilya, paano mo sila ilalarawan?” Kung sasabihin niyang magkapatid, o kambal pa nga, banggitin natin na kadalasan nang iyon ang unang maiisip ng isa. Pagkatapos ay sabihin natin sa kaniya: “Kung naisip mo agad ang gayong ilustrasyon, hindi kaya maiisip din iyon ni Jesus
14. Anong ilustrasyon ang nagpapakitang hindi makatuwirang isipin na gagamitin ng Diyos ang Diyablo para pahirapan sa impiyerno ang mga tao?
14 Tingnan ang isa pang halimbawa. Naniniwala ang ilan na si Satanas ang “namamahala” sa impiyerno. Makakatulong ang isang ilustrasyon para makita ng isang magulang na hindi makatuwirang isipin na gagamitin ng Diyos ang Diyablo para pahirapan sa impiyerno ang mga tao. Puwede nating sabihin: “Ipagpalagay na nagrerebelde ang anak mo at maraming ginagawang di-maganda. Ano ang gagawin mo?” Malamang na isagot niyang pagsasabihan niya ito. Baka paulit-ulit pa nga niya itong papayuhan. (Kaw. 22:15) Pagkatapos, itanong natin sa kaniya kung ano ang gagawin niya kapag ayaw talagang makinig ng kaniyang anak. Malamang na sabihin ng magulang na parurusahan niya ito. Puwede nating itanong, “Paano kung malaman mong may isang tao pala na nagturo sa anak mo na magrebelde?” Tiyak na magagalit ang magulang sa taong iyon. Para ipakita ang punto ng ilustrasyon, itanong natin sa kaniya, “Kung ang masamang taong ’yon ang nagsulsol sa anak mo, siya pa ba ang hihilingan mong magparusa sa anak mo?” Siyempre, sasabihin niyang hindi. Kaya maliwanag, hindi gagamitin ng Diyos si Satanas para parusahan ang mga taong inimpluwensiyahan niya mismo na gumawa ng masama!
MANATILING BALANSE
15, 16. (a) Bakit hindi natin dapat asahan na lahat ay tatanggap ng mensahe ng Kaharian? (b) Kailangan bang likas na mahusay tayong magturo para maging epektibo sa ministeryo? Ipaliwanag. (Tingnan din ang kahong “Isang Pantulong Para Makapagbigay ng Sagot.”)
15 Gumamit man tayo ng pinakamabibisang tanong, pinakamahuhusay na argumento, at pinakamagagandang ilustrasyon, hindi lahat ay tatanggap ng mensahe ng Kaharian. (Mat. 10:11-14) Tandaan na iilan lang ang tumanggap sa mga turo ni Jesus, kahit na siya ang pinakadakilang Guro na nabuhay kailanman sa lupa.
16 Kung sa tingin naman natin ay hindi tayo likas na mahusay magturo, puwede pa rin tayong maging epektibo sa ministeryo. (Basahin ang Gawa 4:13.) Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na “lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay tatanggap ng mabuting balita. (Gawa 13:48) Kaya lagi nawang maging balanse ang pananaw natin sa ating sarili at sa mga pinangangaralan natin. Samantalahin natin ang pagsasanay ni Jehova at magtiwalang para iyon sa kapakanan natin at ng mga nakikinig sa atin. (1 Tim. 4:16) Matutulungan tayo ni Jehova na ‘makapagbigay ng sagot sa bawat tao.’ Sa susunod na artikulo, makikita natin na ang isang paraan para magtagumpay sa ministeryo ay ang pagkakapit ng Gintong Aral.
^ par. 6 Tingnan ang artikulong “Posible Bang Magkaroon ng Pananampalataya sa Maylalang?” sa Ang Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2009.